Pangwakas na Pananalita
Tunay na pinagpapala ng Panginoon ang ating lahi, at kailangan nating sikaping biyayaan ang mga nangangailangan ng Kanyang tulong saanman sila naroon.
Mahal kong mga kapatid, napakaganda ng ating kumperensya. Napasaatin ang Espiritu ng Panginoon. Maraming katotohanang naituro sa atin. Napalakas ang ating patotoo, napasigla ang ating pananampalataya.
Sa pamamagitan ng himala—at ito’y talagang himala—ng makabagong teknolohiya, ang mga kaganapang ito ay naibrodkast sa buong mundo. Siyamnapu’t limang porsiyento ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo ay malamang na nakibahagi sa atin.
Naging panahon ito ng pagpapanibago ng ating pananampalataya sa mga dakila at walang hanggang katotohanang napasaatin sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Napakapalad natin. Napakasuwerte natin na malaman ang mga di- pangkaraniwang katotohanang ito.
Ngunit gusto kong sabihin, tulad ng nasabi ko na, na ang pagiging miyembro natin sa Simbahan, at pagiging marapat sa lahat ng pagpapalang dulot nito, ay hindi dapat maging sanhi ng pagmamagaling, pagyayabang, pang-aaba, paghamak sa iba kailanman. Lahat ng tao ay ating kapwa. Nang tanungin kung alin ang pinakadakilang utos ng batas, sabi ng Panginoon: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo… . [At] iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37, 39).
Anuman ang kulay ng ating balat, hugis ng ating mga mata, wikang gamit natin, lahat tayo’y mga anak ng Diyos at kailangan tayong magtulungan nang may pagmamahal at malasakit.
Saanman tayo manirahan maaari tayong maging mabait na kapitbahay. Maaaring makihalubilo ang ating mga anak sa mga anak ng mga di miyembro ng Simbahang ito at mananatili pa ring matatag kung naturuan sila nang wasto. Maaari nga silang maging mga misyonero sa kanilang mga kasamahan.
Pinupuri namin ang kahanga-hanga nating mga kabataan na kumakalaban sa mga kasamaan ng mundo, na nagwawaksi sa mga kasamaang ito at namumuhay nang kalugud-lugod sa Panginoon. Dalangin namin sa tuwina na mamuhay din nang marapat ang kanilang mga magulang.
Inuulit namin ang sinabi namin noon: gawiing pumunta sa bahay ng Panginoon. Wala nang iinam pa sa pagpunta sa templo para matiyak na wasto ang pamumuhay. Madadaig nito ang kasamaan ng pornograpiya, pagkaadik sa droga, at espirituwal na kapahamakan. Patatatagin nito ang pagsasama ng mag-asawa at mga ugnayan ng pamilya.
Ngayon, bilang isang Simbahan nakipagtulungan tayo sa iba sa pagpawi ng lungkot at pagdurusa ng mga taong lubhang naghihirap. Nabiyayaan ng ating pagkakawanggawa ang buhay ng libu-libong tao na hindi natin kamiyembro. Sa matinding pamiminsala ng tsunami, at sa iba pang kapahamakang bunga ng awayan, sakit, at kagutuman, malaki at kagila-gilalas ang tulong na nagawa natin sa iba nang hindi iniisip kung sino ang mapupuri.
Nitong nakaraang Pebrero ipinagkaloob ng pangulo ng American Red Cross ang gawad na Circle of Humanitarians Award sa Simbahan, na siyang pinakamataas na parangal na ibinigay nila. Pagkilala iyon sa pagbabakuna ng Simbahan sa libu-libong mga bata sa Africa laban sa tigdas.
Kailan lang ay kinilala ng Rotary International ang Simbahan sa kontribusyon nito para tuluyang puksain ang sakit na polyo sa mahihirap na bansa kung saan ito umiiral.
Napakaraming buhay ang nailigtas at naiwasan ang matinding pasakit at pagdurusa sa buong buhay nila.
Sa abot-kaya ng kabuhayang handog ng bukas-palad na mga miyembro natin, natutulungan natin ang mga taong labis na naghihirap.
Tunay na pinagpapala ng Panginoon ang ating lahi, at kailangan nating sikaping biyayaan ang mga nangangailangan ng Kanyang tulong saanman sila naroon.
Ngayon, pag-uwi natin sa bahay, hiling kong mapasainyo ang mga pagpapala ng langit. Maging tapat sa mga utos ng Panginoon at bubuksan Niya ang mga dungawan ng langit at ihuhulog sa inyo ang mga pagpapala. Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas at pagmamahal. Iniiwan ko sa inyo ang aking pagsaksi at patotoo na ang ating Diyos Amang Walang Hanggan ay buhay, na Siya ay personal at totoo, na talagang Siya ang ating ama, na diringgin at sasagutin Niya ang dalangin. Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, ang Manunubos ng mundo, ang tanging pangalang magliligtas sa atin, at iniiwan ko sa inyo ang aking pagsaksi at patotoo na harapang kinausap ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo ang batang si Joseph at naghawi sa kurtinang nagpasimula sa dakila at huling dispensasyon.
Basbasan nawa kayo ng Diyos, mahal kong mga kapatid. Sumainyo ang kapayapaan ngayon at magpakailanman ang abang dalangin ko sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.