Mga Di Nagbabagong Katotohanan sa Pabagu-bagong Panahon
Tayo, bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay dapat humarap nang buong tapang sa mga panganib na nakapaligid sa atin at sa ating pamilya.
Mahal na mga kapatid, na nangarito ngayon at nangakatipon sa buong mundo, hinihiling ko ang inyong mga dalangin at pananampalataya sa pagtugon ko sa gawain at pribilehiyong magsalita sa inyo.
Magsisimula ako sa pagpuri sa inyong lahat. Sa daigdig na ito na puno ng hamon, ang mga kabataan ng Simbahan ang pinakamagaling. Kapuri-puri ang pananampalataya, paglilingkod at mga kilos ng mga miyembro. Tayo ay madasalin at puno ng pananampalataya, na lubos na nagsisikap na maging disente at tapat. Pinangangalagaan natin ang isa’t isa. Sinisikap nating mahalin ang ating kapwa.
Gayunpaman, upang di tayo maging kampante sa buhay, babanggit ako mula sa Ikalawang Nephi sa Aklat ni Mormon.
“Sa araw na yaon [ang diyablo] ay … dahan-dahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan, na kanilang sasabihin: Mainam ang lahat sa Sion; oo, umuunlad ang Sion, mainam ang lahat—at sa gayon lilinlangin ng diyablo ang kanilang mga kaluluwa.”1
May nagsabi na ang pagiging kampante natin sa buhay ay lumalala at nag-iibayo sa atin.
Hindi tayo maaaring maging kampante sa buhay. Nabubuhay tayo sa mga panahong mapanganib; ang mga palatandaan ay nasa paligid natin. Alam na alam natin ang masasamang impluwensya sa ating lipunan na umaatake sa mga pamilya. Kung minsan nagpapalabas ang telebisyon at mga pelikula ng makamundo at mahahalay na bida at tinatangkang gawing huwaran ang ilang aktor at aktres na hindi uliran ang buhay. Bakit natin susundin ang bulag na taga-akay? Pinatutugtog nang malakas sa mga radyo ang nakasasamang musikang mahahalay, nang-aakit, at naglalarawan ng halos lahat ng uri ng kasamaang maiisip ng tao.
Tayo, bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay dapat humarap nang buong tapang sa mga panganib na nakapaligid sa atin at sa ating pamilya. Para matulungan tayo sa determinasyong ito, may ibibigay akong ilang mungkahi, at ilang halimbawa sa buhay ko.
Magsisimula ako sa Family Home Evening. Hindi natin dapat kaligtaan ang inspiradong programang ito. Magdudulot ito ng espirituwal na pag-unlad sa bawat miyembro ng pamilya, at tutulungan siyang labanan ang naglipanang mga tukso. Ang mga aral na natututuhan sa tahanan ang nananatili sa habang panahon. Sabi nga ni Pangulong Gordon B. Hinckley at ng mga sinundan niya, “Ang tahanan ang batayan ng makatwirang buhay at walang makapapalit o makatutupad sa mahahalagang responsibilidad nito.”2
Isinulat ni Dr. Glenn J. Doman, kilalang awtor at dalubhasa sa medisina: “Ang bagong silang na sanggol ay katulad halos ng isang walang lamang … kompyuter, bagama’t mas matalino kaysa kompyuter sa halos lahat ng bagay… . Anumang ilagay natin sa [isip] ng bata sa unang walong taon ng kanyang buhay ay malamang na manatili roon… . Kung mali ang impormasyong inilagay ninyo sa [isip] niya sa [panahong ito], napakahirap na nitong burahin.” Dagdag pa ni Dr. Doman, “ang edad na pinakamadaling maturuan ang tao ay dalawa o tatlong taong gulang.”3
Gusto ko ang kaisipang ito: “Ang inyong isip ay isang paminggalan, at kayo ang nag-iimbak sa mga istante nito.” Tiyakin nating maimbakan ang mga istante ng ating paminggalan, at ng ating mga kapamilya, ng mga bagay na magliligtas sa ating kaluluwa at magpapabalik sa atin sa piling ng ating Ama sa Langit. Makabubuting imbakan ito ng kaalaman sa ebanghelyo, pananampalataya, panalangin, pagmamahal, paglilingkod, pagsunod, halimbawa at kabaitan.
Susunod, tatalakayin ko ang pangungutang. Ito ang panahon ng pangungutang, panahon kung saan maraming dumarating na mga iniaalok na credit card linggu-linggo sa ating buson. Karaniwa’y nag-aalok sila ng napakababang interes, sa maikling panahon; pero ang karaniwang hindi alam ng iba, pagkatapos ng panahong ito, biglang lalaki ang interes. Ibabahagi ko sa inyo ang sinabi ni Pangulong J. Reuben Clark, Jr., na matagal nang naging miyembro ng Unang Panguluhan. Ang katotohanan nito ay di nagbabago. Sabi niya:
“Patakaran sa ating pananalapi at kabuhayan sa buong mundo na dapat bayaran ang interes ng hiniram na pera… .
“Ang interes ay di kailanman natutulog ni nagkakasakit ni namamatay; hindi ito naoospital; nagtatrabaho ito tuwing Linggo at piyesta opisyal; hindi ito nagbabakasyon; hindi ito nagbibiyahe; hindi ito naglilibang; hindi ito nawawalan ng trabaho; hindi bawas ang oras ng trabaho nito… . Sa sandaling magkautang, kasama mo ang interes minu-minuto gabi’t araw; hindi mo ito maiiwasan o matatakasan; hindi mo ito mapapaalis; hindi ito nadadaig ng pagsamo, sapilitang paghingi, o utos; at tuwing babanggain mo ito o kokontrahin o hindi ibibigay ang hinihingi nito, dudurugin ka nito.”4
Mga kapatid ko, nanlulumo ako sa ilang anunsyong nakikita at naririnig ko na nag-aalok ng mga home equity loan. Sa madaling salita, pangalawang sangla ito ng bahay. Ang pagpapatalastas ng gayong mga pautang ay nilayon para tuksuhin tayong mangutang pa para magkaroon nang higit pa. Ang hindi binanggit ay ang katotohanang kapag hindi nabayaran ng isang tao ang “pangalawang” singil sa bahay, nanganganib na mailit ang bahay niya.
Iwasan ang pilosopiya at katwirang ang mga luho ng nakaraan ay pangangilangan sa kasalukuyan. Hindi ito pangangailangan kung hindi natin ito ituturing na gayon. Marami sa ating mga batang mag-asawa ngayon ang gustong magsimula na may marami ng sasakyan at bahay na katulad ng pinaghirapang ipatayo ng kanilang mga magulang. Dahil dito, nabaon sila sa utang na matagal bayaran gamit ang suweldo nilang mag-asawa. Marahil huli na nang malaman nila na nagbabago ang buhay, nagkakaanak ang mga babae, dumadapo ang sakit sa ilang pamilya, nawawalan ng trabaho, nagkakaroon ng mga kalamidad at iba pang sitwasyon at hindi na mabayaran ang sangla base sa kita nilang mag-asawa.
Kailangan nating mamuhay ayon sa kita natin.
Susunod, nabigyang-inspirasyon akong mangusap sa mga ina, ama, at mga anak na lalaki’t babae.
Sasabihin ko sa bawat ina, bawat ama—makinig na mabuti. Napakahalaga ng komunikasyon ngayon sa bilis ng takbo ng panahon. Mag-ukol ng oras sa pakikinig. At kayong mga anak, kausapin ang inyong ama’t ina. Maaaring mahirap matanto, pero napagdaanan na ng mga magulang ninyo ang marami sa mga pagsubok na kinakaharap ninyo ngayon. Madalas ay mas nauunawaan nila ang epekto ng mga kilos ninyo kaysa sa inyo. Ipinagdarasal nila kayo bawat araw at karapat-dapat sa inspirasyon ng ating Ama sa Langit sa pagpapayo sa inyo.
Mga ina, ibahagi ang inyong gawain sa bahay. Kadalasan mas madaling gawing mag-isa ang lahat kaysa hikayatin ang inyong mga anak na tumulong, subalit kailangang matutuhan nila ang kahalagahan ng paggawa ng kanilang gawain.
Mga ama, pinapayuhan ko kayo na magpakita ng pagmamahal at kabaitan sa inyong asawa. Maging mapagpasensiya sa inyong mga anak. Huwag silang sanayin sa luho, sapagkat kailangan nilang matutong tumayo sa sariling mga paa.
Hinihikayat ko kayong bigyan ng oras ang inyong mga anak. Narinig ko nang sinabi na wala pang tao, na malapit nang mamatay, na nagsabing sana’y nakagugol siya ng mas maraming oras sa trabaho.
Gusto ko ang sumusunod na halimbawa, mula sa artikulong pinamagatang “Isang Araw sa Beach,” ni Arthur Gordon. Sabi niya:
“Noong mga 13 taong gulang ako at ang kapatid kong lalaki’y 10 taon, nangako si Tatay na dadalhin kami sa perya. Pero bandang tanghalian may tumawag sa telepono; may mahalagang bagay na kailangan niyang asikasuhin sa bayan. Inisip na namin na hindi kami matutuloy. Pagkatapos ay narinig naming sinabi niya, ‘Hindi, hindi ako makapupunta. Makapaghihintay iyan.’
“Pagbalik niya sa mesa, ngumiti si Nanay at sinabing, ‘Pabalik-balik naman ang perya, di ba.’
“‘Alam ko,’ sabi ni Tatay. ‘Pero ang pagkabata’y hindi.’”5
Mga kapatid ko, madaling lumipas ang oras ninyo para sa inyong mga anak. Huwag ipagpaliban na makapiling sila ngayon. Ganito ang pagkasabi ng isang tao: Kung nabubuhay lang tayo para sa kinabukasan, marami tayong hungkag na kahapon ngayon.6
Mga magulang, tulungang magtakda ng mga mithiin sa pag-aaral at trabaho ang inyong mga anak. Tulungang matuto ang inyong mga anak na lalaki ng magagandang asal at paggalang sa kababaihan at mga bata.
Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Ang ating pagsasanay sa isang bagong henerasyon ang siyang kalalabasan ng daigdig sa darating na ilang taon. Kung inaalala ninyo ang kinabukasan, atupagin ninyo ang pagpapalaki sa inyong mga anak.”7
Makabubuting sundin ang pahayag ni Apostol Pablo sa minamahal niyang si Timoteo: “Ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”8
Mga magulang, mamuhay sa paraang karapat-dapat kayong tularan ng inyong mga anak.
Pinapayuhan ko ang lahat ng pamilya: saliksikin ang inyong pinagmulan. Mahalagang makilala, hangga’t maaari, ang mga nauna sa atin. Nakatutuklas tayo ng ilang bagay tungkol sa ating sarili kapag nakilala natin ang ating mga ninuno.
Naaalala ko noong bata pa ako na narinig ko ang mga karanasan ng aking mga ninunong Miller. Noong tagsibol ng 1848, ang lolo’t lola ko sa tuhod na sina Charles Stewart Miller at Mary McGowan Miller ay sumapi sa Simbahan sa bayan nilang Scotland, nilisan ang bahay nila sa Rutherglen, Scotland, at naglayag patawid ng Atlantic Ocean. Narating nila ang piyer ng New Orleans at nilakbay ang Mississippi River patungong St. Louis, Missouri, kasama ang isang grupo ng mga Banal, at dumating doon noong 1849. Isa sa kanilang 11 anak, si Margaret, ang naging lola ko sa tuhod.
Pagdating ng pamilya sa St. Louis, na planong kumita ng sapat na pera para makapunta sa Salt Lake Valley, lumaganap sa lugar ang sakit na kolera. Lubhang nagkasakit ang pamilyang Miller: sa loob ng dalawang linggo, pumanaw ang ina, ama at dalawa sa kanilang anak na lalaki. Ang lola ko sa tuhod na si Margaret Miller ay 13 anyos pa lang noon.
Dahil maraming namatay sa lugar, walang mabiling kabaong—anuman ang halaga. Kinalas ng mga nakaligtas na nakatatandang anak na lalaki ang kural ng alagang mga baka ng pamilya para gawing kabaong ng mga namatay na kapamilya.
Ang siyam na natirang ulilang anak ng pamilyang Miller at ang asawa ng isa sa nakatatandang anak na babae ay nilisan ang St. Louis noong tagsibol ng 1850 dala ang apat na baka at isang bagon, at dumating sa wakas sa Salt Lake Valley sa taon ding iyon.
May utang na loob ako sa mga ito at sa iba pang mararangal na ninunong lubos na nagmahal sa ebanghelyo at sa Panginoon na handa nilang isakripisyo ang lahat, pati na sarili nilang buhay, para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Labis akong nagpapasalamat sa mga ordenansa ng templo na nagbubuklod sa amin hanggang sa kawalang-hanggan.
Binibigyang-diin ko ang kahalagahan ng ginagawa natin sa mga templo ng Panginoon para sa ating namatay na mga ninuno.
Dalawang buwan pa lang ngayon ang nakalilipas, nagtipon kaming magpapamilya sa Salt Lake Temple para magpabuklod para sa ilang ninuno naming patay na. Isa ito sa pinaka-espirituwal na mga karanasan ng aming pamilya at napatindi ang pagmamahalan namin at ang obligasyon naming mamuhay nang karapat-dapat sa aming pamana.
Maraming taon na ang nakaraan nang dumadalo pa sa klase sa relihiyon ang bunsong anak naming si Clark sa Brigham Young University, tinanong ng guro si Clark sa klase, “Anong halimbawa ng buhay sa piling ng tatay mo ang lubos mong naaalala?”
Paglao’y isinulat sa akin ng guro ang tugon ni Clark sa klase. Sabi ni Clark: “Noong Deacon ako sa Aaronic Priesthood, namaril kami ng tatay ko ng pheasant (isang uri ng ibon) malapit sa Malad, Idaho. Lunes iyon—huling araw ng panahon ng pamamaril ng pheasant. Maraming bukirin ang nilakad namin sa paghahanap ng mga pheasant pero ilan lang ang nakita namin, at hindi namin tinamaan ang mga ito. Pagkatapos sabi ni Itay sa akin, ‘Clark, alisin natin ang bala ng mga baril natin, at ilagay natin dito sa kanal. Pagkatapos luluhod tayo para magdasal.’ Akala ko ipagdarasal ni Itay na dumami ang mga pheasant, pero mali ako. Ipinaliwanag niya sa akin na malubha ang kalagayan ni Elder Richard L. Evans at alas-12 ng tanghali noong Lunes na iyon, ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa—saanman sila naroon sa oras na iyon—ay luluhod at, sa anumang paraan, sama-samang magdarasal nang taimtim para kay Elder Evans. Hinubad namin ang aming sumbrero, at nagdasal.”
Tandang-tanda ko pa ang nangyari, pero hindi ko naisip na may isang anak na nakamasid, natututo, nagkakaroon ng sariling patotoo.
Ilang taon na ang nakalipas, may batang lalaking nagtitinda ng diyaryo na hindi laging naghahatid sa paraang nilayon. Sa halip na dalhin ang diyaryo sa balkon, kung minsa’y aksidente niya itong naihahagis sa palumpong o malapit pa sa kalsada. Ilan sa hinahatiran niya ng diyaryo ay nagpasyang ireklamo siya. Isang araw isang delegasyon ang dumating sa aming bahay at pinapipirma sa petisyon ang asawa kong si Frances. Tumanggi siya, at sabi’y, “Bakit naman, bata pa siya, at napakabigat ng mga diyaryo para sa kanya. Hinding-hindi ko siya sisiraan, dahil ginagawa naman niya ang makakaya niya.” Gayunman, marami sa mga hinahatiran niya ang pumirma sa petisyon at ipinadala sa mga superbisor ng bata.
Ilang araw pa lang, umuwi ako galing sa trabaho at naabutan kong umiiyak si Frances. Nang makapagsalita na siya sa wakas, ikinuwento niya sa akin na natagpuan ang bangkay ng bata sa garahe nito, kung saan siya nagpakamatay. Maliwanag na hindi niya nakayanan ang paninira sa kanya. Labis kaming nagpasalamat at hindi kami sumali sa paninirang iyon. Kaylinaw na aral nito tungkol sa kahalagahan ng hindi panghuhusga sa kapwa at mabuting pagtrato sa iba.
Ang Tagapaligtas ang gawin nating halimbawa. Nakasulat tungkol sa Kanya, Siya ay “[lumaki] sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.”9 Siya ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti … sapagka’t sumasa kaniya ang Dios.”10
Tandaan na kadalasan ang karunungan ng Diyos ay parang kahangalan sa tao, ngunit ang kaisa-isang dakilang aral na matututuhan natin sa mortalidad ay kapag nagsalita ang Diyos at sumunod ang tao, ang taong iyon ay laging tama.
Nawa’y lagi nating sundin ang Prinsipe ng Kapayapaan, na tunay na ipinakita sa atin ang daang tatahakin, dahil sa paggawa nito, malalagpasan natin ang maligalig na panahong ito. Maliligtas tayo ng Kanyang banal na plano sa mga panganib na nakapaligid sa atin sa lahat ng dako. Halimbawa Niya ang nagtuturo ng daan. Nang maharap sa tukso, Kanya itong tinalikuran. Nang handugan ng daigdig, Kanya itong tinanggihan. Nang hilingin ang Kanyang buhay, Kanya itong ibinigay.
Panahon na. Dito ang lugar. Nawa’y sundin natin Siya, ang aking dalangin, sa ngalan ni Jesucristo, Amen.