2005
Maging Isang Halimbawa
Mayo 2005


Maging Isang Halimbawa

Makapagbabahagi kayo ng patotoo sa maraming paraan—sa inyong pananalita, sa halimbawa ninyo, at sa inyong pamumuhay.

Mga kapatid, kayong mga nagtipon sa napakalaking Conference Center at yaong mga tumatanggap ng kaganapang ito sa satelayt sa buong mundo, nawa’y isama ninyo ako sa inyong mga dalangin, nang matugunan ko ang responsibilidad na magsalita sa inyo.

Napasigla at nabigyang-inspirasyon tayo ng mga mensahe ng Young Women Presidency, ng magandang musikang handog at ng mismong diwa ng miting na ito. Napanibago ang pasasalamat natin kay Propetang Joseph Smith, sa kanyang buhay, at sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Mahal kayo ng Unang Panguluhan ng Simbahan at tiwala sila sa inyo at sa inyong mga lider. Kayo’y halimbawa ng kabutihan sa mundong nangangailangan ng inyong impluwensya at lakas.

Siguro’y makabubuting sundin ninyo ang utos ni Apostol Pablo sa mahal niyang si Timoteo: “Maging uliran sa mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”1

Ngayon, ang pagkaliberal, imoralidad, pornograpiya, at lakas ng impluwensya ng barkada ang dahilan kaya natatangay ang marami sa dagat ng kasalanan at nahampas sa matatalim na batuhan ng nawalang mga oportunidad, nawalang-saysay na mga pagpapala at naglahong mga pangarap.

Mahal na kadalagahan, at kayong mga ina, lider at tagapayo ng Young Women, iiwan ko sa inyo ang batas ng pag-uugali upang ligtas ninyong matahak ang landas ng buhay tungo sa Kahariang Selestiyal ng ating Ama sa Langit. Hinati ko ito sa apat na bahagi:

  • May pamana kayo; igalang ito.

  • Haharap kayo sa tukso; daigin ito.

  • Alam ninyo ang katotohanan; ipamuhay ito.

  • May patotoo kayo; ibahagi ito.

Una, may pamana kayo; igalang ito. Dumadagundong sa ating pandinig ang mga salita sa Bundok Sinai: “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.”2

Pinakamamahal at lagi kayong ipinagdarasal ng inyong mga magulang. Igalang sila.

Paano ninyo igagalang ang inyong mga magulang? Nagustuhan ko ang sinabi ni William Shakespeare: “Hindi nagmamahal ang hindi nagpapakita ng pagmamahal.”3 Napakaraming paraan para magpakita ng tunay na pagmamahal sa inyong ina at ama. Sundin ninyo sila at ang kanilang mga turo, dahil hinding-hindi nila kayo ililigaw. Igalang sila. Malaki at patuloy ang kanilang sakripisyo para sa inyo.

Maging tapat sa inyong ina at ama. Isang pagpapakita ng katapatan sa mga magulang ang pagkakaroon ng komunikasyon sa kanila. Iwasang magsawalang-kibo. Mas dinig ang tunog, at mabagal ang takbo ng orasan kapag madilim na, at hatinggabi na’y wala pa ang pinakamamahal na anak. Kung gagabihin kayo, tawagan sila: “’Nay, ‘Tay, okey lang kami. Kakain lang po kami. Huwag kayong mag-alala; ayos lang kami. Uuwi kami kaagad.”

Ilang taon na ang nagdaan, nang dumalo kami sa pagtitipon ng mga kabataan sa sementeryo ng Clarkston, Utah, kung saan tiningnan ng grupo ang lapida sa puntod ni Martin Harris, isa sa tatlong saksi sa Aklat ni Mormon, napansin ko ang isa pang lapida—isang maliit na batong may nakaukit na pangalan at ang nakaaantig na talatang ito: “Ilaw sa aming tahana’y nawala; tinig ng mahal ay lumisan. Puwang sa aming puso’y di na mapupunan.”

Huwag hintaying mawala ang ilaw sa inyong tahanan; o lumisan ang pamilyar na tinig bago ninyo sabihing, “Mahal ko kayo, Inay; mahal ko kayo, Itay.” Ngayon kayo mag-isip at magpasalamat. Tiwala akong gagawin ninyo ito. May pamana kayo; igalang ito.

Susunod sa ating batas ng pag-uugali: Haharap kayo sa tukso; daigin ito.

Humarap sa tukso si Propetang Joseph Smith. Naiisip ba ninyo ang panlalait, paghamak, pagkutya sa kanya nang sabihin niyang nakakita siya ng pangitain? Palagay ko’y halos hindi ito makayanan ng bata. Walang dudang batid niya na mas madaling bawiin ang sinabi niya tungkol sa pangitain at mabuhay nang normal. Pero hindi siya sumuko. Sabi niya: “Ako’y tunay na nakakita ng liwanag, at sa gitna ng liwanag na yaon nakakita ako ng dalawang Katauhan, at sa katotohanan kinausap nila ako; at bagaman kinamuhian ako at inusig dahil sa pagsasabi na nakakita ako ng pangitain, gayon man ito’y totoo; … nakakita ako ng pangitain; at ito‘y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila.”4 Itinuro ni Joseph Smith ang katapangan sa pamamagitan ng halimbawa. Humarap siya sa tukso at dinaig ito.

Marami sa inyo ang pamilyar sa dulang, Camelot. Gusto kong ibahagi sa inyo ang isang paborito kong linya sa produksyong ito. Habang tumitindi ang paghihirap nina King Arthur, Sir Lancelot at Queen Guinevere, nagbabala si King Arthur: “Huwag tulutang wasakin ng ating mga pagnanasa ang mga pangarap natin.” Ito ang pakiusap ko sa inyo. Huwag tulutang wasakin ng inyong mga pagnanasa ang mga pangarap ninyo. Daigin ang tukso.

Tandaan ang sabi sa Aklat ni Mormon: “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.”5

Mahalaga sa inyong tagumpay at kaligayahan ang payo na, “Mag-ingat sa pagpili ng mga kaibigan.” Mahilig tayong gumaya sa mga hinahangaan natin, at kadalasa’y mga kaibigan natin ito. Makihalubilo tayo sa kagaya natin na nagpaplano hindi lang para sa pansamantalang ginhawa, mabababaw na mithiin, o makitid na ambisyon—kundi doon sa nagpapahalaga sa mga bagay na pinakamahalaga, maging mga walang-hanggang layon.

Magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Magpakasal sa templo sa hinaharap. Walang katulad ang tagpong napakatamis at napakasagrado sa araw ng inyong kasal. Doon mismo’y mababanaag ninyo ang selestiyal na kagalakan. Maging alisto; huwag tulutang agawin sa inyo ng tukso ang pagpapalang ito.

Sa bawat pagdedesisyon, sagutin ang mga tanong na ito: Ano ang ginagawa nito sa akin? Ano ang magagawa nito para sa akin? At huwag pairalin sa isipan ang “Ano ang sasabihin ng iba?” bagkus ay, “Ano ang iisipin ko sa sarili ko?” Makinig sa marahan at banayad na tinig. Alalahanin na may isang awtoridad na nagpatong ng mga kamay sa inyong ulunan nang kumpirmahin kayo at sabihing, “Tanggapin ang Espiritu Santo.” Buksan ang inyong puso, maging ang inyong kaluluwa mismo, sa espesyal na tinig na nagpapatotoo sa katotohanan. Tulad ng pangako ni propetang Isaias, “Ang iyong mga pakinig ay makakarinig ng salita … na nagsasabi, ‘Ito ang daan, lakaran ninyo.’”6

Uso sa atin ngayon ang maging liberal. Sa buong paligid nakikita natin ang mga idolo sa pelikula, mga bayaning atleta—na gustung-gustong gayahin ng mga kabataan—na nagwawalang- bahala sa mga batas ng Diyos at pinangangatwiranan ang mga makasalanang gawi, at parang walang masamang epekto naman sa kanila. Huwag kayong maniwala! May panahon ng paghatol—maging ng pagtitimbang sa mga ginawa. Bawat panaginip ay may wakas—ang tawag dito’y Araw ng Paghatol, ang Malaking Pagsusulit ng Buhay. Handa ba kayo? Nalulugod ba kayo sa inyong mga ginawa?

Marami ang mapagkukunan ninyo ng tulong. Isa na ang inyong basbas ng patriarch. Naroon ang mga kabanata ng aklat ninyo na naglalaman ng mga walang-hanggang magagawa ninyo. Basahin nang madalas ang inyong basbas. Pag-aralan itong mabuti. Magabayan sa mga babala rito. Mamuhay nang marapat upang makamtan ang mga pangako nito.

Kung madapa ka sa paglalakbay, makababalik ka pa. Ang tawag dito’y pagsisisi. Namatay ang ating Tagapagligtas upang ilaan sa atin ang pagpapalang iyon. Bagama’t mahirap ang landas, tunay ang pangako: “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe.”7 “At … hindi ko na [ito] aalalahanin.”8 Haharap kayo sa tukso; dalangin kong madaig ninyo ito.

Susunod sa ating batas ng pag-uugali: Alam ninyo ang katotohanan; ipamuhay ito.

Pagkaraan ng pangitain ni Joseph Smith sa Sagradong Kakayuhan, tatlong taong di siya nakatanggap ng komunikasyon. Naiisip ba ninyo ang inyong madarama kung makita ninyo ang Ama at Anak Niyang si Jesucristo, kung kausapin kayo ni Cristo, pagkatapos ay tatlong taon kayong di nakatanggap ng komunikasyon? Magdududa na ba kayo? Magtataka ba kayo o magtatanong? Hindi nagtaka si Propetang Joseph Smith, hindi siya nagtanong; hindi siya nagduda sa Panginoon. Natanggap niya ang katotohanan, at ipinamuhay ito.

Mahal kong mga kaibigang kabataan, inireserba kayo para isilang sa panahong ito na ipinanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lupa. Hinggil sa ebanghelyo at sa patotoo, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “[Ang] tinatawag nating patotoo … ay singtunay at sinlakas ng anumang puwersa sa lupa… . Ito’y … nasa bata’t matanda… . Hatid nito’y katiyakan na may layunin ang buhay, na mas mahalaga ang ilang bagay kaysa iba, na walang hanggan ang ating paglalakbay, na mananagot tayo sa Diyos.”9

Naituro na sa inyo ng inyong mga magulang at guro sa Simbahan ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Patuloy ninyong makikita ang katotohanan sa mga banal na kasulatan, sa mga turo ng mga propeta at sa inspirasyong dumarating sa inyo sa pagluhod at paghingi ng tulong sa Diyos.

Tandaan na hindi sabay na iiral sa isipan ang pananampalataya at pagdududa, dahil iwawaksi ng isa ang isa. Iwaksi ang pagdududa. Manampalataya. Laging sikaping sumampalataya na tulad sa isang bata na titinag sa kabundukan at ilalapit ang langit sa puso’t tahanan.

Kapag nakatanim na mabuti ang inyong patotoo sa ebanghelyo, sa Tagapagligtas at ating Ama sa Langit, ang mga ito ay makaiimpluwensya sa lahat ng ginagawa ninyo sa buhay. Ipaaalam nito sa inyo kung paano ninyo gugugulin ang inyong oras at kanino makikihalubilo. Aapektuhan nito ang pagtrato ninyo sa pamilya, at pakikisama sa iba. Magdudulot ito ng pagmamahal, kapayapaan at galak sa inyong buhay. Magiging determinado kayong maging disente sa pananamit at pananalita dahil dito. Noong isang taon o mahigit pa, napansin namin ang malaking pagbabago sa pananamit ng ilang kadalagahan natin. Nagbabago ang estilo, at nagpapalit ang uso; pero kung malaswa ang estilo, mahalagang paiwasan ito sa ating kadalagahan. Kapag mahinhin kayong manamit, iginagalang ninyo ang inyong Ama sa Langit at sarili ninyo. Sa panahong ito, na ang uso ay maiikling damit na isinusuot ng ilang idolong artista sa pelikula at musika, mahirap makakita ng disenteng pananamit sa bilihan. Gayunman, posible ito, at mahalaga. Sabi ni Apostol Pablo, “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo? … Ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo.”10 Alam ninyo ang katotohanan; ipamuhay ito.

Sa huli, may patotoo kayo; ibahagi ito. Huwag maliitin ang malawak na impluwensya ng inyong patotoo. Mapalalakas ninyo ang isa’t isa; mapapansin ninyo ang hindi napapansin. Kapag may mga mata kayong nakakakita, taingang nakaririnig, at pusong nakadarama, masasagip ninyo ang ibang kaedad ninyo.

Para mailarawan, ibabahagi ko sa inyo ang isang karanasang naganap ilang taon na ang nakararaan nang dahil sa pagkahulog naospital si Sister Monson. Pinabili niya ako ng ilang bagay sa grocery. Hindi ko pa ito nagawa kahit kailan. May listahan ako ng mga bibilhin kasama ang patatas. Agad akong nakakita ng grocery cart at naglagay ako ng ilang patatas dito. Wala akong alam tungkol sa mga plastic bag na lalagyan ng mga binili. Habang tulak ko ang cart, nalaglag sa sahig ang mga patatas, mula sa dalawang maliliit na butas sa likod ng cart. Isang masipag na klerk ang nagmamadaling tumulong sa akin at nagsabing, “Tutulungan ko po kayo!” Sinikap kong ipaliwanag sa kanya na sira ang cart ko. Noon lang ako sinabihan na lahat ng cart ay may dalawang butas sa likod na lusutan ng mga paa ng maliliit na bata.

Pagkatapos ay kinuha ng klerk ang listahan ko at tinulungan ako sa mga bibilhin. Pagkatapos ay sinabi niya, “Kayo po si Bishop Monson, ‘di po ba?”

Sabi ko matagal na akong naging bishop. Pagpapatuloy niya: “Nakatira ako noon sa Gale Street sa ward ninyo at hindi ako miyembro ng Simbahan. Tiniyak ninyo na makontak ako ng mga miyembro ninyong babae linggu-linggo at madala sa Mutwal at iba pang aktibidad. Mababait sila at ang pakikisama at kabaitan nila ay umantig sa puso ko. Gusto kong ipaalam na ang pakikisamang ipinakita ninyo sa akin ay naging dahilan para mabinyagan ako at makumpirmang miyembro ng Simbahan. Kaylaking pagpapala ninyo sa buhay ko, at salamat sa kabaitan ninyo.”

Makapagbabahagi kayo ng patotoo sa maraming paraan—sa inyong pananalita, sa halimbawa ninyo, at sa inyong pamumuhay.

Nawa’y gayahin nating lahat ang dakilang halimbawa ni Propetang Joseph Smith. Itinuro, ipinamuhay, at ibinahagi niya ang katotohanan. May patotoo kayo; ibahagi ito.

Mahal kong mga kapatid, pagpalain nawa kayo ng Diyos. Mahal namin kayo; ipinagdarasal namin kayo. Tandaan na hindi kayo nag-iisa. Nangako sa inyo ang Panginoon: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”11

Bukas ay Paskua. Ngayong bisperas ng Paskua, nawa’y mabaling ang isipan natin sa Kanya na nagbayad-sala para sa atin, nagturo sa atin kung paano mamuhay, magdasal, at nagpakita nito kung paano ito gawin. Isinilang sa kural ng mga hayop, inihiga sa isang sabsaban, nananawagan ang Diyos sa atin na sundin Siya. “Ligayang aking matalos: ‘Buhay ang aking Manunubos.’”12 Nawa’y lagi ninyong makapiling ang Kanyang Espiritu, ang dalangin ko, sa Kanyang Banal na pangalan—maging ng Panginoong Jesucristo—Amen.

Mga Tala

  1. I Timoteo 4:12.

  2. Exodo 20:12.

  3. The Two Gentlemen of Verona, sa The Complete Works of William Shakespeare, ed. William Aldis Wright, edisyon ng Cambridge, tagpo 1, eksena 2, linya 31.

  4. Joseph Smith—Kasaysayan 1:25.

  5. Alma 41:10.

  6. Isaias 30:21.

  7. Isaias 1:18.

  8. Jeremias 31:34.

  9. “Testimony,” Ensign, Mayo 1998 69–70.

  10. I Mga Taga Corinto 3:16,17.

  11. D at T 84:88.

  12. Samuel Medley, “Buhay ang Aking Manunubos,” Mga Himno, blg. 78.

Print