2005
Mag-ingat sa Kasamaan sa Likod ng Nakangiting mga Mata
Mayo 2005


Mag-ingat sa Kasamaan sa Likod ng Nakangiting mga Mata

Kapag dinagdagan natin ang pang-unawa at pagmamahal sa Tagapagligtas, paliliwanagin ng Kanyang liwanag ang lahat ng nakapaligid sa atin. Sa gayon makikita natin ang kasamaan kung ano talaga ito.

Magsasalita ako ngayong gabi sa inyo mga kabataang lalaki, kayo na inilarawan ni Pangulong Gordon B. Hinckley bilang “pinakamahusay na henerasyon.”1 Sa buong mundo nakikita namin ang inyong kabutihan. Dalangin ko na madarama ninyo na ang mga salita ko ay personal na para sa inyo, isang anak ng Diyos, na nagsisikap gawin ang tama.

Gusto kong ikuwento sa inyo ang naranasan ng isang matapat na Banal sa Huling Araw na matalik kong kaibigan. Tutukuyin ko lang siya bilang “aking kaibigan” at maiintindihan ninyo maya-maya ang dahilan.

Bilang special agent ng FBI, inimbestigahan ng kaibigan ko ang isang malaking grupo ng sindikato na nagdadala ng bawal na gamot sa Estados Unidos.

Minsan, pinuntahan nila ng kasama niyang agent ang isang apartment na pinaniniwalaan nilang lugar kung saan namamahagi ng cocaine ang isang kilalang dealer ng droga. Inilarawan ng kaibigan ko ang nangyari:

“Kumatok kami sa pintuan ng dealer ng droga. Binuksan ng suspek ang pinto, at pagkakita sa amin, sinubukan niyang humarang sa harapan namin para di namin makita ang buong silid. Pero huli na, nakita na namin ang cocaine sa kanyang mesa.

“Mabilis na iniligpit ng isang lalaki at babae na nasa mesa ang cocaine. Kailangang hadlangan namin silang sirain ang ebidensya, kaya mabilis kong itinulak sa isang tabi ang suspek ng droga na nakaharang sa pinto. Sa pagtulak ko sa kanya, nagkatitigan kami. Nakapagtataka, hindi siya mukhang galit o takot. Nakangiti siya sa akin.

“Ang mga mata at kalugud-lugod na ngiti niya ang nagpaisip sa akin na hindi siya mananakit, kaya mabilis ko siyang iniwan at lumibot sa mesa. Nasa likod ko na ngayon ang suspek. Sa pagkakataong iyon, may naisip ako na malinaw at napakalakas na mensahe. ingat sa kasamaan sa likod ng nakangiting mga mata.’

“Bigla kong binalingan ang suspek. Nasa malaking bulsa niya sa harapan ang kamay niya. Bigla kong naisip na hablutin ang kanyang kamay sa pagkakapamulsa. Noon ko lang nakita, na hawak niya nang mahigpit ang isang baril na handa nang paputukin. Nag-agawan kami sa baril at nakuha ko iyon sa kanya.”2

Kalaunan, sa isang kaso, naakusahan sa kasalanang pagpatay ang drug dealer, at ipinagyabang na mapapatay din sana niya ang kaibigan ko kung hindi lang siya binalingan nito nang sandaling iyon.

Madalas kong maisip ang mensaheng pumasok sa kanyang isip: “Mag-ingat sa kasamaan sa likod ng nakangiting mga mata.” Ito ang gusto kong sabihin sa inyo ngayong gabi.

Magsimula tayo sa alam natin. Ang kabutihan ay galing sa Diyos; ang kasamaan ay galing sa diyablo.3 Gayunman, hindi sila pantay na pwersa na naglalaban sa sansinukob. Ang nangunguna sa lahat ng mabuti ay si Cristo—Siya na Bugtong na Anak ng Ama, na lumikha ng ating daigdig at maraming iba pa. Ang ating Manunubos ay nabuhay na mag-uli at perpektong nilalang.4 Alam kong Siya ay buhay.

Ang diyablo, sa isang banda, “ay humihikayat sa tao na gumawa ng masama.”5 “Siya ay nahulog mula sa langit, … [ay] naging kaaaba-aba magpakailanman,”6 at ngayo’y kumikilos “[nang] ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili.”7 Siya ay sinungaling at talunan.8

Ang kapangyarihan ng Tagapagligtas at kapangyarihan ng diyablo ay totoong hindi mapaghahambing. Parang inihambing mo ang isang napakagaling na hukbo sa isang lagalag na grupo ng mga dalawang-taong-gulang sa nursery na ang sandata ay mga baril-barilan.9

Sa planetang ito, gayunman, hinayaang makaimpluwensya ang kasamaan para mabigyan tayo ng pagkakataong mamili sa mabuti at masama. Sinasabi ng mga banal na kasulatan: “Ipinagkaloob ng … Diyos sa tao na siya ay kumilos para sa kanyang sarili. [At] ang tao ay hindi makakikilos para sa kanyang sarili … maliban kung siya ay nahikayat ng isa o ng iba.”10

Ang pagpili sa pagitan ng mabuti at masama ay napakahalaga sa ating karanasan sa mundo. Sa huling pagrerepaso sa ating buhay, hindi na talaga mahalaga kung mayaman tayo o mahirap, kung atleta tayo o hindi, kung may mga kaibigan tayo o madalas na nakakaligtaan.

Makapagtatrabaho, makapag-aaral, at makapagsasaya, makapagsasayaw, makakaawit tayo, at matatamasa ang maraming iba’t ibang karanasan. Ang mga ito ay magandang bahagi ng buhay, pero hindi sila ang pinakadahilan kung bakit tayo naririto.11 Ang pagkakataon na piliin ang mabuti sa masama ay ang siyang dahilan kung bakit tayo naririto.12

Walang magsasabi sa atin na, “Gusto kong piliin ang kasamaan.” Gusto nating lahat na piliin ang tama. Gayunman, hindi laging madali ang pumili ng tama, dahil madalas na nagtatago sa nakangiting mga mata ang kasamaan. Pakinggan ang mga babalang ito:

“Mag-ingat … na huwag kayong humatol na yaong masama ay sa Diyos.”13

“Mag-ingat at laging manalangin na baka kayo ay madala sa tukso; sapagkat nais ni Satanas na kayo ay maging kanya.”14

“Si Satanas din ay nagnais na malinlang kayo, upang kanya kayong ibagsak.”15

Ang mensahe ay: Mag-ingat sa kasamaan sa likod ng nakangiting mga mata!

Nakilala ko ang ilang binatilyo na talagang hinangad sa simula na manatiling matatag sa kanilang katapatan sa Tagapagligtas, pero naligaw ng landas dahil hindi nila nakita ang kasamaan sa likod ng mga matang tila di makakapinsala. Nakita nila ang saya, ang kasiyahan, ang pagtanggap, pero hindi nila nakita ang ibang kahihinatnan nito.

Ngayon, paano natin makikita ang kasamaan sa isang bagay na tila di naman masama?

Alam na ninyo ang sagot, pero heto pa ang ilang ideya:

Una, kausapin ninyo ang inyong mga magulang. Para bang bago at radikal sa inyo ang ideyang iyon? Alam naming mga ama na hindi kami perpekto, pero mahal namin kayo, at kasama ng inyong ina, ay may tapat na hangaring piliin ninyo ang tama.

Sumunod, sundin ang propeta. Ang 15 lalaking ito na sinasang- ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay binigyan ng kapangyarihan ng langit na makita ang kung minsa’y di natin nakikita. Binigyan tayo ni Pangulong Hinckley ng malinaw at tiyak na payo tungkol sa kasamaan sa likod ng nakangiting mga mata.16 At mayroon kayong binigyang-inspirasyong buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan.17 Sa pagsasabuhay ninyo ng payo ni Pangulong Hinckley, ipinangako ng Panginoon na Kanyang “itataboy … ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo.”18 Makikita ninyo ang kasamaan sa likod ng nakangiting mga mata, at di kayo maaakit dito.

Ang pinakamahalaga, hayaang gabayan kayo ng Espiritu Santo. Ipinangako ng Panginoon na kung tayo ay mamumuhay nang matwid, papasok sa isipan at puso natin ang marahan, banayad na tinig.19 Nadama na ninyo ang impluwensya nito. Kilala ninyo ang tinig na ito.20

Ang kaloob na Espiritu Santo ay isang espirituwal na kaloob. Ito ay sensitibo at hindi maiuugnay sa pagiging di marapat. Hindi ninyo masasaktan o maipagwawalang-bahala ito sa isang araw at asahang palalakasin kayo nito sa susunod na araw. Pero kung susundin ninyo ang mga paggabay nito at mananatiling matwid, lalo ninyo itong madarama. Binigyang-babala ng Espiritu Santo ang kaibigan ko sa pisikal na panganib; bibigyang-babala rin kayo ng Espiritu Santo sa espirituwal na panganib.

Sa huli, magkaroon ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Magdasal nang taimtim. Basahin ang Aklat ni Mormon kapag walang nakakakita. Maglaan ng oras na mapag-iisa kayo para pag-isipan kung sino ba talaga si Jesus at gaano kahalaga sa inyo ang Kanyang buhay at sakripisyo.

Tandaan ang halimbawa ng batang si Joseph Smith. Nang sindihan niya ang kandila sa gabi para basahin ang Biblia, iyon ay dahil gusto niya. Nang pumunta siya sa kakahuyan para magdasal, nagpunta siya nang mag-isa.21

Kapag dinagdagan natin ang pang-unawa at pagmamahal sa Tagapagligtas, paliliwanagin ng Kanyang liwanag ang lahat ng nakapaligid sa atin. Sa gayon makikita natin ang kasamaan kung ano talaga ito.22

Alam ko na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Hindi maipaliliwanag ng mga salita ang Kanyang kadakilaan at kaluwalhatian, Kanyang karingalan at kadakilaan. Nagpakita Siya kasama ng Kanyang Ama kay Propetang Joseph Smith. Si Pangulong Hinckley ay propeta ng Diyos ngayon. Mga kapatid, hawak natin ang Kanyang banal na priesthood. Kung mananatili tayong karapat-dapat, mabibiyayaan tayo na makita ang kasamaan sa likod ng nakangiting mga mata. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “A Chosen Generation,” Ensign, Mayo 1992, 69.

  2. Personal na liham, Mar. 7, 2005.

  3. Tingnan sa Moroni 7:12.

  4. Tingnan sa Lucas 24:36–39; Juan 1:14; 3 Nephi 12:48; D at T 76:23–24.

  5. Moroni 7:17.

  6. 2 Nephi 2:18.

  7. 2 Nephi 2:27.

  8. Tingnan sa D at T 93:25; tingnan din sa “Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Diyablo,” 45.

  9. Tingnan sa Moises 1:1–22.

  10. 2 Nephi 2:16.

  11. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Payo at Panalangin ng Isang Propeta para sa Kabataan,” Liahona, Abr. 2001, 30; “Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 47; “Living Worthy of the Girl You Will Someday Marry,” Ensign, Mayo 1998, 49.

  12. Tingnan sa 2 Nephi 2:27.

  13. Tingnan sa Moroni 7:14.

  14. 3 Nephi 18:18.

  15. D at T 50:3.

  16. Tingnan sa Liahona, Abr. 2001, 30.

  17. Tingnan sa www.lds.org. Mag-klik sa “Serving in the Church,” “Aaronic Priesthood/Young Men,” “For the Strength of Youth.”

  18. D at T 21:6.

  19. Tingnan sa D at T 8:2.

  20. Tingnan sa D at T 18:36.

  21. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–20.

  22. Tingnan sa Moises 1:1–22.

Print