2005
Pagpapahalaga sa Payo ng Matatanda
Mayo 2005


Pagpapahalaga sa Payo ng Matatanda

Nawa’y madagdagan ang pag-unawa at higit na pagpapahalaga natin sa kapangyarihan ng patotoo, lalo na kapag ipinahayag ito [ng marurunong at matatanda].

Mahal kong mga kapatid, habang naghahanda tayong makinig sa huling mensahe ni Pangulong Hinckley sa pagtatapos ng kagila-gilalas na pangkalahatang kumperensyang ito, taimtim kong dasal na sana’y madama ng bawat isa sa atin na napakapalad nating tumanggap ng pinagsama-samang karunungan at payo ng mga propeta at apostol ng Panginoon na, kung diringgin at susundin, ay gagabay sa atin tungo sa ating Tagapagligtas. Lalo tayong higit na magpasalamat na nabuhay tayo sa panahon na ang mga lider ng Simbahan, bagama’t marami na ang matatanda, ay patuloy na tumatanggap ng paghahayag at inspirasyon na nagsusulong sa kaharian sa araw-araw.

Noong kabinataan ko, nabigyan ako ng matinding nasusulat na panghihikayat na patunayan kong ako’y tapat at masunuring anak para pagtanda ko at tuwing kailangan ko ng pangaral at payo, ay lalapit ako sa mga magulang ko, kahit “matatanda” na sila, para tumanggap ng karunungan, aliw, at patnubay. Mahigit 20 taon nang patay ang tatay ko. Siya’y naging dakila at mabuting halimbawa na mapagkukunan ko ng karunungan habambuhay. Kalilibing lang din namin sa 101-taong-gulang na nanay ko sa tabi ng kanyang asawa sa kawalang-hanggan noong Lunes. Noong mag-100 taon siya, pinagtibay niya ang habambuhay niyang patotoo sa mga salitang ito: “Ang ebanghelyo ay isang uri ng pamumuhay; bahagi ito ng plano para maiwasan natin ang pait. Higit kailanman, naniniwala ako na maganda ang buhay na ito ngunit mas maganda sa kabilang buhay” (“Growing Old Graciously: Lessons from a Centenarian,” Religious Educator 5, blg. 1, 2004]: 11).

Madalas akong sabihan ni Inay na ipinagdarasal niya ako at ang pamilya namin araw-araw. Habang papalapit nang papalapit ang kanyang kamatayan, lalong naging taos at makabuluhan sa akin ang mga dalangin niya. Ang mga magulang ko, gayundin ang mahal kong mga biyenan, ay nagtiis o nagtitiis hanggang wakas sa matwid na landas, at nag-iwan ng pamana ng katapatan sa lahat ng susunod nilang inapo.

Ganito ang sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson sa Nobyembre 1989 Ensign: “Kilala at mahal ng Panginoon ang matatanda sa Kanyang mga tao. Ganyan na talaga noon pa, at pinagkalooban Niya sila ng marami sa Kanyang mga dakilang responsibilidad. Sa iba’t ibang dispensasyon ginabayan Niya ang Kanyang mga tao sa tulong ng mga propetang tumatanda na. Kinailangan Niya ang karunungan at karanasan ng katandaan, ang inspiradong pamamahala ng mga taong matagal nang napatunayan ang katapatan sa Kanyang ebanghelyo” (“To the Elderly in the Church,” 4).

Pinag-isip ako ng mga bagay na ito tungkol sa mga dakilang sermon, biyaya, patotoo, at payo na iniwan ng mga propeta at apostol, lalo na kapag nadarama na nilang tumatanda na sila o naghahandang magbalik sa alabok. Ilan sa mga huling pamamaalam ay kabilang sa pinakabantog at madalas banggiting mga banal na kasulatan. Halimbawa: sa Moises 6:57, malinaw na ipinahayag ni Enoc, “Dahil dito, ituro ito sa iyong mga anak, na ang lahat ng tao, sa lahat ng dako, ay kinakailangang magsisi, o sila sa anumang paraan ay hindi makamamana ng kaharian ng Diyos, sapagkat walang maruming bagay ang makatatahan … sa kanyang kinaroroonan.” Ang mga pangunahing alituntuning ito ng ebanghelyo ay itinuturo na sa panahon nina Adan at Eva, at paulit-ulit na isinalin sa mga henerasyon, tulad ng patunay sa mga banal na kasulatan.

Ito ang payo ni Jose na ipinagbili sa Egipto sa mga tao ng Israel: “Ako’y namamatay: nguni’t tunay na dadalawin kayo ng Dios, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain na kaniyang isinumpa kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob” (Genesis 50:24).

Lumipas ang mga henerasyon, bago natupad ang propesiya ni Jose, binasbasan ni Moises ang lahat ng lipi ni Israel at inilipat ang awtoridad ng pamumuno kay Josue, na namuno sa mga tao pabalik sa lupang pangako. Bago namatay, iniwan ni Josue ang walang-kamatayang mga katagang “piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; … nguni’t sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon” (Josue 24:15).

Ang sumunod na mga propeta, tulad nina Jeremias, Isaias, at Malakias, ay nag-iwan din ng di-malilimutang mga patotoo sa buong ministeryo nila, na nagpopropesiya tungkol sa pagdating ng Mesiyas at ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala.

Gayon din ang makikita nating huwaran sa buong Aklat ni Mormon sa pagbibigay-diin sa mga huling mensahe nina Nephi, Jacob, at Haring Benjamin—na ang dakilang talumpati ay nagpabago sa mga puso ng isang buong bansa—pati na ang makapangyarihang mga salita ni Abinadi, na matapang na nagsalita dahil batid niyang bilang na ang kanyang mga araw: “Ituro sa kanila na darating ang pagtubos sa pamamagitan ni Cristo, ang Panginoon, na siya ring Amang Walang Hanggan” (Mosias 16:15). Patuloy ang listahan kina Alma at kanyang anak na si Alma, at si Helaman, na anak ni Helaman, na nagbigay ng walang- katumbas na payo sa kanyang mga anak: “At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato ng ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan … , na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).

Ang mga ito at iba pang mga propeta sa Aklat ni Mormon, pati mismo si Mormon, ay sumulat sa ating panahon, batid na kakailanganin natin ang kanilang talino at dunong para tulungan tayo sa mga panahong mapanganib. Ang Aklat ni Mormon mismo ay nagtatapos sa walang-kapantay na utos ni Moroni, na anak ni Mormon, nang sabihin niya sa atin, “Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo” (Moroni 10:32).

Ganito rin ang “mga huling patotoo” sa Bagong Tipan, tulad ng maringal na pahayag ni Pablo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya” (II Kay Timoteo 4:7), na nagpapatunay sa pagtitiis niya hanggang wakas.

Maganda ang ideyang iniwan ng pag-unlad ng dakila at nakatatandang Apostol, si Pedro, sa kanyang pahayag: “At mangagbigkis ng kapakumbabaan, na kayo-kayo’y maglingkuran: sapagka’t ang Dios ay sumasalangsang sa mga palalo, datapuwa’t nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba. Kaya’t kayo’y mangagpakababa sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Dios, upang kayo’y kaniyang itaas sa kapanahunan” (I Ni Pedro 5:5–6).

At tiyak na ang pinakadakilang personahe sa lahat ng panahon kung kanino tayo matututo ay sa nagbangong Panginoon Mismo, nang utusan Niya ang Kanyang mga Apostol at alagad na “magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo; at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan” (Mateo 28:19–20).

Napakalaking kaban ng paniniwala at kaalaman ang bigay sa atin ng mga tinipong banal na kasulatan. May makikita pa ba tayong karaniwang mga ideyang nagbibigay-inspirasyon sa mga ito? Palagay ko’y madali itong makita:

  • Na si Cristo, na Anak ng Diyos, ay buhay at Siya ang ating Manunubos at Tagapagligtas

  • Na dapat natin Siyang sundin at mahalin sa pamamagitan ng pag-alala sa Kanya at mapakumbabang pagsunod sa Kanyang mga utos

  • Na dahil sa Kanyang pagbabayad-sala, maaari tayong magsisi at malinis

  • Na tayo’y Kanyang mga pinagtipanang tao at dapat nating sunding lagi ang mga tipang ginawa natin

  • Na kailangan nating ipalaganap ang Kanyang ebanghelyo sa buong mundo

  • Na dapat tayong manampalataya, magsisi, magpabinyag, tanggapin ang Espiritu Santo, at magtiis hanggang wakas

Sa ating dispensasyon, paulit-ulit na iginigiit ng mga makabagong propeta ng Panunumbalik ang mga alituntunin ding ito. Sa mga turo ni Pangulong John Taylor nalaman natin na “bilang Anak ng Tao, tiniis Niya ang lahat ng posibleng tiisin ng laman at dugo; bilang Anak ng Diyos nadaig Niya ang lahat, at umakyat sa kanang kamay ng Diyos magpakailanman” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor [2001], 44).

Isa sa mga paborito ko, mula kay Pangulong Spencer W. Kimball:

“Sa mga patotoo ng mga dakilang lalaki at sinaunang apostol—ang ating mga kapatid sa ministeryo ng iisang Panginoon—idaragdag ko ang sarili kong patotoo. Alam ko na si Jesucristo ay Anak ng buhay na Diyos at ipinako Siya sa krus para sa mga kasalanan ng mundo.

“Siya’y aking kaibigan, Tagapagligtas, Panginoon, Diyos.

“Taos-puso kong dalangin na nawa’y … magtamo ng walang-hanggang pamana ang mga Banal sa piling niya sa selestiyal na kaluwalhatian” (“An Eternal Hope in Christ,” Ensign, Nobyembre 1978, 73).

Ang propeta natin ngayon, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ay patuloy tayong inaakay taglay ang kanyang malakas na paniniwala, nang ipahayag niya kailan lang sa isang mensahe sa stake conference: “May patotoo ako, tunay, nag-aalab, at mahalaga, sa katotohanan ng gawaing ito. Alam ko na ang ating Diyos Amang Walang Hanggan ay buhay at si Jesus ang Cristo, ang aking Tagapagligtas at Manunubos. Siya ang namamahala sa Simbahang ito. Ang tanging hangad ko ay sumulong sa gawaing ito tulad ng nais Niya” (“Mga Kaisipang Nagbibigay-Inspirasyon,” Liahona, Oktubre, 2003).

Sa pagbubuod ng mga patotoo ng lahat ng sinauna at makabagong apostol at propeta, nasasaatin ang walang-kamatayang mga salita ni Propetang Joseph Smith, na nagpahayag:

“At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!

“Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama” (D at T 76:22–23).

Nais kong idagdag ang sarili kong abang pagpapatibay sa katotohanan ng mga patotoong nabanggit. Alam ko na ang ating Ama sa Langit ang literal na Ama ng ating mga espiritu at si Jesucristo ay ating Tagapagligtas, Manunubos, Panginoon. Kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos, Siya’y ating kaibigan (tingnan sa Juan 15:14). Sa pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan, nawa’y madagdagan ang pag-unawa at higit na pagpapahalaga natin sa kapangyarihan ng patotoo, lalo na kapag ipinahayag ito ng marurunong at matatanda, ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Print