2005
Pusong Magkakabigkis
Mayo 2005


Pusong Magkakabigkis

Nang mabinyagan kayo, umaasang tiningnan kayo ng inyong mga ninuno… . Nagalak silang makita ang isa sa kanilang mga inapo na nakipagtipang hahanapin sila.

Ang mensahe ko ay para sa mga convert sa Simbahan. Mahigit kalahati ng mga miyembro sa Simbahan ngayon ay piniling mabinyagan paglampas ng walong taong gulang. Kaya maraming tulad ninyo sa Simbahan. Gusto kong sabihin sa inyo na mahal at pinagkakatiwalaan kayo ng Panginoon. Dagdag pa riyan, gusto kong sabihin sa inyo kung gaano Niya kayo inaasahan.

Nadama ninyo ang pagmamahal Niya noong binyagan kayo. Ilang taon na ang nagdaan, bininyagan ko ang 20 anyos na binata. Itinuro namin sa kanya ng kompanyon ko ang ebanghelyo. Siya ang una sa pamilya niya na nakarinig ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Hiniling niyang mabinyagan. Ang pagsaksi ng Espiritu ang naghikayat sa kanyang sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas, na bininyagan ni Juan Bautista kahit na walang kasalanan.

Nang iahon ko ang binatang iyon sa tubig ng binyag, nagulat ako nang yakapin niya ako at ibinulong sa akin, na dumadaloy ang mga luha na, “Malinis na ako, malinis na ako.” Matapos naming ipatong ang aming mga kamay sa kanyang ulo nang may awtoridad ng Melchizedek Priesthood at ipagkaloob sa kanya ang Espiritu Santo, sinabi sa akin ng binatang ito, “Nang bigkasin ninyo ang mga salitang ito, may naramdaman akong parang apoy na nagmula sa ulunan ko hanggang sa buong katawan ko at mga paa ko.”

Maaaring iba ang naranasan ninyo noong binyagan kayo, ngunit sa ilang antas nadama ninyo ang kahalagahan ng mga biyayang dumating sa inyo. Mula noon, nadama ninyo ang katuparan ng mga ipinangako sa inyo at ipinangako ninyo. Nadama ninyong nalinis kayo ng binyag dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. At nadama ninyo ang pagbabago sa inyong puso nang makasama ninyo ang Espiritu Santo. Nagsimulang magbago ang mga naisin ninyo.

Kapag may nagsasabi sa akin na convert siya sa Simbahan, tinatanong ko, “May nakatanggap pa bang iba sa pamilya mo ng ebanghelyo?” Kapag ang sagot ay, “Oo,” kasunod na niyon ang masayang paglalarawan ng masayang himala sa buhay ng magulang o kapatid o lolo’t lola. Nakakatuwang malaman na may isa sa pamilya nila na nagbabahagi ng pagpapala at kaligayahan. Kapag ang sagot ay, “Wala, sa ngayon ako pa lang ang miyembro,” Halos madalas nagkukwento siya tungkol sa mga magulang niya. Magsasabi siya ng parang ganito, “Wala pa. Pero sinisikap ko.” At maririnig ninyo sa tono ng pananalita niya na hindi siya titigil ng pagsisikap, kahit kailan.

Alam ng Panginoon na madarama ninyo ito nang pahintulutan Niya kayong tanggapin ang mga tipan na magpapala sa inyong buhay. Alam Niyang nanaisin ninyong madama ng pamilya ninyo ang mga pagpapalang nadama ninyo sa pagsapi sa Simbahan. Higit pa riyan, alam Niya kung paano mag-iibayo ang naising iyon kapag nadama ninyo ang galak na dulot ng mga ipinangako Niya sa atin sa mga sagradong templo. Sa mga karapat-dapat, hinahayaan Niyang makipagtipan tayo sa Kanya doon. Nangangako tayo na susundin ang Kanyang mga kautusan. At ipinangangako Niya sa atin, na kung tayo’y tapat, mamumuhay tayong kasama Niya bilang mga pamilya magpakailanman sa kabilang buhay.

Sa Kanyang mapagkandiling pagmamahal, alam Niyang nananisin ninyong makasama magpakailanman ang inyong mga magulang at kanilang mga magulang. Siguro tulad ko may lolo rin kayong pinahahalagahan ang bawat pagbisita ko. Akala ko ako ang paborito niyang apo hanggang sabihin ng mga pinsan ko na ganoon din ang pakiramdam nila. Namatay na siya. Lahat ng mga lolo’t lola ko at mga ninuno nila ay namatay na. Marami sa mga ninuno ninyo ang namatay nang hindi nagkaroon ng pagkakataong matanggap ang ebanghelyo at ang mga pagpapala at pangakong natanggap ninyo. Makatarungan at mapagmahal ang Diyos. Kaya naghanda Siya ng daan para sa inyo at sa akin upang naisin nating ibigay sa ating mga ninuno ang mga pagpapalang ibinibigay Niya sa atin.

Ang planong magsasakatuparan niyan ay naihanda na sa simula pa lang. Nangako ang Panginoon sa Kanyang mga anak matagal na. Ang pinakahuling aklat sa Lumang Tipan ay ang aklat ni Propetang Malakias. At ang huling mga salita ay ang magiliw na pangako at mahigpit na babala.

“Narito, aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon:

“At kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka ako’y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.”1 Ilan sa mga salitang iyon ay mahalagang maintindihan. Ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon ay ang katapusan ng mundo. Si Jehova, ang Mesiyas, ay darating sa kaluwalhatian. Malilipol na lahat ang masasama. Nabubuhay tayo sa mga huling araw. Wala ng sapat na oras para gawin ang ipinangako nating gawin.

Mahalagang malaman kung bakit ipinangako ng Panginoon na isugo si Elias. Dakilang propeta si Elias na may malaking kapangyarihang ibinigay ng Diyos. Hawak niya ang pinakamalaking kapangyarihang ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak: hawak niya ang kapangyarihang magbuklod, ang kapangyarihang magbuklod sa lupa gayundin sa langit. Ibinigay ito ng Diyos kay Apostol Pedro. At tinupad ng Panginoon ang pangako niyang isugo si Elias. Dinalaw ni Elias si Propetang Joseph Smith noong Abril 3, 1836, noong katatapos pa lang ng dedikasyon ng Kirtland Temple, ang unang templong itinayo matapos ang Panunumbalik ng ebanghelyo. Inilarawan ni Joseph ang sagradong sandaling iyon:

“Isa pang dakila at maluwalhating pangitain ang bumungad sa amin; sapagkat ang propetang si Elijah na dinala sa langit nang hindi nakatikim ng kamatayan, ay tumindig sa aming harapan, at sinabi:

“Masdan, ang panahon ay ganap nang dumating, na sinabi ng bibig ni Malakias—nagpapatotoong siya [si Elijah] ay isusugo, bago ang pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon—

“Upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak at ang mga anak sa kanilang mga ama, at baka ang buong mundo ay bagabagin ng isang sumpa—

“Samakatwid, ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala sa inyong mga kamay; at sa pamamagitan nito ay inyong malalaman na ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon ay nalalapit na, maging nasa mga pintuan na.”2

Sa pagsapi ninyo sa Simbahan, nadama ninyong bumaling ang puso ninyo sa inyong pamilya, kapwa buhay at patay. Nagbigay ang Panginoon ng isa pang pangitain para tulungan kayong malaman ang gagawin sa mga nadaramang iyon.

Pagkatapos ni Joseph Smith, tumawag ang Panginoon ng iba pang mga propetang mamumuno ng Kanyang Simbahan. Isa rito si Joseph F. Smith. Nakita niya sa pangitain ang nangyari sa daigdig ng mga espiritu nang magpakita roon ang Tagapagligtas sa pagitan ng oras ng Kanyang kamatayan at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.3 Nakita ni Pangulong Smith ang galak ng mga espiritu nang malaman nila na nakalag na ng Tagapagligtas ang mga gapos ng kamatayan at dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala mabubuhay silang muli. At nakita niyang isinaayos ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tagapaglingkod sa mga espiritu para ipangaral ang Kanyang ebanghelyo sa bawat espiritu at ibigay ang pagkakataong piliin ang mga tipan at pagpapalang ibinibigay sa inyo at siyang nais ninyo para sa inyong mga ninuno. Dapat na magkaroon ang lahat ng pagkakataong iyon.

Nakita rin ni Pangulong Smith ang mga lider na tinawag ng Tagapagligtas na magdala ng ebanghelyo sa mga anak ng Ama sa Langit sa daigdig ng mga espiritu. Binanggit niya ang pangalan ng ilan sa kanila na sina Amang Adan, Inang Eva, Noe, Abraham, Ezekiel, Elijah, mga nakilala nating propeta sa Aklat ni Mormon, at ilan na nasa mga huling araw, kabilang na sina Joseph Smith, Brigham Young, John Taylor, at Wilford Woodruff. Isipin ninyo ang kapangyarihan ng mga misyonero na magturo ng ebanghelyo at antigin ang mga puso ng inyong mga ninuno. Hindi nakakagulat na sinabi ni Wilford Woodruff noong nabubuhay pa siya na naniniwala siyang kaunti lang, kung mayroon man, sa mga ninuno ng mga Banal sa mga Huling Araw na nasa daigdig ng mga espiritu ang pipiliing tanggihan ang mensahe ng kaligtasan kapag narinig nila ito.4

Marami sa mga namatay ninyong ninuno ang maaaring magpatotoo na ang mensahe ng mga misyonero ay totoo. Nang matanggap ninyo ang patotoong iyon maaari ninyong hilingin sa mga misyonero na binyagan kayo. Pero hindi ito magagawa ng mga nasa daigdig ng mga espiritu. Ang mga ordenansang labis ninyong pinahahalagahan ay ibinibigay lamang sa daigdig na ito. May tao sa mundong ito na dapat pumunta sa banal na templo at tanggapin ang mga tipan para sa taong iyon na nasa daigdig ng mga espiritu. Kaya nga obligado tayong hanapin ang mga pangalan ng ating mga ninuno at tiyaking naibibigay sa atin ang hindi nila matatanggap doon nang wala ang tulong natin.

Para sa akin, ang malaman iyan ay nagpabaling ng puso ko hindi lang sa aking mga ninuno na naghihintay kundi sa mga misyonerong nagtuturo sa kanila. Makikita ko ang mga misyonerong iyon sa daigdig ng mga espiritu at makikita rin ninyo. Isipin ninyo ang isang tapat na misyonero na nakatayo roon kasama ang kanyang mga minamahal at tinuturuang mga ninuno ninyo. Ilarawan natin sa isip ang ngiti sa mukha ng misyonerong iyon habang papalapit kayo sa kanya at inyong mga ninuno na kanyang na- convert pero hindi mabinyagan ni maibuklod sa pamilya hanggang sa magawa ninyo ang nararapat. Hindi ko alam kung anong proseso ang umiiral sa gayong lugar, pero naiisip ko ang mga pagyakap sa inyo at mga luha ng pasasalamat.

Kung maiisip ninyo ang ngiti ng misyonero at inyong ninuno, isipin ninyo ang Tagapagligtas kapag nakita ninyo Siya. Iinterbyuhin Niya kayo. Binayaran niya ang halaga ng inyong mga kasalanan at ng lahat ng espiritung anak ng Ama sa Langit. Siya si Jehova. Isinugo niya si Elijah. Ipinagkaloob niya ang mga kapangyarihan ng priesthood na magbuklod at magbigay-pala dahil sa Kanyang dalisay na pagmamahal. At pinagkatiwalaan Niya kayo nang iparinig sa inyo ang ebanghelyo sa buhay na ito, binibigyan kayo ng pagkakataong ibigay ito sa inyong mga ninunong hindi nagkaroon ng walang-kasinghalagang pagkakataong mayroon kayo. Isipin ninyo ang malaking pasasalamat Niya para sa mga nagsakripisyong gawin nang may pananampalataya ang paghahanap ng mga pangalan ng kanilang mga ninuno at sapat na nagmamahal sa kanila at sa Kanya, para mabigyan sila ng buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos. Binigyan Niya sila ng huling hain [o sakripisyo]. Mamahalin at pahahalagahan Niya ang mga nagsakripisyo para bigyan ng pagkakataon ang kanilang mga ninuno na piliin ang iniaalok Niyang buhay na walang hanggan.

Dahil naibaling na ninyo ang inyong puso, hindi na gaanong malaki ang sakripisyo. Simulan ninyo sa mga simpleng bagay. Isulat ang alam na ninyo tungkol sa inyong pamilya. Kailangang isulat ninyo ang mga pangalan ng mga magulang at kanilang mga magulang kasama ang mga petsa ng kapanganakan o kamatayan o kasal. Kung maaari, irekord ninyo ang mga lugar. Ilan diyan ay yaong mga naaalala pa ninyo. Ang iba’y pwede ninyong itanong sa mga kamag-anak. Baka may mga sertipiko sila ng mga kapanganakan, kasal, o kamatayan. Gumawa ng mga kopya at iayos ang mga ito. Kung may nalaman kayo tungkol sa mga kuwento ng buhay nila, isulat ang mga ito at ingatan. Hindi lang kayo nagtitipon ng mga pangalan. Ang mga hindi ninyo nakilala sa buhay na ito ay magiging mga kaibigan na mamahalin ninyo. Mapagbibigkis ang mga puso ninyo, magpakailanman.

Maaari ninyong simulan ang pagsasaliksik sa unang ilang henerasyon pabalik sa nakaraan. Mula riyan matutukoy ninyo ang marami sa mga ninuno ninyo na nangangailangan ng inyong tulong. May itinalaga sa inyong ward o branch ng Simbahan na tutulong sa inyong ihanda ang mga pangalang iyon para sa templo. Doon maibibigay sa kanila ang mga tipan na magpapalaya sa kanila mula sa bilangguan ng mga espiritu at ibubuklod sila bilang mga pamilya—ang inyong pamilya—magpakailanman.

Ang inyong mga oportunidad at mga obligasyong nililikha nito ay pambihira sa buong kasaysayan ng daigdig. Mas maraming templo sa buong mundo ngayon kaysa noon. Mas maraming tao sa buong daigdig ang nadaramang hinikayat sila ng Espiritu ni Elijah na irekord ang mga pangalan at impormasyon tungkol sa buhay ng kanilang mga ninuno. Mas marami kayong mapagkukunan ng impormasyon ngayon para saliksikin ang mga ninuno ninyo kaysa noon sa kasaysayan ng mundo. Nagbuhos ang Panginoon ng kaalaman kung paano makukuha ang impormasyong iyan sa buong mundo sa pamamagitan ng teknolohiya na noong nakaraang ilang taon ay parang isa lang himala.

Kasama ng mga oportunidad na iyon ang mas malaking obligasyon na manatiling nagtitiwala sa Panginoon. Kung marami ang ibinigay marami rin ang hihingin.5 Matapos ninyong makita ang unang ilang henerasyon, mas humihirap ang gawain. Mas malaki ang hihinging sakripisyo. Sa pagbalik ninyo sa nakaraan, lalong nagkukulang ang mga rekord. Dahil nagsasaliksik din ng mga ninuno ang ibang kapamilya ninyo, matutuklasan ninyong nabigyan na pala ng lahat ng mga pagpapala ang ninunong nakita ninyo. Pagkatapos kinakailangang harapin ninyo ang mahirap at mahalagang pagpili. Matutukso kayong huminto at ipaubaya na lang ang mahirap na gawain sa iba na mas sanay o ipagpaliban na muna ito. Pero makakaramdam din kayo ng inspirasyon na ipagpatuloy ang gawain gaano man ito kahirap.

Sa pagdedesisyon ninyo, tandaan na ang mga pangalan na napakahirap hanapin ay ang mga totoong tao, na siyang mga pinagkakautangan ninyo ng loob sa mundong ito at mga taong makikita ninyong muli sa daigdig ng mga espiritu. Nang mabinyagan kayo, umaasang tiningnan kayo ng inyong mga ninuno mula sa daigdig ng mga espiritu. Marahil matapos ang daan-daang taon, nagalak silang makita ang isa sa kanilang mga inapo na nakipagtipang hahanapin sila at palalayain sila. Sa inyong pagkikitang muli, makikita ninyo sa kanilang mga mata ang pasasalamat o kaya nama’y matinding kabiguan. Nakabigkis ang kanilang mga puso sa inyo. Nasa mga kamay ninyo ang kanilang pag-asa. Mas palalakasin kayo nang higit sa sarili ninyong lakas kapag pinili ninyong patuloy na hanapin sila.

Ilang gabi na ang nakararaan nanaginip ako. Nakakita ako ng isang piraso ng puting papel na may nakasulat na pangalang hindi ko kilala at petsang di ko gaanong mabasa. Bumangon ako at tiningnan ang mga rekord ng pamilya ko. Ang apelyido sa papel ay mula sa angkan ng aking ina 300 taon na ang nakararaan, sa lugar na tinawag na Eaton Bray. May isang umaasam na matapos na ang matagal na paghihintay. Hindi ko pa nakikita ang taong iyon. Pero nakahanap uli ako ng katiyakan na ang isang mapagmahal na Diyos ay nagpapadala ng tulong bilang sagot sa dalangin sa sagradong gawaing ito ng pagtubos sa ating mga pamilya, na Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian, at kung saan ipinangako natin ang ating mga puso. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Malakias 4:5–6.

  2. D at T 110:13–16.

  3. Tingnan sa D at T 138.

  4. Tingnan sa “Discourse by President Wilford Woodruff,” Millennial Star, Mayo 21, 1894, 339–40.

  5. Tingnan sa Lucas 12:48.

Print