2005
Ang mga Bunga ng Unang Pangitain
Mayo 2005


Ang mga Bunga ng Unang Pangitain

Ibinibilang ko si Joseph Smith sa mga taong ang patotoo kay Cristo ay nakatulong sa akin para magkaroon ako ng sariling patotoo sa Tagapagligtas.

Anim na buwan pa lang ang nakalilipas nang ako’y sang-ayunan ninyong matatapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Marami ang talagang nabigla sa tungkulin, lalo na ang aming mga apo, na nagsabing, “Pero lolo namin siya! Pangkaraniwang tao lang siya. Kalaro namin siya, at siya ang gumugupit dati ng aming buhok!”

Pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre, kinausap naming mag-asawa ang aming mga anak sa telepono, at sinabi ng isa naming apong lalaki, “Dahil napakalayo po namin sa inyo at hindi makakasama diyan sa inyo sa Salt Lake City, sana kumaway man lang po kayo sa amin nang magsalita kayo sa kumperensya.” Hindi pa namin nakakapiling hanggang sa pangkalahatang kumperensyang ito ang aming mga anak at apo, kaya’t kumakaway ako ngayon, umaasang mapapasaya ang aking apong lalaki. Kumakaway din ako sa inyong lahat na mga kahanga-hangang miyembro, na ang mga panalangin at pagmamahal ay napakahalaga at pinasasalamatan naming mag-asawa.

Habang lumalaki ako sa Germany, nakapagsimba ako sa maraming lugar at kalagayan—sa mga hamak na silid, sa magaganda at malalaking bahay, at sa maraming gamit na modernong kapilya. Ang lahat ng gusaling ito ay may iisang mahalagang bagay: naroon ang Espiritu ng Diyos; madarama ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa pagtitipon namin bilang pamilya sa branch o ward.

Ang kapilya sa Zwickau ay may lumang organo na pinagagana ng hangin. Kada Linggo isang binatilyo ang nakatoka para itaas at ibaba ang matigas na panikwas (lever) na nagpapaandar sa bulusan (bellows) para gumana ang organo. Kahit na noong hindi pa ako Aaronic Priesthood, ilang beses na rin akong nagkaroon ng malaking pribilehiyo na tumulong sa mahalagang gawaing ito.

Habang inaawit ng kongregasyon ang ating minamahal na mga himno ng Panunumbalik, ginagamit ko ang buo kong lakas sa pagbomba para patuloy na gumana ang organo at di maubusan ng hangin. Makikita sa mata ng organista kung maayos ko itong nagagawa o kung kailangan pa ng dagdag na sigasig. Ikinararangal ko palagi ang kahalagahan ng tungkuling ito at ang pagtitiwala sa akin ng organista. Napakagandang damdamin ang magkaroon ng responsibilidad at maging bahagi ng dakilang gawaing ito.

May karagdagang pakinabang na dulot ang gawaing ito: ang operator ng bulusan ay umuupo sa isang silya kung saan kitang-kita niya ang pinintahang bintanang salamin na nagpapaganda sa harapang bahagi ng kapilya. Inilalarawan sa pinintahang bintanang salamin ang Unang Pangitain, kung saan nakaluhod si Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan na nakatingala sa langit at sa haligi ng liwanag.

Habang umaawit ang kongregasyon at habang nagsasalita at nagpapatotoo ang mga miyembro, madalas kong tingnan ang paglalarawang ito ng pinakabanal na sandali sa kasaysayan ng mundo. Sa isipan ko nakita kong tumatanggap si Joseph ng kaalaman, patotoo, at mga banal na tagubilin nang siya’y maging pinagpalang instrumento sa kamay ng ating Ama sa Langit.

Kakaiba ang nadarama ko habang tinitingnan ang magandang pangyayaring nakalarawan sa bintanang iyon, isang batang nanampalataya at lakas-loob na nagpasiyang manalangin nang taimtim sa sagradong kakahuyan sa ating Ama sa Langit, na nakinig naman at magiliw na tumugon sa kanya.

Heto ako, isang bata na namuhay matapos ang—Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Germany, sa nawasak na lungsod, libu-libong milya ang layo sa Palmyra at mahigit isandaang taon na matapos maganap ang aktuwal na pangyayari. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo sa buong mundo, nadama ko sa puso’t isipan ko na totoo ito, na tunay na nakita ni Joseph Smith ang Diyos at si Jesucristo at narinig ang Kanilang mga tinig. Inaliw ng Espiritu ng Diyos ang aking kaluluwa sa mura kong edad at tiniyak sa akin na totoo ang banal na sandaling ito na nagpasimula sa pandaigdigang gawain na nakatadhanang “lalaganap, hanggang sa mapuno nito ang buong mundo” (D at T 65:2). Naniniwala ako sa patotoo ni Joseph Smith tungkol sa maluwalhating karanasang iyon sa Sagradong Kakahuyan noon, at alam ko ito ngayon. Ang Diyos ay nangusap muli sa sangkatauhan.

Sa pagbabalik-tanaw, nagpapasalamat ako sa napakaraming kaibigan na tumulong sa akin noong kabataan ko para magkaroon ako ng patotoo sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Una, nanalig ako sa kanilang mga patotoo, at pagkatapos nakatanggap ako ng banal na patotoo ng Espiritu sa aking isip at puso. Ibinibilang ko si Joseph Smith sa mga taong ang patotoo kay Cristo ay nakatulong sa akin para magkaroon ako ng sariling patotoo sa Tagapagligtas. Bago ko natanto ang pagtuturo ng Espiritu na nagpapatotoo sa akin na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, nadama ng bata kong puso na siya ay kaibigan ng Diyos at samakatuwid, natural lamang, na maging kaibigan ko rin siya. Alam kong mapagkakatiwalaan ko si Joseph Smith.

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na ang mga espirituwal na kaloob ay ibinibigay sa mga taong humihiling sa Diyos, nagmamahal sa Kanya, at sumusunod sa Kanyang mga utos (tingnan sa D at T 46:9). “Sapagkat hindi lahat ay pinagkakalooban ng lahat ng kaloob; sapagkat maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos.

“Sa ilan ay ipinagkaloob ang isa, at sa ilan ay ipinagkaloob ang iba, upang ang lahat ay makinabang sa gayong paraan” (D at T 46:11–12).

Ngayo’y alam kong ang patotoo ko noong bata ako ay nakinabang nang malaki mula sa patotoo ni Propetang Joseph Smith at sa marami pang kaibigan sa Simbahan na nakaaalam “sa pamamagitan ng Espiritu Santo … na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at na siya ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (D at T 46:13). Ang mabubuti nilang halimbawa, maarugang pagmamahal, at matulunging mga kamay ang nagpala sa akin para matanggap ang isa pang espesyal na kaloob ng Espiritu na inilalarawan sa mga banal na kasulatan sa paghahangad ko ng dagdag na liwanag at katotohanan: “Sa iba ay ipinagkaloob na maniwala sa kanilang mga salita, upang sila rin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan kung sila ay patuloy na [matapat]” (D at T 46:14). Kahanga-hanga at napakagandang kaloob nito!

Kapag tunay tayong nagpakumbaba, bibiyayaan tayo ng kaloob na ito na manampalataya at umasa sa mga bagay na hindi nakikita ngunit totoo (tingnan sa Alma 32:21). Kapag sinubukan natin ang mga salita na ibinigay sa atin ng mga banal na kasulatan at ng mga buhay na propeta—kahit wala tayong ibang hangad kundi ang maniwala—at hindi sasalungatin ang Espiritu ng Panginoon, ang ating kaluluwa ay palalakihin at liliwanagin ang ating pang-unawa (tingnan sa Alma 32:26–28).

Malinaw na ipinaliwanag mismo ng Panginoon ang mahabaging alituntuning ito sa buong mundo sa Kanyang dakilang panalangin, na hindi lamang ibinigay sa Kanyang mga Apostol kundi sa lahat ng Banal, maging sa atin ngayon, saanman tayo naroroon. Sabi niya:

“Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisimpalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;

“Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila nama’y sumaatin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako’y sinugo mo” (Juan 17:20–21; idinagdag ang pagkakahilig ng salita).

Sa ganitong paraan biniyayaan ng Unang Pangitain ni Joseph Smith ang ating sariling buhay, ang buhay ng mga pamilya, at sa huli ang buong sangkatauhan—naniwala tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga patotoo ni Propetang Joseph Smith. Nagpakita rin ang Diyos sa mga propeta at apostol sa buong kasaysayan ng sangkatauhan tulad noon kay Joseph. Harapang nakita ni Moises ang Diyos at nalamang siya’y anak ng Diyos, “kawangis ng [Kanyang] Bugtong na Anak” (tingnan sa Moises 1:1–6). Pinatotohanan ni Apostol Pablo na nagpakita sa kanya ang nabuhay na mag-uling si Jesucristo sa daan patungong Damasco at ginawang isa sa Kanyang mga dakilang misyonero si Pablo (tingnan sa Mga Gawa 26:9–23). Nang marinig ang patotoo ni Pablo tungkol sa kanyang makalangit na pangitain sa panahon ng paglilitis sa Cesarea, inamin ng makapangyarihang si Haring Agripa na, “Sa kakaunting paghikayat ay ibig mo akong maging Cristiano” (Mga Gawa 26:28).

At marami pang mga propeta noon ang malakas ding nagpatotoo tungkol kay Cristo. Ang lahat ng pagpapamalas na ito, noon at ngayon, ay umaakay sa mga naniniwala tungo sa banal na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan at pag-asa—sa Diyos, ang ating Ama sa Langit, at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Nakipag-usap ang Diyos kay Joseph Smith sa layuning basbasan ang lahat ng anak ng Diyos ng Kanyang awa at pagmamahal, maging sa mga panahong walang katiyakan at kapayapaan, ng mga digmaan at alingawngaw ng digmaan, ng likas at personal na kapighatian. Sinabi ng Tagapagligtas, “Masdan ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko” (3 Nephi 9:14). At lahat ng tatanggap ng paanyayang ito ay “[palilibutan] ng walang kapantay na kasaganaan ng kanyang pag-ibig” (Alma 26:15).

Sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa personal na patotoo ni Propetang Joseph Smith at sa katotohanan ng Unang Pangitain, sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin nang taimtim at tapat, tayo ay bibiyayaan ng matibay na pananampalataya sa Tagapagligtas ng mundo, na nangusap kay Joseph noong “umaga ng isang maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng taong isanlibo walong daan at walumpu” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:14).

Ang pananampalataya kay Jesucristo at ang patotoo tungkol sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala para sa buong mundo ay hindi lamang isang doktrinang napakahalaga sa relihiyon. Ang gayong pananampalataya ay kaloob sa lahat, maluwalhati para sa lahat ng kultura ng rehiyon ng mundong ito, at hindi nagsasaalang-alang ng wika, lahi, kulay, nasyonalidad, o kalagayan sa buhay. Maaaring gamitin ang katalinuhan sa pagsisikap na maunawaan ang kaloob na ito, subalit ang mga taong higit na nakadarama sa epekto nito ay yaong mga handang tanggapin ang mga biyaya nito, na nagmumula sa dalisay at malinis na buhay ng pagtahak sa landas ng tunay na pagsisisi at pamumuhay sa mga kautusan ng Diyos.

Sa paggunita at paggalang natin kay Propetang Joseph Smith, lubos ang pasasalamat ng puso ko sa kanya. Siya’y isang binatilyong mabait, tapat, mapagpakumbaba, matalino at matapang at may ginintuang puso at matatag sa pananampalataya sa Diyos. May integridad siya. Bilang sagot sa kanyang abang dalangin, muling nabuksan ang kalangitan. Tunay na nakakita ng pangitain si Joseph Smith. Alam niya ito, at alam niyang alam ito ng Diyos, at hindi niya maikakaila ito. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:25.)

Dahil sa kanyang ginawa at sakripisyo, nagkaroon ako ngayon ng tunay na pag-unawa tungkol sa ating Ama sa Langit, at sa Kanyang Anak, ang ating Manunubos at Tagapagligtas na si Jesucristo, at nadarama ko ang kapangyarihan ng Espiritu Santo at nalalaman ang plano ng Ama sa Langit para sa atin, na Kanyang mga anak. Para sa akin, ang mga ito ang tunay na mga bunga ng Unang Pangitain.

Nagpapasalamat ako na sa mura kong edad ay nabiyayaan ako ng simpleng pananampalataya na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, na nakita niya ang Diyos Ama at Kanyang Anak, na si Jesucristo, sa isang pangitain. Isinalin niya ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Ang patotoong iyon ay paulit-ulit na pinatunayan sa akin.

Bilang isa sa mga pinakamaliit sa inyo, gayunpaman sa aking tungkulin bilang isa sa mga Apostol ni Jesucristo, pinatototohanan ko na Siya ay tunay na buhay, na Siya ang Mesiyas. May personal akong patotoo kay Jesucristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan. Natanggap ko ang kaalamang ito sa pamamagitan ng di-mailarawang kapayapaan at kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. Ang layunin ng aking puso at isipan ay maging dalisay at tapat sa paglilingkod sa Kanya ngayon at magpakailanman.

Ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Print