2005
Kilala Niya Kayo sa Pangalan
Mayo 2005


Kilala Niya Kayo sa Pangalan

Maaaring hindi pa kayo natawag ng Panginoon sa pangalan, ngunit kilala niya ang bawat isa sa inyo at alam Niya ang inyong pangalan.

Iyo’y “umaga ng isang maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng taong isanlibo walong daan at dalawampu” nang ang 14 anyos na si Joseph Smith ay nagtungo sa kakahuyan, lumuhod sa panalangin at “nakakita … ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas [niya].” Sabi niya, “Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!1 Naiisip ba ninyo kung ano ang nadama ng 14 anyos na si Joseph nang makita niya ang Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo at tawagin siya ng Ama sa Langit sa kanyang pangalan?

Nang puntahan ko ang Sagradong Kakahuyan, sinikap kong wariin kung paano kaya maging si Joseph Smith. Sa tahimik na mga sandaling iyon, ibinulong ng Espiritu sa puso kong tumitibok na nakatapak ako sa banal na lupa at lahat ng sinabi ni Propetang Joseph Smith ay totoo. At natanto ko na tayo ay nakinabang sa kanyang pananampalataya, tapang, at matatag na hangad na sundin ang Diyos. Tumanggap siya ng sagot sa mapakumbaba niyang dalangin. Nakita niya ang Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak. Doon sa Sagradong Kakahuyan, nabatid ko na hindi lang si Joseph Smith ang kilala ng Ama sa Langit sa pangalan, kundi tayong lahat din. At tulad ni Joseph Smith na may mahalagang bahaging ginampanan sa dakila at kagila-gilalas na gawaing ito, tayo man ay may mahalagang bahaging gagampanan sa mga huling araw na ito.

Alam ba ninyo na personal kayong kilala ng Ama sa Langit—sa pangalan? Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na ito ay totoo. Nang magtungo si Enos sa kakahuyan para magdasal, itinala niya, “At doon ay nangusap ang isang tinig sa akin, sinasabing: Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain”2 Hindi lang nagdasal si Moises kundi kinausap pa ang Diyos nang harapan, at sinabi ng Diyos kay Moises, “Ako ay may gawain para sa iyo, Moises, aking anak”3 Batid ng Panginoon ang pangalan ni Jacob at pinalitan ito ng Israel upang mas tumugma sa misyon niya sa lupa.4 Gayon din ang ginawa niya kay Pablo at Abraham at Sara. Sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 25, binasbasan si Emma Smith para guminhawa at magabayan sa buhay. Sinimulan ng Panginoon ang basbas na ito sa pagsasabing, “Makinig sa tinig ng Panginoon mong Diyos, samantalang ako ay nangungusap sa iyo, Emma Smith, aking anak.”5

Maaaring hindi pa kayo natawag ng Panginoon sa pangalan, ngunit kilala Niya ang bawat isa sa inyo at alam Niya ang inyong pangalan. Sabi ni Elder Neal A. Maxwell: “Nagpapatotoo ako na matagal nang kilala ng Diyos ang bawat isa sa inyo … (tingnan sa D at T 93:23). Noon pa man ay mahal na Niya kayo. Hindi lang Niya alam ang pangalan ng lahat ng bituin (tingnan sa Awit 147:4; Isaias 40:26); alam din Niya ang inyong mga pangalan at lahat ng inyong hinanakit at galak!”6

Paano ninyo malalaman na alam ng ating Ama sa Langit ang inyong pangalan at mga pangangailangan? Sabi ni Elder Robert D. Hales: “Bumaling sa mga banal na kasulatan. Lumuhod at manalangin. Magtanong nang may pananampalataya. Makinig sa Espiritu Santo… . Ipamuhay ang ebanghelyo nang may pasensiya at tiyaga.”7

Iyan ang ginawa ni Joseph. Ipinaaalam sa atin ng kanyang patotoo na kilala at mahal tayo ng ating Ama sa Langit. Tayo’y tunay na mga anak na babae ng isang Ama sa Langit na nagmamahal sa atin.”8 Sabi sa atin ni Elder Jeffrey R. Holland: “Walang isa man sa atin na di gaanong mahal o itinatangi ng Diyos kaysa iba… . Mahal Niya ang bawat isa sa atin—ang kawalan ng katatagan, pag-aalala, reputasyon, at lahat na… . Nagagalak Siya sa bawat mananakbo, na sinasabing ang paligsahan ay laban sa kasalanan, hindi laban sa isa’t isa.”9

Nang matanggap ni Joseph ang kaalamang ito, hindi naging mas madali ang buhay niya. Katunayan, naharap siya sa mas matinding impluwensya ng mga barkada at matatanda. Ang kasaysayan ni Joseph Smith ay naglalaan ng isang mahalagang huwaran sa bawat isa sa atin. Maipamumuhay natin ang kanyang mga turo kapag hindi natin alam ang gagawin, kapag nahaharap tayo sa impluwensya ng barkada, naliligiran ng tukso, o nadaramang hindi tayo karapat-dapat o nag-iisa. Makapagdarasal tayo! Makakapanawagan tayo sa Diyos sa ngalan ng Kanyang Banal na Anak na si Jesucristo, at makapaghahangad ng aliw, patnubay, at direksyon. Nagkaroon na ba kayo ng problema at hindi ninyo alam ang gagawin? Sabi ni Joseph: “Ang aking pag-iisip ay natawag sa matamang pagmumuni-muni at malaking pagkabahala… . Madalas kong sabihin sa aking sarili: Ano ang nararapat gawin?”10

Paano siya nakatanggap ng aliw at patnubay? Pinag-aralan niya ang mga banal na kasulatan, pinag-isipan ang mga pangako rito, at pagkatapos ay “nakarating ako sa matibay na hangarin na ‘humingi sa Diyos.’”11 Ang sagot na natanggap niya noong magandang araw ng tagsibol na iyon ay nagpabago sa kanyang buhay at direksyon. Nabatid niya. Nagkaroon siya ng patotoo sa Diyos at kay Jesucristo, at naipamuhay niya ang ebanghelyo nang may tiyaga at katatagan dahil sa kanyang patotoo. Hindi siya mapigil ng impluwensya ng barkada at pagpapahirap dahil sa kanyang sinabi, “nakakita ako ng pangitain; at ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila.”12 Nakapanindigan siya dahil sa kanyang patotoo. At kayo rin.

Kung natikman na ninyong maimpluwensyahan ng barkada, manalangin, humiling nang may pananampalataya, at makinig sa Espiritu Santo. Pagkatapos ay ipamuhay ang ebanghelyo. Lubos na natanto ni Joseph ang kanyang mga pagkukulang at kahinaan. Muli—siya’y nanalangin. Bilang sagot sa dalanging ito, binisita siya ni Anghel Moroni. Itinala ni Joseph: “Ako’y tinawag niya sa aking pangalan” at sinabi “na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa akin.”13

Sa ating pagdarasal, papatnubayan at ihahanda tayo ng Panginoon na gawin ang ating bahagi. Isang tag-araw, habang nililibot ang Europa kasama ang BYU International Folk Dancers, natuto ako ng mahalagang leksyon. Nagkasakit ako at nasiraan ng loob. Gusto kong tumiwalag at umuwi. Nasa Scotland kami para magtanghal para sa mga miyembro, investigator, at misyonero. Nagtungo kami sa mission home para magdasal. Pagpasok ko, sumulyap ako sa isang bato sa hardin sa harapan. Nakaukit sa bato ang mga salitang, “Maging ano ka man, ang iyong tungkulin mabuting gampanan.” Naantig ako ng mensaheng iyon. Dama ko’y ako ang kausap ng batong iyon. Binago ako noon. Nabatid ko kaagad na may bahagi akong dapat gampanan hindi lang sa paglibot ng grupo, kundi sa buong buhay ko at napakahalagang “gampanang mabuti” ang aking bahagi.14

Ano ang inaasahan ng Panginoon na gawin natin? Inaasahan Niya tayong gampanan ang ating bahagi sa mga huling tagpo bago Siya pumarito. Inaasahan Niya tayong patunayan na karapat-dapat tayong bumalik at mamuhay sa Kanyang piling. Inaasahan Niya tayong maging katulad Niya. Sundin ang huwaran ni Joseph. Gustung-gusto ko ang mga salita sa himnong kinanta ngayon ng koro: “Ngunit s’ya’y hindi natakot nagtiwala s’ya sa Diyos.”15 Ang ibig sabihin ng hindi natakot ay hindi natinag sa layunin, matatag sa katapangan. Inilarawan ni Joseph ang sarili bilang “tagabulabog” ng kaharian ng kaaway. Sabi niya, “Tila baga nalalaman ng kaaway … na ako ay nakatalagang mapatunayang tagabulabog at tagasuya ng kanyang kaharian.”16 Isinulat ko sa gilid ng aking mga banal na kasulatan, Maging Tagabulabog! Magtiwala sa pangangalaga ng inyong Ama sa Langit.

Bawat isa sa atin ay mahalaga ang gagampanan kung susundin natin ang huwarang ipinakita ni Joseph Smith. Pinalakas ng Panginoon si Joseph Smith para sa kanyang banal na misyon. Palalakasin Niya kayo sa inyo. Baka isugo pa niya ang Kanyang mga banal na anghel para turuan kayo. Narito ngayon ang hamon: Paroroon ba kayo sa lugar na mapapasok ng mga anghel? Tatahimik ba kayo nang sapat para makinig? Hindi ba kayo matatakot at kayo’y magtitiwala?

Tayo’y nabubuhay sa panahong naipanumbalik sa lupa ang kaganapan ng ebanghelyo sa tulong ng propeta ng Panginoon na si Joseph Smith. Nabubuhay tayo sa panahong mayroon tayong Aklat ni Mormon bilang gabay. Nabubuhay tayo sa panahong mayroon tayong buhay na propeta, ng kapangyarihan ng priesthood sa lupa, at ng kapangyarihang ibuklod ang mga pamilya sa mga banal na templo. Tunay na ito’y mga panahong “hindi maaaring malilimutan!”17

Dalangin ko na bawat isa sa atin ay maging matatag sa ating pananampalataya, na sundin natin ang huwarang ipinakita sa atin ni Joseph Smith upang magtamo ng patotoo. Dalangin ko rin na bawat isa sa inyo ay maging karapat-dapat na taglayin ang Kanyang pangalan. Kanyang ipinangako: “Sapagka’t kung paanong ang mga bagong langit at ang bagong lupa, na aking lilikhain ay mananatili sa harap ko, … gayon mananatili ang inyong pangalan.”18

Ang aking patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nagsisilbing gabay at angkla sa buhay ko. Nagpapasalamat akong tumayo sa harapan ninyo ngayon at sabihin nang buong lakas ng puso ko, “Salamat, O Diyos, sa aming propeta.”19 Labis akong nagpapasalamat sa integridad ng 14 anyos na binatilyong nagdasal para masagot ang kanyang mga tanong at nanatiling tapat sa kaalamang kanyang natanggap.

Bawat isa sa inyo ay may bahaging gagampanan sa dakila at kamangha-manghang gawaing ito. Tutulungan Niya kayo. Aakayin Niya kayo sa kamay.20 Kilala Niya kayo sa pangalan. Iyan ang aking patotoo, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Joseph Smith—Kasaysayan 1:14, 17; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  2. Enos 1:5 idinagdag ang pagbibigay-diin.

  3. Moises 1:6; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  4. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Israel,” 84.

  5. D at T 25:1; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  6. “Alalahanin Kung Paano Naging Maawain ang Panginoon,” Liahona, Mayo 2004, 46.

  7. “Pagkakaroon ng Patotoo sa Ipinanumbalik na Ebanghelyo ni Jesucristo,” Liahona, Nobyembre 2003, 31.

  8. Tingnan sa tema ng Young Women.

  9. “Ang Isa Pang Alibugha, “Liahona, Hulyo 2002, 72.

  10. Joseph Smith—Kasaysayan 1:8, 10.

  11. Joseph Smith—Kasaysayan 1:13.

  12. Joseph Smith—Kasaysayan 1:25.

  13. Joseph Smith—Kasaysayan 1:33, idinagdag ang pagbibigay-diin.

  14. Si Pangulong David O. McKay ay nahikayat ng bato ding ito noong nagmisyon siya sa Scotland. Binili ang batong ito kalaunan at inilagay sa harapan ng bakuran ng misyon sa Scotland para maging inspirasyon ng mga misyonero. Ito ngayon ay nasa Museum ng Church History and Art sa Salt Lake City, Utah.

  15. “Unang Panalangin ni Joseph Smith,” Mga Himno, blg. 20.

  16. Joseph Smith—Kasaysayan 1:20.

  17. Joseph Smith—Kasaysayan 1:71, tala.

  18. Isaias 66:22.

  19. Mga Himno, blg. 15.

  20. Tingnan sa D at T 112:10; Abraham 1:18.

Print