“Isang Bagong Yugto,” Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2022)
Kabanata 39: “Isang Bagong Yugto”
Kabanata 39
Isang Bagong Yugto
Noong Martes, ika-6 ng Setyembre 1955, sumakay si Helga Meyer ng tren patungong Kanlurang Berlin. Nalaman niya at ng iba pang mga miyembro ng Neubrandenburg Branch kamakailan na papunta sa lunsod ang Tabernacle Choir para magtanghal ng isang konsiyerto. Nililibot ng koro ang Europa mula noong kalagitnaan ng Agosto, nagtatanghal sa mga lunsod mula Glasgow hanggang sa Copenhagen bago ang paglalaan ng Swiss Temple. Iyon ang pinakamahalagang gawain ng koro simula nang magtanghal ito sa Pandaigdigang Eksibit sa Chicago anim na dekada na ang nakararaan. Para sa marami na dumalo sa mga konsiyerto, ang marinig na umawit ang koro ay isang namumukod-tanging karanasan.1
Matagal nang hindi praktikal na itawid sa karagatan ang mahigit 350 miyembro ng koro, ngunit naniniwala si Pangulong David O. McKay na panahon na para makipagsapalaran ang koro sa labas ng Hilagang Amerika. “Wala nang mas malakas na puwersa para sa gawaing misyonero kaysa sa Tabernacle Choir,” sabi niya nang ibinalita ang mga plano.2
Ang buong paglilibot ay ang bunga ng maraming gawain, paghahanda, at panalangin, ngunit ang presensya ng koro sa Kanlurang Berlin ay talagang kahanga-hanga. Ang matataas na antas ng negosasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Unyong Sobyet ay naganap upang pahintulutan ang malaking grupo ng mga Amerikano na maglakbay sa German Democratic Republic sa kanlurang bahagi ng lunsod.3
Nang marinig nina Helga at iba pang mga Banal sa Silangang Alemanya ang tungkol sa darating na pagbisita ng koro, humingi sila ng pahintulot na maglakbay patungong Kanlurang Berlin. Bagama’t magtatanghal ang koro sa mga magbabayad na tagapakinig sa gabi, magbibigay din ito ng libreng “rehearsal concert” sa araw para sa mga residente ng GDR at mga refugee ng Silangang Alemanya na nakatira ngayon sa Kanlurang Alemanya. Walang gaanong pera ang mga Meyer, ngunit ang negosyo sa pangingisda ni Kurt at ang trabaho ni Helga bilang guro sa kindergarten ay nagpapasok ng sapat na kita para makapaglakbay nang mag-isa si Helga papuntang Kanlurang Berlin at bumili ng tiket para sa konsiyerto sa gabi.4
Nang dumating ang tren ni Helga sa Kanlurang Berlin, nilisan niya ang istasyon at nagpunta sa maluwang na arena sa palakasan ng Schöneberg para sa libreng konsiyerto sa hapon. Halos puno ng tao ang bulwagan, ngunit nagawa niyang makahanap ng upuan malapit sa entablado.
Sina Helga, Kurt, at kanilang mga anak ay gumugol ng maraming gabi na magkakatabing nakaupo sa tabi ng radyo, nakikinig sa mga brodkast ng Tabernacle Choir. Dahil mula sa Estados Unidos ang programa, pinanatiling mahina ng pamilya ang tunog upang walang sinuman sa kalye ang makarinig sa musika at isuplong sila. Ngunit ngayon ay maaari siyang makinig nang walang takot, hinahayaang dumaloy ang mga salita at musika sa buong paligid niya.5
Nagsimula ang koro gamit ang musika ng mga bantog na kompositor na Aleman na sina Bach, Handel, at Beethoven. Pagkatapos ay nagbago ang daloy ng konsyerto sa mga minamahal na himnong “Aking Ama” at “Mga Banal, Halina.” Hindi nauunawaan ni Helga ang mga salitang Ingles sa mga himno, ngunit habang pinupuno ng mga tinig ng mga mang-aawit ng masayang tunog ang lugar, napuspos ang kanyang puso.
Ito ang kanyang mga tao, natanto ni Helga, na nagmula sa malayo.6
Makalipas ang ilang oras, bumalik siya sa bulwagan para sa konsiyerto ng koro sa gabi. Sa pagkakataong ito ang mga Banal sa Kanlurang Alemanya, mga kawal na Amerikano, at mga opisyal ng pamahalaan ang karamihan sa mga nakaupo sa punong bulwagan. Ang konsiyerto ay inirekord upang ibrodkast ito ng Malayang Radyo ng Europa [Radio Free Europe], isang istasyon ng Amerika sa Kanlurang Alemanya, sa mga taong nakatira sa GDR, Czechoslovakia, Poland, at iba pang mga komunistang bansa sa gitna at silangang Europa.7
Muli, natuwa si Helga habang pinakikinggan niya ang musika. Pinasigla siya ng Espiritu ng Panginoon, at siya at ang mga nakapaligid sa kanya ay hindi mapigilan ang pagdaloy ng mga luha. Tila ito langit sa lupa.
Nang matapos ang konsiyerto, lumabas ng bulwagan ang koro at nagsimulang sumakay ng kanilang bus. Sinundan sila sa labas ni Helga at ng isang grupo ng mga Banal sa Alemanya at inawit ang “Patnubayan Nawa Kayo ng Diyos.” Nagwagayway sila ng mga panyo sa hangin hanggang sa hindi na makita ang huling bus.8
Makalipas ang ilang araw, noong Linggo, ika-11 ng Setyembre 1955, pumarada si Pangulong McKay sa siksikang paradahan sa dulo ng Bern, Switzerland. Sa nakalipas na ilang taon, sinubaybayan niya ang pag-usad sa pagtatayo ng dalawang templo sa Europa mula sa malayo. Kamakailan lamang, isinagawa niya ang seremonyal na paghuhukay ng lupa para sa templo sa London. At ngayon ay dumating na siya upang ilaan ang bagong tapos na Swiss Temple.9
Isang matagumpay na sandali iyon para kay Pangulong McKay. Sa loob ng maraming henerasyon ay pinagmumulan ng lakas ng Simbahan ang Europa. Kapwa isinilang ang mga magulang ng propeta sa Europa. Ang pamilya ng kanyang ama ay sumapi sa Simbahan sa Scotland, at ang pamilya ng kanyang ina ay kabilang sa mga naunang nabinyagan sa Wales. Ngayon ay hindi na kinakailangan ng mga Banal sa Europa na tumawid ng karagatan upang matamasa ang mga pagpapala ng templo, tulad ng ginawa ng kanyang mga magulang at lolo’t lola.10
Sa loob ng ilang araw, bumuhos ang ulan sa Bern. Ngunit sa umagang ito, bughaw na kalangitan at sikat ng araw ang sumalubong kay Pangulong McKay. Ang simple at makabagong panlabas ng templo ay namukod-tangi sa harap ng mga punong evergreen. Ang gusali ay kulay krema, na may mga hanay ng mga puting pilaster at matataas na bintana na nasa sa gilid nito. Isang ginintuang taluktok ng tore, na sinusuportahan ng isang maningning na puting pundasyon, ang makikita hanggang sa itaas ng mga pintuang tanso sa harapan. At sa malayo, malinaw na nakikita mula sa bakuran ng templo, ay ang Kabundukan ng Jura at ang maringal na Swiss Alps.11
Nang pumasok si Pangulong McKay sa templo, dumaan siya sa ilalim ng malalaking titik sa itaas ng pinto. Das Haus des Herrn, ang mensaheng mababasa sa wikang Aleman. Ang Bahay ng Panginoon. Sa unang pagkakataon, ang mga salitang ito ay makikita sa isang templo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang wikang bukod sa Ingles.12
Makalipas ang ilang minuto, nang sumapit ang alas-diyes, tumayo ang propeta sa isang pulpito sa silid ng pagtitipon sa ikatlong palapag. Ang mga tagapakinig na humigit kumulang na anim na daang katao, mahigit kalahati sa kanila ay mga miyembro ng Tabernacle Choir, ang nakamasid. May dagdag pang siyam na raang tao na nakaupo sa iba pang mga silid sa templo habang nakikinig sa mga pangyayari sa mga loudspeaker.13
Matapos ang awit ng koro at isang dasal, malugod na tinanggap ni Pangulong McKay ang lahat ng dumalo at sinabing kasama nila ang diwa ng mga nakaraang pangulo ng Simbahan. Kabilang sa kanila, sabi niya, ay si Joseph F. Smith, na nagpropesiya sa Bern kalahating siglo na ang nakararaan na balang-araw ay itatayo ang mga templo sa mga bansa sa iba’t ibang panig ng mundo.14
Si Samuel Bringhurst, na tinawag kamakailan bilang pangulo ng Swiss Temple, ang sumunod na nagsalita. Isinalaysay niya ang hirap sa paghahanap ng lote at nagpatotoo tungkol sa patnubay ng Panginoon na mahanap ang kasalukuyang lugar.15
Kasunod na nagsalita si Apostol Ezra Taft Benson. Sinabi niya sa mga tagapakinig ang tungkol sa kanyang lola sa ama, si Louisa Ballif, na ang mga magulang ay sumapi sa Simbahan sa Switzerland noong dekada ng 1850 at nandayuhan sa Utah. Noong siya ay binatilyo pa sa Idaho, nakinig si Ezra sa pagsasalaysay ng kanyang lola tungkol sa pagbabalik-loob ng kanyang pamilya at ang kanyang pagmamahal sa dating bansa.
“Tinitiyak ko sa inyo,” sabi ng apostol, “minahal ko na ang Switzerland bago ko pa man ito nakita.”
Pagkatapos ay pinagnilayan ni Elder Benson ang kanyang misyon sa mga Banal sa Europa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Binanggit niya ang pagpunta sa Vienna at Zełwągi. At masaya niyang ginunita ang kabaitan ng mga opisyal ng pamahalaan ng Switzerland na tumulong sa Simbahan na mamahagi ng tulong.16
Pagkaupo ni Elder Benson, bumalik si Pangulong McKay sa pulpito upang ilaan ang bahay ng Panginoon. “O Diyos, ang Amang Walang Hanggan,” dalangin niya. “Sa sagradong okasyong ito, ang pagtatapos at paglalaan ng unang templo na itatayo ng Simbahan sa Europa, inaalay namin ang aming puso at itinataas ang aming mga tinig sa Iyo nang may papuri at pasasalamat.” Pinasalamatan niya ang Panginoon para sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at sa makabagong paghahayag, at sa mga Swiss, na ilang siglo nang iginagalang ang karapatang sumamba ayon sa kanilang budhi.
Sa kanyang panalangin, tila nababalisa ang propeta sa kawalang-paniniwala ng mga tao sa mga lupain kung saan ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi na ngayon maipangangaral. “Pagpalain ang mga pinuno ng mga bansa,” pagsusumamo niya, “upang ang kanilang mga puso ay alisan ng mga maling palagay, paghihinala, at pagkaganid at mapuspos ng pagnanais na magkaroon ng kapayapaan at kabutihan.”
Tinapos ni Pangulong McKay ang pang-umagang sesyon sa paglalaan sa pamamagitan ng pangunguna sa mga nagtipon doon na gawin ang Sigaw ng Hosana.17 Sa sesyon, hiniling niya kay Ewan Harbrecht, isang bata pang soprano sa Tabernacle Choir, na tumayo at umawit. Ang lola ni Ewan ay isinilang sa Alemanya at naging isa sa mga unang miyembro ng Cincinnati Branch.
Saanman sila nagtanghal sa Europa, sinalubong si Ewan at ang koro ng malakas na palakpakan. Ngunit sa das Haus des Herrn, isang mapayapang pagpipitagan ang nanahan sa silid. “Basbasan ang bahay na ito,” pag-awit niya.
Pagpalain yaong mga tao rito
Panatilihin silang dalisay at malaya mula sa kasalanan
Pagpalain kaming lahat upang kami ay
Manahan sa iyo O, Panginoon nang karapat-dapat.18
Nang sumunod na Huwebes, pumasok si Jeanne Charrier sa Swiss Temple upang dumalo sa huli sa siyam na sesyon ng paglalaan. Napaliligiran ng mga kapwa Banal mula sa French Mission, kabilang na sina Léon at Claire Fargier, nalulugod si Jeanne na makapunta sa bahay ng Panginoon, napabilang sa mga Europeo na malapit nang magsagawa ng mga walang hanggang tipan.19
Nagsalita si Pangulong McKay, tulad ng ginawa niya sa bawat isa sa mga nakaraang sesyon. Nakadama si Jeanne ng espesyal na ugnayan sa propeta, na nakilala niya sa isang kumperensya sa Paris nang naglibot ito sa Europa noong 1952. Isang taon pa lamang siyang miyembro ng Simbahan noong panahong iyon, at ang sakit ng hindi pagtanggap ng kanyang mga magulang ay sariwa pa rin. Huminto si Pangulong McKay upang tanungin siya tungkol sa kanyang binyag at kung ano ang naging buhay niya mula noon. Sa halip na kamayan lamang siya, niyakap siya nito, na tila yakap ng isang lolo, na nakatulong sa pagpawi ng ligalig sa kanyang kalooban.20
Nang malugod na sinalubong sa templo ni Pangulong McKay ang mga Banal ng French Mission, ang kanyang mga salita ay isinalin ni Robert Simond, isang Swiss na matagal nang miyembro ng Simbahan na naglingkod sa panguluhan ng mission. “Ang paglalaang ito ay tanda ng kapanahunan sa kasaysayan ng Simbahan,” sinabi ng propeta sa mga Banal. “Sa ilang paraan ay sinisimulan nito ang isang bagong panahon.”21
Pagkatapos ay nagsalita siya sa mga taong malapit nang matanggap ang mga ordenansa ng initiatory at endowment. Nais niyang maging handa silang maunawaan ang mga dakilang alituntunin ng buhay na nakapaloob sa karanasan sa templo.
“Ang makita o maisaisip ang kaluwalhatian ng gawain sa templo ay parang pagtatamo ng patotoo tungkol sa kabanalan ng gawain ni Cristo,” sabi niya. “Sa ilan, ang kaluwalhatian ng katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay kaagad na dumarating. Sa iba ay mas mabagal itong dumarating, ngunit tiyak.”22
Ang unang mga sesyon ng endowment sa Swiss Temple ay nakatakdang simulan sa susunod na linggo. Ngunit matapos malaman kung gaano karaming mga Banal ang kailangang bumalik sa kanilang mga bansa bago niyon, hiniling ni Pangulong McKay kay Gordon B. Hinckley kung maaaring magtrabaho ang kanyang grupo sa buong magdamag upang ihanda ang templo para sa gawain ng endowment sa Biyernes ng umaga.23
Noong Biyernes ng hapon, bumalik si Jeanne sa templo kasama ang iba pang mga Banal na nagsasalita ng wikang Pranses. Ang unang dalawang sesyon ng endowment sa araw na iyon ay nasa wikang Aleman, at dahil ang endowment ay isang bagong karanasan para sa karamihan ng mga kalahok, lahat ay naging mas matagal kaysa inaasahan. Nang magsimula ang sesyon sa wikang Pranses, lumubog na ang araw, at may mga susunod pang sesyon sa ibang wika.24
Matapos makinig kay apostol Spencer W. Kimball na magsalita sa isang espesyal na pulong sa chapel ng templo, nakibahagi sina Jeanne at iba pang mga Banal na Pranses sa mga ordenansa ng initiatory at endowment. Sa isang silid, pinanood nila ang bagong pelikula ng templo sa wikang Pranses at nalaman pa ang tungkol sa paglikha sa mundo, ang Pagkahulog nina Adan at Eva, at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nakipagtipan sila sa Diyos at natanggap ang pangako ng dakilang pagpapala sa buhay na ito at sa buhay na darating.25
Nang matapos ang sesyon ni Jeanne, hatinggabi na. Ang mga Banal mula sa Sweden, Finland, Netherlands, Denmark, at Norway ay patuloy na tumatanggap ng kanilang endowment sa mga sesyon na nagpatuloy maghapon magdamag hanggang sa malalim na oras ng Sabado ng gabi.26
Matapos makibahagi sa mga ordenansa sa templo, naunawaan ni Jeanne na ito ay isang lugar ng pananampalataya at pag-asa na maghahanda sa kanya na makapasok sa kinaroroonan ng Diyos balang-araw. At bagama’t hindi pa handa ang kanyang pamilya sa lupa na marinig ang mensahe ng ebanghelyo, sabik siyang gumawa ng gawain para sa mga yumaong ninuno na naghihintay na tumanggap ng mga pagpapala ng templo.
“Walang malilimutan,” naisip niya.27
Isang linggo na malaking hamon iyon para kay Gordon B. Hinckley. Noong pinayagan na siya ng aduana na kunin ang mga film ng pelikula ng endowment, pinangasiwaan niya ang pagkakabit ng puting tabing at sound system ng templo, tinitiyak na magkasabay ang tunog at pelikula sa bawat wika upang matiyak na gumagana nang wasto ang mga ito, at sinasanay ang bagong inhinyero ng temple na si Hans Lutscher, na magsasagawa ng full-time na responsibilidad matapos itong mabigyan ng endowment.28
Natuwa si Gordon at ang kanyang grupo sa maikling pahinga mula sa kanilang abalang iskedyul noong limang araw ng paglalaan, ngunit sa oras na ipinahayag ni Pangulong McKay ang kanyang hangaring simulan agad ang ordenansa sa templo, mabilis silang bumalik sa trabaho.
Mula noong umaga pa ng Biyernes, gumugol si Gordon ng halos dalawang araw sa pagpapatakbo ng prodyektor at sound system. Halos wala na siyang oras upang matulog. At ang mahamog na klima ng taglagas sa Bern ay nagpalala sa naging trangkaso ni Gordon. Ang kanyang mga mata ay naluluha dahil sa walang tigil ang pagtulo ng sipon sa kanyang ilong, parang mabigat ang kanyang ulo, at masakit ang kanyang katawan.29
Gayunpaman, sa paglipas ng oras ng mga sesyon, namangha si Gordon sa kung gaano kahusay na naipalabas ang pelikula ng endowment. Ang mga manggagawa sa templo ay nakaranas ng kakaunting problema lamang sa bagong proseso, sa kabila ng mga hamon na tulungan ang mga tao mula sa napakaraming bansa. Habang pinanonood ang nagaganap na ordenansa, natanto ni Gordon kung gaano kahirap ilahad ito sa pitong wika sa tradisyonal na paraan.30
Nang matapos ang huling sesyon ng endowment noong gabi ng Sabado, pagod na pagod si Gordon. Ngunit bukod sa kanyang mga namumulang mata at paos na lalamunan, nakadama siya ng pagdagsa ng isang bagay na higit na mahalaga. Mula nang magpunta sa Bern, nakita niya ang daan-daang Banal mula sa mga bansa ng Europa na pumasok sa templo. Marami sa kanila ang nagsagawa ng malalaking sakripisyo upang makarating sa paglalaan. Ang ilan sa kanila, napansin niya, ay talagang maralita. Ang iba ay tinitiis ang dalamhating dulot ng pagpanaw ng mga kapamilya at iba pang mga mahal sa buhay noong dalawang digmaang pandaigdig. Napaluha sila habang tinatanggap nila ang endowment at nasaksihan ang kanilang mga pamilya na ibinubuklod para sa kawalang-hanggan.
Higit kailanman, alam ni Gordon nang may katiyakan na binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Pangulong McKay na ihatid ang mga pagpapala ng templo sa kababaihan at kalalakihan ng Europa. Ang makita ang kanilang kagalakan ay nagpapatunay na sulit ang ilang araw na pagpupuyat at mahihirap na araw na naranasan ni Gordon sa nakalipas na dalawang taon.31
Tulad ng karamihan sa mga Banal na nakatira sa GDR, hindi nakapunta si Henry Burkhardt sa Bern para sa paglalaan ng templo o sa mga unang sesyon ng endowment. Sa halip, naghahanda siya ng isang silid sa kisame sa bahay ng kanyang mga magulang kung saan sila maninirahan ni Inge pagkatapos ng kanilang magiging kasal. Nagpasa siya ng aplikasyon para sa sarili niyang apartment, ngunit wala siyang ideya kung kailan o kung ipagkakaloob ito ng pamahalaan. Nagpasiya siya na pagtiisan ang maliit at malamig na silid, na inaasahan niyang ituturing ni Inge na mas maganda pagkatapos niyang maglagay ng bagong wallpaper.
Ilang beses lamang nakita nina Henry at Inge ang isa’t isa sa loob ng siyam na buwan mula nang itakda nila ang kanilang kasal, kadalasan ay kapag tuwing malapit si Henry sa Bernburg para sa isang kumperensya ng district. Binalak nilang maikasal sa huwes noong ika-29 ng Oktubre, at determinado silang mabuklod sa templo sa lalong madaling panahon pagkatapos niyon.32
Bagama’t pinahintulutan ng pamahalaan ng Silangang Alemanya ang mga mamamayan nito na maglakbay patungong Kanlurang Alemanya, hindi magagawang sabihan nina Henry at Inge ang sinuman na magkasama silang maglalakbay palabas ng bansa, dahil maaring isipin ng mga awtoridad na permanente na silang aalis. Kumuha sila ng kanilang mga visa para sa Kanlurang Alemanya sa magkaibang lunsod at nakipagtulungan sa tanggapan ng mission sa Kanlurang Berlin upang kunin ang kanilang mga visa para sa Switzerland. Ayon sa plano, ang mga visa para sa Switzerland ay ipadadala sa tanggapan ng West German Mission sa Frankfurt. Kung hindi darating ang mga papeles, kailangang bumalik ang mag-asawa sa GDR nang hindi nabubuklod.33
Isang araw matapos ang kanilang kasal sa Bernburg, naglakbay sina Henry at Inge nang walang masamang nangyayari patungo sa Kanlurang Alemanya at natagpuan ang kanilang mga visa para sa Switzerland na naghihintay sa kanila. Hindi nagtagal ay bumili sila ng mga balikang tiket papuntang Bern at nag-ukol ng ilang oras sa mga kaibigan sa Kanlurang Alemanya. Saanman sila magpunta, magalang at palakaibigan sa kanila ang mga tao. Namangha sila sa napakasayang pakiramdam na malaya silang makakalibot nang walang anumang pagbabawal.34
Dumating sina Henry at Inge sa Bern noong gabi ng ika-4 ng Nobyembre at ginugol ang natitira sa perang naipon nila para makaupa ng isang maliit na silid malapit sa istasyon ng tren. Kinaumagahan, inakyat ng mag-asawa ang hagdanan sa mga pintuan ng templo at pumasok sa bahay ng Panginoon. Hindi nagtagal ay nakaupo sila sa silid ng endowment ng templo at natanggap ang ordenansa habang ang pelikula sa wikang Aleman ay kumikislap sa puting tabing sa harapan nila.
Pagkatapos ng ordenansa, pumasok sila sa silid ng pagbubuklod at lumuhod sa altar nang magkaharap. Nalaman nila ang maluwalhating mga pangakong ibinigay sa mga pumasok sa tipan ng pagbubuklod. Pagkatapos ay sila na mismo ang ibinuklod magpakailanman.35
“Napakaganda na maging para sa isa’t isa para sa kawalang-hanggan,” pagninilay ni Henry. “Napakalaking responsibilidad, na may maraming pagpapala, ang ibinigay sa atin.”36
Nang sumunod na gabi, naglakad sina Henry at Inge papunta sa istasyon ng tren para sa kanilang paglalakbay pabalik sa kanilang kuwarto sa GDR. Batid nila na hindi na nila kailangang bumalik doon kung ayaw nila. May mga kaibigan sila na makakatulong sa kanilang manatili sa Kanlurang Alemanya. Maaari pa nilang subukang mandayuhan sa Estados Unidos, tulad ng maraming iba pang mga Banal sa Europa.
Gayunman, ayaw ng mag-asawa na lisanin ang kanilang sinilangang bayan. Ang buhay sa GDR ay hindi palaging madali, ngunit naroon ang kanilang pamilya, at may ibinigay sa kanilang gawain ang Diyos.37
Hindi nagtagal ay dumating ang tren, at sumakay na sila. Nililisan ang Switzerland, ni si Henry o si Inge ay walang anumang ideya kung kailan, o kung magagawa nilang bumalik muli sa templo. Subalit nagtiwala sila sa Diyos na gagabayan ang kanilang hinaharap. Nabuklod para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, mas tapat sila kaysa rati sa paglilingkod sa Kanya. At batid nila na hindi Niya sila iiwan kailanman.38