2005
Pambungad na Pananalita
Mayo 2005


Pambungad na Pananalita

Mabigat ang ating pasanin sa patuloy na pagsulong. Ngunit maluwalhati ang bigay sa ating pagkakataon.

Pinakamamahal kong mga kapatid, sa pangalan ng lahat ng miyembro ng Simbahang ito sa buong daigdig, ipinararating ko sa ating mga Katolikong kapitbahay at kaibigan natin ang ating taos-pusong pagdamay sa oras na ito ng matinding dalamhati. Walang pagod na nagtrabaho si Pope John Paul II upang isulong ang layon ng Kristiyanismo, pagaanin ang pasanin ng mga dukha, at walang takot na nagsalita ngalan ng moralidad at dignidad ng tao.

Ngayon, mga kapatid ko, palagay ko’y angkop lang na sa pagsisimula ng kumperensyang ito ay magsalita ako nang kaunti tungkol sa pananagutan natin sa ipinagkatiwala sa atin nitong huling 10 taon.

Noong Marso 12, 1995, ibinigay sa atin ang mataas at sagradong responsibilidad ng Panguluhan.

Ito ang sinabi ko nang sumunod na kumperensya:

“Ngayon, mga kapatid ko, panahon na para lalo tayong manindigan, upang lawakan ang ating pang-unawa sa dakilang misyon sa milenyo nitong Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngayon tayo kailangang maging malakas. Ngayon tayo kailangang sumulong nang walang pag-aalinlangan, dahil alam na nating mabuti ang kahulugan, lawak, at kahalagahan ng ating misyon. Panahon na para gawin ang tama anuman ang maging bunga nito. Panahon na para ipakitang sinusunod natin ang mga utos. Panahon na para tulungan nang buong kabaitan at pagmamahal ang mga naliligalig at ang mga nangangapa sa dilim at nagdurusa. Panahon na para isaalang-alang ang iba at maging mabuti, disente at mapitagan sa bawat isa sa lahat ng ating pakikitungo. Sa madaling salita, maging higit na katulad ni Cristo” (“This Is the Work of the Master,” Ensign, Mayo 1995, 71).

Kayo ang hahatol kung gaano na kalayo ang ating narating sa pagsasakatuparan ng imbitasyong ibinigay sampung taon na ang nakalilipas.

Ang nakaraang dekadang ito ay naging kahanga-hangang panahon sa kasaysayan ng Simbahan. Napakalaki ng iniunlad ng gawain. Napakaraming makabuluhang mga bagay na nagawa.

Hindi lang ang Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawa, Pitumpu, o Presiding Bishopric ang nagtrabaho upang isulong ito. Ito’y bunga ng pananampalataya, mga dasal, mga pagsisikap, dedikadong serbisyo ng bawat miyembro ng isang stake presidency o high council, lahat ng bishopric at panguluhan ng korum; ng lahat ng panguluhan ng auxiliary; at ng lahat ng tapat at aktibong miyembro ng Simbahan sa buong mundo.

Sa inyong lahat, saanman kayo naroon, ipinaaabot ko ang nasa puso ko at pinasasalamatan kayo sa dakila at dedikadong serbisyo ninyo. Kahanga-hanga kayong mga tao.

Ang karingalan at kagila-gilalas na katangian ng ebanghelyo ni Jesucristo na ibinalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ay nagniningning na mabuti ngayon.

Habang tayo’y nasa rurok ng mga taon na ito at paglingon natin sa nakaraan, hindi tayo dapat magyabang o magmalaki kailanman, kundi mapakumbaba tayong magpasalamat sa mga naisagawa sa iba’t ibang pagsisikap.

Halimbawa, lumaganap nang husto ang Simbahan sa buong mundo hanggang sa humigit ang bilang ng mga miyembro sa labas ng North America kaysa sa loob nito. Naging malaking pamilya na tayo sa buong mundo na nakakalat sa 160 bansa.

Nitong huling 10 taon mahigit 500 bagong stake ang nalikha at mahigit 4,000 ang mga bagong ward at branch. Tatlong milyong bagong miyembro ang nadagdag.

Dumoble ang enrolment sa ating sistemang pang-edukasyon, at halos 200,000 ang nadagdag. Karaniwa’y matatag at mas matapat ang ating mga kabataan.

Nilikha ang Perpetuwal na Pondong Pang-edukasyon. Sa pag-asa at pananampalataya lang tayo nagsimula. Ngayon halos 18,000 kabataan na ang natutulungan. Naninirahan sila sa 27 iba’t ibang bansa. Sinasanay at nakakaahon sila sa hirap na kinalakhan nila at ng kanilang mga ninuno sa maraming henerasyon. Pinahuhusay ang kanilang mga kasanayan at lumalaki ang kanilang kita.

Marami tayong idinagdag sa mga templo. Noong 1995, may 47 templo. Ngayon, 119 na, at may tatlo pang ilalaan sa taong ito.

Ang Aklat ni Mormon ay nalimbag sa 87 wika noong 1995. Ngayon, makukuha na ito sa 106 na wika.

Limampu’t isang milyong kopya na ng Aklat ni Mormon ang naipamahagi nitong huling 10 taon.

Libu-libong gusali ang naitayo natin sa buong mundo. Mas maganda ang kalidad ng mga ito at mas angkop sa ating mga pangangailangan kaysa mga unang itinayo.

Bukod dito, itinayo natin ang kahanga-hangang bulwagang ito kung saan nagsasalita kami ngayon, ang kakaiba at magandang Conference Center dito sa Salt Lake City.

Sa lahat ng ito at higit pa, natulungan natin ang buong mundo sa pagtulong sa mga naliligalig at nangangailangan saanman sila naroon. Nitong huling 10 taon daan-daang milyong dolyar na halaga ng pera at kalakal ang naibigay nating kawanggawa sa mga hindi natin kamiyembro.

Nalakbay namin ang daigdig sa pagpapatotoo sa gawaing ito ng Maykapal. Sa mga taon ding ito halos isang milyong milya ang personal kong nilakbay sa pagbisita sa mga 70 bansa. Kasama kong naglakbay ang mahal kong asawa hanggang noong nakaraang taon nang siya’y pumanaw noong ika-6 ng Abril. Napakalungkot na mula noon.

Malaki ang ating pag-asa at matatag ang ating pananampalataya sa hinaharap.

Alam nating babahagya pa lang ang nakita natin sa mga mangyayari sa darating na mga taon.

Ako’y 95 anyos na ngayon. Hindi ko pinangarap na mabuhay nang ganito katagal. Sa buhay kong ito, naaalala ko tuloy ang karatulang nakasabit sa kinakalawang na isteypol sa isang sirang alambreng-bakod sa Texas. Nakasaad doon:

Sunog na sa tagtuyot,

Lunod na sa tubig-baha,

Kinain na ng mga hayop,

Pinabayaan na ng sherriff,

Buhay pa rin!

Sana’y magkaroon ako ng pagkakataong makasalamuha kayo, mahal kong mga kaibigan at katrabaho, sa pahintulot ng Panginoon. At sana’y tanggapin ang paglilingkod kong iyon.

Ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo ang ating pundasyon. Narito ang awtoridad ng banal na priesthood, na ipinanumbalik sa ilalim ng mga kamay ng mga taong tuwirang tinanggap ito mula sa ating Panginoon. Hinawi ang kalangitan, at kinausap ng Diyos ng langit at ng Kanyang Minamahal na Anak ang batang propetang si Joseph sa pagbubukas ng huling dispensasyong ito.

Mabigat ang ating pasanin sa patuloy na pagsulong. Ngunit maluwalhati ang bigay sa ating pagkakataon.

Uulitin ko ang sinabi ko 10 taon na ang nakalilipas, halina’t “lalo tayong manindigan … lawakan ang ating pag-unawa sa dakilang misyon sa milenyo nitong Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Ito, mga kapatid ko, ang paanyaya ko sa inyo ngayong umaga. Ipinaaabot ko ang aking pagmamahal, basbas, at pasasalamat sa pagbubukas natin ng malaking kumperensyang ito. Nawa’y patnubayan tayo ng Espiritu ng Panginoon sa lahat ng pangyayari, ang mapakumbaba kong dalangin, sa ngalan ni Jesucristo, amen.