2005
Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos
Mayo 2005


Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos

Sa matatag na pundasyon ng banal na tungkulin ni Propetang Joseph at mga paghahayag ng Diyos, na dumating sa pamamagitan niya, tayo ay sumusulong.

Mga Kapatid, tulad ng ipinaalala sa atin, ating gugunitain sa Disyembre ang ika-200 anibersaryo ng kapanganakan ni Propetang Joseph Smith. Samantala, maraming bagay ang magaganap sa pagdiriwang ng mahalagang okasyong ito.

Maglalathala ng mga aklat, magkakaroon ng mga pulong na lalahukan ng iba’t ibang iskolar, mga palabas, bagong pelikula, at marami pang ibang bagay.

Habang hinihintay ito, nadama ko, bilang ika-15 pangulo ng Simbahan mula nang magtagumpay si Joseph Smith, na patotohanan ang kanyang banal na tungkulin.

Hawak ko ang isang maliit at mahalagang aklat. Inilathala ito ni Orson Pratt sa Liverpool, England, noong 1853, 152 taon na ang nakaraan. Kuwento ito ni Lucy Mack Smith tungkol sa buhay ng kanyang anak.

Medyo detalyado ang kuwento rito ng iba’t ibang pag-uusap nina anghel Moroni at Joseph at ng paglabas ng Aklat ni Mormon.

Sinasabi sa aklat na pagkarinig sa pagkikipagkita ng anghel kay Joseph, iminungkahi ng kapatid niyang si Alvin na magtipon ang pamilya at makinig sa paglalahad nito ng “mga dakilang bagay na inihayag ng Diyos sa inyo” (Biographical Sketches of Joseph Smith the Prophet and His Progenitors of Many Generations [1853], 84).

Iyan ang gagamitin kong paksa sa aking talumpati—mga dakilang bagay na inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Propetang Joseph. Babanggit ako ng ilan sa maraming doktrina at gawaing nagpapatangi sa atin sa ibang simbahan, at lahat ng ito ay nagmula sa paghahayag sa batang si Joseph. Pamilyar ito sa inyo, pero marapat itong banggiting muli at pag-isipan.

Una sa lahat, siyempre, ang pagpapakita ng Diyos Mismo at ng Pinakamamahal Niyang Anak, ang muling nabuhay na Panginoong Jesucristo. Ang dakilang pangitaing ito, sa palagay ko, ang pinakadakilang pangyayari mula sa kapanganakan, buhay, at Pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoon sa kalagitnaan ng panahon.

Wala tayong tala ng iba pang pangyayaring papantay rito.

Maraming siglong nagtipon ang mga tao at pinagtalunan ang likas na katangian ng Diyos. Tinipon ni Constantino ang mga iskolar ng iba’t ibang grupo sa Nicaea noong taong 325. Matapos ang matinding pagdedebate nang dalawang buwan, nagkasundo sila sa isang kahulugan na naging doktrinal na pahayag ng mga Kristiyano sa maraming henerasyon tungkol sa Panguluhang Diyos.

Inaanyayahan ko kayong basahin ang kahulugang iyon at ihambing ito sa pahayag ng batang si Joseph. Sinabi lang niya na nakatayo ang Diyos sa harapan niya at kinausap siya. Nakikita Siya at naririnig ni Joseph. Siya’y kawangis ng tao, isang katauhang may katawan. Katabi Niya ang nabuhay na mag-uling Panginoon, hiwalay na katauhan, na ipinakilala Niya bilang Pinakamamahal Niyang Anak na kumausap din kay Joseph.

Naniniwala ako na sa maikling oras ng pambihirang pangitaing iyon maraming natutuhan si Joseph tungkol sa Diyos kaysa lahat ng iskolar at ministro noon.

Sa banal na paghahayag na ito napagtibay nang walang duda ang katotohanan ng literal na Pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Jesucristo.

Ang kaalamang ito tungkol sa Diyos, na itinago sa daigdig nang maraming siglo, ang una at dakilang bagay na inihayag ng Diyos sa Kanyang piniling tagapaglingkod.

At sa realidad at katotohanan ng pangitaing ito nakasalalay ang katumpakan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Isusunod kong banggitin ang isa pang napakahalagang bagay na inihayag ng Diyos.

Tanggap ng Kristiyanismo ang Biblia bilang salita ng Diyos. Karamihan ay walang ideya kung paano ito napasaatin.

Katatapos ko lang basahin ang kalalathalang aklat ng isang bantog na iskolar. Maliwanag sa impormasyon niya na maraming aklat sa Biblia ang pinagsama-sama sa paraang hindi sistematiko. Sa ilang pagkakataon, hindi agad nailabas ang mga isinulat hanggang matapos ang mga pangyayaring inilarawan. Dahil dito maitatanong natin, “Totoo ba ang Biblia? Salita ba talaga ito ng Diyos?”

Ang sagot nati’y oo, hangga’t ito ay naisalin nang wasto. Binigyang- inspirasyon ng Panginoon ang paggawa ng Biblia. Pero hindi na ito nag-iisa ngayon. May isa pang saksi sa makabuluhan at mahalagang mga katotohanang naroon.

Ipinahayag sa banal na kasulatan na “sa bibig ng dalawang saksi o ng tatlo ay papagtibayin ang bawat salita” (II Mga Taga Corinto 13:1).

Ang Aklat ni Mormon ay lumabas sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Nagsasalita ito bilang isang tinig mula sa alabok sa pagpapatotoo sa Anak ng Diyos. Ikinukuwento nito ang Kanyang kapanganakan, ministeryo, Pagkapako sa krus at Pagkabuhay na mag-uli, at pagpapakita sa mabubuti sa lupaing Masagana sa Amerika.

Nahahawakan ito, nababasa, nasusubukan. Naglalaman ito ng pangako sa banal nitong pinagmulan. Milyun-milyon ang sumubok sa pangakong ito at natuklasang ito ay totoo at sagradong tala.

Kinilala ito ng ibang relihiyon bilang isa sa 20 aklat na nailathala sa Amerika na napakalaki ng impluwensya sa mga nakabasa nito.

Ang Biblia ay tipan ng Old World, ang Aklat ni Mormon naman ay tipan ng New World. Sabay nilang ipinahahayag na si Jesus ang Anak ng Ama.

Sa 10 taong lumipas pa lang, 51 milyong kopya na ang naipamahagi. Makukuha ito ngayon sa 106 wika.

Ang sagradong aklat na ito, na lumabas bilang paghahayag ng Maykapal, ay tunay na isa pang tipan ng kabanalan ng ating Panginoon.

Palagay ko’y hahangarin at tatanggapin at yayakapin ito ng buong Kristiyanismo bilang isang malakas na patotoo. Kumakatawan ito sa isa pang dakila at mahalagang kontribusyong dumating bilang paghahayag sa Propeta.

Ang isa pa’y ang ipinanumbalik na priesthood. Ang priesthood ay awtoridad para kumilos sa pangalan ng Diyos. Ang awtoridad na iyon ay saligang bato ng anumang relihiyon. May nabasa akong aklat kamakailan. Tungkol ito sa Apostasiya ng sinaunang Simbahan. Kung nawala ang awtoridad ng simbahan, paano ito ipanunumbalik?

Isang lugar lang ang maaaring pagmulan ng awtoridad ng priesthood, at yaon ay sa langit. Ipinagkaloob ito ng mga nagtataglay nito nang narito sa lupa ang Tagapagligtas.

Una, nariyan si Juan Bautista, na nagkaloob ng Aaronic, o nakabababang priesthood. Sinundan ito ng pagdalaw nina Pedro, Santiago, at Juan, mga Apostol ng Panginoong Jesucristo, na nagkaloob ng Melchizedek Priesthood kina Joseph at Oliver Cowdery, na natanggap naman ng mga Apostol na ito sa mga kamay ng Panginoon Mismo noong nabubuhay Siya rito sa lupa. Sabi Niya, “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit” (Mateo 16:19).

Kayganda ng pagpapanumbalik ng ebanghelyo na nagbigay-daan sa pagtatatag ng Simbahan noong taong 1830, 175 taon na sa linggong ito. Ang pangalan mismo ng Simbahan ay ipinahayag. Kaninong Simbahan ito? Kay Joseph Smith ba? Kay Oliver Cowdery kaya? Hindi, ito ay Simbahan ni Jesucristo na ipinanumbalik sa mundo sa mga huling araw na ito.

Isa pang dakila at natatanging paghahayag na ibinigay sa Propeta ay ang plano para sa walang-hanggang buhay ng pamilya.

Ang pamilya ay likha ng Maykapal. Kinakatawan nito ang pinakasagrado sa lahat ng ugnayan. Kinakatawan nito ang pinakamabigat sa lahat ng gawain. Pangunahing organisasyon ito ng lipunan.

Sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Diyos sa Kanyang Propeta lumabas ang doktrina at awtoridad na nagbubuklod sa mga pamilya hindi lang sa buhay na ito, kundi sa kawalang-hanggan.

Sa palagay ko kung kaya nating ituro nang epektibo ang doktrinang ito, makukuha nito ang interes ng milyun-milyong mag-asawang nagmamahalan at mahal ang kanilang mga anak, na ang pagsasama’y may bisa lang “hanggang kamatayan.”

Ang kawalang-malay ng mga batang paslit ay isa pang paghahayag na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Propetang Joseph. Nakagawian na ang pagbibinyag sa mga sanggol para pawiin ang mga epekto ng sinasabing kasalanan daw nina Adan at Eva. Sa ilalim ng doktrina ng Pagpapanumbalik, ang binyag ay para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng tao. Nagiging tipan ito sa pagitan ng Diyos at tao. Isinasagawa ito pagsapit sa gulang ng pananagutan, kung kailan may sapat na isip na ang mga tao para makilala ang tama sa mali. Ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog, ang simbolo ng pagkamatay at paglilibing kay Jesucristo at pagbangon Niya sa Pagkabuhay na mag-uli.

Babanggit ako ng isa pang inihayag na katotohanan.

Sinabi sa atin na hindi nagtatangi ng mga tao ang Diyos, gayunpaman, wala akong alam na iba pang simbahan na may ginagawa para matanggap ng mga namatay ang lahat ng biyayang ibinigay sa mga buhay. Ang dakilang doktrina ng kaligtasan para sa mga patay ay kakaiba sa Simbahang ito.

Maraming taong nagyayabang na “ligtas” na sila, at sa gayong paraan ay inaamin ding hindi pa at hindi na maliligtas ang kanilang mga ninuno.

Ang Pagbabayad-sala ni Jesus para sa lahat ay kumakatawan sa isang dakila at nakapagliligtas na sakripisyo. Nagpakita Siya ng huwaran kung saan kinatawan Niya ang buong sangkatauhan. Ang huwarang ito ng pagkatawan ng isang tao para sa iba ay isinasagawa sa mga ordenansa sa bahay ng Panginoon. Dito’y naglilingkod tayo alang-alang sa mga namatay na walang kaalaman sa ebanghelyo. Nasa kanila na kung tatanggapin nila o hindi ang isinagawang ordenansa. Pareho ang katayuan nila sa mga buhay dito sa lupa. Pareho ang oportunidad ng mga patay at mga buhay. Muli, kayluwalhati at kayganda ng kundisyong ginawa ng Maykapal sa pamamagitan ng paghahayag Niya sa Kanyang Propeta.

Ang likas na kawalang-hanggan ng tao ay inihayag. Tayo’y mga anak ng Diyos. Ang Diyos ang Ama ng ating espiritu. Nabuhay tayo bago pa man tayo isinilang. May personalidad tayo. Isinilang tayo sa buhay na ito sa ilalim ng banal na plano. Narito tayo para subukin ang ating pagkamarapat, na kumikilos sa kalayaang pumili na bigay sa atin ng Diyos. Kapag namatay tayo patuloy tayong mabubuhay. Ang walang-hanggang buhay natin ay binubuo ng tatlong yugto: una, ang ating buhay bago tayo isilang; ikalawa, ang ating buhay sa mundo; at ikatlo, ang kabilang buhay. Pagkamatay natin lilisanin natin ang mundong ito at dadaan sa lambong papasok sa kahariang karapat-dapat nating pasukin. Kakaiba rin ito, natatangi, at mahalagang doktrina ng Simbahang ito na ipinarating sa pamamagitan ng paghahayag.

Narito ang maikling buod ng napakaraming ipinagkaloob na kaalaman at awtoridad mula sa Diyos sa Kanyang Propeta. Kung may oras pa marami pa sana akong sasabihin. May dapat pa akong banggitin. Ito ang alintunin ng makabagong paghahayag. Ang mga saligan ng pananampalataya na isinulat ng Propeta ay nagsasaad,

“Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 9).

Ang lumalaking simbahan, na lumalaganap sa buong mundo sa mahirap na panahong ito, ay nangangailangan ng palagiang paghahayag mula sa trono ng langit upang magabayan at maisulong.

Sa dalangin at masigasig na paghahangad sa kalooban ng Panginoon, pinatototohanan namin na tumatanggap kami ng mga tagubilin, dumarating ang paghahayag, at pinagpapala ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pagtahak nito sa landas na kahahantungan nito.

Sa matatag na pundasyon ng banal na tungkulin ni Propetang Joseph at mga paghahayag ng Diyos, na dumating sa pamamagitan niya, tayo ay sumusulong. Marami nang nagawa para makarating tayo sa kasalukuyan. Ngunit marami pang gagawin sa paghahatid ng ipinanumbalik na ebanghelyong ito sa “bawat bansa at angkan at wika at bayan” (Apocalipsis 14:6).

Nagagalak ako sa oportunidad na makasama kayo habang sumusulong tayo sa pananampalataya. Ang pasanin kung magkaminsan ay mabigat, alam ninyo ito. Pero huwag tayong dumaing. Magpatuloy tayo sa pananampalataya, na ginagawa ang ating bahagi.

Sa taong ito ng pagdiriwang, sa sarili nating pagganap, parangalan natin ang Propeta, na sa pamamagitan niya ay maraming ipinahayag ang Diyos.

Isinilang si Joseph Smith sa maginaw na panahon sa Vermont noong 1805. Pumanaw siya sa Illinois sa mainit na hapon noong 1844. Sa loob ng maikling 38 at kalahating taon ng kanyang buhay, dumating sa pamamagitan niya ang walang katumbas na pagbuhos ng kaalaman, mga kaloob, at doktrina. Tingnan ninyo ito nang walang kinikilingan, walang itong katulad. Kung tutuusin, ito ang nilalaman ng personal na patotoo ng milyun-milyong Banal sa mga Huling Araw sa buong daigdig. Karangalan nating mapabilang sa kanila.

Noong bata pa ako, mahilig akong makinig sa pag-awit ng isang lalaking baritono sa mga salita ni John Taylor:

Ang Tagakitang si Joseph! …

Gusto kong alalahanin siya;

Pinili ng Diyos, kaibigan natin.

Priesthood muling ibinalik;

Kahapo’t bukas, kanyang nakita, …

At ipinamalas plano ng Ama.

(“The Seer, Joseph, the Seer,” Hymns [1948], no. 296)

Talagang siya’y isang tagakita. Siya’y isang tagapaghayag. Siya’y propeta ng buhay na Diyos na nangusap sa sarili niyang panahon at sa lahat ng darating na henerasyon.

Dito’y idinaragdag ko ang taimtim kong patotoo sa kabanalan ng kanyang tungkulin, sa kabutihan ng kanyang buhay, at sa pagtatak sa kanyang patotoo ng kanyang kamatayan, sa ngalan ng ating Manunubos, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.

Print