Tumayo sa mga Banal na Lugar
Hinihikayat ko ang ating mga Banal sa buong mundo na sikaping tumayo nang madalas sa mga banal na lugar hangga’t maaari.
Mahal kong mga kapatid, at kaibigan sa buong mundo, isang kasiyahan at malaking responsibilidad ang magsalita sa inyo. Inihahayag ko ang aking pagmamahal, paggalang, at pasasalamat sa bawat isa sa inyo.
Tayo’y inuulan sa lahat ng dako ng napakaraming mensahe na hindi natin gusto o kailangan. Mas maraming impormasyon ang inilalabas sa isang araw kaysa makukuha natin nang habang buhay. Para lubos na masiyahan sa buhay, dapat na mapahinga tayong lahat at mapanatag ang isipan.1 Paano natin magagawa ito? Iisa lang ang sagot. Dapat nating mapagtagumpayan ang kasamaan na dahan-dahang lumalapit sa atin. Dapat nating sundin ang payo ng Panginoon na nagsabing “Aking kalooban na lahat sila na tumatawag sa aking pangalan, at sinasamba ako alinsunod sa aking walang hanggang ebanghelyo, ay dapat na sama-samang magtipon, at tumayo sa mga banal na lugar.”2
Di maiiwasang makatayo tayo sa napakaraming di banal na lugar at makaranas ng labis na kahalayan, kalapastanganan, at ng nakawawasak sa Espiritu ng Panginoon kaya’t hinihikayat ko ang ating mga Banal sa buong mundo na sikaping tumayo nang madalas sa mga banal na lugar hangga’t maaari. Ang pinakabanal nating lugar ay ang ating mga sagradong templo. Sa loob nito madarama natin ang sagradong kaaliwan. Dapat nating hangaring maging karapat-dapat para maisama natin ang ating pamilya sa templo at maibuklod sa atin sa kawalang hanggan. Dapat din nating saliksikin ang rekord ng ating mga namatay na ninuno nang sa gayon sila rin ay mabuklod sa atin sa isa sa ating mga templo. Dapat nating hangarin ang kabanalan sa pagiging “uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”3 Sa paraang ito mapananatili natin at mapalalakas ang ating sariling kaugnayan sa ating Diyos.
Ang kabanalan ay lakas ng kaluluwa. Nagmumula ito sa pananampalataya at pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Diyos. Pagkatapos, pinadadalisay ng Diyos ang puso sa pamamagitan ng pananampalataya, at nalilinis ang puso mula sa yaong mahahalay at di karapat-dapat. Kapag natamo ang kabanalan sa pamamagitan ng pagsunod sa kagustuhan ng Diyos, malalaman ng tao ang mali at ang tama sa harapan ng Panginoon. Nangungusap ang kabanalan sa atin kapag may katahimikan, hinihikayat ang mabuti o sinasabihan ang masama.
Ang kabanalan ay pamantayan din ng kabutihan. Sa ilang sinabi ni Pangulong Brigham Young sa Salt Lake Tabernacle noong Pebrero 16, 1862, ginamit niya ang pananalitang “Kabanalan sa Panginoon.” Ipinaliwanag pa niya ang kahulugan ng “Kabanalan sa Panginoon” sa kanya. Babanggitin ko: “Ang tatlumpung taong karanasan ko ang nagturo sa akin na bawat sandali ng aking buhay ay dapat na kabanalan sa Panginoon, na bunga ng pagiging patas, makatarungan, maawain, at mabuti sa lahat ng aking ginagawa, na tanging paraan para mapanatili ko ang Espiritu ng Makapangyarihan sa lahat sa aking sarili.”4
Noong isang taon isinama ng isa sa aking apong lalaki ang kanyang asawa sa New York City upang dumalo sa bago at magandang templo sa Manhattan. Ang pagkakagulo at ingay ng libu-libong tao sa labas ay nakabibingi. Sa paghinto ng taxi sa tapat ng templo, si Katherine, ang asawa ng aking apo, ay naiyak. Kahit na nasa labas ng templo, dama niya ang kabanalan nito. Pumasok sila, iniwan ang maingay na mundo, at sumamba sa Bahay ng Panginoon. Napakasagrado niyon at di malilimutang karanasan para sa kanila.
Tulad ng itinuro sa atin ni Pangulong Hinckley: “Paminsan-minsan kailangang iwan ang ingay at gulo ng daigdig at pumasok sa sagradong bahay ng Diyos, damhin doon ang Kanyang Espiritu sa kapaligirang banal at payapa.”5 Totoong nasagot ang panalangin ni Joseph Smith sa dedikasyon ng Kirtland Temple: “At nang ang lahat ng taong papasok sa pintuan ng bahay ng Panginoon ay madama ang inyong kapangyarihan, at mapilitang kilalanin na … ito ay inyong bahay, isang pook ng inyong kabanalan.”6
Sa burol ni Patriarch Joseph Smith, Sr., inilarawan ang damdamin niya tungkol sa templo sa mga salitang ito: “Ang manahan sa bahay ng Panginoon, at manalangin sa loob ng kanyang templo, ay kasiyahan niya sa araw-araw; at dito natatamasa niya ang maraming biyaya, at ginugugol ang maraming oras sa magiliw na pakikipag-usap sa Kanyang Ama sa langit. Kanyang nilakaran ang mga sagradong pasilyo nito, nag-iisa at malayo sa sangkatauhan, bago pa man sumikat ang bukang-liwayway; at sinasabi niya ang kanyang mga hangarin sa loob nito, habang himbing pa ang kalikasan. Sa sagrado nitong lugar nabuksan ang mga pangitain ng langit sa kanyang isipan, at ang kanyang kaluluwa ay nagpakabusog sa yaman ng kawalang hanggan.”7
Nagpapasalamat ako na taglay ng lahat ng ating templo ang mga salitang, “Ang Bahay ng Panginoon, Kabanalan sa Panginoon.” Ang pagpapaalalang ito ng mga banal na lugar ay nagmula sa Lumang Tipan. Ipinaalala sa atin ni Zacarias na darating ang panahon na “magkakaroon sa mga kampanilya ng mga kabayo, ng KABANALAN SA PANGINOON … Oo, bawat palyok sa Jerusalem at Juda ay aariing banal sa Panginoon ng mga hukbo.”8 Lubos kong hinahangaan ang mga hawakan ng pinto sa Salt Lake Temple. Ang mga ito’y masining na dinisenyuhan, taglay ang paalalang iyon, “Kabanalan sa Panginoon.”
Mahigit 65 taon na ang nakalilipas sa katimugang bahagi ng Utah, noong bata pa ako, lagi akong nasisiyahan kapag nakikita ko ang mga salitang “Kabanalan sa Panginoon” sa ilang gusali sa maliliit na bayan. Ang mga ginintuang salitang iyon ay kadalasang palamuti sa lahat ng mahahalagang gusali, tulad ng tindahan ng kooperatiba at kamalig ng mga bishop. Mayroon akong ilang sertipiko ng stock ng ZCMI, isang negosyong nagbebenta ng kalakal. Nakalagda sa mga ito sina John Taylor, Brigham Young, Wilford Woodruff, Joseph F. Smith, Lorenzo Snow, Heber J. Grant, George Albert Smith, at David O. McKay. Nakalimbag sa bawat sertipiko ng stock ang mga salitang “Kabanalan sa Panginoon.” Ano na kaya ang nangyari sa mga sawikaing ito ng kabanalan? Naglaho na ba ang mga ito kasama ng iba pang paalala ng pananampalataya at debosyon?
Lubos na mabibiyayaan ang mga araw ng ating buhay sa madalas nating pagpunta sa mga templo para matutuhan ang di mailarawang ugnayang espirituwal natin sa Diyos. Kailangang masigasig tayo nang sa gayon ay matagpuan tayo sa mga banal na lugar. Ang mga seremonya sa tipan sa templo at pagtupad nito ay mga paraang tutulong sa pagkakaroon natin ng kabanalan. Sa ating hangaring higit na makapangako ang ating mga tao sa banal na gawain sa mga templo, kailangang hikayatin natin sila na tingnang mabuti ang malalim na espirituwal na kahulugan na matatagpuan dito. Sa pagpapaalala sa atin ni Pablo, “[S]apagka’t ang titik ay pumapatay, datapuwa’t ang espiritu ay nagbibigay ng buhay.”9
Sinabihan tayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa ating panahon: “Kung gagawing marapat ng bawat lalaking may Melchizedek Priesthood ang kanyang sarili sa simbahang ito para magkaroon ng rekomend sa templo, at tutungo sa bahay ng Panginoon at paninibaguhin nang taimtim ang kanyang mga tipan sa harapan ng Diyos at mga saksi, magiging mas mabuti tayong tao. Magkakaroon ng lubos na katapatan sa atin. Halos mawawala ang diborsyo. Maiiwasan ang labis na paghihinagpis at pagdurusa. Magkakaroon ng malaking kapayapaan at pagmamahal at kaligayahan sa ating tahanan. Kakaunti ang mga tatangis na maybahay at anak. Magkakaroon ng malaking pagpapahalaga at paggalang sa atin. At tiwala ako na ngingiti ang Panginoon na labis na nasisiyahan sa atin.”10
Kailangang saliksikin ng mga Banal ang kanilang pamilya at dumalo sa templo dahil hinikayat sila ng Banal na Espiritu na gawin iyon. Dapat tayong pumunta sa templo, maliban sa iba pang dahilan, para mapangalagaan ang kabanalan ng ating sarili at ng ating pamilya.
Dagdag pa sa mga templo, tiyak na ang iba pang banal na lugar sa mundo ay ang ating mga tahanan. Ang damdamin ng kabanalan sa aking tahanan ay naghahanda sa akin na madama ang kabanalan ng templo. Bago ako unang magmisyon sa Brazil, magilliw akong ginawan ng aking ina ng kasuotan sa templo na maisusuot ko sa templo. Luma na ito at nagninisnis na, subalit ito’y espesyal, sagradong simbolo ng pagmamahal ni Inay sa banal na bagay.
Salamat sa aking asawang si Ruth, masasabi kong ang aming tahanan ay isang lugar kung saan hinangad naming igalang ang diwa ng kabanalan ng Panginoon. Hindi palagi ang aming tagumpay. Siyempre hindi. Pero sinikap namin. Kapag nadadaig ako bilang batang ama ng mga responsibilidad ng pagtustos ng pangangailangan ng aking pamilya, pagtupad sa aking mga tungkulin sa Simbahan, at iba pang tungkulin sa bayan, mapagmahal at magiliw akong ibinabalik ni Ruth sa aking responsibilidad bilang magulang sa aming tahanan.
Halimbawa, ipaaalala niya sa akin kapag magpa-family home evening na at magiliw na imumungkahi na maaari kaming mag-aral sa aming mga home evening. Tinulungan niya rin akong maalala ang mahahalagang kaganapan sa aming pamilya tulad ng mga kaarawan at mga aktibiti ng mga bata kapag kailangan nila ang aking oras at suporta. Ginagawa pa rin niya ang mahahalagang gawaing iyon. Kung talagang gusto nating maging mga lugar ng kabanalan ang ating tahanan, mas sisikapin nating gawin ang mga bagay na ito nang naaayon sa Espiritu ng Panginoon.
Ang ating mga kapilya ay inilaan sa Panginoon bilang mga banal na lugar. Sinabihan tayo na magtungo sa panalanginan at ihandog ang ating mga sakrament sa Kanyang banal na araw.11 Ang pakikibahagi sa sakrament ay banal at sagradong pribilehiyo. Sa ating kapilya tinatagubilinan tayo sa mga alituntunin ng ebanghelyo, binabasbasan ang mga bata, kinukumpirma ang mga miyembro at binibigyan ng kaloob na Espiritu Santo, pinatototohanan ang ebanghelyo. Isang miyembro mula sa Texas ang nagsabing nang maglakad siya papunta sa pinto ng kapilya, nakadama siya ng kabanalan na hindi niya kailanman naranasan noon sa kanyang buhay.
Sikapin pa nating maging mga banal na tao. Namumuhay tayo sa kaganapan ng panahon. Marami ang naipanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Inilalagay tayo nito sa isang espesyal na pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Tayo ang nakikinabang, bantay, at tagapangalaga ng mga responsibilidad na ito sa ilalim ng delegasyon, awtoridad, at tagubilin ni Pangulong Hinckley, na siyang may hawak ng lahat ng susi. Bilang mga anak ng Panginoon dapat nating sikaping pataasin sa araw-araw ang lebel ng personal nating kabutihan sa lahat ng ating ginagawa. Kailangan nating magbantay palagi laban sa lahat ng impluwensiya ni Satanas.
Tulad ng itinuro ni Pangulong Brigham Young, “Ang bawat sandali ng [ating buhay] ay dapat kabanalan sa Panginoon, … na tanging paraan na [ating] mapangangalagaan ang Espiritu ng Makapangyarihan sa lahat sa [ating sarili].” Nawa’y pagpalain ang bawat isa at lahat tayo sa ating espesyal na responsibilidad na hangarin ang kabanalan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtayo sa mga banal na lugar. Doon natin makikita ang pangangalagang espirituwal na kailangan natin sa ating sarili at pamilya. Iyan ang pinanggagalingan ng tulong para maipalaganap ang salita ng Panginoon sa ating panahon. Ang pagtayo sa mga banal na lugar ay tutulong sa atin na mapaglabanan ang masasamang impluwensya ng ating panahon at mapalapit sa ating Tagapagligtas. Pinatototohanan ko na kung gagawin natin ito bibiyayaan tayo ng Panginoon magpakailanman at palalakasin tayo “sa pananampalataya at sa mga gawa.”12 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.