Kabanata 26
Nais Kong Maglingkod
Isang araw matapos maganap ang pagsabog sa Huaraz, inilipat ng mga doktor si Manuel Navarro sa isang klinika sa Lima. Doon ay sinalubong siya ng kanyang mission president, si Enrique Ibarra, at tumanggap ng basbas mula kay Elder Charles A. Didier, isang miyembro ng area presidency. Sa basbas, nangako si Elder Didier na hindi magtatagal ay lalabas ng klinika si Manuel at magbabalik sa mission field.
Matapos gamutin ang iba pang mga sugat ni Manuel, itinuon ng mga doktor ang kanilang pansin sa pag-aayos ng kanyang nasugatang mukha. Hiniwa ng shrapnel ang buto ng pisngi niya at pinutol ang optic nerve ng kanyang kanang mata, kaya kailangang alisin ito. Ang mga magulang niya, na nagpunta sa Lima, ay nagbalita sa kanya. “Anak,” sabi ng kanyang ina, “ooperahan ka nila.”
Nabigla si Manuel. Wala siyang nararamdamang sakit sa mata niya, at hanggang ngayon, hindi niya alam kung bakit ito may benda. Inalo siya ng kanyang ina. “Narito na kami,” sabi nito. “Kasama mo kami.”
May buong pinansyal na suporta mula sa Simbahan, sumailalim si Manuel sa tatlong operasyon upang alisin ang mata niya at gamutin ang nasugatang lalagyan ng mata. Matagal na gamutan ito at inisip ng iba niyang mga kamag-anak na dapat siyang bumalik sa kanyang sinilangang bayan sa oras na makalabas siya ng klinika. Subalit tumanggi si Manuel na lisanin ang mission field. “Ang tipan ko sa Panginoon ay sa loob ng dalawang taon, at hindi pa po tapos ito,” sinabi niya sa kanyang ama.
Habang nagpapagaling sa klinika, tumanggap ng mga dalaw si Manuel mula kay Luis Palomino, isang kaibigan mula sa sinilangang bayan niya na nag-aaral sa Lima. Bagama’t pinahirapan ng kanyang mga sugat na makipag-usap kay Luis, nagsimulang ibahagi ni Manuel ang mga araling misyonero. Nagulat at napahanga si Luis sa pasiya ni Manuel na tapusin ang misyon nito.
“Gusto kong malaman kung ano ang naghihikayat sa iyo,” sabi sa kanya ni Luis. “Bakit napakalakas ng pananampalataya mo?”
Anim na linggo matapos ang pagsabog, nilisan ni Manuel ang klinika at nagsimulang maglingkod sa tanggapan ng mission sa Lima. Naroon pa rin ang banta ng terorismo, at natatakot siya tuwing may nakikita siyang kotse na kahawig ng sumabog. Sa gabi naman, nahihirapan siyang matulog nang walang gamot.
Bawat araw, may isang elder sa mission office na nagpapalit ng benda ni Manuel. Hindi makayanan ni Manuel na tumingin sa salamin at makitang wala na ang kanyang isang mata. Mga tatlong linggo matapos siyang lumabas ng klinika, tumanggap siya ng prosthetic na mata.
Isang araw, nagpunta si Luis sa mission office para dalawin si Manuel. “Gusto kong mabinyagan,” sabi nito sa kanya. “Ano ang kailangan kong gawin?” Hindi kalayuan ang mission office sa tinitirhan ni Luis, kaya nang mga sumunod na ilang linggo, itinuro nina Manuel at ng kompanyon niya kay Luis ang mga natitirang bahagi ng aralin sa kalapit na kapilya. Labis na natutuwa si Manuel na magturo sa isang kaibigan, at sabik na tinapos ni Luis ang lahat ng mga mithiin na itinakda niya kasama ang mga misyonero.
Noong Oktubre 14, 1990, bininyagan ni Manuel si Luis. Binabagabag pa rin siya ng sugat niya, pero ginawang posible ng matinding pagsubok na magbinyag siya ng isang kaibigan mula sa kanyang sinilangang bayan—isang bagay na hindi niya inaasahang magagawa niya sa kanyang misyon. Pag-ahon ni Luis mula sa tubig, nagyakapan sila, at malakas na nadama ni Manuel ang Espiritu. Alam niyang nadarama rin ito ni Luis.
Upang gunitain ang okasyon, nagbigay si Manuel kay Luis ng Biblia. “Kapag nagdidilim ang mga araw,” isinulat ni Manuel sa pabalat sa loob, “tandaan lamang ang araw na ito, ang araw na muli kang isinilang.”
Samantala sa Utah, tumanggap ng tawag sa telepono si Darius Gray mula sa kaibigan niyang si Margery “Marie” Taylor, isang espesyalista sa African American genealogy sa Family History Library ng Simbahan sa Salt Lake City. Nakahanap ito ng ilang rolyo ng microfilm na may mahahalagang tala ng African American, at halos hindi nito maitago ang saya. “Kailangan mong pumunta rito para mapahalagahan mo ito,” sabi ni Marie.
Nagtataka, sumang-ayon si Darius na makipagkita sa kanya. Ang Family History Library ang pinakamalaking genealogy center o sentro ng talaangkanan sa mundo, at ilang daang libong tao ang nagpupunta rito bawat taon. Nang unang nagpunta si Darius sa silid-aklatan, halos wala siyang alam tungkol sa kanyang mga ninuno maliban sa mga nalaman niya mula sa mga kuwento at litrato ng pamilya. Si Marie ang tumulong sa kanyang makahanap pa ng dagdag na mga sagot. Bagama’t si Marie mismo ay hindi Itim, pinatunayan niyang bihasa niyang magagabayan si Darius sa pagsaliksik ng mga tala tungkol sa pamilya nito at sa kasaysayan ng mga Itim na tao sa Estados Unidos.
Nang dumating si Darius sa Family History Library, ipinakita sa kanya ni Marie ang mga talang nakita niya. Ang Freedman’s Savings and Trust Company ay itinatag ng Kongreso ng U.S. noong 1865 upang magbigay ng pinansyal na seguridad sa mga isinilang nang malaya at dating aliping African American. Higit sa isang daang libong tao ang nagbukas ng mga account sa bangko, pero nalugi ito makalipas ang siyam na taon, tangay ang mga pinaghirapang ipon ng mga kliyente nito.
Sa kabila ng pagkalugi ng bangko, ang mga aklat ng tala nito ay lubhang napakahalaga sa mga genealogist. Madalas na nahihirapang humanap ang mga inapo ng mga inaliping tao ng mga detalye tungkol sa kanilang mga ninuno. Ang mga talang karaniwang ginagamit ng mga tao upang kilalanin ang mga apelyido at petsa—gaya ng mga nakalista sa sementeryo, rehistro ng botante, at mga sertipiko ng kapanganakan at kamatayan—ay maaaring hindi itinala para sa mga inaliping tao o hindi madaling makuha. Pero ang mga tala ng Freedman’s Bank ay naglalaman ng napakaraming personal na impormasyon tungkol sa mga may account dito, kabilang na ang mga pangalan ng mga kapamilya at kung saan sila naging alipin. May iba pang mga tala na naglalaman ng pisikal na deskripsiyon o paglalarawan ng mga kliyente.
Agad na nakita ni Darius ang kahalagahan ng impormasyong ito sa mga African American. Ngunit naging malubhang problema mismo ang mga tala para sa mga researcher o mananaliksik. Ang mga clerk na nagtatala ng impormasyon sa mga aklat ay itinala ang mga pangalan at detalye ng mga account holder sa pagkakasunod-sunod batay sa kung kailan sila nagbukas ng account, hindi ayon sa unang titik ng apelyido nila. Nangangahulugan ito na kailangang maingat na suriin ng mga researcher o mananaliksik ang mga aklat ng talaan nang kada linya hanggang sa makita nila ang impormasyong hinahanap nila. Upang mapakinabangan, kailangang mas maisaayos ng mga tala.
Tinanong ni Marie si Darius kung maaaring tumulong ang mga miyembro ng Genesis Group para kumopya at mag-indeks ng mga tala, pero kulang ang dami ng mga taong may sapat na oras—o personal computer—para isagawa ang gawain. Sumulat si Darius sa isa sa mga apostol para itanong kung maaaring tumulong ang Simbahan. Bagama’t ipinadama ng apostol ang kanyang suporta, sinabi niyang hindi maisasagawa ng Simbahan ang proyekto. Noong panahong iyon, karaniwang hindi itinataguyod ng headquarters ng Simbahan ang mga proyekto ng pagkuha ng pangalan. Ang mga stake at ward ang namamahala sa trabahong iyon.
Nauubusan na ng mga opsiyon, nagkaroon ng ibang ideya si Marie. Sa nakaraang dalawampu’t limang taon, nagtayo ang Simbahan ng mahigit sa isang libo’t dalawang daang mga family history center sa apatnapu’t limang bansa. Ang mga center na ito ay mga lugar kung saan ang mga taong miyembro at hindi miyembro ng Simbahan ay maaaring may malaman tungkol sa mga ninuno nila. Kadalasan ay bahagi ng mga stake ang mga center, pero may alam si Marie na family history center na kailan lamang ay binuksan sa Utah State Prison. Maaaring gamitin ng mga preso ang center isang oras kada linggo. Paano kung hingin nila ni Darius ang tulong ng mga ito sa proyekto ng Freedman’s Bank?
Nakipag-usap si Marie sa direktor ng family history sa piitan, at hindi nagtagal, apat na boluntaryong preso ang matiyagang gumagawa sa mga talaan.
Noong Setyembre 1990, nag-aral si Alice Johnson sa Holy Child Teacher Training College sa Takoradi, Ghana. Mahigit isang taon na ang lumipas mula nang ipinahinto ng pamahalaan ang pag-iral ng Simbahan sa bansa, na agad nagpahinto sa kanyang misyon. Noong una, hindi niya alam kung ano ang susunod na gagawin. Pero sa mungkahi ng kapatid niyang babae, nagpasiya siyang maging guro, at tinanggap siya ng training college nang sumunod na pasukan.
Habang nananatili ang freeze, sa loob ng ilang buwan, idinaos ni Alice at ng iba pang mga miyembro ng Simbahan ang pagsamba sa tahanan. Si Emmanuel Kissi, ang pangulo ng Accra Ghana District, ang pansamantalang gumanap na mission president at namumunong awtoridad ng Simbahan sa bansa. Naglakbay siya sa iba’t ibang lugar sa Ghana, binibisita at pinalalakas ang mga Banal. Pinahintulutan ng pamahalaan ang mga “essential services” ng Simbahan na manatiling bukas nang pansamantala, tinutulutan ang ilang empleyado ng Simbahan na patuloy na magtrabaho sa welfare, edukasyon ng Simbahan, at sa distribusyon o pamamahagi. Hindi makapagbayad ang mga Banal ng ikapu o makapagbigay ng mga handog, pero may ilang nagtabi ng kanilang mga kita, matiyagang hinihintay ang panahong makapagbibigay ulit sila ng mga donasyon.
Hindi tulad nina William Acquah at ng ibang mga Banal na ikinulong saglit sa Cape Coast, walang naranasang panggugulo si Alice noong panahon ng freeze. Siya at ang iba pang mga kaibigan ay magtitipon tuwing Linggo sa isang pribadong tahanan upang makibahagi sa sacrament, magdasal, at magbigay ng mga mensahe. Ang mga magulang niya, na patuloy na naglilingkod sa kanilang misyon nang hindi nagsusuot ng name tag o kasuotan ng mga misyonero, ay bumibisita sa kanya tuwing napapadaan sila sa lugar. Subalit pakiramdam ni Alice ay wala siyang nagagawang pag-unlad sa sarili habang hinihintay niyang manumbalik ang normal na mga miting sa Simbahan.
Sa wakas, noong Nobyembre 1990, nalaman ni Alice na inalis na ng pamahalaan ang pagbabawal nito sa Simbahan. Mula noong simula ng freeze, hiniling nina Pangulong Kissi at ng iba pang mga Banal sa mga opisyal ng pamahalaan na wakasan na ang mga pagbabawal. Bilang tugon sa maling impormasyon ukol sa mga turo ng Simbahan, nagsulat sila ng mahahabang liham na nagpapaliwanag sa doktrina at kasaysayan ng Simbahan at personal na nagpetisyon sa mga lider ng pamahalaan. Nang nagsabi ng mga alalahanin ang mga opisyal tungkol sa dating restriksyon sa priesthood ng Simbahan, ipinaliwanag ng mga Banal na tinatamasa ng mga miyembrong Itim ang lahat ng mga karapatan na mayroon ang sinumang miyembro ng Simbahan. Ang ibang simbahan na dating sumasalungat sa mga Banal sa mga Huling Araw ay ipinagtanggol din ang karapatang sumamba ng mga Banal nang matanto nilang inilalagay rin sa alanganin ng freeze ang kanilang sariling kalayaang pangrelihiyon.
Ang isang mahalagang tao na susi sa pagwawakas ng pagbabawal ay si Isaac Addy, ang tagapamahala ng Simbahan sa rehiyon para sa mga temporal affairs sa Ghana. Siya ang mas matandang kapatid-sa-ina ng pangulo ng Ghana na si Jerry Rawlings. Hindi nag-uusap ang magkapatid, at ayaw ni Isaac na makipag-usap kay Jerry tungkol sa freeze. Subalit isang araw, si Georges Bonnet, ang direktor para sa temporal affairs sa Africa, ay matagumpay na nakumbinsi siyang manalangin hanggang sa lumambot ang puso niya sa kanyang kapatid. Ginawa ito ni Isaac, at inantig ng Espiritu ang puso niya. Pumayag siyang makipagkita kay Jerry. Nag-usap sila noong gabing iyon, at sa pagwawakas ng kanilang talakayan, naayos na nila ang kanilang mga alitan. Kinabukasan, nagpasiya ang pamahalaan na wakasan ang freeze.
Emosyonal si Alice nang bumalik siya sa mga pampublikong pulong ng Simbahan sa unang pagkakataon sa loob ng labinwalong buwan. Halos isang daang mga Banal ang dumalo sa Takoradi Branch noong araw na iyon, at tumagal ang pulong nang mahigit dalawang oras dahil napakaraming tao ang nagpunta sa harapan at nagbahagi ng kanilang patotoo.
Kapwa kasabikan at pag-aalala ang nadama ni Alice habang iniisip niya ang mga nabinyagan mula sa kanyang mission sa Koforidua. Inisip niya kung nanatili kayang tapat sa ebanghelyo ang mga ito noong nakaraang isa’t kalahating taon. Alam niyang may ilang miyembro ng Simbahan ang pinanghinaan-ng-loob at iniwan ang Simbahan.
‘Di nagtagal mula nang magwakas ang freeze, inorganisa ang unang dalawang stake sa Ghana. Sa Cape Coast, ang ama ni Alice na si Billy Johnson ay hinirang na maglingkod bilang stake patriarch. Samantala, pinahintulutan ng pamahalaan ang mga Banal na ituloy ang gawaing misyonero sa bansa. Si Grant Gunnell, ang bagong hirang na president ng Ghana Accra Mission, ay ipinatawag si Alice para sa isang interbyu. Natagpuan niya ang animnapu sa mga misyonerong naglilingkod bago ipinatupad ang freeze at nais niyang malaman kung handa silang bumalik sa mission field.
“Gusto mo bang bumalik at maglingkod sa misyon matapos mong mag-aral?” tanong niya.
“Hindi po,” walang alinlangan nitong sagot. “Gusto ko pong maglingkod ngayon mismo.”
“Ano?” tanong ng pangulo, gulat sa mabilis nitong sagot.
“Gusto ko pong maglingkod ngayon mismo,” inulit nito. Ang inuuna lagi ni Alice ang maglingkod sa Diyos, at handa siyang ihinto nang pansamantala ang kanyang pag-aaral para sa Kanya.
Hindi nagtagal ay bumalik si Alice sa mission field. Nang sinabi niya ito sa kanyang ama, isang lalaking naglaan ng napakalaking bahagi ng kanyang buhay sa pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo, hindi ito nagulat.
“Iyan ang anak ko,” sabi nito.
Nang matapos ni Manuel Navarro ang kanyang misyon noong Marso 1991, nagpunta ang mga magulang niya sa Lima para sunduin siya. Dahil hindi siya nakatira sa isang stake, ni-release siya ng lokal na mission president mula sa paglilingkod. Pero hindi pa handa si Manuel na bumalik sa Nazca, ang kanyang sinilangang-bayan sa timog Peru. Nangako siya sa isang kaibigan sa kanyang huling area na pupunta siya sa binyag nito, kaya nanatili sila sa lunsod ng kanyang mga magulang nang isang linggo pa.
Isang umaga, lumabas si Manuel at ang ama niya para bumili ng tinapay sa almusal. Natanto ng kanyang ama na nakalimutan nitong magdala ng pera, kaya pumihit ito at bumalik papasok. “Hintayin mo ako rito,” sabi nito.
Napatigil si Manuel. Matapos magkaroon ng kompanyon sa misyon sa napakatagal na panahon, kakatwa ang pakiramdam na mag-isa sa kalye. Makalipas ang ilang sandali, nagpasiya siyang manatili lang doon. “Hindi na ako misyonero,” naisip niya.
Kahit matapos bumalik sa Nazca, nahirapan si Manuel na makibagay sa buhay matapos ang misyon—lalo na at may sugat siya. Mas mahirap makipagkamay gamit ang isang mata lang. Lagi niyang nailalagay sa maling lugar ang kanyang kamay. Pagkatapos ay isang brother sa kanyang branch ang nagsimulang makipaglaro sa kanya ng ping-pong, at tinuturuan ang isang mata niya na sundan ang maliit na bola upang magkaroon ng mas mainam na depth perception.
Buwan ng Abril, lumipat si Manuel sa mas malaking lunsod, ang Ica, upang simulan ang kanyang pag-aaral sa unibersidad ng kursong automotive mechanics. Wala pang 160 kilometro ang layo nito mula sa Nazca, at mayroon siyang mga kaibigan at pamilyang nakatira doon. Nakatira siya sa bahay ng kanyang tiyahin at may sarili siyang kuwarto. Nag-aalala sa kanya ang kanyang ina at tinatawagan siya sa telepono halos bawat gabi. “Anak,” madalas na sinasabi sa kanya, “laging tatandaan ang panalangin.” Tuwing nagdadalamhati, nanalangin siya para sa lakas at nakakasumpong siya ng kanlungan sa Panginoon.
Upang mahikayat ang mga dalaga’t binata na magkita at mag-usap, nagkaroon ang Ica stake ng mga klase sa institute at may grupo ng single adult na nagdaraos ng mga aktibidad at debosyonal. Nakatagpo si Manuel ng tahanan sa mga aktibidad na ito at sa kanyang bagong ward sa Ica. Bagama’t madalas tingnan ng mga bata sa simbahan ang kanyang pekeng mata, tinatrato siya ng mga nakatatanda bilang karaniwang miyembro.
Isang araw, inanyayahan si Manuel na makipag-usap kay Alexander Nunez, ang stake president sa Ica. Kilala ni Manuel si President Nunez mula pa noong tinedyer siya sa Nazca, at binisita ni President Nunez ang kanyang klase sa seminary bilang coordinator para sa Church Educational System. Lubos ang paghanga sa kanya ni Manuel.
Habang iniinterbyu, hinirang ni President Nunez si Manuel para maglingkod bilang miyembro ng stake high council.
“Wow!” sabi ni Manuel sa kanyang sarili. Karaniwan, ang mga Banal na tinatawag maglingkod sa mga tungkulin sa stake ay mas matanda at mas marami ang karanasan kaysa sa kanya. Subalit nagpahayag ng pagtitiwala sa kanya si President Nunez.
Noong mga sumunod na linggo, binisita ni Manuel ang mga ward na itinalaga sa kanya. Noong una, nahihiya siya habang nakikipagtulungan sa mga lider ng ward. Pero natutuhan niyang magpokus sa tungkulin niya, hindi sa kanyang sarili. Habang pinag-aaralan niya ang mga hanbuk ng Simbahan at nagrereport sa stake, hindi na siya nangangamba na masyado pa siyang bata para sa kanyang posisyon. Nakadama siya ng kasiyahan sa pagbabahagi sa mga Banal sa stake ng kanyang patotoo, pagdalo sa mga debosyonal, at paghikayat sa kabataan na magmisyon.
Hindi nawala ang mga problemang dulot ng mga sugat ni Manuel. Kung minsan kapag nag-iisa siya, nalulungkot at natatakot siya kapag naiisip niya ang pag-atakeng naranasan niya. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mahimalang mga kuwento ng mga tapat na tao na pinagaling mula sa kanilang mga sakit o iningatan mula sa panganib. Pero nagkuwento rin ang mga ito ng tungkol sa mga taong gaya nina Job at Joseph Smith, nagdusa ng pasakit at kawalang-hustisya nang walang agad na kaligtasan. Kung minsan, kapag iniisip niya ang kanyang mga sugat, napapaisip si Manuel, “Bakit nangyari ito sa akin?”
Gayunpaman, alam niyang suwerte siyang makaligtas mula sa pag-atake. Sa mga buwang kasunod ng kanyang pagkakapinsala, tinarget at pinatay ng mga terorista ang mga miyembro at misyonero ng Simbahan, na nagpalaganap ng kalungkutan at takot sa mga Banal sa Peru. Pero nagbabago na ang mga bagay-bagay. Sinimulan ng pamahalaan ng Peru ang pagpuksa sa terorismo, kaya nabawasan ang mga pag-atake. At sa loob ng Simbahan, tinanggap ng mga lokal na Banal ang isang pagsisikap na tinawag na “Magtiwala sa Panginoon,” na nag-aanyaya sa kanilang mag-ayuno, manalangin, at magpakita ng pananampalataya na ililigtas sila laban sa karahasan sa kanilang bansa.
Nalaman ni Manuel na ang kanyang pag-aaral at paglilingkod sa Simbahan ay nakatutulong sa kanyang harapin ang mga paghihirap niya. Nagtiwala siya sa Panginoon at madalas na iniisip Siya.
Noong panahong bumalik si Manuel mula sa kanyang misyon, si Gordon B. Hinckley, ang unang tagapayo sa Unang Panguluhan, ay naglakbay sa Hong Kong upang tingnan ang mga posibleng lugar para sa bahay ng Panginoon. Bilang batang apostol, pinangasiwaan niya ang paglago ng Simbahan sa Asia, at lubos siyang natuwa sa pag-unlad nito. Ang rehiyon ay mayroon na ngayong dalawang daang libong mga Banal at apat na templo, na matatagpuan sa Japan, Taiwan, South Korea, at sa Pilipinas. Habang ang mga bansang gaya ng Myanmar, Laos, Mongolia, at Nepal ay wala pang presensya ng Simbahan, inoorganisa ang mga bagong branch sa Singapore, Indonesia, Malaysia, at India.
Ang Hong Kong, na kinalalagyan ng opisina ng Asia Area ng Simbahan, ay isang teritoryo ng Britanya. Subalit sa susunod na anim na taon, ang awtoridad sa rehiyon ay ipapasa mula sa United Kingdom papunta sa People’s Republic of China.
Bilang bahagi ng paglilipat, nangako ang Tsina na igagalang nito ang mga sistema sa ekonomiya at pulitika ng Hong Kong at igagalang ang mga gawaing ukol sa relihiyon ng mga mamamayan nito. Gayunpaman, dahil may labingwalong libong mga Banal na nakatira sa teritoryo, nadama ng mga lider ng Simbahan na dapat silang magtayo ng bahay ng Panginoon doon bago ang paglilipat ng awtoridad.
Gumugol si Pangulong Hinckley ng isang araw para tumingin ng iba-ibang lokasyon, subalit wala siyang nakitang abot-kaya sa bulsa na pagpipilian. Sa ibang mga lugar sa mundo, maaaring iwasan ng Simbahan ang pagbili sa mga mamahaling lupa sa mga lunsod sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga templo sa labas ng mga lungsod. Subalit ang Hong Kong ay isang mataong rehiyon na tinitirhan ng mahigit limang milyong tao, kaya halos imposibleng makahanap ng angkop na lupa.
Inisip ni Pangulong Hinckley kung dapat bang magtayo na lang ang Simbahan ng templo sa isa sa maliliit na lote sa lunsod na pag-aari na nito. Inisip niya ang isang mataas na gusaling ginagamit sa iba-ibang paraan, kung saan ang mga palapag sa ibaba ay gagawing kapilya at mission office.
“Maaaring maging templo ang tuktok na tatlong palapag,” naisip niya. “Magagawa ito nang walang anumang problema.”
Isang interesanteng posibilidad iyon. Subalit hindi pa nakakapagtayo ng gayong klaseng gusali ang Simbahan, at hindi niya natitiyak kung ito ang pinakamainam para sa mga Banal sa Hong Kong.
Noong Hunyo 15, 1991, ang makasaysayang Budapest Opera House ng Hungary ay dumagundong sa palakpakan habang itinatanghal ng Tabernacle Choir ng huling encore nito para sa isang libo apatnaraang mga manonood nito. Kasama sa mga nanood sina Elder Russell M. Nelson at ang asawa niyang si Dantzel. Naglalakbay sila kasama ng koro sa isang tatlong linggong paglilibot sa mga bansa sa Europa.
Gumugol si Elder Nelson ng limang taon para pamunuan ang mga pagsisikap ng Simbahan na pagandahin ang ugnayan nito sa mga pamahalaan sa gitna at silangang Europa. Marami sa mga bansa, kabilang na ang Hungary, ay dahan-dahang lumalayo na sa komunistang liderato. Tinatamasa na ngayon ng Czechoslovakia ang ganap na kalayaan sa relihiyon, at opisyal na kinilala ng pamahalaan ang Simbahan. Ang Silangan at Kanlurang Germany ay naging isang bansa, na siyang nagwawakas sa mga dating paghihigpit ng GDR. Pinahihintulutan na rin ngayon ang mga misyonero sa Poland, Hungary, Bulgaria, Romania, Slovenia, at Croatia.
Ang paglilibot ng koro ay isang pagkakataon para bumuo ng mga ugnayan. At batay sa tunog ng palakpakan, tunay na nagawa iyon ng konsiyerto.
“Nais kong malaman ninyo,” sabi ng isang lalaking Hungarian sa isang miyembro ng koro matapos ang pagtatanghal, “kami ng asawa ko, naniniwala rin kami sa Diyos. Nauunawaan namin ang nais sabihin sa amin ng inyong musika.”
Kinabukasan, nagsalita si Elder Nelson sa sacrament meeting sa isang bulwagan ng hotel na nakatanaw sa burol kung saan niya inilaan ang Hungary para sa pangangaral ng ebanghelyo apat na taon na ang nakararaan. Ilang tao lamang ang kasama niya noon, kasama na ang nag-iisang miyembro ng Simbahan sa Budapest. Ngayon ang bansa ay tahanan na sa apatnaraang mga Banal.
Mula sa Hungary, naglakbay ang koro papuntang Austria, Czechoslovakia, Germany, Poland, at Soviet Union. Nakipagkita si Elder Nelson kay Elder Dallin H. Oaks sa republikang Soviet ng Armenia, kung saan nagbigay ng tulong sa mga tao ang Simbahan matapos ang mapaminsalang lindol. Mula nang dinalaw ni Elder Nelson ang Soviet Union noong 1987, naganap ang mahahalagang pagbabago sa pulitika at sa lipunan sa bansa. Naging mas bukas ito sa mga dayuhan, at ang mga mamamayan ng marami sa mga republikang Soviet ay hangad na ngayon ang mas maraming kontrol sa kanilang mga lokal na usapin. Mas nagkaroon na rin ng kalayaan ukol sa relihiyon sa rehiyon, at lumalaki ang interes sa relihiyon.
Bagama’t walang opisyal na presensya ang Simbahan sa Soviet Union, walang pumipigil sa mga mamamayang Soviet na maglakbay sa ibayong dagat, hanapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo, at dalhin ito pabalik kasama nila kapag umuwi na sila. Noong 1990, may sapat na bilang ng mga Banal sa Leningrad, Russia, at Tallinn, Estonia, upang iparehistro ang Simbahan sa mga lungsod na iyon. Samantala, ang mga misyonero at mga Banal sa Finland ay inatasang suportahan ang mga bagong binyag o convert.
Sa Moscow, namangha si Elder Nelson sa pagiging maluwag ng pamahalaan ng Russia sa Simbahan. Noong mga nakaraang taon, ilang beses niyang tinawid ang Atlantiko para makapulong ang mga opisyal ng pamahalaan sa silangang Europa. Noong una, tila hindi sila nasisiyahang makita siya, at madalas niyang madama na walang pinatutunguhan ang mga pagsisikap niya. Pagkatapos ay nagbigay ang Panginoon ng paraan upang magbunga ang lahat.
Ang mga Banal ay may branch na ngayon sa Leningrad. Ang mga miyembro ng Simbahan sa mga lunsod ng Vyborg at Moscow ay nakakuha na rin ng pahintulot mula sa pamahalaan para sa kanilang maliliit na kongregasyon. Kamangha-mangha ang pag-unlad, at umaasa si Elder Nelson na hindi magtatagal ay kikilalanin ng publiko ang Simbahan sa buong Russia, na sa ngayon ay pinakamalaking republika sa Soviet Union.
Matapos ang konsiyerto ng Tabernacle Choir sa Bolshoi Theater ng Moscow, tumawid ng daan ang mga Nelson at si Elder Oaks papuntang Metropol Hotel, kung saan nagdaos ang Simbahan ng hapunan matapos ang konsiyerto. Maraming nadaluhang gayong mga hapunan at salu-salo si Elder Nelson sa paglilibot na ito dahil kay Beverly Campbell, ang direktor ng International Affairs Office ng Simbahan sa Washington, DC. Sa papel na ito, nagsaayos si Beverly ng mga miting at bumuo ng mga ugnayan sa pagitan ng mga kinatawan ng Simbahan at mga opisyal ng pamahalaan sa buong mundo.
Sa hapunan, lumapit sa mikropono si Elder Nelson at pinasalamatan ang maraming dignitaryo sa kanilang pagpunta. Pagkatapos ay inanyayahan niya si Alexander Rutskoi, ang bise-presidente ng Russia, na samahan siya sa harap ng mga tao. “Magpapasalamat po kami,” sabi ni Elder Nelson, “sa anumang mensaheng inyong mamarapating ibigay.”
“Mga minamahal kong bisita,” sabi ni Bise-Presidente Rutskoi, “maligaya kami ngayong gabi na magkaroon ng pagkakataong mainit na tanggapin ang mga bisita natin. Nais kong basahin sa inyo itong papel ng rehistro, na may petsang Mayo 28, 1991, na nagrerehistro sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw dito sa Russian Soviet Federative Socialist Republic.”
Habang binabasa ni Bise-Presidente Rutskoi ang dokumento, napuspos ang damdamin ni Elder Nelson. Umasa siyang nalalapit na ang anunsiyo sa publiko, pero hindi niya inaasahan na mangyayari ito noong gabing iyon. Ang pagtanggap ng pormal na pagkilala ay nangangahulugang magagawa na ng Simbahan na magpadala ng mas maraming misyonero sa Russia, maglathala at mamigay ng babasahin ng Simbahan, at mag-organisa ng mas maraming kongregasyon.
Kinabukasan, sa gitna ng mga pagbisita sa mga opisyal ng pamahalaan kasama si Elder Oaks at ang iba pa, nagpunta si Elder Nelson sa isang maliit na parke malapit sa Kremlin at nag-alay ng dasal ng pasasalamat sa Panginoon.
Makalipas ang isang linggo, binisita ng dalawang apostol si Pangulong Benson sa kanyang apartment sa Salt Lake City. Ipinakita nila sa kanya ang isang kopya ng dokumento na nagrerehistro sa Simbahan sa Russia at sinabi sa kanyang naorganisa na ang Simbahan sa silangang Europa.
Nang marinig niya ang balita, napuno ng saya ang mukha ni Pangulong Benson.