Kay Inam na Malaman: Mga Kaibigang May Katangiang Tulad ng Kay Cristo
Alam ng Diyos ang pangangailangan ng Kanyang mga anak, at madalas Siyang gumagawa sa pamamagitan natin, binibigyang-inspirasyon tayo na tulungan ang isa’t isa.
Ilang linggo na ang nakalilipas dumalo kaming mag-asawa sa session sa templo. Pagpasok namin, sinalubong kami ng isang temple worker, na malapit na kaibigan namin sa ward. Ang pagsalubong na iyon ay naging napakagandang karanasan namin. Sinalubong kami at pinaglingkuran, nang higit pa sa alinmang pagkakataon na naaalala ko, ng maraming taong kakilala namin: mga kaibigan mula sa dating mga ward, komunidad, kalalakihan at kababaihan na kasama naming naglingkod sa iba’t ibang tungkulin. Ang huling taong nakausap ko ay isang dalaga na di ko agad nakilala. Maganda siya, at nang nagsasalita na siya, kaagad kong naalala: si Robin, isa sa mga dalagita sa Laurel class ko noong ako pa ang Young Women President. Sa pag-uusap namin at pagtanaw sa nakaraan at pagbabalitaan sa pangyayari sa aming buhay, sinabi niya sa akin kung gaano kahalaga sa kanya ang panahong siya’y Laurel. Gayundin ang nadama ko.
Nilisan ko ang templo na naantig ng labis na kabaitan, natantong napakahalaga ng mga kaibigan sa aking buong buhay. Muli’t muling pinupukaw ng Panginoon ang aking espiritu, at kadalasan, ang pagpukaw Niya sa akin ay ipinaparating sa pamamagitan ng kamay ng isang kaibigan.
Tatlumpu’t walong taon na ang nakalipas sa buwang ito. Kami ni Dean, na noo’y bagong kasal, ay bumiyahe sa New Mexico para bisitahin ang aking mga magulang. Habang naroon, isinama kami ni Itay sa isang araw na paglalakbay sa kabundukan sa hilagang bahagi ng estado. Noong hapon, nakakita kami ng isang sasakyan na naputukan ng gulong sa tabi ng kalsada. Sinabi ng drayber kay Itay na ang reserba niyang gulong ay may butas din at kailangan niyang makasakay patungo sa pinakamalapit na bayan. Nang makita ni Itay ang pamilya ng lalaki sa loob ng saskyan, sinabi niya sa kanya, “Hindi ka makakarating sa bayan at makababalik bago dumilim. Pero makinig ka, pareho ng sukat ang ating gulong. Kunin mo ang reserba kong gulong, at sa susunod na pagpunta mo sa Albuquerque, isauli mo ito sa akin.”
Ang estranghero na nagulat nang inalok, ay sinabing, “Pero hindi mo ako kilala.”
Sagot ni Itay, na karaniwan na sa kanya, ay, “Matapat kang tao, di ba? Ibabalik mo ang gulong.”
Ilang linggo mula noon tinanong ko si Itay tungkol sa gulong. Sinabi niya sa akin na naibalik na ito.
Si Itay, na ngayon ay nasa edad 90, ay namumuhay pa rin nang gayon. Karamihan sa mga kaedad niya ay tumatanggap ng meals-on-wheels pero si Itay ay naghahahatid ng pagkain sa “matatanda.” Madalas siyang nasa tabi ng mga kaibigang maysakit o naghihingalo. Lumalabas siyang dala ang kanyang chain saw upang tulungan ang Rotary club sa kanilang taunang paglilinis. Kapag naiisip ko ang buhay at gawain ni Itay, napapaalalahanan ako ng sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer: siya’y “aktibo sa ebanghelyo.” (“Ang mga Ginintuang Taon,” Liahona, Mayo 2003, 82). Ang kanyang buhay, tulad ng nakasaad sa himno ay, buhay na dumantay [na] sa ami’y nagpatibay, at sa pagdantay, ang lahat ay napasigla. (tingnan sa “Bawat Buhay na Dumantay,” Mga Himno, blg. 185). Nauunawaan ni Itay ang pakikipagkaibigan.
Bilang panguluhan ng Relief Society, kung minsan naririnig naming sinasabi ng kababaihan na di nila nadarama ang pagmamahal ng Tagapagligtas. Subalit marahil higit nilang madarama ang pagmamahal Niya kung hahanapin nila ang impluwensya ng Kanyang kamay sa ginagawa ng mga nagmamalasakit sa kanila. Maaari itong isang miyembro ng kanilang branch o ward, kapitbahay, o estranghero na pinagpapala sila at nagpapakita ng pagmamahal ni Cristo. Tinagubilin sa atin ni Elder Henry B. Eyring: “Tinawag kayo para kumatawan sa Tagapagligtas. Ang inyong tinig na nagpapatotoo ay nagiging tulad ng Kanyang tinig, ang inyong mga kamay ay nagpapasigla tulad ng Kanyang mga kamay” (“Manindigan sa Iyong Tungkulin,” Liahona, Nob. 2002, 75). Kung napasisigla natin ang iba sa pangalan ni Cristo, tiyak na mapasisigla rin tayo.
Isang kilala kong home teacher ang buwanang bumibisita sa isang matandang biyuda. Pero higit pa sa pagbisita, inihahanda niya kapag taglagas ang aircon ng sister at tinitingnan ang filter sa kanyang pugon. Pagmamahal ba iyon ng Diyos o ng home teacher? Ang sagot, siyempre, ay pareho.
Handog Ninyong sakdal inam,
Ang kaibigang mapagparam;
Ang pagsunod n’ya kay Cristo
Ang s’yang lakas ng buhay.
(Mga Himno, blg. 185)
Ako’y biniyayaan sa buong buhay ko ng mga kaibigang tulad ni Cristo—mga kaibigan sa pagkabata hanggang sa maraming tao na nagpala sa aming pamilya sa lahat ng ward na dating kinabilangan namin. Ang kanilang pananampalataya at pangako sa ebanghelyo ni Jesucristo, ang kanilang paglilingkod, matalino at magiliw na tagubilin ay nagpasigla sa aming buhay. Ang ilan sa mga kaibigan ko ay kakaiba sa akin. Pinagtatalunan namin ang maraming bagay, at minsan nagkakainisan pa kami. Gayunpaman ang pakikipagkaibigan ay kumikilala ng pagkakaiba-iba—sa katunayan, saklaw sila nito. Gusto kong bisitahin ang mga stake na binubuo ng mga taong iba-iba ang karanasan, edad, at pinagmulan.
Nakakaranas ako ngayon ng espesyal na lalim ng kapatiran at pakikipagkaibigan habang naglilingkod kasama sina Sister Parkin at Sister Pingree at ang iba pang kababaihan sa mga auxillary presidency at kapulungan. Mabubuting kababaihan ito. Mahal na mahal ko sila. Sa tatlong taon ng pagsasama, kilalang-kilala na ako ng mahal kong mga sister sa panguluhan. Alam nila ang aking pananampalataya at patotoo, pero alam nila ang aking mga kahinaan at alalahanin. Alam nila na wala ako sa kundisyon kapag pagod ako galing sa biyahe mula sa mahabang pagsasanay. Gayunpaman dama ko ang kanilang pagmamahal at pasensya, at alam kong nagmamalasakit pa rin sila sa akin. Pinalalakas ako ng kanilang mga patotoo at panalangin. Ang mga tawa nila ay nagpapasigla ng araw ko. Sa lahat ng bagay, kami’y magkakapatid.
May ganito rin akong karanasan sa aking pamilya. Isa sa nakababata kong kapatid na babae ay naghihirap sa kanser ilang buwan na ngayon. Malayo ang aming tirahan sa isa’t isa, subalit ang mga tawagan sa telepono ay nagpalapit sa amin. Nagbahaginan kami ng pagmamahal, mga panalangin, alaala, at taimtim na patotoo habang pinagdadaanan niya ang pagsubok na ito. Ang mga kapatid kong babae ay mga pinahahalagahan kong kaibigan. Gayundin ang mga kapatid kong lalaki, mahal kong asawa, mga anak, at apo (kahit na maiingay ang mga apong iyon).
Sa unang mga taon ng Panunumbalik, ang mga bagong miyembro ay nagtipon upang magtatag ng Sion. Ang Sion ay kapwa lugar at layunin—isang diwa. Hindi na tayo nagtitipon sa ganitong paraan. Ang ating mga branch at ward ay Sion natin ngayon. Subalit nadarama lamang nila ang diwa ng Sion kapag pinangangalagaan ng mga miyembro ang bawat isa. Nakakalungkot na minsan nababalitaan natin ang tungkol sa kababaihan at kalalakihan na nasaktan ang damdamin at lumayo sa ibang miyembro ng Simbahan. Kung kabilang kayo sa alinman dito—ang nakasakit o nasaktan—humingi ng tawad; unawain na may kinalaman din kayo rito. Alalahanin ang payo ni Cristo sa atin: “Sinasabi ko sa inyo, maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (D at T 38:27).
Kamakailan ay nagkaroon ako ng oportunidad na kausapin ang isang babae na nagtanong sa akin tungkol kay Joseph Smith. Malinaw na hindi siya naniniwala sa kanyang tungkulin at misyon. Habang kausap ko siya, napasaakin ang mga salita ng Panginoon kay Oliver Cowdery: “Umagapay sa aking tagapaglingkod na si Joseph, nang tapat”(D at T 6:18). Umaasa ako na sa araw na iyon, at sa bawat sandali sa aking buhay, ay masasabi sa akin, “Umagapay siya kay Joseph.” Gusto kong maging kaibigan niya.
Si Joseph Smith mismo ay matalik na kaibigan ng lahat. Sinabi niya, “Ang pakikipagkaibigan ay isa sa mga dakila at mahahalagang alituntunin ng ‘Mormonismo’; [ito’y nilayon] upang baguhin at gawing sibilisado ang daigdig, at pahupain ang mga digmaan at alitan at maging magkakaibigan at magkakapatid ang tao” (History of the Church, 5:517).
Subalit alam niya na ang pakikipagkaibigan ay higit pa sa abstrak na ideya. Nalaman niya isang araw na ang bahay ng isang miyembro ay sinunog ng mga kaaway. Nang marinig niya na sinabi ng mga miyembro ng Simbahan na nalungkot sila para sa kanya, kumuha ng pera ang Propeta sa bulsa at sinabing, “Nalulungkot ako para sa brother na ito at narito ang halagang limang dolyar. Gaano ang … nadarama ninyong kalungkutan [para] sa kanya?” (sa mga tinipon nina Hyrum L. Andrus at Helen Mae Andrus, They Knew the Prophet [1974], 150).
Dama ba natin ang pakikipagkaibigang ginawa ni Propetang Joseph? Isinasagawa ba natin ang ating mabuting damdamin sa praktikal na pa gtulong? Alam ng Diyos ang pangangailangan ng Kanyang mga anak, at madalas Siyang gumagawa sa pamamagitan natin, binibigyang-inspirasyon tayo na tulungan ang isa’t isa. Kapag kumikilos tayo sa mga inspirasyong iyon, tumatayo tayo sa banal na lugar, sapagkat napahintulutan tayo ng oportunidad na maglingkod bilang kinatawan ng Diyos sa pagsagot sa panalangin ng iba.
Mga kapatid, kung kaibigan tayo ni Propetang Joseph, kaibigan din tayo ng Tagapagligtas. Namumuhay ba tayo na inihahayag “na mahal natin ang Manunubos”? (tingnan sa Mga Himno, blg. 185). Ginawa ito ni Joseph, at sa taong ito, sa pagpuri natin sa lalaking nagpasimula ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon, dapat nating alalahanin hindi lamang ang kanyang pakikipagkaibigan sa tao, kundi pati na rin ang kanyang pakikipagkaibigan at dedikasyon sa Panginoon. Sinabi ng Propeta: “Sisikapin kong maging kuntento sa aking kapalaran, dahil nalalaman ko na ang Diyos ay kaibigan ko. Sa Kanya makasusumpong ako ng kaginhawaan” (The Personal Writings of Joseph Smith, tinipon ni Dean C. Jessee [1984], 239; pagbabaybay at pagbabantas ayon sa pamantayan).
Malinaw na sa bawat isa sa atin na ang tunay nating pakikipagkaibigan ay sa ating Ama sa Langit at Kanyang Anak, si Jesucristo. Mapagmahal na sinabi ng Tagapagligtas sa atin na, “Tatawagin ko kayong mga kaibigan, sapagkat kayo ay aking mga kaibigan” (D at T 93:45). Ang pinakadakila Niyang hangarin sa atin, na Kanyang mga kapatid, ay ibalik tayo sa ating Ama. At ang daan ay malinaw sa atin: taglayin sa ating buhay, sa antas na maaabot natin, ang mga katangian at ugali ni Cristo. Sundin ang Kanyang mga utos at gawin ang Kanyang gawain at kagustuhan.
Sa pagbalik-tanaw ko sa araw na iyon, nang salubungin ako sa templo ng mga mahal ko, gusto kong isipin na ang ating buhay sa araw-araw ay bibiyayaan din. Dama ko ang pagmamahal na tila sulyap lamang ng dalisay na pag-ibig ni Cristo—ang pag-ibig sa kapwa na dapat pumuno sa ating puso. Nalalarawan ko sa aking isipan ang mga ward at branch kung saan ang magkakaibigan na iba’t iba ang edad at pinagmulan ay sama-samang naninindigan at ginagawang huwaran ang kanilang buhay sa mga turo ni Jesucristo.
Pinatototohanan ko ngayon sa inyo na buhay si Cristo. Nagpapasalamat ako sa Kanya. Idinadalangin ko na nawa’y palagi Niya akong maging kaibigan at sa paggawa nito, ako rin ay magiging kaibigan ninyo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.