2005
Ang Kahalagahan ng mga Kaluluwa
Mayo 2005


Ang Kahalagahan ng mga Kaluluwa

Kapag nakikita natin ang epekto ng isang tao … , marahil ay hindi kataka-takang paalalahanan tayo ng Panginoon, “Tandaan … ang kahalagahan ng mga kaluluwa.”

Ang isa sa mga talumpating nakintal sa isipan ko ay ang ibinigay sa sesyon sa Sabado ng gabi sa isang kumperensya ng stake ilang taon na ang nakaraan. Ang talumpati ay ibinigay ng isang batang ina. Ganito ang sabi niya: “Ginagawa ko ang genealogy ng lolo ko sa tuhod. Sila ng malaki niyang pamilya na may mga anak na lalaki’t babae ay mga miyembro ng Simbahan.

“Nilisan ng lolo ko sa tuhod at kanyang pamilya ang simbahan,” sabi niya, “isang araw ng Linggo at hindi na bumalik kailanman—walang nagsabi kung bakit.”

Sabi pa niya, “Sa pagsasaliksik ko, natuklasan ko na mahigit 1,000 ang inapo ng lolo ko sa tuhod.”

At sabi pa niya, at ito ang hindi ko malimutan, “Sa 1,000 inapong iyon, ako lang ang kaisa-isang aktibo sa Simbahan ngayon.”

Nang banggitin niya ang mga salitang ito, naisip kong, “Isang libo lang ba, o higit pa?”

Malinaw ang kasagutan. Ang espirituwal na impluwensya sana ng pamilyang iyon sa mga kapitbahay at kaibigan nila ay di nangyari. Wala sa kanyang mga anak na lalaki ni anak na babae ang nagmisyon, at hindi nabinyagan ang mga taong sana’y naantig ng kanilang patotoo, at ang mga iyo’y hindi nagmisyon. Oo, siguro’y libu-libo ang wala sa Simbahan ngayon, at wala sa pulong na ito ngayon, dahil sa desisyon ng lolo-sa-tuhod na iyon.

Nang marinig ko siyang magsalita naisip ko, “Kaylaking trahedya! Siguro kung naroon ako noong panahong iyon, nakausap ko sana ang ama, ang pamilya, ang mga lider ng priesthood na nakatulong sana para maiwasan ang gayong pangyayari sa pamilya nila at sa napakarami pa sa susunod na mga henerasyon.”

Siyempre, nawala na ang nakaraang pagkakatong iyon. Pero mapangangalagaan natin ang ngayon at ang bukas. Sasabihin ko sa mga nasa gayunding sitwasyon ng lolo-sa-tuhod na iyon: Pag-iisipan ba ninyo ang maaaring magawa ninyo sa inyong pamilya at sa lahat ng susunod sa inyo? Pag-iisipan ba ninyo ang epekto ng inyong iniisip at ginagawa?

Kung may mga problema tungkol sa doktrina ng Simbahan, tandaan ang payo ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa malaking pulong ng mahigit 2,000 miyembro sa Paris, France, noong isang taon. Sabi niya: “Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, na kung duda kayo sa anumang doktrina ng Simbahang ito, subukan ninyo ito. Subukan ninyo. Ipamuhay ang alituntunin. Lumuhod at ipagdasal ito, at bibiyayaan kayo ng Diyos ng kaalaman sa katotohanan ng gawaing ito.”

Kung nadama ninyong pinagkasalahan kayo, magpatawad. Kung mayroon, sa ilang kadahilanan, na pangit na alaala, kalimutan na ito. Kung kailangan, kausapin ang bishop ninyo; kausapin ang stake president ninyo.

Sa lahat, pero lalo na sa mga taong balang-araw ay magiging mga lolo’t lola-sa-tuhod, mas mahalaga ang inyong mga walang hanggang pagpapala at inapo kaysa anumang kayabangang magkakait sa inyo at sa marami pang iba ng napakaraming mahahalagang pagpapala. Sa Aklat ni Mormon, ipinaalala sa atin ni Haring Benjamin: “At bukod dito, ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41).

Sa mga batang nakatira sa mga lolo-sa-tuhod na maaaring maligaw ng landas, maitutuloy ninyo ang katapatan; maaari kayong maging mabuting halimbawa sa tahanan at sa mga nakapaligid sa inyo. Magagawa ninyo ang inyong bahagi sa paghahatid ng kapayapaan at pagkakasundo sa tahanan at sa inyong mga kasama. Maaari kayong maging solusyon, hindi dahilan, ng mga problema. Maaalala, sa Aklat ni Mormon nang magsimulang dumaing si Amang Lehi, ang butihing anak niyang si Nephi ang nanghikayat at lumutas sa mga problema. Kadalasan ang mabubuting anak ang nagpapatatag sa panahon ng paghihirap ng pamilya.

Kayong mga bishop at stake president, sana’y nakabahagi kayo sa dinaluhan kong miting na may ilang kinatawan ng rehiyon. Narinig namin si Elder L. Tom Perry na inihambing ang magiging mga elder sa mga di aktibo—ang magiging mga lolo-sa- tuhod—sa isang termometro. Naipaalala sa amin na marami sa mga taong iyon ang maganda ang saloobin sa Simbahan at sa mga miyembro nito. Babalik sila kung mayroon lang maghihikayat at magpapakita ng daan.

Ikukuwento ko sa inyo ang isang kumperensya ng stake na pinadaluhan sa akin. Muli itong inorganisa; ire-release ang stake president at mga tagapayo niya at tatawagin ang bagong panguluhan. Bata pa ang stake president at mahusay na naglingkod nang halos 10 taon. Napakataas ng kanyang espirituwalidad, pero napakagaling din niyang mamahala. Sa personal na interbyu ko sa kanya, sinabi niya kung paano niya ipinakatawan sa kanyang mga tagapayo at high council ang marami sa responsibilidad niya sa stake, at itinuon ang sarili sa pag-iinterbyu sa mga taong kailangan ang panghihikayat. Inimbitahan niya ang mga tao at mga mag-asawa sa kanyang opisina. Doo’y nakilala niya sila, pinayuhan sila at inimbitahan silang pag-igihin pa ang trabaho na ayusin ang buhay nila, at tanggapin ang mga pagpapalang nakakamtan ng mga sumusunod sa Panginoon. Sila ay tinutulungan niya sa pamamagitan ng paglalagay sa kanila sa pangangalaga ng isang mahusay na lider, isang gurong tumulong sa kanila na maunawaan ang kagandahan ng doktrina. Tapos sinabi niya sa akin na sa mga interbyung ito ay madalas niyang itanong kung gusto nila ng basbas. “Naipatong ko ang aking mga kamay sa uluhan ng maraming miyembro ng stake,” wika niya.

Kinabukasan, sa pangkalahatang sesyon ng kumperensya ng stake, hindi pa ako nakakita ng ganoon karaming lumuluha—hindi dahil nadama nila na hindi dapat i-release ang pangulo, kundi dahil mahal na mahal nila ang batang stake president na nagpala sa buhay nila. Naisipan kong itanong, “Ilan sa inyo ang napatungan ng mga kamay ng pangulo?” Namangha ako sa dami ng nagtaas ng kamay. Naisip ko noon, “Ilan sa mga taong ito ang papupurihan ang pangalan ng dakilang lalaking ito, hindi lang ngayon kundi sa kawalang-hanggan?” Oo, ang mga ito ang magiging mga lolo-sa-tuhod na dahil sa mapagmahal na lider na ito, ay mag-iiwan ng mabuting pamana ng mga henerasyon ng libu-libo na magsasabing pinagpala siya.

Kapag nakikita natin ang epekto ng isang tao sa buhay ng napakarami, marahil ay hindi kataka-takang paalalahanan tayo ng Panginoon, “Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (D at T 18:1).

Nawa’y isipin nating lahat ang ating magagawa para matulungan ang magiging mga lolo’t lola-sa-tuhod, maging siya man ay batang paslit, tinedyer, o matanda, upang bawat isa ay makapag-iwan ng mabuting pamana ng mga nakakikilala at nagmamahal sa Panginoon. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Print