2005
Ikapu—Isang Utos Maging sa mga Dukha
Mayo 2005


Ikapu—Isang Utos Maging sa mga Dukha

Ang tunay na sakripisyo ay palatandaan na ng matatapat noong una pa man.

Sa walang-kamatayang klasiko ni Charles Dickens na A Christmas Carol, inasam na makapiling ni Bob Cratchit ang pamilya niya sa Araw ng Pasko. “ ‘Kung okey lang, Sir,’” sabi niya sa boss niyang si Mr. Scrooge.

“‘Hindi iyon okey,’ sabi ni Scrooge, ‘at hindi tama. Kung kalahati lang ang ipasuweldo ko sa iyo dahil sa di mo pagtatrabaho, mamasamain mo.’…

“‘Pero,’ sabi ni Scrooge, ‘hindi ko dapat masamaing suwelduhan ka nang buo kahit di ka magtrabaho.’

“Nangatwiran ang klerk na minsan lang naman iyon sa isang taon.

“‘Mababaw na dahilan para pagnakawan ang isang tao tuwing a-beinte singko ng Disyembre!’ ” sabi ni Scrooge.”1

Para kay Scrooge—tulad ng sinumang sakim, o “likas” na tao—ang sakripisyo ay di kailanman okey.

Ang likas na tao ay may tendensiyang sarili lang ang isipin—hindi lang para unahin ang sarili, kundi bihira pang may pumangalawa, kung mayroon man, kahit pa ang Diyos. Sa likas na tao, hindi likas ang magsakripisyo. Wala siyang kasiyahan. Ang tinatawag niyang mga pangangailangan ay lagi nang mas marami kaysa kinikita niya kaya kailanma’y hindi ito “sapat,” tulad nga sa kuripot na si Scrooge.

Dahil may tendensiya ang likas na tao na magtabi o ubusin ang lahat, matalinong iniutos ng Panginoon sa sinaunang Israel na isakripisyo, hindi ang huli o pinakamahina sa kawan, kundi ang mga panganay—hindi mga tira-tira sa bukid, kundi mga unang ani (tingnan sa Mosias 2:3; Moises 5:5; Deuteronomio 26:2). Ang tunay na sakripisyo ay palatandaan na ng matatapat noong una pa man.

Dalawang klaseng magkasalungat ang mga hindi nagsasakripisyo: ang isa ay ang mayamang matakaw na ayaw at ang isa pa ay ang kaawa-awang dukha na naniniwalang hindi niya kaya. Pero paano ninyo hihilingang magbawas ng kain ang taong gutom? May antas ba ng kahirapan na lubhang aba kaya hindi dapat asahan ang sakripisyo o isang pamilyang napakadukha kaya dapat patigilin sa pagbabayad ng ikapu?

Madalas gumamit ng magkasalungat na sitwasyon sa pagtuturo ang Panginoon para ilarawan ang isang alituntunin. Ang kuwento tungkol sa balo ng Sarepta ay halimbawa ng sobrang kahirapan na ginamit para ituro ang doktrina na hindi maaagawan ng awa ang sakripisyo tulad ng hindi nito maaagawan ang katarungan. Katunayan, ang mas tamang panukat ng sakripisyo ay hindi ang pagsasakripisyo, kundi ang isinakripisyo (tingnan sa Marcos 12:43). Ang pananampalataya ay higit na nasusukat sa oras ng kawalan kaysa oras ng kasaganaan. Sa mga sandaling ito, hindi krisis ang bumubuo sa pagkatao—inilalantad nito ang pagkatao. Ang krisis ang pagsubok.

Ang balo ng Sarepta ay nabuhay sa panahon ni Propetang Elijah, na kinasangkapan ng Panginoon upang maghatid ng tatlo’t kalahating taong tagtuyot sa lupain (tingnan sa Lucas 4:25). Lubhang tumindi ang taggutom na halos ikamatay ng marami. Ito ang sitwasyon ng balo sa panahong iyon.

Sabi ng Panginoon kay Elias, “Bumangon, paroon ka sa Sarepta … narito, aking inutusan ang isang baong babae roon na pakanin ka” (I Mga Hari 17:9). Nakaaaliw na isiping hindi pinapunta si Elijah sa Sarepta hanggang sa mabingit sa kamatayan ang balo at anak nito. Sa ganito kaselang sandali—sa pagkagutom—masusubukan ang kanyang pananampalataya.

Pagpasok niya sa lungsod nakita niya ang balo na namumulot ng mga patpat.

“At tinawag niya siya, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na dalhan mo ako ng kaunting tubig sa inuman, upang aking mainom.

“At nang siya’y yumayaon upang kumuha, tinawag niya siya, at sinabi, dalhan mo ako, isinasamo ko sa iyo, ng isang subong tinapay sa iyong kamay.

“At kaniyang sinabi, Ang Panginoon mong Dios ay buhay, ako’y wala kahit munting tinapay, kundi isang dakot na harina sa gusi, at kaunting langis sa banga: at, narito, ako’y namumulot ng dalawang patpat, upang ako’y pumasok, at ihanda sa akin at sa aking anak, upang aming makain, bago kami mamatay.” (mga talata 10–12.)

Ang isang subong tinapay ay talagang kakatiting, sapat lang siguro sa iisang tao, kaya nga nakakaintriga ang sagot ni Elias. Pakinggan ninyo: “At sinabi ni Elias sa kanya, Huwag kang matakot; yumaon ka, at gawin mo ang iyong sinabi: nguni’t—igawa mo muna ako ng munting tinapay …” (t. 13; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Hindi ba kasakiman iyon, na hindi lang yata unang piraso ang hinihingi, kundi baka kaisa-isa pang piraso? Hindi ba tayo tinuruan ng mga magulang natin na paunahin ang ibang tao at lalo na ang paunahin ng maginoo ang isang babae, lalo na ang gutom na balo? Ang pagpipilian niya—kakain ba siya o isasakripisyo niya ang huli niyang pagkain at madali ang pagkamatay? Siguro isasakripisyo niya ang pagkain niya, pero isasakripisyo ba niya ang pagkain ng gutom na anak?

Naunawaan ni Elias ang doktrina na dumarating ang mga pagpapala matapos masubok ang ating pananampalataya (tingnan sa Eter 12:6; D at T 132:5.) Hindi siya sakim. Bilang lingkod ng Panginoon, naroon si Elias para magbigay, hindi para kumuha. Ituloy natin ang salaysay:

“Nguni’t igawa mo muna ako ng munting tinapay [ang mga una] at ilabas mo sa akin, at pagkatapos ay gumawa ka para sa iyo at para sa iyong anak.

“Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang gusi ng harina ay hindi makukulangan, o ang banga ng langis man ay mababawasan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.

“At siya’y yumaon, at ginawa ang ayon sa sabi ni Elias: at kumain ang babae, at siya, at ang kaniyang sangbahayan na maraming araw.

“Ang gusi ng harina ay hindi nakulangan, o ang banga ng langis man ay nabawasan, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Elias” (tt. 13–16; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang isang dahilan kaya inilalarawan ng Panginoon ang mga doktrina sa mga pinakasukdulang sitwasyon ay para maiwasan ang pagdadahilan. Kung inaasahan ng Panginoon na ibayad kahit ng babaing balo ang kanyang dalawang lepta, ano ang mangyayari sa lahat ng iba na nagsasabing hindi okey o hindi madali ang magsakripisyo?

Walang bishop, walang misyonerong dapat mag-atubili o mawalan ng pananampalataya na ituro ang batas ng ikapu sa mga maralita. Ang damdaming “Hindi nila kayang magbayad,” ay dapat palitan ng, “Hindi nila kayang hindi magbayad.”

Isa sa mga kailangang gawin ng bishop para matulungan ang mga nangangailangan ay pagbayarin sila ng kanilang ikapu. Gaya ng babaeng balo, kung ang dukhang pamilya ay nahaharap sa desisyon kung magbabayad ng ikapu o kakain, dapat silang magbayad ng ikapu. Matutulungan sila ng bishop sa pagkain nila at iba pang pangunahing pangangailangan hanggang makaya nilang tumayo sa sariling paa.

Noong Oktubre ng 1998 winasak ng Bagyong Mitch ang maraming bahagi ng Central America. Lubhang nag-alala si Pangulong Gordon B. Hinckley sa mga biktima ng kapahamakang ito, na marami ang nawalan ng lahat—pagkain, damit, at mga gamit sa bahay. Dinalaw niya ang mga Banal sa mga lungsod ng San Pedro Sula at Tegucigalpa, Honduras at Managua, Nicaragua. At gaya ng sinabi ng mapagmahal na propetang Elijah sa gutom na balo, gayon din ang mensahe ng makabagong propetang ito sa bawat lungsod—ang magsakripisyo at sundin ang batas ng ikapu.

Pero paano ninyo hihilingan ang isang taong dukhang-dukha na magsakripisyo? Batid ni Pangulong Hinckley na makakatulong ang natanggap nilang padalang pagkain at mga damit para malagpasan nila ang krisis, pero higit pa roon ang pag-aalala at pagmamahal niya sa kanila. Mahalaga man ang magkawanggawa, batid niya na ang pinakamahalagang tulong ay nagmumula sa Diyos, hindi sa tao. Nais ng Propeta na tulungan silang buksan ang mga dungawan ng langit tulad ng pangako ng Panginoon sa aklat ni Malakias (tingnan sa Malakias 3:10; Mosias 2:24).

Itinuro sa kanila ni Pangulong Hinckley na kung babayaran nila ang kanilang ikapu lalagi silang may pagkain sa mesa, lalagi silang may damit na isusuot, at lalagi silang may bubong sa kanilang ulunan.

Kapag naghahain, mas madaling maghanda ng isa pang plato sa simula ng pagkain, kaysa maghanap ng ipakakain sa isang taong huling dumating kapag tapos na ang kainan at naisilbi na ang pagkain. Gayundin, hindi ba talagang mas madaling ibigay sa Panginoon ang mga panganay o unang bunga kaysa umasa na may sasapat na “tira” para sa kanya? Bilang tagapaghanda ng ating piging, hindi ba dapat ay Siya ang maging panauhing pandangal, ang unang pagsilbihan?

Itinuro sa akin ng mapagmahal kong ina, si Evelyn Robbins, ang batas ng ikapu noong apat na taong gulang pa lang ako. Binigyan niya ako ng basyong lalagyan ng Band Aid, na gawa sa latang nabubuksan ang takip. Tinuruan niya akong ipunin doon ang mga barya ko para sa ikapu at dalhin ito sa bishop pagkatapos. Walang katapusan ang pasasalamat ko sa kanya, sa lalagyang iyon ng Band Aid, at sa mga biyayang dumating dahil sa pagbabayad ng ikapu.

Sa A Christmas Carol, nagbagong-buhay si Mr. Scrooge—hindi na siya tulad ng dati. Gayundin naman, ito ang ebanghelyo ng pagsisisi. Kung binibigyang-inspirasyon tayo ng Espiritu na lubos nating sundin ang batas ng sakripisyo sa ating buhay, nawa’y simulan na nating magbago ngayon.

Labis akong nagpapasalamat sa Tagapagligtas na siyang perpektong halimbawa ng pagsunod sa pamamagitan ng sakripisyo—na naghandog ng “kanyang sarili na isang hain para sa kasalanan,” at, ayon kay Lehi, naging, “unang bunga ng Diyos” (2 Nephi 2:7, 9; idinagdag ang pagbibigay-diin). Nagpapatotoo ako tungkol sa Kanya at sa mga ito, na Kanyang mga doktrina, sa ngalan ni Jesucristo, Amen.

Tala

  1. The Annotated Christmas Carol, inedit ni Michael Patrick Hearn (1976), 69; idinagdag ang pagbibigay-diin.

Print