Pornograpiya
Pagbutihin pa natin lalo ang ating mga ugali at doblehin ang pagsisikap na protektahan ang ating mga mahal sa buhay at ang ating kapaligiran sa pagdagsa ng pornograpiya.
Noong nakaraang tag-init bumalik kami ni Sister Oaks mula sa dalawang taong paglagi sa Pilipinas. Masaya kami na nakapaglingkod kami doon at masaya din na nakauwi na kami. Kapag nalalayo tayo, nag-iiba ang ating pananaw, na may dagdag na pasasalamat at kung minsan ng mga bagong alalahanin.
Nabahala kami sa nakita naming panghihimasok ng pornograpiya sa Estados Unidos habang nasa malayo kami. Matagal nang nagbababala ang mga lider ng Simbahan tungkol sa mga panganib ng mga imahe at salitang gamit para pukawin ang seksuwal na pagnanasa ng tao. Ngayon, ang bulok na impluwensya ng pornograpiya, na nilikha at ikinakalat para pagkakitaan ng tao, ay lumalaganap sa ating lipunan na tulad ng biglaang pagdagsa ng kasamaan.
Noong ating huling kumperensya, itinuon ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kanyang buong mensahe sa paksang ito, at buong linaw na nagbabala na “malaking problema ito kahit sa atin” (“Isang Kalunus-Lunos na Kasamaan sa Ating Paligid,” Liahona, Nob. 2004, 59). Marami sa mga bishop na nakakausap namin sa mga stake conference ay nagrereport na malaking problema ito ngayon.
Mga kapwa kong may Melchizedek Priesthood, at gayundin ang ating mga kabataang lalaki, gusto kong magsalita sa inyo ngayon tungkol sa pornograpiya. Alam kong marami sa inyo ang nakakita na ng pornograpiya at marami sa inyo ang nasira na nito.
Sa pagtutuon ko ng mensahe ko sa paksang ito para bang ako si propetang Jacob, na nagsabi sa kalalakihan noong panahon niya na labis niyang ipinagdadalamhati na kinakailangan siyang gumamit ng matalim na pananalita sa harapan ng kanilang asawa at mga anak. Pero kahit mahirap ang tungkulin, sinabi niyang kailangan siyang magsalita sa kalalakihan tungkol sa paksang ito dahil inutos ito sa kanya ng Diyos (tingnan sa Jacob 2:7–11). Iyan din ang dahilan ko.
Sa ikalawang kabanata ng aklat na nakapangalan sa kanya, tinuligsa ni Jacob ang kalalakihan dahil sa kanilang “mga pagpapatutot” (mga talata 23, 28). Sinabi niya sa kanila na “sinaktan [nila] ang mga puso ng [kanilang] mga mapagmahal na asawa, at nawala ang tiwala ng [kanilang] mga anak, dahil sa [kanilang] masasamang halimbawa sa kanila” (talata 35).
Ano ba itong matinding kasamaan ng “pagpapatutot”? Walang dudang nagawa na ito ng ilang kalalakihan. Pero ang pangunahing pokus ng dakilang sermon ni Jacob ay hindi sa masasamang gawaing nagawa, kundi sa masasamang gawaing binalak gawin.
Sinimulan ni Jacob ang kanyang sermon sa pagsasabi sa kalalakihan na “sa ngayon, naging masunurin [sila] sa salita ng Panginoon” (Jacob 2:4). Gayunman, sinabi niya sa kanilang alam niya ang nasa isip nila, na “nagsisimula [silang] maging makasalanan, kung aling kasalanan ay labis na karumal-dumal sa paningin … [ng] Diyos” (talata 5). “Kinakailangan kong magpatotoo sa inyo hinggil sa kasamaan ng inyong mga puso” (talata 6), dagdag pa niya. Parang si Jesus ang nagsasalita nang sabihin ni Jacob na, “Sinuman ang tumingin sa isang babae, taglay ang pagnanasa sa kanya, ay nagkasala na ng pakikiapid sa kanyang puso” (Mateo 5:28; tingnan din sa 3 Nephi 12:28; D at T 59:6; 63:16).
Mahigit 30 taon na ang nakararaan, hinimok ko ang mga estudyante ng BYU na iwasan ang “literaturang nagtataguyod o humihikayat ng imoral o di angkop na relasyong seksuwal” na nasa binabasa at napapanood nila. Ibinigay ko ang analohiyang ito:
“Ang mga pornograpiko o mahahalay na kuwento o retrato ay malala pa sa marumi o may polusyong pagkain. Ang katawan ay may mga pananggalang para makaiwas ito sa mga pagkaing di magandang kainin. Maliban sa ilang nakamamatay na pagkain, ang masamang pagkain ay magiging sanhi lamang ng karamdaman pero hindi ito magdudulot ng permanenteng pinsala sa iyong katawan. Sa kabaligtaran, ang taong nagpapasasa sa maruruming kuwento o pornograpiko o mahahalay na retrato at literatura ay nirerekord ito sa kagila-gilalas na retrieval system na tinatawag nating utak. Hindi isusuka ng utak ang duming pumasok dito. Kapag nairekord na, palagi itong maaalala, ipapakita ang mahahalay na retrato sa iyong isipan at ilalayo ka sa kapaki-pakinabang na mga bagay sa buhay.”1
Kailangang sabihin ko sa inyo, mga kapatid, na nakikita ng ating mga bishop at ating mga propesyonal na tagapayo ang dumaraming bilang ng kalalakihang nasasangkot sa pornograpiya, at marami sa kanila ay aktibong mga miyembro. Halatang hindi pinapansin ng ilang sangkot sa pornograpiya ang bigat ng kasalanang ito at patuloy na ginagamit ang priesthood ng Diyos dahil iniisip nilang wala namang makaaalam sa ginagawa nila. Pero alam ng taong sangkot, mga kapatid, at alam din ng Panginoon.
May mga nagmungkahi na dapat ihiwalay ang mga tanong tungkol sa pornograpiya sa interbyu sa pagkuha ng rekomend sa templo. Iyon na nga ang mga tanong sa interbyu. Sa limang iba’t ibang tanong dapat ay mapaamin na ang tao at mapag-usapan ang paksang ito kung ang taong iniinterbyu ay sensitibo sa espirituwal na bagay at tapat, na siyang inaasahan sa mga sumasamba sa bahay ng Panginoon.
Ang isa sa mga di-malilimutang turo ng Tagapagligtas ay angkop sa mga lalaking lihim na nanonood ng pornograpiya:
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpapaimbabaw! sapagka’t inyong nililinis ang labas ng saro at ng pinggan, datapuwa’t sa loob ay puno sila ng panglulupig at katakawan.
“Ikaw bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis naman ang kaniyang labas” (Mateo 23:25–26; tingnan din sa Alma 60:23).
Patuloy na binatikos ng Tagapagligtas ang mga naglilinis ng panlabas na anyo lamang at hindi nililinis ang kalooban:
“Tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa’t sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal.
“Gayon din naman kayo, sa labas ay nangagaanyong matuwid sa mga tao, datapuwa’t sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan” (Mateo 23:27–28).
Ang kaagad na espirituwal na ibubunga ng gayong pagpapaimbabaw ay nakapipinsala. Ang mga naghahangad at gumagamit ng pornograpiya ay nawawalan ng kapangyarihan ng priesthood. Sinasabi ng Panginoon: “Kung ating tatangkaing pagtakpan ang ating mga kasalanan, … masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkasaserdote o sa kapangyarihan ng taong iyon” (D at T 121:37).
Nawawala din sa mga tumatangkilik ng pornograpiya ang pagsama ng Espiritu. Ang pornograpiya ay lumilikha ng mga imahinasyong sumisira sa espirituwalidad. “Ang maging mahalay sa kaisipan ay kamatayan”—espirituwal na kamatayan (Mga Taga Roma 8:6; tingnan din sa 2 Nephi 9:39).
Paulit-ulit na itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang Espiritu ng Panginoon ay hindi tatahan sa maruming tabernakulo. Kapag marapat tayo sa pagtanggap ng sakrament, may pangako sa atin na “sa tuwina ay [mapapasaatin] ang kanyang Espiritu.” Para maging kwalipikado sa pangakong iyon nakikipagtipan tayo na “lagi [natin] siyang alalahanin” (D at T 20:77). Ang mga naghahangad at gumagamit ng pornograpiya para gisingin ang damdamin ukol sa seks ay talagang lumalabag sa tipang iyon. Nilalabag din nila ang sagradong tipan na iiwas sa masasama at maruruming gawain. Hindi mapapasakanila ang Espiritu ng Panginoon. Kailangang pakinggan ng ganitong uri ng mga tao ang pakiusap ni Apostol Pedro: “Magsisi ka nga sa kasamaan mong ito, at manalangin ka sa Panginoon, baka sakaling ipatawad sa iyo ang pagiisip ng iyong puso” (Mga Gawa 8:22).
Mga kapatid, napansin ninyo na hindi ko tinatalakay ang mga epekto ng pornograpiya sa kalusugan ng kaisipan o pag-uugali ng isang kriminal. Ang tinatalakay ko’y ang mga epekto nito sa espirituwalidad—sa ating kakayahang makasama ang Espiritu ng Panginoon at sa kakayahan nating magamit ang kapangyarihan ng priesthood.
Matindi rin ang pinsalang dulot ng pornograpiya sa ating pinakamahalagang personal na mga pakikipagrelasyon. Sa kanyang mensahe sa kalalakihan ng priesthood noong Oktubre sinipi ni Pangulong Hinckley ang liham ng isang babae. Hiniling niya sa Pangulo na balaan ang mga miyembro ng Simbahan na “winawasak [ng pornograpiya] ang mga puso’t kaluluwa hanggang sa kaloob-looban nito, sinisira ang mga relasyong dapat ay sagrado” (Liahona, Nob. 2004, 59).
Sa isang stake conference kamakailan isang babae ang nag-abot sa akin ng gayunding liham. Naglingkod din ang asawa niya sa mahahalagang katungkulan sa Simbahan sa loob ng maraming taon habang kasalukuyang naaadik sa pornograpiya. Ikinuwento niya na napakahirap para sa mga lider ng priesthood na maging seryoso sa problema tungkol sa pornograpiya: “Natanggap ko ang lahat ng uri ng reaksiyon—gaya nang masyado akong OA o kasalanan ko raw. Mahusay ang bishop namin ngayon. At makalipas ang 15 taon sinisikap ng asawa kong alisin ang pagkaadik niya dito, pero dahil sa tagal nang 15 taon ay mas mahirap na para sa kanya ang itigil ito at napakalaki ng nawala dahil dito.”
Pinapatay ng pornograpiya ang kakayahan ng isang tao na masiyahan sa normal na damdaming dulot ng paglalambingan, at espirituwal na pakikipag-ugnayan sa opposite sex. Sinisira nito ang kagandahang-asal na pumipigil sa tao laban sa di-angkop, di-normal, o ilegal na kilos o ugali. Dahil manhid na ang konsiyensya, naaakay ang mga tagatangkilik ng pornograpiya na gayahin ang nakita nila, nang hindi na iniisip pa ang magiging epekto nito sa kanilang buhay o sa buhay ng iba.
Nakakaadik rin ang pornograpiya. Sinisira nito ang kakayahang magdesisyon at “naaadik” ang mga gumagamit nito, at lalo silang naghahanap ng higit pa. Isang lalaking naadik sa pornograpiya at ilegal na droga ang sumulat sa akin ng paghahambing na ito: “Sa palagay ko hindi puwedeng ikumpara dito ang cocaine. Natikman ko pareho ito… . Ang pagtigil sa paggamit ng pinakamatinding droga ay walang sinabi sa [pagsisikap na itigil ang pornograpiya]” (sulat noong Mar. 20, 2005).
Gusto pang pangatwiranan ng iba ang pagkasangkot nila sa pornograpiya sa pagpipilit na “bahagya” lang naman at hindi “matindi,” ang pinanonood nilang pornograpiya. Ang tawag dito ng isang matalinong bishop ay pagtangging isipin na masama ang masama. Binanggit niya ang pagkukumparang gamit ng mga lalaking nangangatwiran tungkol sa pinipili nilang panoorin tulad ng “hindi naman ganoon kagrabe” o “isa lang namang eksena ang di-maganda.” Ngunit ang paraan ng pagsukat ng kasamaan ay hindi ang pag-alam kung gaano ito kasama kundi ang epektong dulot nito sa mga tao. Kapag tinagalan ng tao ang pag-iisip sa masamang kaisipan na sapat para lumayo ang Espiritu, nawawala sa kanila ang espirituwal na proteksiyon at napapasailalim sila sa kapangyarihan at utos ng diyablo. Kapag ginamit nila ang Internet o iba pang pornograpiya na inilalarawan ng bishop na ito na “panggising sa pagnanasa kapag gusto” (sulat noong Mar. 13, 2005), sila’y nakabaon na sa kasalanan.
Inilarawan ng dakilang sermon ni Haring Benjamin ang nakakikilabot na bunga nito. Kapag lumayo tayo sa Espiritu ng Panginoon, tayo’y nagiging kaaway ng kabutihan, nakokonsiyensya tayong mabuti, at “[manliliit] sa harapan ng Panginoon” (tingnan sa Mosias 2:36–38). “Ang awa ay hindi makaaangkin sa taong yaon,” pagwawakas niya; “kaya nga, ang kanyang pangwakas na kahatulan ay magtiis ng isang walang katapusang pagdurusa” (talata 39).
Tingnan ninyo ang malungkot na halimbawa ni Haring David. Bagama’t isang tao na mataas ang espirituwalidad sa Israel, hinayaan niya ang sarili niya na panoorin ang isang bagay na hindi niya dapat pinanood (tingnan sa II Samuel 11). Dahil natukso sa nakita niya, nilabag niya ang dalawa sa Sampung Utos, na nagsimula sa “Huwag kang mangangalunya” (Exodo 20:14). Dahil dito ang propetang-hari ay bumagsak mula sa kanyang kadakilaan (tingnan sa D at T 132:39).
Ngunit ang mabuting balita ay hindi kailangang sundan ng sinuman ang masamang landas, patungo sa kaparusahan. Bawat taong nasangkot sa pornograpiya na humahatak sa kanya pababa ay may susing magagamit para baligtarin ang kanyang landas. Maaari siyang tumakas. Sa pamamagitan ng pagsisisi maaari siyang maging malinis.
Ito ang paglalarawan ng Nakababatang Alma:
“Oo, naalaala ko ang lahat ng aking kasalanan at mga kasamaan, kung saan ako’y pinarusahan ng mga pasakit ng impiyerno… .
“… Ang isipin lamang na magtungo sa kinaroroonan ng aking Diyos ay giniyagis ang aking kaluluwa ng hindi maipaliwanag na masidhing takot… .
“At ito ay nangyari na, na habang ako’y nasa gayong paggiyagis ng pagdurusa, samantalang ako’y sinasaktan ng alaala ng marami kong kasalanan, masdan, naalaala ko ring narinig ang aking ama na nagpropesiya sa mga tao hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.
“Ngayon, nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan, at napalilibutan ng walang hanggang tanikala ng kamatayan.
“At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan.
“At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!” (Alma 36:13–14, 17–20).
Mga kapatid ko na alipin ng adiksyon na ito o nabagabag ng tuksong ito, may paraan para makalaya kayo.
Una, amining masama ito. Huwag itong ipagtanggol o kaya’y tangkaing mangatwiran. Halos dalawampu’t limang taon nang nagmamakaawa ang ating mga lider sa mga lalaki, at maging sa mga babae at mga bata, na iwasan ang kasamaang ito.2 Ang mga kasalukuyang magasin natin sa Simbahan ngayon ay puno ng babala, impormasyon, at tulong sa paksang ito—na may mahigit dalawampung artikulo ang nailathala o ilalathala sa taong ito at noong nakaraang taon lamang.3
Pangalawa, hingin ang tulong ng Panginoon at ng Kanyang mga tagapaglingkod. Pakinggan at sundin ang mga salita ni Pangulong Hinckley:
“Sumamo kayo sa Panginoon nang buong kaluluwa ninyo na alisin Niya sa inyo ang pagkalulong na umaalipin sa inyo. At nawa’y magkaroon kayo ng lakas ng loob na hangarin ang mapagmahal na gabay ng inyong bishop at, kung kailangan, ang payo ng mapagmalasakit na mga propesyonal” (Liahona, Nob. 2004, 59).
Pangatlo, gawin ang lahat ng makakaya ninyo para iwasan ang pornograpiya. Kung sakaling makita ninyo ang inyong sarili sa harapan nito—na maaaring mangyari kahit kanino sa mundong ginagalawan natin—sundin ang halimbawa ni Jose ng Egipto. Nang hablutin siya ng mapanuksong babae, iniwan niya ang tukso at “tumakas [siya]” (Genesis 39:12).
Huwag na huwag patutukso. Iwasan ang kasalanan at maiiwasan ninyo ang nagbabantang kapahamakan. Kaya’t, itigil na ito! Huwag ninyong tingnan! Iwasan ito kahit mahirap at matagal gawin. Ituon ang inyong isip sa magagandang landasin. Alalahanin ang inyong mga tipan at maging tapat sa pagpunta sa templo. Iniulat ng matalinong bishop na binanggit ko kanina na “ang pagkalulong sa pornograpiya ng isang may priesthood ay hindi kailanman nangyayari habang regular siyang sumasamba sa templo; nangyayari ito kapag balewala na sa kanya ang pagsamba sa templo” (sulat noong Mar. 13, 2005).
Kailangan din tayong kumilos para protektahan ang mga mahal natin sa buhay. Ang mga magulang ay nagkakabit ng alarma para magbabala kapag nanganganib na masunog ang kabahayan. Dapat din tayong magkabit ng mga proteksiyon laban sa mga espirituwal na panganib, proteksiyong tulad ng filter sa mga Internet connection, at paglalagay sa mga kompyuter sa lugar na makikita ng marami. At dapat nating espirituwal na patatagin ang ating mga pamilya sa pamamagitan ng pagmamahalan, panalanging pampamilya, at pagbabasa ng banal na kasulatan.
At ang huli, huwag bilhin o tangkilikin ang pornograpiya. Huwag gamitin ang inyong pera para suportahan ang bagay na nagpapababa ng pagkatao. At mga kabataang babae, unawain sana ninyo na kung hindi kayo disenteng manamit, lalo lamang ninyong pinalalala ang problemang ito sa pagiging pornograpiya mismo sa ilang kalalakihan na nakakakita sa inyo.
Pakiusap, pakinggan ninyo ang mga babalang ito. Pagbutihin pa natin lalo ang ating mga ugali at doblehin ang pagsisikap na protektahan ang ating mga mahal sa buhay at ang ating kapaligiran sa pagdagsa ng pornograpiya na nagbabanta sa ating espirituwalidad, sa samahan nating mag-asawa, at sa ating mga anak.
Nagpapatotoo ako na ito ang dapat nating gawin para matamasa ang mga pagpapala Niya na ating sinasamba. Nagpapatotoo ako tungkol kay Jesucristo, ang Liwanag at Buhay ng Daigdig, na Siyang may-ari ng Simbahang ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.