Pagsusugal
Kung hindi pa kayo nasangkot sa mga larong poker o iba pang uri ng sugal, huwag ninyong simulan. Kung nasangkot man kayo noon, tumigil na ngayon habang kaya pa ninyo.
Mahal kong mga kapatid, napakaganda ng pagpupulong natin. Nais kong pagtibayin ang lahat ng nasabi at iwan ang aking pagbabasbas sa inyo.
Una gusto kong magsalita tungkol sa mga taong sinang-ayunan natin ngayong hapon bilang mga miyembro ng Mga Korum ng Pitumpu.
Naniniwala ako na may literal na daan-daang kapatid na lalaki ang karapat-dapat at kayang maglingkod bilang mga pangkalahatang pinuno ng Simbahan. Nakikita namin sila sa lahat ng dako. Ang mga sinang-ayunan ngayon ay pinili upang punan ang mga partikular na responsibilidad. Sa maraming pagkakataon, ito’y kinabibilangan ng pagsasakripisyo, na handang gawin.
Kabilang sa mga sinang-ayunan, gaya ng napansin ninyo, ay ang aking 63-taong gulang na anak. Nililinaw ko na hindi ko inirekomenda ang kanyang pangalan. Iyon ay ginawa ng iba na may karapatang gawin ito. Masyado akong sensitibo sa usapin tungkol sa nepotismo. Tulad ng sinasabi ng mga abugado, hindi ako nakilahok diyan. Gayunman, naniniwala ako na siya’y karapat-dapat sa lahat ng bagay. Una sa lahat, siya’y may dakila at kahanga-hangang ina. Sana gayon din ang masasabi ko sa kanyang ama.
Nabanggit ko ito dahil lamang sa pagiging sensitibo ko tungkol sa paksang nepotismo. Mangyaring huwag ninyo itong masamain dahil sa kaugnayan niya sa akin. Wala siyang kapangyarihang pigilan ito.
Ngayon, sa pagpapatuloy sa paksang nais kong talakayin ngayong gabi. Gagawin ko ito sa pagsagot sa ilang kahilingan na ipinarating sa akin tungkol sa posisyon ng Simbahan sa isang gawaing nagiging pangkaraniwan na sa atin, lalo na sa ating mga kabataan. Ito ay tungkol sa iba’t ibang uri ng pagsusugal.
May nagkuwento na isang Linggo ay umuwi galing sa simbahan si Calvin Coolidge, na minsa’y naging pangulo ng Estados Unidos noon at kilala bilang isang taong hindi masalita. Tinanong siya ng kanyang asawa kung ano ang sermon ng pari. Sagot niya’y, “Kasalanan.” “Ano’ng sinabi niya?” tanong ng asawa. “Tutol siya rito,” ang sagot niya.
Sa tingin ko masasagot ko ang tanong tungkol sa pagsusugal nang ganoon kaikli. Tutol tayo dito.
Ang sugal ay makikita na sa lahat ng dako at patuloy na lumalaganap. Ang mga tao’y naglalaro ng poker. Pumupusta sila sa mga karera ng kabayo at aso. Naglalaro sila ng roleta at nilalaro ang slot machines. Nagkikita-kita sila para maglaro sa mga klab, salon, at kasino, at kadalasan, sa kanilang tahanan mismo. Hindi ito kayang iwasan ng marami. Nakakaadik ito. Maraming beses na rin itong nauuwi sa iba pang masasamang bisyo at gawi.
At napakaraming nagsusugal na walang sapat na pera para dito. Maraming beses na nitong ninakawan ang mga maybahay at mga anak ng pinansiyal na seguridad.
Ang larong poker, na siyang tawag dito, ay kinalolokohan na ngayon ng mga estudyante sa kolehiyo at kahit na sa hayskul.
Babasahin ko sa inyo ang isang artikulo sa New York Times News Service:
“Para kay Michael Sandberg, nagsimula lang ito sa barya-baryang pakikipagpustahan sa mga kaibigan.
“Pero noong nakaraang taglagas, sabi niya, ito’y naging daang-libong kita na at puwede nang ipagpalit sa pag-aaral ng abogasiya.
“Karaniwang hinahati ni Sandberg, 22, ang kanyang oras sa pagpunta sa Princeton, kung saan siya ay nasa ikaapat na antas na at nag-aaral ng political science, at sa Atlantic City, kung saan malakihan ang paglalaro niya ng poker… .
“Si Sandberg ay matinding halimbawa ng malawakang pagsusugal sa mga paaralan sa buong bansa. Ang tawag ni Sandberg dito ay pagsabog, na pinasisigla ng nakatelebisyon na poker championship at pagdami ng mga Web site na nag-aalok ng online na laro ng poker.
“Sang-ayon sa mga eksperto hindi na maikakaila pa ang pagtanyag ng sugal sa kampus. Noong Disyembre, halimbawa, isang sorority sa Columbia University ang nagpalaro ng unang 80-player poker tournament na $10 ang bayad para makasali, talagang napakamura. Ang University of North Carolina naman ay nagpalaro ng una nitong 175-player na kompetisyon noong Oktubre. Puno ng tao ang palaro at mahaba pa ang pila ng nangaghihintay. Sa University of Pennsylvania, ang mga pribadong laro ay ipinapaskil gabi-gabi sa e-mail list ng kampus” (Jonathan Cheng, “Poker Is Major College Craze,” sa Deseret Morning News, Mar. 14, 2005, p. A2).
Ganyan din ang nangyayari dito mismo sa Utah.
Ganito ang isinulat sa akin ng isang ina:
“Ang 19 anyos na anak kong lalaki ay naglalaro ng poker sa Internet at [parang] walang pakialam ang mga tao sa Internet kahit wala ka pang 21 anyos. Kailangan lang na may pera ka sa bangko. Halos isang taon na siyang naglalaro ngayon. May trabaho siya dati pero iniwan na niya iyon dahil masyado na siyang adik ngayon sa Internet at sa paglalaro ng poker. Palagi siyang sumasali sa mga poker tournament at, kung manalo siya, ang perang iyon ang pambili niya ng mga kailangan niya. Wala na siyang ginawa kundi ang maupo at maglaro sa Internet.”
May nagsabi sa akin na Utah at Hawaii na lang ang mga estado sa Estados Unidos kung saan hindi legal ang iba’t ibang uri ng mga loteriya at sugal. Mula sa mga natanggap kong sulat ng mga miyembro ng Simbahan, makikita na ang ilan sa ating kabataan ay nagsisimula sa paglalaro ng poker. Natikman na nila ang magkapera nang walang kahirap-hirap, at pagkatapos ay lumalabas ng estado at pumupunta sa lugar kung saan sila legal na makapagsusugal.
Isang manunulat ang lumiham sa akin: “Nakikita ko ang unti-unting paglaganap ng kasamaang ito sa buhay ng maraming tao sa ngayon. Nakikita na ito sa TV. Ang ESPN ay may tinatawag na Celebrity Poker at National Poker Championships.”
Patuloy pa niya: “Inimbita ng isa sa aming mga kaibigan ang asawa ko na sumali sa lokal na palaro ng poker na may bayad. Sabi ng kaibigan niya, ‘Hindi naman sugal ito. Napapasama lang naman ang pera mo sa pera ng iba, at kung sino man ang manalo ay sa kanya na ang pera.’”
Sugal ba ito? Siyempre, sugal. Ang sugal ay proseso ng pagkuha ng pera nang walang kapalit na kalakal o serbisyo.
Puwede na ngayong magkaroon ng malakihang loteriya ang estado. Dati-rati’y halos sa lahat ng dako ay labag ito sa batas. Ngayon ay gamit ang mga ito para kumita ang gobyerno.
Mga 20 taon na ang nakalilipas, sinabi ko sa kumperensya na: “Lalong naging kapana-panabik ang loteriya nang ibalita ng New York State na tatlong panalong tiket ang maghahati sa $41 milyon. Pumila ang mga tao para bumili ng mga tiket. Ang isang panalong tiket ay hawak ng 21 manggagawa ng pabrika, 778 katao ang nanalo ng second prize, at 113,000 katao ang nakatanggap ng maliit na halaga. Parang ang gandang pakinggan.
“Pero 35,998,956 katao ang natalo, at bawat isa ay nagbayad sa pakikipagsapalaran na manalo [at wala silang natanggap na kahit ano]” (sa Conference Report, Okt. 1985, 67; o Ensign, Nob. 1985, 52).
Ang ilang estado ng Amerika ay nagpapataw ng malaking buwis sa mga kasino na pinagmumulan ng kita ng gobyerno. Ang kompanyang nagpapatakbo rin nito ay kailangang kumita. At narito ang may-ari ng tiket na nanalo. At lahat ng iba pang bumili ng tiket ay wala ni kusing.
Lubos ang pasasalamat ko na noong itayo ng Panginoon ang Simbahang ito ay ibinigay Niya ang batas ng ikapu. Minsan ay nakausap ko ang opisyal ng ibang simbahan na, sa pagkaunawa ko ay umaasa sa pagpapalaro ng bingo dahil ito ang malaking pinagmumulan ng kita nito. Sinabi ko sa taong ito, “Naisip ba ninyo ang ikapu para matustusan ang inyong simbahan?” Sagot niya’y, “Oo, at oh, sana nga masunod namin ito sa halip na maglaro ng bingo. Pero hindi siguro ito mangyayari sa panahon ko.”
Nagbukas ng mga kasino sa mga Indian reservation para may pagkakitaan ang mga may-ari nito. Kaunti lang ang panalo, at mas marami ang talo. Kailangan nilang matalo para may manalo at para kumita ang kasino.
Kailan lang ay sinabi ng isa sa ating mga binatilyo, “Babayad ka ng limang dolyar sa sine; babayad ka ng limang dolyar para maglaro ng poker—pareho lang iyon.”
Hindi iyon pareho. Sa isa ay may kapalit ang ibinayad mo; sa isa naman, isa lang ang mag-uuwi ng panalo at walang maiiwan sa iba.
Batay sa karanasan ang paglalaro ng poker ay nauuwi sa pagkalulong sa sugal.
Simula pa noong una ay tutol na ang Simbahang ito sa pagsusugal.
Noon pa mang 1842, inilarawan na ni Joseph Smith ang kalagayan ng mga Banal na namuhay sa Missouri. Sabi niya, “Marami tayong biniling lupain, maraming ani ang ating mga bukirin, at nagtamasa ng kapayapaan at kaligayahan ang ating mga pamilya at tahanan, at ang buong kapitbahayan; ngunit dahil hindi tayo nakikihalubilo sa ating mga kapitbahay … sa magugulo nilang pagtitipon, sa paglabag nila ng Sabbath, sa karerahan ng kanilang mga kabayo, at pagsusugal, sinimulan muna nila tayong libakin, pagkatapos ay inusig, at sa huli’y bumuo ng mga mandurumog at sinunog ang ating mga tahanan, binuhusan ng alkitran at mga balahibo at pinahirapang mabuti ang marami nating kapatid, at sa huli, kahit labag sa batas, di-makatarungan at di-makatao, pinalayas sila sa kanilang mga tirahan” (sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo, [1965–75], 1:139).
Ganito ang sabi ni Brigham Young, noong Oktubre 1844, tungkol sa Nauvoo, “Sana’y sugpuin natin ang lahat ng tindahan ng alak, pasugalan, at lahat ng iba pang magugulong bahay o gawain sa ating lungsod, at huwag tulutan ang anumang paglalasing o bisyo sa ating kalipunan” (sa Messages of the First Presidency, 1:242).
Paulit-ulit na binanggit ng mga Pangulo ng Simbahan at mga tagapayo sa Panguluhan ang kasamaang ito. Sinabi ni George Q. Cannon, naging tagapayo sa tatlong Pangulo ng Simbahan, na: “Maraming kasamaan sa mundo na kailangang iwasan ng mga kabataan. Isa na rito ang pagsusugal. Maraming uri ang kasamaang ito ngunit lahat ng ito’y masasama at hindi dapat salihan ng mga tao” (Gospel Truth: Discourses and Writings of President George Q. Cannon, pinili ni Jerreld L. Newquist, 2 tomo [1974], 2:223).
Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith, “Tutol ang Simbahan sa pagsusugal at sa halip ay isinusumpa ito dahil mali ito. Itinuturing din ng Simbahan na sugal ang lahat ng uri ng laro ng pakikipagsapalaran, at mga loteriya at matinding tinututulan ang sinumang miyembro na sasali sa mga ito” (“Editor’s Table,” Improvement Era, Ago. 1908, 807).
Ipinayo ni Pangulong Heber J. Grant na: “Noon pa man at hanggang ngayon ang Simbahan ay tutol talaga sa anumang uri ng pagsusugal. Tutol ito sa anumang pakikipagsapalaran sa laro, trabaho, o sa tinatawag na negosyo, na kumukuha ng pera sa mga tao na lulong na rito nang walang ibinibigay na kapalit. Tutol ito sa lahat ng gawaing may tendensiyang … pababain o pahinain ang mataas na pamantayan ng kagandahang-asal na nananatiling taglay ng mga miyembro ng Simbahan, at ng ating komunidad” (sa Messages of the First Presidency, 5:245).
Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Mula pa sa simula ay pinayuhan na tayo laban sa anumang uri ng pagsusugal. Nasisira at napapahamak ang tao, manalo o matalo man siya, kapag nagkaroon siya ng pera nang walang kahirap-hirap, isang bagay na di naman niya pinagpaguran, isang bagay na hindi katumbas ng ibinayad” (sa Conference Report, Abr. 1975, 6; o Ensign, Mayo 1975, 6).
Ibinigay ni Elder Dallin H. Oaks, na kapiling nating ngayon, noong 1987 ang isang napakagandang diskurso tungkol sa paksang ito sa Ricks College noon. Ang pamagat ay “Gambling—Morally Wrong and Politically Unwise” (tingnan sa Ensign, Hunyo 1987, 69–75).
Sa mga pahayag na ito ng posisyon ng Simbahan ay idinaragdag ko ang sa akin. Ang paglilibang sa laro ng pakikipagsapalaran ay parang kasayahang di-nakapipinsala. Ngunit may matinding epekto ito na mababakas sa mukha ng mga naglalaro. At sa maraming pagkakataon ang gawaing ito, na parang hindi naman nakapipinsala, ay maaaring humantong sa adiksyon. Ang Simbahan noon pa man, at kahit ngayon, ay tutol sa gawaing ito. Kung hindi pa kayo nasangkot sa mga larong poker o iba pang uri ng sugal, huwag ninyong simulan. Kung nasangkot man kayo noon, tumigil na ngayon habang kaya pa ninyo.
May mas mabubuting paraan ng paggugol ng oras. May mas mabubuting mithiin na dapat pagtuunan ng pansin at lakas. Napakaraming magagandang aklat at magasin na dapat basahin. Hindi naman tayo masosobrahan ng mga bagay na ito. May musikang dapat pag-aralan at pakinggan. Masaya kapag may kasama—sa pagsasayaw, paglalakad, pagbibisikleta, o sa iba pang paraan—kung saan masayang magkakasama ang mga batang lalaki at babae sa mabubuting paraan.
May binabasa akong bagong aklat, na kailan lang inilathala ng Oxford University Press, na kilala ng marami sa atin. Ito’y naglalaman ng pag-aaral na ginawa ng mga miyembro ng faculty ng University of North Carolina sa Chapel Hill. Tungkol ito sa relihiyon at espirituwal na buhay ng mga tinedyer sa America. Tinanong ng mga nagsagawa ng pag-aaral ang mga kabataan ng iba’t ibang relihiyon at tradisyon. (Tingnan sa Christian Smith at Melinda Lundquist Denton, Soul Searching: The Religious and Spiritual Lives of American Teenagers [2005].)
Bilang konklusyon nasabi nilang mas maraming alam ang ating mga kabataang BHA tungkol sa kanilang pananampalataya, tapat sila dito, at mas sumusunod sa mga turo nito tungkol sa pakikihalubilo sa iba kaysa kanilang mga kabarkada.
Sinabi ng isa sa mga mananaliksik na, “Mataas ang ekspektasyon ng Simbahan na BHA mula sa mga tinedyer nito, at … kadalasan ay ginagawa ng mga tinedyer ang ipinagagawa sa kanila” (sa “LDS Teens Rank Tops in Living Their Faith,” ni Elaine Jarvik, Deseret News, Mar. 15, 2005, p. A3).
Natuklasang ang mga kabataan natin ay mas malamang na katulad ng relihiyon ng kanilang mga magulang. Minsan sa isang linggo ang pagsimba nila para ibahagi ang kanilang pananampalataya sa iba, para mag-ayuno na isang uri ng pagkakait sa sarili, at mabawasan ang pag-aalinlangan sa kanilang relihiyon.
Binanggit ng mga komentarista na maagang gumigising ang ating mga kabataan para magpunta sa seminary. “Mahirap gumising nang napakaaga,” sabi ng isang estudyante sa seminary. “Pero may dulot itong mga pagpapala. Napakagandang paraan para simulan ang maghapon.”
Sinabi ng mga mananaliksik na hindi lahat ng ating kabataan ay perpekto, pero sa pangkalahatan sila’y nangunguna sa kakaibang paraan. Idaragdag ko na walang panahon ang mga estudyanteng ito sa hayskul na maglaro ng poker.
Mahal kong mga batang kaibigan na kausap ko ngayong gabi, mahalagang-mahalaga kayo sa amin. Napakaimportante ninyo. Bilang mga miyembro ng Simbahang ito at may priesthood, napakalaki ng inyong responsibilidad. Pakiusap, pakiusap, huwag ninyong sayangin ang inyong panahon o mga talento sa walang kabuluhang gawain. Kung ito ang gagawin ninyo, mababawasan ang inyong kakayahan na gumawa ng mga makabuluhang bagay. Naniniwala akong pupurol kayo sa pag-aaral sa eskuwela. Malulungkot ang inyong mga magulang, at sa paglipas ng mga taon kapag nagbalik-tanaw kayo, malulungkot din kayo sa ginawa ninyo.
Ang priesthood na nasa inyong mga kabataang lalaki ay may pribilehiyo ng pangangasiwa ng mga anghel. Sang-ayon ako na ang pagsama ng mga anghel ay di angkop sa pagsali sa mga sugal.
“Ang tama ay piliin mo sa t’wina” (“Piliin ang Tama,” Mga Himno, blg. 145).
Nawa’y sumainyo ang mga pagpapala ng langit, ang mapagpakumbaba kong dalangin, sa pag-iiwan ko sa inyo ng aking patotoo sa gawaing ito at aking pagmamahal sa lahat ng kabahagi nito, sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.