Pagtitiyaga
Ang pagtitiyaga ay makikita sa mga taong patuloy pa rin sa paggawa kahit sa mahirap na kalagayan, mga taong hindi sumusuko kahit sabihin pa ng iba na: Hindi magagawa ito.”
Malugod kong tinatanggap ang mga natawag at naordenan ngayong hapong ito na maging mga miyembro ng Una at Pangalawang Korum ng Pitumpu. Bawat isa sa kanila ay may pananampalataya at kakayahan at matibay na pangako, at pinatutunayan namin sa inyo na sila ay karapat-dapat sa lahat ng aspeto na humawak ng mga katungkulang ito.
Mahal kong mga kapatid sa pambuong mundong kapatiran ng priesthood, pinupuri namin kayo sa inyong katapatan at dedikasyon sa gawain ng Panginoon. Salamat sa inyong matatag na pangako at debotong serbisyo. Malaking kalakasan kayo sa Simbahan.
Napakagandang makadalo sa miting na ito kasama kayong lahat na may Aaronic Priesthood. Noong kaedad ninyo ako lagi kong iniisip, “Ano ang gagampanan kong papel sa daigdig, at paano ko ito malalaman?” Ang mithiin ko lang noon ay magmisyon. Nang dumating ang tawag ko sa misyon, naglingkod ako, at iyon ang naging parang North Star na gumabay sa iba ko pang mga mithiin sa buhay. Ang isa sa mga mahalagang bagay na natutuhan ko ay kung magtitiyaga akong mabuti sa mga tungkulin ko sa Simbahan, bubuksan ng Panginoon ang daan at gagabayan ako sa iba pang mga oportunidad at pagpapala, na higit pa sa pinangarap ko.
Magagawa ito ng misyon sa inyong lahat na kabataang lalaki. Kailan lang ay ibinahagi sa akin ng isang binata kung gaano karami ang natutuhan niya sa pagtitiyaga niya bilang misyonero. Babanggitin ko ang ilan sa mga karanasan niya na kapupulutan ninyo ng aral na maghahatid sa inyo ng mga oportunidad at pagpapala:
-
Paano ayusin at gamitin nang matalino ang oras
-
Ang kahalagahan ng kasipagan—na aanihin ninyo kung ano ang inyong itinanim
-
Mga kasanayan sa pamumuno
-
Paano makisalamuha sa mga tao
-
Ang kahalagahan ng pag-aaral ng ebanghelyo
-
Paggalang sa awtoridad
-
Ang kahalagahan ng panalangin
-
Kababaang-loob at pag-asa sa Panginoon1
Noong nasa Granite High School pa ako sa Salt Lake City noong mga 1930, may ilan akong kaibigan na nanguna sa athletics, drama, musika, at speech. Ang ilan sa kanila ay patuloy na nagtagumpay sa buhay, pero marami sa mga may talento at kakayahang kabataan ang hindi nagtiyaga at hindi naabot ang kanilang potensiyal. Sa kabaligtaran, may ilang di-gaanong pinapansin noon na mga kabataan sa eskuwelahan ding iyon ang naging masigasig, nagtiyaga, at nagpatuloy sa pag-aaral at naging mahuhusay na doktor, inhinyero, guro, abugado, siyentipiko, negosyante, mahuhusay na manggagawa, electrician, tubero, at mga nagsisimulang magnegosyo.
Ang tagumpay ay karaniwang pagtitiyaga at pagkakaroon lagi ng pag-asa kapag may nakaharap na mga hamon sa buhay. Minsan ay sinabi ni Paul Harvey, ang bantog na news analyst at awtor, “Umaasa ako na balang-araw ay magkakaroon ako ng sapat na tinatawag nilang tagumpay para kapag may nagtanong sa akin, ‘Ano ba ang sikreto nito?” ay masabi kong: ‘Bumabangon ako kapag nadarapa ako.’”2
Ang isang napakagandang halimbawa ng pagtitiyaga ay si Madame Marie Curie na nagtrabahong kasama ng kanyang asawang physicist na si Pierre Curie, “sa isang luma at tumutulong kanlungan, nang walang pondo at walang tulong mula sa labas, at sinikap ihiwalay ang radium sa mababang uri ng inang-minang uranium na tinatawag na pitchblende. At matapos mabigo ang kanilang ika-487 eksperimento, sumuko na si Pierre at sinabing, ‘Hinding-hindi ito magagawa. Siguro sa loob ng isandaang taon, pero hindi sa panahon ko.’ Buong katatagan siyang hinarap ni Marie at sinabing, ‘Kung kailanganin man ng isandaang taon, nakakaawa nga tayo, pero hindi ako titigil hangga’t nabubuhay ako.’”3 Nagtagumpay siya sa huli, at nakinabang na mabuti sa kanyang pagtitiyaga ang mga pasyenteng may kanser.
Ang pagtitiyaga ay makikita sa mga taong patuloy pa rin sa paggawa kahit sa mahirap na kalagayan, mga taong hindi sumusuko kahit sabihin pa ng iba na, “Hindi magagawa ito.” Noong 1864, inatasan ng Unang Panguluhan sina Apostol Ezra T. Benson at Lorenzo Snow, pati na sina Elder Alma Smith at William W. Cluff, na magmisyon sa Hawaiian Islands. Mula Honolulu ay sumakay sila sa isang maliit na bangka papunta sa munting daungan ng Lahaina. Habang palapit sila sa batuhan ay medyo palaki na ang mga alon, at tumama ang isang malaking alon sa bangka, tinangay ito ng mga 50 yarda at naiwan ito sa pagitan ng dalawang malalaking alon. Nang tumama ang pangalawang alon, tumaob ang bangka sa malikot na dagat.
Gumamit ang mga tripulante ng isang life boat at dinampot ang tatlong kalalakihan na lumalangoy sa tabi ng nakalubog na bangka. Pero hindi makita si Brother Snow. Ang mga Hawaiiano na sanay mag-surf ay lumangoy sa lahat ng direksiyon para hanapin siya. Sa huli’y may nakapa sa tubig ang isa sa kanila, at hinatak nila pataas si Brother Snow. Matigas na ang kanyang katawan, at parang patay na siya nang isakay nila sa bangka.
Kinandong nina Elder Smith at Elder Cluff ang katawan ni Brother Snow at tahimik na binasbasan siya, na hinihiling sa Panginoon na iligtas ang kanyang buhay para makabalik siya sa kanyang pamilya at tahanan. Nang marating nila ang pampang, binuhat nila si Brother Snow at inilagay sa ilang malalaki at walang-lamang bariles na nasa dalampasigan. Itinaob nila siya sa isa sa mga bariles at pinagulong-gulong para lumabas ang tubig na nalunok niya.
Matapos siyang pagulung-gulungin ng mga elder nang ilang sandali, at walang indikasyon na mabubuhay pa siya, sinabi ng mga tao sa paligid na wala nang magagawa pa para mabuhay siya. Pero hindi sumuko ang mga determinadong elder. Kaya’t nagdasal silang muli, nang may payapang katiyakan na diringgin at sasagutin ng Panginoon ang kanilang mga dasal.
Naisipan nilang gawin ang isang bagay na kakaiba sa araw at panahong iyon. Isa sa kanila ang nagtapat ng kanyang bibig sa bibig ni Brother Snow para magkaroon ng hangin ang kanyang baga, pinalabas-pasok ang hangin, gaya ng natural na proseso ng paghinga. Nagpalitan sila at nagtiyaga hanggang sa magkaroon ng hangin ang kanyang baga. Isang sandali pa’y nakakita na sila ng kaunting indikasyon na buhay siya. “Ang bahagyang pagkurap ng mata, na noon ay nakadilat pa rin at parang patay na, at bahagyang tunog sa lalamunan, ang unang sintomas ng pagbalik ng lakas. Unti-unti itong lumakas, hanggang sa tuluyan na siyang magkamalay.” Sa kanilang pagtitiyaga at sa tulong ng maawaing Diyos, nabuhay ang apat na mga lingkod ng Panginoon at nakumpleto nila ang kanilang misyon.4
Si Elder Snow ay naging Pangulo ng Simbahan. Habang naglilingkod sa katungkulang iyon, napatatag niya ang pondo ng Simbahan sa paghikayat sa mga miyembro na magbayad ng kanilang mga ikapu at handog.
Matutuwa kayo mga kapatid na malaman na ang Alma Smith sa kuwentong ito ay ang batang nabaril sa balakang sa Haun’s Mill, at tinamaan ang kasu-kasuan at hugpungan ng balakang. Ginamot ng nanay niya ang matinding sugat gamit ang kaunting pamahid o balm, at nabigyan siya ng inspirasyon na pahigain nang nakadapa ang bata sa loob ng limang linggo. May tumubong litid sa lugar ng nawalang kasu-kasuan at hugpungan kung kaya hindi lamang siya nakapamuhay nang normal, kundi nakapagmisyon pa sa Hawaii, at habambuhay na naglingkod sa Simbahan.5
Ang ating mga propeta sa mga huling araw ay mga halimbawa lahat ng determinasyon sa pamamagitan ng priesthood, panalangin, at paggawa. Dahil sa pagtitiyaga ni Joseph Smith naging posible ang Panunumbalik ang lahat ng bagay. Buong buhay siyang hinamak at nilibak—mula nang una niyang ikuwento ang tungkol sa Unang Pangitain sa isang mangangaral ng isang tanyag na relihiyon. Pero hindi siya kailanman pinanghinaan, at iniwan sa atin ang kanyang di-natitinag na patotoo.
“Ako’y tunay na nakakita ng liwanag, at sa gitna ng liwanag na yaon nakakita ako ng dalawang Katauhan, at sa katotohanan kinausap nila ako; at bagaman kinamuhian ako at inusig dahil sa pagsasabi na nakakita ako ng pangitain, gayon man ito’y totoo; … Nakakita ako ng pangitan; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito.”6
Ang buhay ni Brigham Young ay napakagandang halimbawa ng pagtitiyaga. Siya’y palaging tapat at matatag. Nang mamatay si Joseph Smith, naging determinado siyang dalhin ang 60,000 katao mula sa maginhawa nilang tahanan at mayamang lupain tungo sa isang tigang na ilang. Ang malaking paglalakbay na ito ay walang katulad sa makabagong kasaysayan. Naglakbay silang gamit ang mga bagon, nakapaa lamang, at humihila ng mga kariton. Siya at ang mga sumunod sa kanya ay pinamulaklak ang ilang na gaya ng rosas.
Sa unang press conference nang ipakilala si Pangulong Gordon B. Hinckley sa press bilang Pangulo ng Simbahan noong 1995, tinanong siya kung ano ang pagtutuunan niya ng pansin. Sagot niya’y, “Sumulong. Oo. Ang aming tema ay isulong ang dakilang gawain na itinaguyod ng mga nauna sa atin.”7 Dakilang tema ito para sa ating lahat. Kailangan nating sumulong at magtiis hanggang wakas.
Ang isa sa mga pinakamalaking nagawa ng pamumuno ni Pangulong Hinckley ay ang kanyang kakaibang pagtitiyaga sa pagtatayo ng mga templo. Simula nang maging Pangulo siya ng Simbahan 87 mga templo na ang nailaan, muling nailaan, o naipaalam. Ang kakaibang gawang ito sa pagtatayo ng templo ay walang kapantay sa buong kasaysayan ng mundo. Ang mga templo ay malaking impluwensya sa kabutihan at patuloy nitong binibiyayaan ang mundo. Tulad ng sinabi ni Pangulong George Q. Cannon, “Bawat batong pundasyon na nailatag para sa Templo, at bawat natapos na Templo sang-ayon sa inihayag na orden ng Panginoon para sa kanyang banal na Priesthood, ay nagbabawas sa kapangyarihan ni Satanas sa mundo. Dinaragdagan nito ang kapangyarihan ng Diyos at ang Pagkamakadiyos, inaantig ang kalangitan nang ubod lakas para sa ating ikabubuti, sumasamo at humihingi ng pagbuhos ng biyaya ng mga Diyos na Walang Hanggan, at ng mga nasa kanilang piling.”8
Bawat isa atin ay dapat maglingkod nang tapat at masigasig sa ating mga katungkulan sa priesthood hanggang sa huling sandali ng ating buhay. Maaaring nagtataka ang iba, “Hanggang kailan ba ako magiging home teacher?” Ang sagot ko’y, isang tungkulin sa priesthood ang home teaching. Ang maglingkod bilang home teacher ay isang pribilehiyo basta’t dama ng ating bishop at ng mga lider ng priesthood na kaya nating gawin ito. Kilala ng ilan sa atin si Brother George L. Nelson, isang tanyag na abugado sa Salt Lake City, na naglingkod bilang bishop, stake president, at patriarch. Talagang tapat siya sa Simbahan. Naging home teacher siya sa edad na 100. Sabi niya noon: “Gusto kong maging home teacher. Sana palagi akong magiging home teacher.”9 Namatay siya sa edad na 101, at naging tapat hanggang sa huling sandali.
Ang mga gustong mabinyagan sa Simbahan ay sinabihan ng Panginoon na magkaroon ng “matibay na hangaring paglingkuran siya hanggang wakas.”10 Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith noong 94 na taon siya, “Hinangad ko sa buong buhay ko na gampanan ang aking tungkulin sa priesthood na iyon at umaasang magtiis hanggang wakas sa buhay na ito at tamasahin ang pakikisama ng matatapat na banal sa buhay na darating.”11 Gaya ng sabi ng Panginoon, kung tayo’y magiging Kanyang mga disipulo kailangan nating manatili sa Kanyang salita.12 Pinagpala ng Panginoon ang Simbahan at mga miyembro nito sa kagila-gilalas na paraan dahil sa kanilang katapatan at pagtitiyaga. Nagpapatotoo ako sa kabanalan ng banal na gawain ng priesthood, at ginagawa ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.