2005
Lahat ng Anak Ninyo ay Tuturuan
Mayo 2005


Lahat ng Anak Ninyo ay Tuturuan

Kailangang malaman ng mga bata na makatutulong ang pananalig at pagsunod sa Tagapagligtas sa pagkakaroon ng kapayapaan sa magulong daigdig na ito.

Nalungkot tayo sa nagdaang mga kalamidad sa buong mundo. Lalong mabigat sa loob natin ang pagdurusa ng mga bata, na mga inosenteng biktima. Nakita natin ang mga batang walang kapamilyang bubuhay, mag-aalaga, at magmamahal sa kanila. Gusto nating tumulong kahit paano—sa anumang paraang magpapagaan sa kanilang pagdurusa at magbibigay ng pag-asa sa kanilang buhay. Nagpapasalamat tayo sa mga pagkakataon natin na makatulong. Nahihikayat tayo sa pagsisikap ng marami na gustong tumulong sa mga batang ito.

Gayunman, hindi natin kailangang lumayo para makakita ng mga bata sa magkakaiba at mahihirap na sitwasyon. Maaari nating makaligtaan nang di sinasadya ang mga bata sa paligid natin. Talaga bang alam natin ang mga panganib na nakapaligid sa ating mga anak? Karaniwa’y alam natin kung natutugunan ang mga pisikal nilang pangangailangan, pero paano ang mga espirituwal na pangangailangan nila? Alam ba nila ang liwanag at kapayapaan ng ebanghelyo ni Jesucristo? Itinuturo ng mga banal na kasulatan, “Lahat ng iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon; at malaki ang magiging kapayapaan ng iyong mga anak.”1

Kailangan ng mga bata ang kapayapaan na nagmumula sa kaalaman na mayroon silang mapagmahal na Ama sa Langit, na nagsugo sa Kanyang Anak na si Jesucristo, upang maghatid ng liwanag at pag-asa sa mundo. Tayong nakatatanda ang bahalang umakay sa mga bata sa kapayapaan at liwanag na iyon.

Ang espirituwal na kalagayan ng ilang bata sa mundo ngayon ay makikita sa larawang ipininta ng Danish na pintor na si Carl Bloch. Maganda ang paglalarawan dito ng salaysay sa banal na kasulatan sa aklat ni Juan, kabanata 5. Si Cristo, na tagapagpagaling at tagaaliw, ang pokus ng ipinintang larawan. Inaangat Niya ang takip ng lalaking may kapansanan na nang isilang. Naghihintay ang lalaki na mahimalang mapagaling sa Tangke ng Betesda, pero walang tumulong sa kanya. Habang naghihintay ang lalaki, na umaasa sa himala, naroon si Cristo na may kapangyarihang pagalingin siya.

May ilang tauhan sa gawing likuran ng larawan, na hindi nakatingin kay Cristo. Kasama nila ang Panginoon, ngunit isang tao lang ang gayon ang tingin sa Kanya. Lahat ng iba pa’y parang abala sa kanilang pang-araw-araw na gawain, walang malay sa dakilang kapangyarihan ni Jesus at sa himalang mangyayari sa harapan nila. Ang isang bata at isang babae, na ina siguro ng bata, ay natatanaw si Jesus, ngunit gaya ng iba, sa iba sila nakatingin. Naroon mismo ang Tagapagligtas, pero hindi nagawang akayin ng babaeng ito ang anak sa Tagapagligtas. Pakakawalan din kaya natin ang pagkakataong ito na lumapit kay Cristo? Nagagambala ba tayo ng mga karanasan sa buhay at nanlalabo ang ating espirituwal na pananaw, kaya hindi tayo makatuon sa pinakamahalagang bagay? Pinakakawalan kaya natin ang mga pagkakataong makilala ang Panginoon at damhin ang Kanyang pagmamahal? At pinakakawalan ba natin ang pagkakataong ibahagi sa iba—lalo na sa mga bata—ang pinakamahalagang bagay, ang ebanghelyo ni Jesucristo? Nakakita na tayong lahat ng mga bata at kabataan sa gitna ng maraming tao na nalilito at nagnanais malaman kung ano ang pinakamahalagang bagay.

Parang naririnig ko ang batang ito at ang iba pang mga bata na binabanggit ang mga salitang kinanta na ng marami sa atin, “Turuang lumakad sa liwanag; at manalangin sa ‘king Diyos Ama; Turuang tama ay matutunan; sa ‘king buhay, ako’y turuan.”2

Tinuturuan ba natin ang ating mga anak na malaman, madama, at matamasa ang ganda, kapangyarihan, at mga himala ng ebanghelyo ni Jesucristo? Ipinayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Turuan natin ang ating mga anak tungkol sa Kanya na tinatawag nating Panginoong Jesucristo. Ituro natin sa kanila ang maringal at nakapagliligtas na mga alituntunin ng ebanghelyo.”3 Kailangang malaman ng mga bata na makatutulong ang pananalig at pagsunod sa Tagapagligtas sa pagkakaroon ng kapayapaan sa magulong daigdig na ito.

Paano natin tuturuan ang ating mga anak? Masusundan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas. Sa Aklat ni Mormon mababasa natin na nagpakita ang nabuhay na muling Tagapagligtas sa mga nasa Western Hemisphere. Habang tinuturuan ang mga tao tinipon Niya ang mga bata sa Kanya. Lumuhod Siya at nanalangin kasama ang mga bata at para sa kanila. Isa-isa Niyang binasbasan ang mga bata. Nagalak Siya sa piling nila at binuksan ang kalangitan upang maturuan ang mga bata mula sa itaas.

Sa pagsama ninyo sa mga bata sa hapag-kainan, sa pagsama ninyo sa kanila sa araw-araw na panalangin ng mag-anak at pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan, at sa family home evening, sinusunod ninyo ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagmamahal at pagtuturo ninyo sa kanila. Ipaalam sa kanila na sama-sama ninyong sinisikap na sundin ang mga utos at maging karapat-dapat para maging walang-hanggang pamilya. Sa mga sarilinang pag-uusap na ito, maaari tayong hikayatin ng Espiritu na itanong o sabihin ang tama upang ipaalam at ipadama sa ating mga anak ang liwanag ng Panginoon. Kung sasamantalahin natin ang mga pagkakataon, gagabayan tayo ng Espiritu.

Mababait at may-kakayahan ang mga bata sa ating paligid. Matutulungan natin silang magkaroon ng kapayapaan sa buhay na ito at sa kabilang buhay.

Kailangang madama ng mga bata ang Liwanag ni Cristo para mapili nila ang liwanag at labanan ang kadiliman. Dumanas ng himala si Moises nang siya’y magbagong-anyo at makita ng espirituwal niyang mga mata ang Diyos. Matapos turuan ng Diyos si Moises at makita ang kaluwalhatian at gawain ng Diyos, si Satanas ay naghatid ng kadiliman at pagkalito kay Moises. Dahil nadama na ni Moises ang liwanag at kaluwalhatian ng Diyos, alam na niya ang kaibhan. Matapang siyang nanindigan laban kay Satanas at sinabing, “Sino ka? Sapagkat masdan, ako ay anak ng Diyos.”4

Kailangang puspusin ng liwanag ng ebanghelyo ang mga bata upang pagdating ng tukso’y masabi nilang, “Alam ko kung sino ako. Ako ay anak ng Diyos. Alam ko ang gagawin ko. Mabibinyagan ako, tatanggap ng Espiritu Santo, at susunod sa mga utos.” Pagkatapos ay masasabi ng mga bata: “Alam ko kung ano ang kaya kong marating. Magiging mabuting dalaga ako,” o, “Magiging mabuting binata ako at tatanggap ng priesthood ng Diyos.” Ang mga batang puspos ng kaalaman at liwanag na ito ay makapagdedesisyon na tanggihan ang kadiliman at bumalik sa liwanag at kapayapaan ng ebanghelyo.

Ang mga batang nasa puso ang ebanghelyo ay nakakikilala sa kamay ng Panginoon sa kanilang buhay. Mas maraming alam at magagawa ang mga bata kaysa akala natin. Nalaman ko na ang mga bata na may liwanag ng ebanghelyo ay mapanalig. Hindi sila mapagduda. Sabi ni Samantha, edad 11, “Alam kong totoo ang ebanghelyo kasi nadarama ko ito.” Sabi ng tatlong-taong-gulang na si Benjamin, “Alam ko na dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin dahil mahal Niya ako.” Sabi ng mga batang may liwanag ng ebanghelyo, “Alam ko na itinutuwid ng Espiritu Santo ang aking buhay dahil masaya ako kapag pinipili kong sundin ang mga bulong Niya.”

Nauunawaan na ni Sam ang damdaming hatid ng Espiritu Santo. Nang itanong ng nanay niya, “Sino ang Espiritu Santo?” sabi niya, “Ito’y mainit na damdamin sa puso ko.” Naunawaan din ni Sam na nang magkasakit ang kanyang kapatid na dalawang-linggo pa lang ang edad, ang Espiritu Santo ang naghikayat sa kanya na humingi ng tulong sa Panginoon.

Nadarama ba ninyo ang kapayapaan ng mga batang ito?

Ang pagtuturo sa mga bata ay higit pa sa hangaring turuan sila. Kailangan nating maging masigasig. Binanggit ko kanina ang kantang, “Turuang Lumakad sa Liwanag,” na isinulat ni Clara McMaster. Ikinuwento sa akin ni Sister McMaster na noong nasa Primary general board siya pinasulat siya ng kanta tungkol sa pagtuturo sa mga bata. Nahirapan siyang gawin ito at nanalangin para malaman kung paano simulan at tapusin ang tungkuling ito.

Matapos ang maraming hirap isinumite niya ang kanyang ginawa, para sabihan lang na hindi pa ito tama. Hindi sinabi sa kanya kung ano ang babaguhin, basta ituloy daw niya hanggang sa maitama ito. Pigang-piga na siya at hindi alam kung paano magpapatuloy. Muli siyang humiling ng patnubay sa Panginoon, gumawa ng mga pagbabago, at isinumite ang isa pang edisyon. Tatlong beses niya itong ginawa hanggang sa wakas ay sabihan siya na tamang-tama na ito at wala na siyang dapat baguhin pa.

Kahit maraming beses ginustong sumuko ni Sister McMaster, sinikap niyang gawin ang ipinagawa sa kanya at umasang mabibiyayaan nito ang buhay ng mga bata. Nakanta na ng mga bata’t matanda sa maraming lupain at maraming wika ang kanyang inspiradong musika. Ang kantang ito ay kumakatawan sa hangarin ng aking puso—na lahat ng bata ay matutong lumakad sa liwanag ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang kantang ito ay nagsisimula sa pakiusap ng isang bata, “Turuang lumakad sa liwanag” at nagtatapos sa pangakong, “Liwanag N’yo’y aming susundin.”5

Kailangan ng oras at pagsisikap sa pagtuturo sa mga bata, ngunit huwag tayong pagambala o sumuko. Kailangang-kailangan ng ating mga anak ang katuparan ng pangakong “at malaki ang magiging kapayapaan ng iyong mga anak.”6 Huwag pag-isipin ang sinumang bata kung mahal siya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Ipaalam sa lahat ng bata kung sino sila, ano ang kanilang gagawin, at ano ang puwede nilang marating.

Nagpapasalamat ako sa lahat ng tumutulong sa mga bata, na nagmamahal at nagtuturo sa kanila na anuman ang kanilang kalagayan sa mundo ay madarama nila ang kapayapaan sa liwanag ng ebanghelyo at tatanggap ng mga pangako ng Panginoon.

Gusto kong kausapin lalung-lalo na ang mga batang nakikinig sa buong mundo. Nakilala ko na ang ilan sa inyo rito at ang ilan sa inyo na nasa Africa, Pilipinas, Korea, at kamakaila’y sa Ukraine at Russia. Binisita ko na kayo sa mga Primary at maging sa mga ospital ng mga bata. Sana alam ninyo kung gaano kayo kamahal ng inyong pamilya, mga guro sa Primary, at higit sa lahat, ng inyong Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Huwag kayong makuntento na di mapasainyo ang mga pribilehiyo at pagpapalang ibinibigay sa inyo ng Diyos. Ang mga pamantayang sinusunod ninyo sa inyong pananamit, pananalita, at pag-uugali ay mga panlabas na palatandaan ng marubdob na pangakong sundin ang plano ng Ama sa Langit para sa inyo.

Ang impluwensya ninyo sa akin ay higit pa sa akala ninyo. Salamat sa inyo sa galak at pag-asang hatid ninyo sa aking puso at sa puso ng mga lider ninyo sa Primary at lalo na sa inyong mga magulang. Tandaan lang na magpasalamat sa mga nagmamahal at nagtuturo sa inyo. Alam ko, at gusto kong malaman ninyo, na kayo ay anak ng Diyos, mahal kayo ng Ama sa Langit, at makapagdarasal kayo sa Kanya anumang oras, kahit saan. Laging sikaping alalahanin at sundin si Jesucristo at magdudulot ito ng liwanag at kapayapaan sa inyong buhay ngayon at pag-asa sa kawalang-hanggan. Pinatototohanan ko ito sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. 3 Nephi 22:13.

  2. “Turuang Lumakad sa Liwanag,” Aklat ng mga Awit Pambata, 70.

  3. “Messages of Inspiration from President Hinckley, Church News, Set. 4, 1999, 2.

  4. Moises 1:13.

  5. Aklat ng mga Awit Pambata, 70.

  6. 3 Nephi 22:13.

Print