2005
Ngayon ang Panahon Para Maghanda
Mayo 2005


Ngayon ang Panahon Para Maghanda

Ngayon ang panahon para maghandang harapin ang Diyos. Maaaring huli na ang lahat bukas.

Mahal kong mga kapatid, mula pa noong huli nating pangkalahatang kumperensya, ang aking sinta—ang pinakamamahal kong asawa sa loob ng 59 na taon—ay namatay na. Habang nasa bahay ako isang di-pangkaraniwang araw ng Sabado dahil wala akong asaynment, magkasama kaming nagtrabaho. Tapos na siyang naglaba noon. Tumulong ako sa pagbubuhat, pagtutupi, at isinalansan sa lalagyan. Tapos habang nakaupo kami sa sopa, na magkahawak-kamay, tuwang-tuwang nanonood ng telebisyon, ang aking mahal na si Dantzel ay payapang namatay. Bigla at hindi inaasahan ang kanyang pagkamatay. Apat na araw bago iyon, nakasaad sa ulat ng doktor matapos ang regular na pagsusuri sa kanya, na maayos naman ang resulta ng kanyang laboratory test. Nang wala na akong magawa para magbalik ang kanyang malay, nakadama ako ng matinding pagkabigla at lungkot. Ang pinakamatalik kong kaibigan, anghel na ina ng aming 10 anak, lola ng 56 na apo, ay kinuha sa amin.

Si Dantzel ay hindi lang minahal at mapagmahal na asawa. Siya’y isang guro: sa kanyang dakilang halimbawa, itinuro niya ang pananampalataya, kabutihang-asal. pagsunod, at awa. Tinuruan niya ako kung paano makinig at magmahal. Dahil sa kanya nalaman ko ang mga biyayang maaaring makamtan ng isang asawa, ama, at lolo.

Lubos ang pasasalamat ko sa matinding pagmamahal ng mga kaibigan sa iba’t ibang dako ng mundo. Di mabilang na sulat, tawag, kard, at iba pang mensahe ang ipinadala sa akin at sa aming pamilya. Lahat ng parangal ay pahayag ng magiliw na paghanga sa kanya at pagsimpatiya sa amin, na kanyang naulila. Napakarami ng mga mensaheng ito kaya’t nakapanghihinayang na di namin natugunan ang bawat isa sa mga ito. Hayaan ninyong pasalamatan ko kayong lahat sa labis ninyong kabaitan sa amin. Maraming-maraming salamat. Napakalaking kaaliwan ang dulot ng inyong mga ipinahayag sa aming pamilya sa oras na ito ng pagdadalamhati. Talagang mahal na mahal namin si Dantzel! Nami-miss namin siya.

Sa bigla niyang paglisan may matututuhan tayong napakahalagang aral: ngayon ang panahon para maghandang harapin ang Diyos. Maaaring huli na ang lahat bukas. Ganito ang sabi ng mga propeta sa lahat ng panahon: “Ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos… . Huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi.”1

Kailangang Maghanda na Ngayon

Ngunit marami pa rin ang nagpapaliban.2 Isang propeta ang nagbabala sa atin: “Hindi ninyo maaaring sabihin … na ako ay magsisisi, na ako ay babalik sa aking Diyos. Hindi, hindi ninyo maaaring sabihin ito; sapagkat yaon ding espiritu na nag-aangkin sa inyong mga katawan sa panahon na kayo ay pumanaw sa buhay na ito, yaon ding espiritung yaon ang … [mag-aangkin ng] inyong katawan sa walang hanggang daigdig na yaon.”3 Dagdag pa ng isang propeta: “Siya na marumi ay magiging marumi pa rin; at siya na mabuti ay magiging mabuti pa rin.”4

Napakagandang malaman na “anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli.”5 Mula kay Propetang Joseph Smith nalaman din natin na “Ang Diyos ay may … panahong … itinakda … kung kailan dadalhin Niya ang lahat ng Kanyang mga alagad, na sumunod sa Kanyang tinig at mga utos, sa Kanyang selestiyal na kapahingahan. Ang kapahingahang6 ito ay perpekto at maluwalhati, kung kaya kailangang maghanda ang isang tao bago siya makapasok dito at tamasahin ang mga biyaya nito, ayon sa mga batas ng kahariang iyon… . Nagbigay ang Diyos ng partikular na mga batas sa mga tao, na, kung susundin, ay sapat na para maihanda silang makamit ang kapahingahang ito.”7 Si Sister Nelson ay handang-handa!

Parang napakalayo ng dakilang mithiing iyon kung panghihinaan ng loob ang isang tao dahil sa problema at lungkot sa mundo. Naaalala ko nang sabihin ng isang kaibigan na may problema, “Bakit pa ba ako ipinanganak?” Sinasagot ng plano ng Diyos ang kanyang tanong. Naparito tayo sa mundong ito para magkaroon ng pisikal na katawan. Maaari tayong umibig at mag-asawa. Maaari tayong magkaanak at danasin ang mga pagsubok ng buhay sa mundo. (Patawarin ninyo ako kung sabay kong binanggit ang mga anak at mga pagsubok sa buhay. Para sa akin pareho silang bahagi ng pag-unlad.) Ibinalik ang Simbahan—nilikha ang mundo—para maibuklod ang mga pamilyang iyon sa mga banal na templo. Kung hindi, ang buong mundo ay “lubusang mawawasak.”8

Naparito tayo para subukan, at pumili.9 Ang ating mga desisyon ang magtatakda ng ating tadhana. Tayo ay “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan … o piliin ang pagkabihag at kamatayan.”10 Ang mga pipili sa pamamaraan ng Panginoon ay malamang na dumanas ng pag-uusig.11 Ngunit tiyak na gagantimpalaan sila. Ang mapatutunayang tapat “ay magmamana ng kaharian ng Diyos, … at ang kanilang kagalakan ay malulubos magpakailanman.”12 Nakamit ni Sister Nelson ang gantimpalang iyan. Napakalaking aliw ang dulot niyon sa akin at sa aming pamilya!

Ang mga pagsubok ay para sa mayaman at mahirap. Ilang taon na ang nakalilipas nang magpaopera sa akin ang isang napakayamang tao. Nakumpirma sa surgical biopsy na malala na ang kanser niya at kalat na sa buong katawan niya. Nang ibalita ko sa kanya ito, kaagad niyang naisip na umasa sa kayamanan niya. Pupunta siya kahit saan at gagawin ang lahat para gumaling lang siya. Akala niya mabibili niya ang kanyang kalusugan. Pero di nagtagal ay namatay siya. May nagtanong, “Gaano karaming yaman ang naiwan niya?” Siyempre ang sagot ay, “Lahat-lahat!”

Nakatuon ang mga priyoridad niya sa mga bagay ng daigdig. Maling pader ang nasandalan ng kanyang hagdan ng tagumpay. Iniisip ko siya kapag binabasa ko ang banal na kasulatang ito: “Masdan ang mga araw ng inyong pagsubok ay lumipas na; inyong ipinagpaliban ang araw ng inyong kaligtasan hanggang sa ito ay … huli na.”13

Kabaligtaran nito, pinaghandaan ni Sister Nelson sa buong buhay niya ang panahon ng pagbalik niya sa Diyos. Ipinamuhay niya ang bawat araw na parang iyon na ang huli. Pinahalagahan niya ang bawat oras, dahil alam niyang mahalaga ang oras sa mundo.

Ang ilang tao ay nabubuhay na para bang walang araw ng paghuhukom. Ang iba’y nagsasayang ng panahon ngayon dahil sa takot sa hinaharap o sa nakapaparalisang pagtutuon sa mga nagdaang kamalian. Makabubuting pakinggan natin ang mga salita ng makata, na nakapaskil sa isang sundial:

Ang aninong likha ng aking daliri

Ang bukas at kahapo’y hinahati:

Sa harap nito’y, ang oras na di pa dumarating,

Wala kang lakas na ito’y pigilin:

Sa likod nito’y ang oras na di mababalikan,

Lumipas na’t di na muling makakamtan.

Ang oras lamang na nasa iyong mga kamay,—

Ay ang NGAYON kung saan ang anino’y nakalagay.14

Paano Tayo Maghahanda?

Ngayon ang panahon. Pero paano tayo maghahanda? Simulan sa pagsisisi! Sabi ng banal na kasulatan: “Kung hinangad ninyong gumawa ng kasamaan sa mga araw ng inyong pagsubok, sa gayon matatagpuan kayong marumi sa harapan ng hukumang-luklukan ng Diyos; … walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos.”15 Ibinigay Niya ang simpleng patakarang ito: “Maliban sa kayo ay sumunod sa aking batas hindi ninyo matatamo ang kaluwalhatiang ito.”16

Ngayon ang panahon para ipakita ang paggalang sa pisikal na katawan ng tao. Ito’y nagsisilbing tabernakulo ng espiritu ng tao sa kawalang- hanggan. Ang mga hilig ng katawan ay dapat masupil ng determinasyon ng isang tao. Dapat nating “pagkaitan ang [ating] sarili ng lahat ng kasamaan.”17 Dapat nating “talikuran … ang lahat ng masama at mangunyapit sa lahat ng mabuti, [at] … mamuhay sa pamamagitan ng bawat salita na namumutawi sa bibig ng Diyos.”18

Dahil sa madalas at nakakatakot na mga kalamidad sa mundo, nagdududa ang ilang tao kung may Diyos nga. Pero, sa katotohanan, sinisikap Niya tayong tulungan. Inihayag Niya ang mga salitang ito: “Makailan kong tinawag kayo sa pamamagitan ng bibig ng aking mga tagapaglingkod, at sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel, at sa pamamagitan ng sarili kong tinig, at sa pamamagitan ng tinig ng mga kulog, at … mga unos, … mga lindol, … matinding ulan ng yelong bato, … taggutom at salot ng bawat uri, … at maliligtas sana kayo nang may walang hanggang kaligtasan, subalit ayaw ninyo!”19

Umaasa Siyang magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Nagiging karapat-dapat tayo roon sa pagsunod sa mga tipan at ordenansa ng templo—para sa ating sarili, pamilya, at mga ninuno. Hindi tayo magagawang ganap kung wala sila.20 Hindi maaaring pangarapin lang natin na makapasok sa kinaroroonan ng Diyos. Dapat nating sundin ang mga batas kung saan nakasalalay ang mga pagpapalang iyon.21

Makatarungan ang plano ng Diyos. Maging ang mga “nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na kanilang tatanggapin ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos.”22 Maawain din ang Kanyang plano. Kanyang “hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso.”23

Ngayon ang panahon para ibilang ang ating pangalan sa mga tao ng Diyos. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagbabayad ng ikapu. Pinagbabayad Niya ng ikapu ang Kanyang mga tao para mabiyayaan Niya.24 Itinuro ni Sister Nelson ang aral na iyan sa aming pamilya, nang paulit-ulit.25

Ngayon ang panahon para iayon ang ating mga mithiin sa mga mithiin ng Diyos. Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian—“na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”26—ay maaaring maging mithiin natin. Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa kasal sa templo, “Kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa pamamagitan ng aking salita, na siyang aking batas, at sa pamamagitan ng bago at walang hanggang tipan, … [sila ay] magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan, mga sakop, … kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay.”27 Dapat nating tularan ang halimbawa ng Panginoon, na magmahal tulad ng ginawa Niya, manalangin tulad ng ginawa Niya, at magtiis hanggang wakas tulad ng ginawa Niya.28

Kahalagahan ng Kamatayan sa Walang Hanggang Plano ng Diyos

Ang kamatayan ay mahalagang bahagi ng ating walang hanggang pag-iral. Walang nakaaalam kung kailan ito darating, pero mahalaga ito sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos.29 Salamat sa Pagbabayad-sala ng Panginoon, tunay na may pagkabuhay na muli at posibleng mabuhay nang walang hanggan ang lahat ng tao.30 Ang posibilidad na iyon ay maisasakatuparan kapag sinunod natin ang batas ng Diyos. Sabi niya, “Maliban kung inyong susundin ang mga kautusan ko, … hindi kayo kailanman maaaring makapasok sa kaharian ng langit.”31 Isang araw ay hahatulan tayo ng Panginoon 32 at pupunta sa sarili nating mansyon na inihanda sa tahanan sa langit ng ating Ama.33 Ang selestiyal na kaluwalhatian ay naghihintay sa mga naging tapat sa magiliw na mga utos ng Diyos.34

Mga kapatid, nabubuhay tayo para mamatay at namamatay tayo para mabuhay—sa ibang daigdig. Kung tayo ay lubos na handa, hindi tayo matatakot mamatay. Sa walang-hanggang pananaw, ang kamatayan ay maaga lamang para sa mga hindi handang humarap sa Diyos.

Ngayon ang panahon para maghanda. At, sa pagdating ng kamatayan, makapupunta tayo sa selestiyal na kaluwalhatian na inihanda ng Ama sa Langit para sa Kanyang matatapat na anak. Samantala, para sa mga naulila’t nagdadalamhating mahal sa buhay—tulad ng pamilya ko at ako—ang tibo ng kamatayan ay pinagiginhawa ng matatag na pananampalataya kay Cristo, ganap na kaliwanagan ng pag-asa, pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao, at matinding hangaring paglingkuran sila.35 Ang pananampalatayang iyon, ang pag-asang iyon, ang pag-ibig na iyon ang magpapaging- dapat sa atin na makapasok sa banal na kinaroroonan ng Diyos at, kasama ang ating asawa at walang-hanggang pamilya, ay mananahang kasama Niya magpakailanman. Ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Alma 34:32–33; tingnan din sa Alma 13:27.

  2. Ipinapayo ng banal na kasulatan sa bawat isa sa atin na “huwag nang patigasin pa ang inyong mga puso; sapagkat masdan, ngayon na ang panahon at ang araw ng inyong kaligtasan; … kaya nga, kung kayo ay magsisisi … , kapagdaka ang dakilang plano ng pagtubos ay madadala sa inyo” (Alma 34:31).

  3. Alma 34:34; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  4. Mormon 9:14; tingnan din sa 2 Nephi 9:15–16; D at T 88:27–32, 34–35; 130:2.

  5. D at T 130:18.

  6. Sa Bagong Tipan, ang salitang kapahingahan ay isinalin mula sa pangngalang pambabae ng Griyego na, katapausis, na ibig sabihin ay “ang makalangit na kaligayahan kung saan nananahan ang Diyos.” Kaya, ang kapahingahan ay tumutukoy sa kaluwalhatian.

  7. Teachings of the Prophet Joseph Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1976), 54.

  8. Tingnan sa D at T 2:1–3; 138:48; Joseph Smith—Kasaysayan 1:39.

  9. Tingnan sa 2 Nephi 9:27; D at T 98:12; Abraham 3:24–26.

  10. 2 Nephi 2:27.

  11. Tingnan sa II Kay Timoteo 3:12.

  12. 2 Nephi 9:18.

  13. Helaman 13:38.

  14. Henry Van Dyke, “The Sun-Dial at Wells College,” sa The Poems of Henry Van Dyke (1911), 345. Ang Sundial at tula ay nakadispley sa Wells College, Aurora, New York.

  15. 1 Nephi 10:21.

  16. D at T 132:21; tingnan din sa D at T 88:36–39.

  17. Moroni 10:32; tingnan din sa 2 Nephi 2:21; Mormon 9:28.

  18. D at T 98:11.

  19. D at T 43:25.

  20. Tingnan sa D at T 128:15, 18.

  21. Tingnan sa D at T 130:20–21.

  22. D at T 137:7.

  23. D at T 137:9.

  24. Tingnan sa Malakias 3:10; 3 Nephi 24:10. Inihahanda rin ng ikapu ang mga tao laban sa araw ng paghihiganti at pagsusunog (tingnan sa D at T 85:3).

  25. Tingnan sa Spencer J. Condie, Russell M. Nelson: Father, Surgeon, Apostle, (2003), 104.

  26. Moises 1:39; tingnan din sa Moises 6:59; Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 6:62.

  27. D at T 132:19; tingnan din sa D at T 75:5; 101:65.

  28. Tingnan din sa 2 Nephi 33:4; 3 Nephi 15:9; 27:21–22; D at T 14:7.

  29. Tingnan sa Alma 42:8–9.

  30. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:50–54; I Ni Juan 5:11, 20; Alma 12:25; Mormon 9:13; D at T 46:14; 76:40–42, 50–59; 133:62.

  31. 3 Nephi 12:20.

  32. Tingnan sa 1 Nephi 10:20; 2 Nephi 9:41–46; Alma 12:27.

  33. Tingnan sa Juan 14:2; D at T 98:18.

  34. Tingnan sa D at T 78:7; 131:1–3.

  35. Tingnan sa 2 Nephi 31:20; Mosias 16:7–8; Moroni 7:38–48.

Print