2005
Ang Kapangyarihan ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Mayo 2005


Ang Kapangyarihan ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo

Hinihikayat ko kayo na alamin kung paano makatutulong sa inyo ang pambihirang sangguniang ito sa inyong mga gawaing misyonero.

Labis akong nagpapasalamat na matalakay sa inyo ang nakatutuwang pangyayaring magpapadali sa pagbabahagi natin ng maluwalhating mensahe ng Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo sa mga mahal sa buhay at kaibigan. Pinasigla nito ang puso’t isipan ng ating mga misyonero, dahil binigyan sila nito ng kakayahang mabisang ituro ang kanilang mensahe at patotohanan ang Panginoong Jesucristo at Kanyang propetang si Joseph Smith nang walang nagdidikta. Ginawa para gamitin ng mga full-time missionary, napatunayan din na ang materyal na ito ay mas pakikinabangan ng mga magulang na nais ihanda ang mga anak sa pagmimisyon. Ginagamit din ng mga kabataan at ng ilang mag-asawa ang materyal upang makapaghanda sa pagpasok sa mga missionary training center. Pinagtibay na ng ilang lider ng priesthood ang kahalagahan nito sa paghahanda ng kalalakihan sa Aaronic Priesthood para sa misyon. Mahalaga ito sa pagtulong sa pagsisikap ng mga priesthood at auxiliary na mapalakas ang patotoo at pagsunod ng mga bagong miyembro. Ang tinutukoy ko’y ang bagong gabay na Mangaral ng Aking Ebanghelyo at ang kaakibat nitong mga gamit sa pagpaplano tulad nitong Missionary Daily Planner.

Maaari ko bang sabihin sa inyo kung bakit ako nasasabik sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo? Naituon nito ang gawain ng misyonero nang higit kaysa rati. Matagal ko nang tinatanong ang mga grupo ng misyonero, “Ano ang layunin ng inyong misyon?” Malaki ang pagkakaiba ng mga tugon nila. Karamihan ay walang kongkretong layunin para maiplano ang kanilang gagawin. Mabisang itinutuon ng unang pahina ng gabay na ito ang mga misyonero sa tunay nilang layunin: “Imbitahan ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na matanggap ang ibinalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.” Sa gayo’y iminumungkahi sa mga nilalaman kung paano gawin iyan sa patnubay ng Espiritu.

Ang mga dating materyal ng misyonero ay epektibo sa kanilang panahon ngunit malaki na ang ipinagbago ng mundo. Ang mga pagpapahalagang bumubuo sa matibay na pundasyon ng lipunan ay inaatake ni Satanas at ng kanyang mga alagad. May agarang pangangailangan sa pinaghusay na paraan upang maibahagi ang kaganapan ng katotohanan na ibinalik ng Diyos sa lupa. Kasama rito ang pag-unawa sa plano ng kaligayahan ng Diyos at kung paano ito ibinalik sa lupa ng dakila Niyang propetang si Joseph Smith. Gayundin, naritong muli sa lupa ang kaganapan ng Simbahan ni Jesucristo at ang awtoridad ng priesthood na kumilos sa Kanyang pangalan.

Mainam ang turo ni Pangulong Hinckley: “Matagal na tayong may sinusunod na set ng mga missionary lesson. Malaki ang buting dulot nito… . Pero sa kasamaang-palad ang pamamaraang ito, sa napakaraming pagkakataon, ay puro isinaulong paglalahad, walang Espiritu at personal na paniniwala… .

“Dapat isaulo [ng mga misyonero] ang mga konsepto ng lesson. Pero dapat nilang … ituro ang mga konsepto sa sarili nilang mga salita ayon sa impluwensya ng Espiritu Santo.”1

Ang alituntuning iyan ang haliging pundasyon ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Isinasaisip at isinasapuso ngayon ng mga misyonero sa buong mundo ang mensahe ng panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, plano ng kaligtasan, mahahalagang utos, at mga batas at ordenansa ng ebanghelyo. Ang mga lesson na ito ay inilalahad sa sarili nilang mga salita ayon sa patnubay ng Espiritu. Ang pagtutuon na ito ay nagpabuti sa kahusayan nila bilang mga misyonero.

Ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay naglalaman ng mga kabanatang may napakahalagang impormasyon kung paano makikilala at mauunawaan ang patnubay ng Espiritu Santo. May mga banal na kasulatang nagsasaad kung paano epektibong pag-aaralan at paghuhusayin ang personal na mga kasanayan sa pagtuturo. Isang kabanata ang nagpapaliwanag kung bakit Aklat ni Mormon ang batong panulok ng ating relihiyon; paano nito nasasagot ang malalalim na tanong ng kaluluwa, paano pinatatatag nito ang pananampalataya at tinutulungan ang iba na mapalapit sa Diyos. Mamamalas sa karagdagang tagubilin kung paano naging nahahawakang sanggunian ang Aklat ni Mormon na magagamit ng tao upang mapagtibay ang katotohanan ng ating mensahe. Tinuturuan ang misyonero kung paano hangarin ang mga katangian ni Cristo tulad ng pag-asa at pag-ibig sa kapwa. Magaganda ang mungkahi roon para matutuhan ang lengguwahe ng misyon. Malinaw at epektibong mga kasangkapan sa pagpaplano ang naroon upang matulungan ang misyonero sa matalinong paggamit ng oras. Ibinahagi ang napatunayan nang mga paraan upang matukoy at maihanda ang mga taong tuturuan. May praktikal na patnubay roon upang tulungan ang mga tao na gumawa at tumupad ng mga pangakong hahantong sa pagpapabinyag, pagpapakumpirma, at pananatiling aktibo. Ang gabay na ito ay naglalaman ng mga gamit na nag-uugnay sa pagsisikap ng mga full-time missionary, stake at ward leader, at miyembro. Sa tulong na iyon mas tiyak ang paglipat ng mga bagong miyembro sa Simbahan. Mas malaki ang katiyakan na ang mga nagtataglay ng pangalan ni Jesucristo at nangangakong sundin ang Kanyang mga utos sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon ay tatanggap ng ipinangako Niyang mga pagpapala habambuhay.

Sa paggamit ng binigyang- inspirasyong nilalaman ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, malaki ang ipinagbago ng maraming misyonero sa kakayahan nilang magturo nang may matibay na paniniwala at mag-anyaya ng nagpapatibay na pagsaksi ng Espiritu Santo. Kamakaila’y hiniling ko sa dalawang assistant sa mission president na ibahagi ang pangitain ni Joseph Smith habang umaarte ako bilang investigator. Pinlano kong hamunin sila para tingnan kung paano sila tutugon. Subalit ang katausan ng kanilang mensahe, kadalisayan ng kanilang layon, kasanayan sa paglalahad, kahit sa praktis, ay lubhang makapangyarihan kaya hindi ko ito nagawa.

Mapupuna ninyo mismo ang pagbabagong ito. Anyayahan ang mga misyonero na ilahad ang unang lesson sa pamilya ninyo sa bahay. Mas mabuti pa, anyayahan ang mga kapitbahay sa inyo para maturuan ng mga misyonero. Sa patnubay ng Espiritu, ipaliliwanag nila sa sarili nilang mga salita kung paano ginamit ng Ama sa Langit ang mga propeta sa lahat ng panahon para iparating ang Kanyang plano ng kaligayahan sa Kanyang mga anak sa lupa. Damhin ang kanilang patotoo habang sumasaksi sila sa banal na pangitain ng pagpapakita ng Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo kay Joseph Smith. Buong husay nilang ilalahad ang sunud-sunod na mga pangyayari sa pagpapanumbalik ng kaganapan ng ebanghelyo na may awtoridad na muling kumilos sa pangalan ng Diyos dito sa lupa. Masasamahan din ninyo ang mga misyonero sa pagtuturo nila ng nakapagbibigay-inspirasyong mga katotohanang ito sa iba. Ang pagpunta ninyo ay magbibigay-lakas sa mga nakikinig sa mahahalagang katotohanang ito sa unang pagkakataon.

Matinding pagsisikap ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawa, iba pang General Authority at napakahuhusay na grupo ng tapat at dalubhasang mga tauhan ang gumawa ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo at mga gamit nito sa pagpaplano. Ang mga lumahok sa paglikha nito ay mga saksi sa inspiradong direksyon ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa pagpaplano, paggawa, at pagtatapos ng mga materyal sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

Matapos ang malawakang pagsubok sa 14 na misyon binago ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Nirebyu, binago, at inaprubahan ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ang resulta. Noong Oktubre 15, 2004, ibinalita sa isang pandaigdigang satellite broadcast ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa mga mission president at missionary leader. Bawat misyonero sa buong mundo ay binigyan ng kopya sa Ingles. Kahit maraming hindi marunong mag-Ingles, naging bahagi sila ng pagpapanibago ng ating gawaing misyonero. Ang nakakatuwa pa, ilang banyagang misyonero ang nagkainspirasyong matuto ng Ingles. Sa mga unang araw ng taong ito ipinamahagi ang bersyong Hapones, Koreano, Espanyol, at Portuges ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sa pagtatapos ng taon, inaasahan naming matapos ang gabay sa karamihan ng mga wikang ginagamit ng mga misyonero.

Hindi lang mga misyonero ang nakikinabang sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo:

  • Pinag-aralan at pinag-isipan ng kabiyak ng isang mission president ang bawat kataga sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pati na bawat reperensya sa banal na kasulatan. Pagkatapos ay ginawa niya ang isang bagay na wala siyang lakas ng loob na gawin—inanyayahan niya ang isang problemadong malapit na kamag-anak na basahin, pag-aralan, at pag-isipan ang Aklat ni Mormon. Tinanggap ng taong iyon ang kanyang paanyaya at nakinabang ito nang husto.

  • Isa pang pamilya ang gumagamit ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo upang matulungan ang mga anak na makapaghanda para sa misyon. Inireport nila, “Ang 17-taong-gulang namin ang unang naatasan. Tulad ng inaasahan, hinanap niya ang pinakamaikling talata sa aklat. Gayunman, ang lesson niya ay 20-minutong taos-pusong pagpapahayag ng mga alituntunin, pati na mga banal na kasulatan at patotoo.”

  • Mula sa isang ama na inihahanda ang anak sa misyon: “Ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay … pinalawak ang aking pananaw at nilinaw ang pag-unawa ko sa layunin ng buhay, sa mga tungkulin at responsibilidad ko bilang miyembro ng Simbahan, bilang ama, at asawa… . Nabigyan din ako nito ng akmang gamit para mas magampanan ang responsibilidad na iyon.” Ang kanyang anak ay natawag na maging misyonero kahapon.

Malaking buti ang nagawa sa pitong maiikling buwan mula nang pasimulan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, ngunit darating pa lang ang pinakamainam kapag marunong na tayong lahat sa paggamit ng pambihirang gamit na ito ng misyonero.

Hinihikayat namin kayo na gamitin ang mga materyal na ito sa inyong panguluhan, mga miting ng priesthood executive committee, at ward council upang matiyak na yaong nagtataglay sa kanilang sarili ng mga tipan sa binyag ay habambuhay na tumatanggap ng buong pagpapala ng pagiging miyembro ng simbahan. Sa paggamit ng bagong rekord ng progreso ng mga taong naghahanda para sa binyag mabisang mapag-uugnay ang pagsisikap ng mga misyonero at miyembro. Tiwala ako na mas madadalian ang mga bagong binyag na matupad ang hangarin nilang manatiling aktibo, sa pagtutulungan ng mga miyembro at misyonero sa paggamit ng mga alituntunin sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

Ang mensahe ng Unang Panguluhan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay naging malaking panghihikayat sa mga misyonero. Siguro’y mahihikayat kayo nito sa inyong sariling mga gawaing misyonero. Sabi rito: “Wala nang mas mabigat na gawain kaysa rito… . ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay binuo para tulungan kang maging misyonero na mas handa, mas sapat ang pang-unawa sa espirituwal at mas masigasig na teacher… . Hinahamon ka namin na magkaroon ng bagong diwa ng pangangako na tulungan ang ating Ama sa Langit sa Kanyang maluwalhating gawain… . Gagantimpalaan ka ng Panginoon at bibigyan ng sagana sa mapagpakumbaba at mapanalangin mong paglilingkod sa Kanya.”2

Nakikita ba ninyo ang mangyayari? Matutuwa rin kayong tulad ko kapag nakaunawa na kayo sa personal ninyong buhay at ginamit ang kasangkapang pangmisyonerong ito. Di tulad ng dating mga sanggunian ng full-time missionary, ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay makukuha ng sinumang lider o miyembro sa Church distribution.

Siguro ang pinakamalaking pakinabang ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay makikita sa buhay ng nakauwi nang mga misyonero na magiging mas matatag na mga magulang, mas may kakayahang mga lider ng Simbahan at mas mahuhusay na propesyonal dahil sa pag-unlad na sanhi ng pag-unawa at pamumuhay ng mga inspiradong nilalaman nito.

Alang-alang sa ating mga misyonero, ipinahahayag namin ang malaking pasasalamat sa lahat ng lumahok sa paghahandang ito, sa paglilimbag at pamamahagi ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Nagpapasalamat kami sa bawat mission president at misyonero na naging bihasa sa epektibong paggamit nito. Sa huli’y nagpapasalamat kami sa inspirasyon ng Panginoon. Hinihikayat ko kayo na alamin kung paano makatutulong sa inyo ang pambihirang sangguniang ito sa inyong mga gawaing misyonero, bilang magulang na naghahanda sa isang anak para sa misyon, bilang lider ng simbahan na tumutulong sa mga bagong binyag, bilang miyembrong nagbabahagi ng ebanghelyo, o bilang isang taong naghahandang maglingkod. Nawa’y mabigyang- inspirasyon kayo at mabasbasan sa paggawa nito. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Paglilingkod ng Misyonero,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Ene. 11, 2003, 19.

  2. Mangaral ng Aking Ebanghelyo (2004), v.