2005
Pananampalataya ang Sagot
Mayo 2005


Pananampalataya ang Sagot

Dapat tandaan na pananampalataya pa rin ang sagot—kahit may masamang nangyayari, lalo nga siguro kapag may masamang nangyayari.

Noong mga unang taon ng 1950 nakikipagdigmaan ang Estados Unidos sa Korean peninsula. Dahil sa draft policy ng gobyerno sa panahong iyon, hindi pinahintulutang magmisyon ang mga kabataang lalaki at sa halip ay pinasama sila sa militar. Alam ko ito, kaya nagpalista ako sa Army Reserve’s Officers Training Corps nang magkolehiyo ako. Gusto kong maging opisyal tulad ng kuya ko. Gayunman, nang bumisita ako sa amin noong Kapaskuhan, inanyayahan ako ng bishop naming si Vern Freeman sa opisina niya. Sinabihan niya ako na isang batang lider ng Simbahan na nagngangalang Brother Gordon B. Hinckley ang nakipagkasundo sa gobyerno ng U.S. na pahintulutan ang bawat ward sa Simbahan sa Estados Unidos na makapagpadala ng isang binatilyo sa misyon. Ang binatilyong ito ay agad ililiban sa militar habang nasa misyon.

Ayon kay Bishop Freeman matagal niya itong ipinagdasal at nadama niya na dapat akong irekomenda bilang full-time na misyonero ng aming ward. Ipinaliwanag ko sa kanya na iba ang mga plano ko—nagpalista na ako sa Army ROTC at umaasang maging opisyal! Magiliw akong pinaalalahanan ng bishop ko na nabigyang-inspirasyon siya na irekomenda akong magmisyon sa panahong iyon. Sabi niya, “Umuwi ka at kausapin ang mga magulang mo at ipaalam mo ang sagot sa akin ngayong gabi.”

Umuwi ako at sinabi sa tatay at nanay ko ang nangyari. Sabi nila nabigyang-inspirasyon ang bishop at dapat akong matuwang tanggapin ang paanyaya ng Panginoon na maglingkod. Halata ng nanay ko na nalungkot ako dahil mabibigo ang pangarap kong maging opisyal sa militar kaagad. Binanggit niya,

“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo; at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.

“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kanyang ituturo ang iyong mga landas.”1

Kinagabihan bumalik ako sa opisina ng bishop at tinanggap ang kanyang paanyaya. Pinapunta niya ako sa Selective Service Office para ipaalam sa kanila ang desisyon ko.

Nang gawin ko ito, laking gulat ko nang sabihin sa akin ng babae na chairman ng Selective Service Office na, “Kung magmimisyon ka, matatanggap mo ang draft notice mo bago ka makapasok ulit sa Army ROTC. Maglilingkod ka bilang enlisted man, hindi bilang opisyal.”

Sa kabila ng di-inaasahang pagbabagong ito, napakaganda ng misyon ko. Binago nito ang takbo ng buhay ko tulad ng mga ibang nagmisyon. Pero, tapat sa sinabi nila, pinatawag ako ng gobyerno sa U.S. Army mga isang buwan bago ako na-release sa misyon ko.

Pagkaraan ng boot camp at pag-aaral sa militar, nadestino ako sa base militar bilang pulis. Isang gabi buong magdamag akong pinaagapay sa isang convoy ng mga bilanggo na ililipat ng kampo.

Noong gabing iyon huminto ang convoy sa kalagitnaan para magpahinga. Pinaiinom kami ng commanding officer ng kape sa isang restawran para hindi kami antukin sa magdamag. Napansin niya agad na tumanggi ako. Sabi niya, “Sarhento, magkape ka para hindi ka antukin sa nalalabi pang biyahe. Ayokong may makatakas o manggulong bilanggo kapag ako ang namumuno.”

Sabi ko, “Sir, ipagpaumanhin ninyo. Mormon ako, at hindi ako umiinom ng kape.”

Hindi niya pinansin ang isinagot ko, at muli akong sinabihang magkape.

Muli, magalang akong tumanggi. Umupo ako sa hulihan ng bus, hawak ang aking sandata, at taimtim na nanalanging manatili akong gising at hindi ko kailanganing gamitin ito. Walang nangyaring anuman sa biyahe.

Ilang araw ang lumipas inimbita ako sa opisina ng commanding officer na iyon para kausapin nang personal. Sabi niya sa akin, kahit nag-alala siyang baka makatulog ako sa magdamag na biyahe, natuwa siya’t nanindigan ako sa paniniwala ko. Nagulat na lang ako nang sabihin niyang malilipat ang assistant niya at ako ang inirerekomenda niyang maging bago niyang assistant!

Marami akong naging oportunidad na mamuno at mamahala sa sumunod na dalawang taon. Ang kinalabasan, ang magagandang karanasan ko sa militar ay naging higit pa sa pinangarap kong posibleng mangyari.

Sa simpleng kuwentong ito—at sa marami pang tulad nito sa buhay ko—nalaman ko na pananampalataya ang sagot sa ating mga alalahanin, problema, at pagdurusa. Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang tunay na kapangyarihang magpapabago sa ating buhay at aakay sa atin sa kaligtasan.

Paano natin palalakasin ang pananampalatayang ito? Sa ating mga kilos. Dapat nating “[gawin] ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon,”2 tulad nga ng payo ni Nephi. Dapat tayong “tumiwala sa Panginoon ng buong puso,” tulad ng magiliw na turo ng nanay ko sa akin. Salamat at sa maraming beses nating pagsampalataya sa kagustuhan ng Panginoon, nadarama nating lubos tayong pinagpapala sa pagsunod.

Subalit kung minsan, kahit gawin natin ang lahat sa paglilingkod sa Diyos, nagdurusa pa rin tayo. Maaaring may kakilala kayong dumaranas ng pinakamahihirap na sitwasyon: isipin ninyo ang magulang na maysakit ang anak, na ipinagdarasal at ipinag-aayuno ng lahat nang buong puso’t kaluluwa, pero namatay rin. O ng misyonerong nagsasakripisyong makapagmisyon, pero dinapuan ng malubhang sakit na labis na nagpabalda o nagpahirap sa kanya. O ng babaeng namuhay nang tapat at masunurin sa abot-kaya niya pero hindi nagkaanak na tulad ng inaasam niya. O ng maybahay na ginagawa ang lahat para sa kabutihan ng tahanan at pamilya at inaaruga ang mga anak pero iniwan ng asawa. Maraming halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na nailigtas matapos magpakita ng malaking pananampalataya tulad nina Sadrach, Mesach, at Abed-nego sa nagniningas na hurno. Pero marami ring halimbawa roon ng matatapat na tao na hindi tinulungan ng Diyos sa oras ng krisis. Si Abinadi ay sinunog; pinugutan ng ulo si Juan Bautista; inihagis sa apoy ang mga alagad nina Alma at Amulek. Ang pagiging mabait ay hindi nangangahulugan na laging magiging maayos ang lahat. Dapat tandaan na pananampalataya pa rin ang sagot—kahit may masamang nangyayari, lalo nga siguro kapag may masamang nangyayari.

Tandaan na nangako ang Panginoon na tutulungan Niya tayo sa oras ng pagsubok. Higit Siyang nahahabag sa mga nagdurusa. Siya ang nagsabing, “Mapapalad ang nangangahapis: sapagka’t sila’y aaliwin.”3

Bahagi ng Pagbabayad-sala na pagdusahan ng ating Tagapagligtas ang lahat. Batid Niya ang sakit ng katawan at damdamin; batid Niya ang dalamhati ng mawalan at pagtaksilan. Pero ipinakita Niya sa atin na tanging pag-ibig, tiyaga, kapakumbabaan, at pagsunod ang landas ng tunay na kapayapaan at kaligayahan. Sabi ni Jesus: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo.” Subalit, para mabalaan tayo na huwag lang ginhawa ng mundo ang hangarin, idinagdag ni Jesus, “Hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan ang ibinibigay ko sa inyo.”4 Ang tingin ng mundo sa kapayapaan ay kawalan ng gulo o pasakit, pero inalayan tayo ni Jesus ng aliw sa ating pagdurusa. Hindi naligtas sa gulo o pasakit ang buhay Niya, pero wala itong pangamba at puno ito ng kabuluhan. Isinulat ni Apostol Pedro: “Kung kayo’y gumagawa ng mabuti, at kayo ay nagbabata, ay inyong tanggapin na may pagtitiis, ito’y kalugodlugod sa Dios.

“Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag: sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya: …

“Na, nang siya’y alipustain, ay hindi gumanti ng pagalipusta; kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili doon sa humahatol ng matuwid.”5

Tayong mga tumanggap kay Jesucristo bilang Tagapagligtas natin ay dapat umasa nang lubos sa awa ni Cristo. Ililigtas Niya tayo matapos nating gawin ang lahat ng ating magagawa. Kapag matatag tayong nanampalataya, at patuloy na umasa sa awa ni Cristo, bibiyayaan Niya tayo at gagabayan sa lahat ng ating gagawin. Palalakasin Niya tayo at dudulutan ng kapayapaan sa oras ng pagsubok. “Sapagka’t nagsisilakad [tayo] sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.”6 Dalangin ko na mas matutuhan ng bawat isa sa atin na magtiwala sa Panginoon at pag-ibayuhin ang pananampalataya natin sa Kanya.

Ngayon, mga kapatid, sa huli ay nais kong banggitin ang isa pang paksa. Sa lumipas na mga taon pinagpala akong mamasdan nang malapitan si Pangulong Hinckley, at nais ko kayong paalalahanan na si Pangulong Hinckley ay hindi lang isang buhay na propeta, kundi isa ring buhay na tagakita. Nakikita niya ang mga bagay na hindi nakikita ng iba. Kaya Niyang umunawa; optimista Siya at makatotohanan. Nais kong magpasalamat sa Panginoon sa pangangalaga kay Pangulong Hinckley at pagtutulot sa kanila ng kanyang mararangal na tagapayo na pamunuan ang Simbahan sa nakalipas na 10 taon. Sa banal na paggabay ni Pangulong Hinckley, maraming nabiyayaan sa Simbahan, na karamiha’y hindi napapansin. Hinihimok ko ang bawat isa sa inyo na sundin pang lalo ang kanyang payo at paggabay, sapagkat totoong “nagbangon ang Panginoon ng isang tagakita sa kanyang mga tao.”7

Si Jesus ang Cristo. Si Joseph ang propeta ng Panunumbalik. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ay ang ating buhay na propeta. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Mga Kawikaan 3:5–6.

  2. I Nephi 3:7.

  3. Mateo 5:4.

  4. Juan 14:27.

  5. I Ni Pedro 2:21, 23.

  6. II Mga Taga Corinto 5:7.

  7. Moises 6:36.

Print