2005
Mga Mag-asawang Misyonero: Mga Biyayang mula sa Sakripisyo at Paglilingkod
Mayo 2005


Mga Mag-asawang Misyonero: Mga Biyayang mula sa Sakripisyo at Paglilingkod

Kailangan kayo ng inyong Ama sa Langit. Ang Kanyang gawain, sa ilalim ng patnubay ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay kailangan ng bagay na kayo lang ang handang makapagbigay.

Apat na taon na ang nakararaan nagsalita na ako rito tungkol sa mga mag-asawang nagmimisyon nang full time. Dalangin kong “maantig ng Espiritu Santo ang mga puso, at kahit paano saanmang dako isang asawa … ang marahang sisikuhin ang kanyang asawa, at magaganap ang sandali ng katotohanan [—ang sandali ng pagpapasiya—].”1 Isang kapatid na babae ang sumulat sa akin tungkol sa pangyayaring iyon. Sabi niya, “Komportable kaming nakaupo sa aming tahanan habang tuwang-tuwang pinanonood sa telebisyon ang kumperensya… . Noong nagsalita kayo, naantig ako nang husto. Tiningnan ko ang aking asawa at tiningnan niya ako. Nabago ng sandaling iyon ang buhay ko magpakailanman.”

Kung nasa edad na kayo o di magtatagal ay aabutin na ang edad para sa mga nakatatandang misyonero, nagsasalita ako sa inyo ngayong hapong ito upang patotohanan ang mga biyayang magpapabago sa buhay ninyo kailanman. Kailangan kayo ng inyong Ama sa Langit. Ang Kanyang gawain, sa ilalim ng patnubay ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, ay kailangan ng bagay na kayo lang ang handang makapagbigay. Bawat gawaing misyonero ay kailangan ng pananampalataya, sakripisyo, at paglilingkod, at ang mga ito ay laging sinusundan ng pagbuhos ng mga biyaya.

Sa pagtalakay natin sa mga biyayang ito, tiyak na isasaalang-alang ninyo ang apat na “P: pangamba, pag-aalala sa pamilya, pananalapi, at paghanap ng tamang pagkakataon upang magmisyon.2 Magdaragdag pa ako ng mas mahalaga at mas makapangyarihang P—pananampalataya. Tanging sa pananampalataya lamang natin masusunod ang payo ng Diyos na “piliin ninyo sa araw na ito, kung sino ang inyong paglilingkuran”3—“na paglingkuran ang Panginoong Diyos na lumikha sa inyo.”4 At tanging sa pagsubok ng ating pananampalataya lamang natin matatanggap ang mga mahimalang biyayang hangad natin para sa ating sarili at pamilya: “Sapagkat kung walang pananampalataya sa mga anak ng tao, ang Diyos ay hindi makagagawa ng himala sa kanila; anupa’t hindi niya ipinakita ang kanyang sarili hanggang sa sila muna ay nagkaroon ng pananampalataya.”5

Hayaan ninyong ibahagi ko ang ilan sa mga mahimalang biyayang ito mula sa mga sulat at talang natanggap ko sa nakalipas na apat na taon. Isang mapagkumbabang mag-asawa ang dinaig ang takot sa pamamagitan ng pananampalataya nang papuntahin sila ng Panginoon sa Russia. Isinulat nila ang sumusunod na liham ng pagtanggap: “Walang makaiisip na matatawag kami sa ganitong tungkulin. Wala kaming ideya kung paano namin matututuhan ang wika o makakayanang maglingkod, at kahit tinanggap namin nang may labis na takot ang tungkuling ito, umaasa lamang sa pananampalataya, alam naming higit na alam ng Panginoon at Kanyang propeta kung saan kami dapat na maglingkod.” Sampung buwan mula noon malugod na tinanggap ng Stockholm Sweden Temple ang 30 Banal mula sa maliit na branch sa Russia na pinangungunahan ng mag-asawang ito mula sa Idaho na di pa gaanong bihasa sa wikang Ruso. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan, “Sa gayon ang Diyos ay nagbigay ng paraan upang ang tao sa pamamagitan ng pananampalataya, ay makagawa ng mga makapangyarihang himala;”6 Sa gayon, ang gawain ng Diyos ay isinasagawa ng Kanyang mga anak: “Nang ang pananampalataya rin ay maragdagan sa mundo… . Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig.”7

Isa pang mag-asawa ang hinarap ang pag-aalala ng pamilya nang may pananampalataya. Isinulat ng matapat na sister: “Hindi mahirap magpasiyang magmisyon. Pero lubos na nag-aalala sa aming pag-alis ang aking 90-taong-gulang na ina. Napanatag siya nang marinig niyang bibiyayaan ang aming pamilya habang naglilingkod kami.” Ganoon din ang ipinag-alala ng isang brother tungkol sa pag-iwan sa may edad ng mga magulang na sinagot ng kanyang ama ng: “Huwag mong gamitin kami ng iyong ina na dahilan para hindi ka magmisyon kasama ng iyong asawa. Ipagdasal mo ito at sundin mo ang paggabay ng Espiritu.”

Sa mas naunang henerasyon ng mga misyonerong inatasang iwan ang kanilang pamilya, ibinigay ng Panginoon ang katiyakang ito, “At kung gagawin nila ito ng buong kababaan ng puso, … ako, ang Panginoon, ay nagbibigay sa kanila ng isang pangako na ako ang tutustos para sa kanilang mga mag-anak.”8

Totoong may mga pag-aalala sa pamilya at hindi dapat ipagwalang-bahala. Pero hindi natin matutugunan ang mga problema ng pamilya nang walang mga biyaya mula sa Panginoon; at kapag nagsasakripisyo tayong maglingkod bilang full time na misyonero, darating ang mga biyayang iyon. Halimbawa, isang mag-asawa ang nag-aalalang iwan ang kanilang bunsong anak na babae na hindi na aktibo sa Simbahan. Isinulat ng kanyang matapat na ama: “Patuloy namin siyang ipinagdasal at palagiang nag-ayuno. Tapos, noong pangkalahatang kumperensya, ibinulong sa akin ng Espiritu. ‘Kung maglilingkod ka, hindi mo na kailangang mag-alala sa iyong anak.’ Kaya nakipagkita kami sa aming bishop. Isang linggo matapos naming matanggap ang aming tawag, sinabi sa amin ng aming anak na ikakasal na sila ng kanyang kasintahan. Bago kami umalis papuntang Africa, may naging kasalan sa bahay namin. [Pagkatapos tinipon namin ang aming pamilya at] nagdaos ng pulong ng pamilya… . Nagpatotoo ako tungkol sa Panginoon at kay Joseph Smith … at sinabi ko sa kanilang gusto ko silang bigyan ng basbas ng ama. Nagsimula ako sa panganay at pagkatapos sa kanyang asawa at isinunod ang pinakabunso … [kasama ang aming bagong manugang].”

Kapag pinag-iisipan nating magmisyon bilang mag-asawa, angkop na pabahagiin natin ang ating pamilya sa ganoong paraan. Sa mga pulong ng pamilya, mabibigyan natin ang ating mga anak ng pagkakataong ipahayag ang kanilang suporta, magbigay ng espesyal na tulong na maaaring kailangan natin, at tumanggap din ng mga pagpapala ng priesthood mula sa kanila. Nang basbasan ng matapat na ama sa kwentong ito ang mga miyembro ng kanyang pamilya, nadama ng kanyang manugang ang impluwensya ng Espiritu Santo. Isinulat ng ama: “Pagkatapos ng isang taon namin sa misyon nagsimulang gumaan ang loob ng aming manugang sa Simbahan. Nang malapit na kaming umuwi mula sa misyon, bumisita siya at ang aming anak sa amin. Sa loob ng maleta niya ay ang unang pares na damit na pansimba. Sumama sila sa amin sa Simbahan, at pagkauwi namin [sa misyon] ay nabinyagan siya. Isang taon mula noon, ibinuklod sila sa templo.”9

Bagama’t kakaiba ang mga nangyari sa kwentong ito, angkop ang alituntuning ito sa lahat ng nagsasabi sa Panginoon, “Tutungo ako saanman.”10 Pinatototohanan ko na kung magtitiwala tayo sa Panginoon, malalaman Niya ang tamang pagkakataon na makapaglingkod tayo bilang misyonero. Tulad ng sabi Niya, “Kung ang sinomang tao’y maglingkod sa akin, ay siya’y pararangalan ng Ama.”11

Sa pag-iisip ng mga pagkakataong magmisyon, maraming mag-asawa sa buong daigdig ang may matinding hangarin na maglingkod pero kulang ng salapi. Kung ito ang sitwasyon ninyo, tandaan na ang tamang tawag sa misyon ay maaaring hindi sa malayong lugar na kakaiba ang tunog ng pangalan. Maaaring ang tamang misyon para sa inyo ay sa loob mismo ng inyong stake o area. “Talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng bagay na ito.”12 Makipag-usap kayo sa inyong mga kamag-anak at bishop o branch president. Kapag naunawaan ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ang inyong temporal na sitwasyon, matatanggap ninyo ang mga walang hanggang pagpapala ng paglilingkod sa misyon nang full time.

Kung hindi kayo makapaglingkod dahil sa malubhang kadahilanan, isasaalang-alang ba ninyo na magbigay ng pinansyal na tulong para tulungan ang iba? Ang makatwirang pagsasakripisyo ng inyong ikinabubuhay ay hindi lamang magbibigay-biyaya sa ibang mga misyonero at sa kanilang pinaglilingkuran; bibiyayaan din kayo nito at ang inyong pamilya.

Ngayon, sa mga hindi nakapagmisyon noong kabataan nila, maaari bang magsalita ako nang tahasan sa inyo. Siguro maraming taon din kayong binagabag ng panghihinayang o pagkukulang dahil hindi kayo nagkaroon ng pagkakataong maglingkod at umunlad noong bata pa kayo. Ang payo ko sa inyo: tingnan ang hinaharap, huwag ang nakaraan. Simulang paghandaang makapagmisyon bilang nakatatandang mag-asawang misyonero ngayon! Mag-ipon ng kaunting pera kada buwan. Mag-aral ng mga banal na kasulatan. Tumanggap ng mga tungkulin sa Simbahan. Ipagdasal na madama ang pagmamahal ng Panginoon sa iba at tanggapin ang Kanyang pagmamahal at tiwala sa inyo. Makakamit ninyo balang araw ang lahat ng mga biyaya ng gawaing misyonero!

At napakalaking pagpapala ng mga ito! Matapos ang 51 taong buhay mag-asawa, tinanong ako, “Anong bahagi ng buhay mo ang gusto mong ulit-ulitin?” Walang alinlangan kong sinagot, “Nang maglingkod kaming mag-asawa sa dakilang gawaing-misyonero ng Panginoon.” Ang nadarama ng isa pang mag-asawang misyonero ay nadarama rin naming mag-asawa. “Ang aming desisyong magmisyon ay nagdala sa amin ng bagong sigla, bagong damdamin, mga bagong kaibigan, bagong lugar, bagong hamon. Pinaglapit kaming lalo nito bilang mag-asawa; mayroon kaming iisang layunin at tunay na pagsasamahan. At higit sa lahat, nagbigay ito sa amin ng bagong espirituwal na pag-unlad sa halip na espirituwal na pagpapahinga.” Mga kapatid huwag tayong magpahinga sa espirituwal.

Ngayon, maaari bang hamunin ko ang mga bishop at branch president sa buong mundo? Sa susunod na anim na buwan, posible ba sa inyo na pag-isipang magrekomenda ng isa o higit pang mga misyonerong mag-asawa maliban pa sa kasalukuyang nagpaplanong magmisyon? Ang pinakamalaking mapagkukunan ninyo para matugunan ang hamong ito ay ang mga nakatatandang miyembro ng inyong ward na nakapagmisyon na. Sa ward namin, nagpatawag ng espesyal na miting ang inspirado naming bishop para sa mga magmimisyon at nakauwi nang mga mag-asawang misyonero. Habang nagpapatotoo kami tungkol sa sakripisyo at paglilingkod, pinatotohanan sa aming lahat ng Espiritu na ang tawag na maglingkod ay tunay na tawag para “biyaya [ng Panginoon] ay kamtin.”13

Nabalitaan ko ang isang stake president na nag-organisa ng klase para sa mga nakatatandang misyonero para bigyang-inspirasyon ang mga nakatatandang magmimisyon at tulungan silang maghandang maglingkod. Mga lider ng Priesthood, sa mapanalangin ninyong pagnanais na maghikayat ng full time na paglilingkod sa misyon, tandaan na kapag tinatawag ang mag-asawa, hindi lang sila nakakatulong na maisagawa ang gawain ng Panginoon sa buong mundo, kundi nagtatanim sila ng binhi ng paglilingkod sa kanilang pamilya na lalago sa mga susunod na henerasyon. Patuloy akong nagpapasalamat sa impluwensya ng aking mga magulang na maglingkod bilang mag-asawang misyonero sa Inglatera at nagbigay ng halimbawa sa kanilang angkan.

Ngayon, sa inyong mga magiging mag-asawang misyonero, sana’y huwag na ninyong hintayin pa ang inyong bishop na kausapin kayo tungkol sa pagmimisyon! Pumunta sa kanya. Ibahagi ang nadarama ninyo. Kapag tungkol sa paglilingkod sa misyon ang pinag-uusapan, inaasahan ng Panginoon na ipahayag natin ang ating hangarin. Kapag ginawa natin ito, mapagtitiwalaan natin na ang Espiritu ring yaon na naghihikayat sa ating magmisyon, ay magbibigay-inspirasyon sa propeta na tawagin tayo sa tamang tungkulin.

At napakaraming tawag! May mga tawag na ituro ang ebanghelyo sa mga may nais na tanggapin ang katotohanan, kabilang na ang mga kabataan sa Church Educational System; mga tawag na tumulong sa pagkakawanggawa at pagtulong sa tao, sa mga templo, sa mga family history center, opisina ng misyon, at makasaysayang lugar; mga tawag na “[gawin] ang higit na mabuti sa iyong kapwa tao, at … [itaguyod] ang kaluwalhatian niya na iyong Panginoon.”14

Pag-isipan ang mga halimbawang ito: Isang mag-asawa ang tinawag sa India para tulungan ang isang paaralan para sa mga bulag na bata na makapagpatayo ng mga pasilidad na para sa kalinisan at makakuha ng mga makinilyang gamit sa braille. Isang mag-asawa ang nagpalago sa isang maliit na branch mula sa 20 miyembro hanggang sa 200 na miyembro at inihanda na magkakasamang makadalo sa templo ang 70 miyembro. Isang mag-asawa sa Peru ang nag-asikasong mabigyan ng gamot at mga laruang pamasko ang 550 bata sa isang ampunan. Isang mag-asawa sa Cambodia ang nagturo ng mga klase sa institute at namuno sa isang branch na lumago hanggang 180 miyembro matapos lamang ang 10 buwan. Isang mag-asawa sa Russia ang tumulong sa mga miyembro doon na paramihin ang bungang patatas nang mas marami nang 11 beses kaysa sa mga taniman ng gobyerno, samantalang sa Pilipinas naman isang mag- asawa ang tumulong sa halos 700 pamilyang kulang sa nutrisyon na mag-alaga ng mga kuneho at magtanim ng gulay. Isang mag-asawa sa Pennsylvania ang tumulong sa 60 katao, kalahati rito ay di miyembro, sa paghahanda ng mga genealogical record ng pamilya. Isang mag-asawa sa Ghana ang tumulong sa paghukay at pagpapaayos ng mga balon, na nagbigay ng tubig sa 190,000 na tao sa mga nayon at kampo para sa mga refugee.

Ganito man kalinaw o hindi sa mata ng tao ang mga resulta ng bawat misyon, lahat ng naglilingkod ay nakagawa ng di matatawarang kontribusyon sa paningin ng Panginoon, dahil lahat ay “nagaalinlangan ay inyong kahabagan.”15 Ang mga mag-asawang misyonero ay mga huwaran at halimbawang nagpapalakas sa mga full time na misyonero at sa mga lider ng priesthood at auxilliary. Pinasasalamatan ko sila at ang libu-libong iba pa na naglilingkod sa napakaraming paraan, nagbibigay ng milyun-milyong oras na paglilingkod sa kanilang kapwa.

Mga kapatid, kung nadarama ninyong nahihikayat kayong makibahagi sa gawaing ito, di man ito gaanong matindi, huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong paglilingkod. Ngayon ang panahon para maghanda, para matawag, para magsakripisyo, para ibahagi ang inyong mga kaloob at talento, at ngayon ang panahon para tanggapin ang mga biyaya ng Diyos sa inyo at sa inyong pamilya. “Laging kailangan ang mas maraming mag-asawang misyonero,” sabi ni Pangulong Hinckley.16 Sa pagpapatuloy ng gawaing ito, nag-iibayo ang pangangailangang iyon. Hayaan ninyong sa ating masaganang mga taon ng karanasan, katandaan, dunong, at higit sa lahat, ng ating pananampalataya, ay kumilos tayo upang tugunan ang pangangailangang iyon hangga’t makakaya natin.

Tayo, higit sa lahat, ay may espesyal na dahilan para gawin ito. Mula sa ating mga karanasan sa buhay makapagbabalik-tanaw tayo at makikilala ang kabutihan sa atin at sa ating pamilya ng ating Ama sa Langit at Kanyang Anak na si Jesucristo. Tulad ng ipinaliwanag ng isang tapat na lalaki, “Gusto naming mag-asawa na maglingkod sa limang misyon—isa para sa bawat isa sa magagandang anak na ibinigay sa amin ng Diyos!” Anumang biyaya ang natanggap ng bawat isa sa atin, nagpapatotoo ako na natanggap nating lahat ang pinakadakilang biyaya sa lahat: “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios [ating Ama sa Langit] sa sanglibutan na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak,”17 at ang Kanyang anak si Jesucriso ay, “mahal … ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya.”18 Pinatototohanan ko na ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay ang pinakahuling pagpapahayag ng pagmamahal na iyon.

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, napakalaking pribilehiyo natin ang masuklian ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng sakripisyo at paglilingkod, at kamtin ang Kanyang banal na pangako: “At sino man ang maghahain ng kanyang buhay para sa aking pangalan, ay matatagpuan ito, maging buhay na walang hanggan.”19 Ang magawa natin ito ang taimtim kong idinadalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Mga Mag-asawang Misyonero: Panahon Na Upang Maglingkod,” Liahona, Hulyo 2001, 28.

  2. Tingnan sa Liahona, Hulyo 2001, 28.

  3. Alma 30:8.

  4. Moises 6:33.

  5. Eter 12:12, idinagdag ang pagbibigay-diin.

  6. Mosias 8:18.

  7. D at T 1:21, 23.

  8. D at T 118:3.

  9. Tingnan sa D at T 31:1–2, 5.

  10. “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno, blg. 171.

  11. Juan 12:26.

  12. Mateo 6:32; 3 Nephi 13:32.

  13. “Tinawag Upang sa Diyos Maglingkod,” Mga Himno, blg. 151.

  14. D at T 81:4.

  15. Judas 1:22.

  16. “Sa mga Bishop ng Simbahan,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Hunyo 19, 2004, 27.

  17. Juan 3:16.

  18. 2 Nephi 26:24.

  19. D at T 98:13.

Print