2005
Masasayang Balita mula sa Cumorah
Mayo 2005


Masasayang Balita mula sa Cumorah

Kayo at ako ay hindi lang makaliligtas kundi magtatagumpay, tulad ni Moroni, sa pagsisikap nating manindigan sa katotohanan sa mga panahong mapanganib.

Nang bisitahin ko ang muling itinayong maliit at abang tahanan ni Joseph Smith na yari sa troso, nadama kong ako’y nasa banal na lugar. Nasa lugar ako kung saan nagpakita si anghel Moroni kay Joseph Smith upang simulan ang dakila at kagila- gilalas na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Habang iniisip ko ang mga ugnayan ng dalawang dakilang propetang ito—si Moroni, na huling propeta ng kanyang panahon, at si Joseph, na unang propeta ng ating dispensasyon—marami akong mga sandali ng “paghahalintulad”. Ibabahagi ko ang ilang aral sa “paghahalintulad” habang nagpapatotoo ako sa “dakila at kagila-gilalas na gawaing” ito.

Nang unang makausap ni Joseph si Moroni, 17 pa lang siya, kaedad ng marami sa inyong mga dalagita. Alam natin ang mismong petsa at lugar. Gabi iyon ng ika- 21 ng Setyembre, 1823, sa kuwarto sa itaas habang tulog ang lima niyang kapatid na lalaki. Nanalangin si Joseph para “malaman ang [kanyang] kalagayan at katayuan sa harapan [ng Diyos]” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:29). Dama ni Joseph ang kakulangan at pagiging di-marapat sa harapan ng Diyos. Sabi niya’y wala siyang nagawang anumang “mabigat o lubhang mapaminsalang mga kasalanan,” ngunit nakagawa ng “maraming kamalian, at naipakita ang kahinaan ng kabataan” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:28), kaya nanalangin siya para muling makatiyak. Lubos kong nauunawaan ang damdamin ng batang si Joseph, tulad ng marami sa inyo. Gaano kadalas na tayong lumuhod na may gayong damdamin ng kakulangan at pangangailangan sa banal na katiyakan?

Bilang tugon sa taimtim at tapat na dalangin ni Joseph, nagpakita sa kanya si Moroni, isang sugo mula sa langit. Itinala ni Joseph na “ako’y tinawag niya sa aking pangalan, at sinabi … na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa akin” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:33). “Lubhang namangha [si Joseph] sa mga sinabi sa [kanya] nitong di pangkaraniwang sugo” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:44).

Tayo man ay tatanggap ng espirituwal na katiyakan bilang tugon sa ating mga dalangin. Tatanggap tayo ng patotoo na kilala tayo ng ating Ama sa Langit sa pangalan at may misyon Siyang ipinagagawa sa atin sa lupa.

Dalawang beses pang nagpakita si anghel Moroni kay Joseph nang gabing iyon, at muli sa bukid at sa gilid ng burol kinabukasan, pagkatapos ay taun-taon na sa sumunod na apat na taon sa alam natin ngayong burol ng Cumorah. Sa unang araw na iyon, iisang mensahe ang inulit-ulit ni Moroni. Maihahalintulad ba ninyo ito sa naranasan ninyo? Kung minsa’y tinutukso ako ng mga anak ko na paulit-ulit daw ang sinasabi ko sa kanila. Huwag ninyong masyadong tuksuhin ang mga magulang at lider ninyo kapag paulit-ulit kami. Pinaturuan ng Panginoon ang batang propeta kay Moroni sa pamamagitan ng pag-uulit. Sa pag-uulit nakikintal ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa ating puso’t isipan.

Sa mga regular na pagbisitang ito ng anghel, maluwalhating nagkabigkis ang sinaunang propetang iyon na nagtago ng mga lamina at ang makabagong propetang pinili upang ilabas ito. Naniniwala ako na dapat nating mahalin nang taos ang mga propeta, kapwa sinauna at makabago. Akma lang na ilagay ang estatuwang naglalarawan kay Anghel Moroni sa tuktok ng ating mga makabagong templo. Ito’y nagsisilbing paalala na si Moroni ang maluwalhating “anghel [na] sa langit nagmula,” (Mga Himno bilang10) na aawitin ng ating koro ngayong gabi.

Maraming natutuhan si Joseph Smith kay Moroni. At sa ligtas at banal na tahanang iyon na yari sa troso kung saan nagpakita si Moroni, ibinahagi ni Joseph sa kanyang pamilya ang marami sa natutuhan niya. Sabi ng nanay niya:

“Patuloy na tumanggap si Joseph paminsan-minsan ng mga tagubilin mula sa Panginoon, at tinitipon namin ang mga bata tuwing gabi at gumugol ng oras sa pagtalakay ng mga bagay na iyon… . Sa palagay ko’y ang pamilya lang namin ang gumagawa nang gayon sa buong mundo, lahat ay naupo nang pabilog, … nagbibigay ng matamang pansin sa pagtuturo tungkol sa relihiyon ng isang batang lalaki, na labingwalong taong gulang” (The Revised and Enhanced History of Joseph Smith by His Mother, Inedit nina Scot Facer Proctor at Maurine Jensen Proctor [1996], 111).

Dahil sa araw-araw na pagpa-family home evening na ito, ayon kay Lucy Mack Smith, ito ang panahon ng mapagmahal na pagkakaisa, kaligayahan, at kapayapaan sa kanilang tahanan. Kaygandang huwaran sa amin ng batang si Joseph sa pagpapatibay ng tahanan at pamilya! Hindi niya sinarili ang kanyang patotoo at mga espirituwal na karanasan kundi madalas niya itong ibinahagi sa kanyang mga magulang at kapatid. Magagawa rin natin ang gayon sa ating tahanan.

Kinailangang magkaisa at magtulungan ng pamilyang Smith dahil matindi ang mga pag-uusig sa labas laban kay Joseph at sa pamilya. Marahil nakatulong kay Propetang Joseph ang mga turo at halimbawa ni Moroni sa pagtayo bilang saksi sa masamang mundong ito. Nabuhay si Moroni sa uri ng mundo na ibinadya niyang iiral sa makabagong panahon—isang “araw na magkakaroon ng … mga pagpaslang, at panloloob, pagsisinungaling, at panlilinlang, at pagpapatutot, at lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain” (Mormon 8:31).

Naranasan din mismo ni Moroni ang malungkot at mawalan ng pag-asa. Matapos ang malaki at matinding pagdidigmaan ng mga Nephita at Lamanita kung saan lahat ng kanyang tao ay namatay, naghinagpis siya, “Ako ay nag-iisa. Ang aking ama ay napatay sa digmaan, at lahat ng aking kamag-anak, at wala akong kaibigan ni patutunguhan, at kung gaano katagal ako pahihintulutang mabuhay ng Panginoon ay hindi ko alam” (Mormon 8:5). Dama ba ninyo ang lungkot at kawalan ng pag-asa ni Moroni?

Alam ko na marami rin sa atin ang nakadarama kung minsan na wala silang mga kaibigan at nag-iisa sa masamang mundong ito. Dama ng ilan sa atin na “wala tayong patutunguhan” sa pagharap natin sa mga pagsubok. Pero kayo at ako ay hindi lang makaliligtas kundi magtatagumpay, tulad ni Moroni, sa pagsisikap nating manindigan sa katotohanan sa mga panahong mapanganib. Ano ang ginawa niya sa pagharap sa mapanglaw at masamang mundong ito? Tapat niyang sinunod ang tagubilin ng kanyang ama sa pagtatapos ng talaan sa mga laminang ginto. Naging pamilyar siya sa isinulat ng mga propeta. Higit sa lahat, nilabanan niya ang kawalang pag-asa sa pananangan sa mga pangako ng Panginoon para sa hinaharap. Nanangan siya sa pagkikipagtipan ng Diyos sa sambahayan ng Israel na pagpapalain sila magpakailanman.

Nanalig si Moroni sa pangakong mga biyaya sa darating na mga henerasyon. Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland na ang masayang pag-asam ng mga propeta noon, kabilang na si Moroni, ay dahil nakita nila ang ating panahon sa pangitain. Nakita nila ang mga kabataang tulad ninyo na malalakas at tumutupad sa mga tipan na isasagawa ang gawain ng Panginoon sa huling dispensasyong ito. Sabi ni Elder Holland, “Ang mga lider sa nagdaang mga panahong iyon ay nakapagpatuloy, hindi dahil alam nila na sila ay magtatagumpay kundi dahil batid nila na kayo ay magtatagumpay … isang kahanga-hangang kongregasyon ng mga kabataang [babae] tulad ninyo … na determinadong tiyakin na iiral at magwawagi ang ebanghelyo” (“Terror, Triumph, and a Wedding Feast,” Church Educational System Fireside, Set. 12, 2004; tingnan sa www.ldsces.org). Malaki ang responsibilidad nating isakatuparan ang “masayang pag-asam” ni Moroni.

Tayong mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakipagtipan sa Panginoon. Sabi Niya: “Hindi kita kalilimutan… . Aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay” (Isaias 49:15–16; tingnan din sa 1 Nephi 21:15–16).

Ang nagbibigkis at nagpapatibay na kapangyarihan ng mga tipan sa ating buhay ay nagkatotoo sa akin kamakailan nang mamatayan ang pamilya ng mahal naming mga kaibigan. Nang papauwi na sina Catherine at Kimball Herrod at apat na maliliit na anak, edad siyam na buwan hanggang pitong taon, mula sa isang hapunan ng pamilya sa bahay ng kanilang lolo’t lola [mga magulang ng ina], nakalas ang dalawang malalaking gulong ng isang malaking trak sa kabilang kalsada ng freeway, tumilapon sa kabilang direksyon, at humampas sa kinauupuan ng drayber ng van ng pamilya. Si Kimball, ang drayber, asawa, at ama, ay lubhang nasaktan at nawalan ng malay. Sa kung paanong paraan ay naitabi ni Catherine ang kotse at nakatawag ng tulong. Habang minamasdan ang mga paramedic na nag-aasikaso sa asawa at dalawang nakatatandang anak, naupo siya sa kotse ng pulis kandong ang dalawang maliliit na anak at nagdasal nang malakas, “Ama sa Langit, alam naming may kapangyarihan Kayong pagalingin si Kimball kung Inyong nais, ngunit kung hindi, nananalig kami na kahit paano’y tutulungan Ninyo kaming kayanin ito.” Inilipad ng helikopter si Kimball patungong ospital, ngunit hindi na siya umabot nang buhay.

Matapos magamot ang mga sugat, galos, at iba pang maliliit na pinsala ng mga bata, palabasin sa ospital, at ligtas na maiuwi, bumalik sa ospital si Catherine para magpaalam sa kanyang asawa sa mundong ito. Hirap man, sinabi niya sa kanyang mga magulang na kasama niya, “Alam kong kami ni Kimball ay ibinuklod ng mga tipan namin sa templo, at magkakasama kaming muli balang araw.” Sa pinakamahirap na pagsubok sa buhay ng isang batang ina, pinalakas siya ng kanyang mga tipan.

Sa burol, ipinaalala sa amin ang kapangyarihan ng mga tipan para palakasin kami sa “oras ng dalamhati at pagdurusa.” Nang sumali kami sa pangwakas na awit, nangibabaw sa lahat ang pagkanta ni Taylor, ang 5- taong-gulang na anak, ng, “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Mga Himno, blg. 188). Nagalak ang kongregasyon na malamang naituro sa isang bata ang mga tipang nagbubuklod na magbibigkis sa kanya sa kanyang ama’t ina.

Itinuro din sa amin ang kapangyarihan ng mga tipan sa mensahe ng ama ni Catherine. Binanggit niya ang isang banal na kasulatan mula sa mahalagang talaang sinarhan ni Moroni at ibinigay kay Propetang Joseph, na nagpaalala sa amin na bato ang pangako ng ebanghelyo kapag may bagyo at ipu-ipo, hindi payong.

“Tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, … hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan, … dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan” (Helaman 5:12).

Ang matinding lakas na ipinakita ng pamilya ay nagmumula sa kaalaman na sila’y walang hanggang ibinuklod sa isa’t isa bilang pamilya, at ibinuklod sa Ama sa Langit at hindi mawawalay sa Kanya.

Gaya nina Moroni, Joseph Smith, at Catherine at Kimball, magtatagumpay rin tayo sa mga pagsubok, kasamaan, at pag-uusig. Walang hanggan tayong ibinibigkis ng mga tipan ng priesthood sa ating pamilya sa lupa at sa langit at pinatitibay tayo sa kabutihan at kapangyarihan.

Labis akong nagpapasalamat na nabuhay ako sa dakila at kagila-gilalas na panahong ito na naipanumbalik ang ebanghelyo! Pinatototohanan ko at pinasasalamatan ang dalawang dakilang propetang ito, sina Moroni at Joseph Smith, na nagkita sa silid sa itaas at nagtulong sa paglalabas ng Aklat ni Mormon. Tatapusin ko ito sa pag-uulit ng galak na pahayag ni Propetang Joseph tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo:

“Ngayon, ano ang ating naririnig sa ebanghelyo na ating natanggap? Isang tinig ng kagalakan! …

“… Masasayang balita mula sa Cumorah! Si Moroni, isang anghel sa langit, ipinahahayag ang katuparan ng mga propeta—ang aklat na ipahahayag… .

“Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? … Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak… .

“… Tayo, samakatwid, bilang isang simbahan at mga tao, … maghain sa Panginoon ng isang handog sa kabutihan” (D at T 128:19, 20, 22, 24).

Alam ko na ito ang Simbahan ni Jesucristo. Nawa’y matimo ang ebanghelyo sa ating kaluluwa nang sa gayo’y mahalin at paglingkuran natin ang Diyos nang buong layunin ng puso, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Print