2005
Gawaing Ipagagawa sa Akin
Mayo 2005


Gawaing Ipagagawa sa Akin

Nagpadala ng anghel ang Panginoon kay Joseph Smith para sabihin sa kanya na may gagawin siya. Patuloy pa rin ang gawaing ito ngayon sa atin.

Naaalala ko sa isang family home evening lesson noong bata pa ako nang ituro sa amin ni Itay ang pagbisita ni Anghel Moroni kay Propetang Joseph Smith. Sabi niya, matapos taimtim na manalangin, nagpakita ang isang anghel sa tabi ng higaan ni Joseph. Ang anghel ay sugo ng Diyos, na ang pangalan ay Moroni, at sinabi niya kay Joseph na may ipagagawa sa kanya ang Diyos (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33). Naaalala ko na itinuro ni Itay na : “Hindi sinabi ni Joseph na, ‘Ayoko, Anghel, gusto ko lang malaman kung aling simbahan ang totoo. Hindi ko alam na may kailangan pa pala akong gawin!’ ” Pero siyempre, may kailangang gawin si Joseph. May espesyal siyang tungkulin sa Panginoon.

Kahanga-hanga ang ginawa ni Joseph. Nagsimula siya sa buhay bilang simpleng batang magbubukid, pero sa pamamagitan niya’y nailabas at naisalin ang Aklat ni Mormon, ibinalik sa lupa ang priesthood at mga susi nito, naitatag Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at sinimulang itayo ang mga sagradong templo. Sa pamamagitan ni Joseph Smith, lahat ng ordenansang kailangan ng mga anak ng ating Ama sa Langit para sa kanilang kaligtasan ay nasa lupa na ngayon. Ito ang panahon ng mga himala na binanggit sa Moroni (tingnan sa Moroni 7:35–37) at ang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawaing ipinropesiya ni Nephi dantaon na ang nakararaan (tingnan sa 1 Nephi 14:7).

Ang gawaing sinimulan ni Joseph ay ipinagpatuloy ng mga unang miyembro ng Simbahan na sumampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa kanilang mga pagsisikap, nagsimulang lumaganap ang ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo. Talagang kagila-gilalas ang kanilang ginawa.

Pero hindi pa tapos ang panahon ng mga himala, at patuloy pa rin ang kagila-gilalas na gawain. Nang binyagan tayo, tayong lahat ay naging bahagi ng gawaing iyon.

Nitong nakaraang taon nang bisitahin ko ang mga miyembro ng Simbahan, nakita ko na sa pananampalataya at gawain ng mga simpleng tao, naitatatag ang tipan ng Panginoon sa lupa. (tingnan sa D at T 1:17–23).

May isang dalagita sa Korea na unang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya. Mahigpit niyang hawak ang luma niyang aklat sa Pansariling Pag-unlad at sinabi niya na nangarap siyang magkaroon ng pamilyang nakasentro sa ebanghelyo. Isang Young Women president sa Armenia ang tapat na isinasagawa ang programa ng Young Women kahit wala siyang Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan na nakasulat sa kanyang wika.

Regular na nagtutungo sa templo ang mga miyembro sa Russia. Nag-iipon sila ng pera at ilang araw na naglalakbay sa bus, tren, at barko patungo sa pinakamalapit na templo sa Sweden.

Masiglang ikinuwento ng nuwebe anyos na pamangkin kong si Kimberly sa kaibigan niya ang Simbahan kaya ang sabi ng kaibigan niya, “Gusto kong sumapi sa simbahan ninyo. Paano ako makakasapi?”

Nasasanay mamuno at magpahusay ng mga talento ang mga kabataang lalaki’t babae sa ward namin. Handa silang kumanta, tumugtog ng instrumento, magbahagi ng mga mensahe, sumali sa mga proyektong pangserbisyo, at gumawa ng iba pang mga bagay para makabahagi sila sa kagila-gilalas na gawaing ito.

May isang binatilyo sa Bogota na nagsabi, “Nagsasalita ako sa ngalan ng mga kabataang lalaki sa Colombia. Kami ay karapat-dapat at naghahandang maglingkod!”

Nakapunta na ako sa mga lugar na kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan at sa mga lugar na marami, sa bago pa at matatag na, pero ganoon pa rin ang responsibilidad ng bawat isa sa atin: bahagi tayo ng totoo, ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. May gagawin tayo. Naglilingkod tayo sa simpleng paraan, lumalago ang ating patotoo, at bahagi tayo ng panahong ito ng mga himala.

Sa sarili kong panahon, nasaksihan ko ang himala ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Noong bata pa ako, lumipat ang pamilya namin sa Sao Paulo, Brazil, kung saan tinawag na mangulo si Itay sa Brazillian Mission. Masayang panahon iyon sa akin at magandang lumaki sa lugar na iyon. Paborito namin ng mga kapatid kong lalaki ang magbihis at magkunwaring mga misyonero. Ilang oras kaming sumusulat sa sarili naming polyetong pangmisyonero at sa “pangangaral” at “paglipat ng destino” sa buong bakuran. Limang taon naming pinag-usapan sa hapag-kainan gabi-gabi ang gawaing misyonero, at pinakinggan kong mabuti ang mga kuwento ng mga misyonero tungkol sa pananampalataya. Kahit sa gayong edad, alam kong bahagi ako ng isang dakilang gawain.

Mga 3,000 pa lang ang miyembro ng Simbahan sa Brazil pagdating namin doon. Naaalala ko na ako’y nasa isang napakamaliit na klase sa Primary kasama ang iilang bata, lilimang awit na paulit-ulit naming kinakanta linggu-linggo, dahil iyon lang ang naisalin sa Portuges. Dalawa sa paborito kong awitin ang “A Luz Divina”o “Ilaw na Banal” at (Mga Himno, blg. 193), isang bagay tungkol sa kuneho sa gitna ng kakahuyan (tingnan sa “The Little Rabbit,” Children’s Friend, Hunyo 1955, 257).

Sa maraming paraan ay katulad sa mga unang pioneer ang naranasan namin. Wala kaming mga himnaryo o larawan o lesson manual na nagmumula sa headquarters ng Simbahan. Lahat ng kailangan para maituro ang ebanghelyo sa Portuges ay isinulat at inilimbag sa mission home namin. Lahat kami, kahit mga bata, ay obligadong tumulong sa pag-aayos ng mga newsletter at mga lesson ng misyon. Walang nagpadala sa amin ng mga materyal. Walang isinugong mga stake president o bishop sa amin ang propeta. Hindi siya nagsugo ng mga Relief Society president o mga programang pangkabataan. Ang Simbahan sa Brazil ay ginawa sa materyal na ginamit ng mga pioneer. Ang materyal na nagtayo sa Simbahan ay nasa mga tao.

Sa pamamalagi namin sa Brazil, nakita namin ang malaking pag-unlad ng Simbahan. Libu-libo ang naging mga Banal sa mga Huling Araw. Di naglaon ay hinati ang mga misyon, inorganisa ang mga district at branch, at nagtayo ng mga bagong kapilya. Masisigla ang mga bagong miyembro, at lumakas ang kanilang pananampalataya at naging mas bihasa sa ebanghelyo.

Lumipas ang maraming taon, at nitong nakaraang taon bumalik ako sa Brazil para dumalo sa muling paglalaan sa Sao Paulo Temple. Nalaman ko na may 187 stake sa Brazil. Ngayo’y may 26 na misyon na, apat na templo, at halos isang milyong miyembro. Isipin ninyo ang pagkabigla ko nang pumasok ako sa istadyum na puno ng mahigit sa 60,000 miyembro na nagtipon para makinig kay Pangulong Hinckley at ipagdiwang ang paglalaan sa templo. Para sa akin isang himalang makita ang libu-libong kabataan na sama-samang nagsasayawan at nagkakantahan. Habang minamasdan ang masayang pagdiriwang na iyon, paulit-ulit kong sinabi sa sarili ko, “Kamangha-mangha ito! Himala ito! Paano nangyari ang himalang ito?”

Magdamag akong namangha sa nasaksihan ko. Kinabukasan sa paglalaan sa templo, nakasama kong muli ang titser ko sa Primary, si Sister Gloria Silveira. Noon ko nalaman kung bakit nangyari ang himala. Bilang bagong binyag na wala pang karanasan sa Simbahan, handang dumarating si Sister Silveira noon sa Primary upang ibahagi ang kanyang simpleng patotoo at ituro sa akin ang Mga Saligan ng Pananampalataya sa Portuges. Tapat pa rin sila ng asawa niyang si Humberto sa Simbahan. Nakapaglingkod na sila sa maraming tungkulin sa Simbahan sa paglipas ng mga taon, at naglilingkod pa rin sila. Nang makita ko si Sister Silveira, natanto ko na lumago ang Simbahan sa Brazil dahil sa kanya at sa libu-libong gaya niya. Sila ni Brother Silveira ang kumakatawan sa mga tao sa lahat ng dako na may pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Umunlad sila sa kaalaman at kasanayan at naglingkod sa Simbahan (tingnan sa D at T 88:80). Ibinahagi nila ang ebanghelyo sa kanilang mga kaibigan (tingnan sa D at T 30:5). Nagtatrabaho sila sa templo (tingnan sa D at T 138:48). Tinuruan nila ng tamang mga alituntunin ang kanilang limang anak. (tingnan sa D at T 68:28). Sa 43 nilang inapo, 15 ang nagmisyon nang full-time. Ang mga apo nila ay ikinakasal sa templo, at ang mga apo nila sa tuhod ang ikaapat na henerasyon ng mga Silveira na bahagi ng kagila-gilalas na gawaing sinimulan ni Joseph Smith. Dahil sa kanila, nag-ibayo ang pananampalataya sa mundo. Sila ang halimbawa ng himalang binanggit ng Panginoon nang sabihin Niyang ipangangaral ng mahihina at ng pangkaraniwan ang Kanyang ebanghelyo (tingnan sa D at T 1:23) at sa maliliit at pangkaraniwang pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay (tingnan sa 1 Nephi 16:29).

Nagpadala ng anghel ang Panginoon kay Joseph Smith para sabihin sa kanya na may gagawin siya. Patuloy pa rin ang gawaing ito ngayon sa atin at pinamamahalaan ni Gordon B. Hinckley, isang buhay na propeta, na nagsabing, “Maluwalhati ang gawaing ito. Pagpapalain nito ang buhay ng bawat lalaki, babae, at batang tatanggap dito” (“Paglilingkod Misyonero,” Unang Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Enero 11, 2003, 20). “Pasalamatan ang Diyos sa Kanyang kagila-gilalas na pagkakaloob ng patotoo, awtoridad, at doktrinang may kaugnayan sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo” (“Ang Kagila-gilalas na Pundasyon ng Ating Pananampalataya,” Liahona, Nobyembre 2002, 81). Sa ngalan ni Jesucristo, amen.