2005
Isa Pa
Mayo 2005


Isa Pa

Kailangan natin ng mas marami pang masisipag at may malusog na patotoong misyonero upang mas marami pang matulungang anak ng ating Ama sa Langit.

Mga kapatid, ilang linggo pa lang nang masaya naming kausapin ni Sister Ballard ang mga misyonero sa Provo Missionary Training Center. Tuwang-tuwa kaming makita ang maniningning at masisigla nilang mukha at madama ang presensya ng Espiritu ng Panginoon. Paalis na ang mababait na misyonerong ito upang dalhin ang mensahe ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo. Nagpapasalamat kami sa mga magulang, bishop, stake president, at lalo na sa mga kabataan sa pagtugon sa panawagan ng Propeta na mas masinsinang maghanda sa espirituwal para maglingkod sa Panginoon.

Nang ating “itaas ang panukat” para sa paglilingkod ng misyonero, sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Mahirap ang trabahong ito. Kailangan dito ang lakas at sigla; talas ng isipan at kakayahan; pananampalataya, hangarin, at lubos na paglalaan; malilinis na kamay at dalisay na puso.”

Sabi pa niya: “Dumating na ang panahon na kailangan nating itaas ang mga pamantayan sa … mga kinatawan ng Panginoong Jesucristo… . Hindi namin basta mapapayagan ang mga hindi karapat-dapat magmisyon na humayo sa mundo at ipahayag ang mabuting balita ng ebanghelyo” (“Paglilingkod Misyonero,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Ene. 11, 2003, 20).

Ngayo’y nananawagan kami sa mas karapat-dapat na mga misyonero, mga binatilyong naghandang maglingkod sa pagtanggap sa hamon ng ating Propeta “na didisiplinahin nila ang kanilang sarili, mamumuhay nang mas marangal sa daigdig, iiwasang magkasala at susundin ang mas mataas na pamantayan sa lahat ng kanilang aktibidad” (“Paglilingkod Misyonero,” 20).

Lumalaganap ang gawain ng Panginoon sa ating 339 na misyon, kaya dapat nating pagsikapang tiyakin na bawat 12-anyos na binatilyo ay marapat na maorden bilang deacon; bawat 14-anyos, bilang teacher; bawat 16-anyos, bilang priest, at bawat 18- hanggang 19-anyos ay marapat na tumanggap ng Melchizedek Priesthood. Magagawa natin ito kung ang puso ng ating mga binatilyo ay pupuspusin natin ng pagmamahal sa Panginoon, pag-unawa at pagpapahalaga sa Kanyang Pagbabayad-sala, at malinaw na pananaw sa kagila-gilalas na Panunumbalik.

Kapag naunawaan ng ating mga kabataan ang kahalagahan ng Panunumbalik ng ebanghelyo at nalaman sa kanilang sarili na ang Diyos ang ating Ama sa Langit at mahal Niya ang lahat ng anak Niya, na si Jesus ang Cristo, at magkasama Silang dumalaw kay Joseph Smith upang simulan ang huling dispensasyong ito ng panahon, nanaisin nilang tumulong sa paghahatid ng mensaheng ito sa mundo. Kapag napatunayan ng ating mga kabataan sa Aklat ni Mormon na ang mensahe ng Panunumbalik ay totoo, hahangarin nilang gawin ang kanilang bahagi sa pagtuturo ng mga katotohanang ito sa mga anak ng ating Ama sa Langit.

Nalaman namin sa mga misyonero sa Missionary Training Center kung ano ang higit na makakatulong sa kanila sa paghahanda sa misyon. Higit sa lahat ay nais sana nilang:

  • Higit na matutuhan ang doktrina sa pagtutuon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan

  • Matutong mag-aral at manalangin nang taimtim.

  • Maging higit na disiplinado at masipag.

  • Higit na maunawaan ang inaasahan [sa kanila].

  • Magkaroon ng mas maraming pagkakataong makapagturo.

  • Maging mas mahigpit ang mga bishop at magulang sa pag-iinterbyu sa kanila.

Mga kapatid, sama-sama nating maituturo ang ebanghelyo ni Jesucristo, sa kalinawan at kapangyarihan nito, sa lahat ng ating kabataan sa Simbahan. Sa tulong ng mga magulang, matutulungan natin silang maghanda para sa misyon at sa habambuhay na paglilingkod. Patuloy nating hanapin ang bawat isa sa mahal nating mga kabataan, gaano man sila kaaktibo, at paningningin ang Liwanag ni Cristo na taglay nila. Sabi ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang Liwanag ni Cristo ay para sa sanlibutan tulad ng sikat ng araw. Saan man may buhay, may Espiritu ni Cristo. Bawat kaluluwang buhay ay taglay ito… . Ito ang nagbibigay- inspirasyon sa lahat ng magbabasbas at magpapala sa sangkatauhan. Naghahatid ito ng kabutihan mismo” (“Ang Liwanag ni Cristo,” Liahona, Abr. 2005, 13).

Kaya nga alam natin na lahat ay taglay ang Liwanag ni Cristo. Responsibilidad nating mga magulang, guro, at lider na paningasin ang liwanag sa ating mga kabataan hanggang sa mag-alab ang patotoo sa kaibuturan ng kanilang puso’t kaluluwa, at hikayatin silang lahat na taglayin ang ningas na iyon at gamitin ito upang paningasin ang Liwanag ni Cristo sa iba.

Siyempre pa, batid ito ng kaaway at sinisikap niyang impluwensyahan ang ilan sa ating mga kabataan na balewalain ang mga turo ng Simbahan. Kaya nga dapat mag-usap-usap ang mga magulang, lider, at guro at kilalanin ang bawat kabataang lalaki’t babae—bawat isa. Aktibo man o hindi, dapat natin silang makilala.

Totoong itinaas na ang pamantayan sa ating mga misyonero. Sa gayo’y itinaas na rin ang pamantayan sa mga magulang at lider. Dapat nating pag-ibayuhin ang pananampalataya natin at dagdagan ang pagsisikap nating bigyan ng pagkakataong makapaglingkod ang bawat binatilyo.

Binanggit din ni Pangulong Hinckley ang alalahaning ito: “Kailangan natin ng mas maraming misyonero. Ang mensaheng itaas ang mga pamantayan sa mga kwalipikasyon ng misyonero ay hindi hudyat para bawasan ang ipadadalang mga misyonero kundi … panawagan sa mga magulang at lider na tulungan ang mga kabataang lalaki habang maaga pa na maging mas handa sa pagmimisyon at panatilihin silang marapat sa gayong paglilingkod. Lahat ng binatang karapat-dapat at may kakayahang pisikal at emosyonal ay dapat maghandang maglingkod sa napakahalagang gawaing ito” (“Sa mga Bishop ng Simbahan,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Hunyo 19, 2004, 30).

Gayundin naman sa mga dalagita, sinabi ni Pangulong Hinckley: “Nagkalituhan sa payo noon hinggil sa mga dalagang naglilingkod bilang mga misyonera. Kailangan natin ng ilang dalaga. Kamangha-mangha ang nagagawa nila. Napapasok nila ang mga tahanang hindi mapasok ng mga elder. Pero dapat tandaan na ang mga babae ay hindi obligadong magmisyon. Hindi nila dapat madama na may tungkulin silang katumbas ng sa mga binata, subalit nanaising magmisyon ng ilan” (“Sa mga Bishop ng Simbahan,” 30).

Mga kapatid, napakaraming gagawin. Binabantayan ng Espiritu ng Panginoon ang maraming bansa sa mundo. Nabubuksan sa atin ang mga pintuang dati-rati’y nakasara. Kailangan natin ng mas marami pang masisipag at may malusog na patotoong misyonero upang mas marami pang matulungang anak ng ating Ama sa Langit na nasa lugar na mararating natin. Sila ang ating mga kapatid, at responsibilidad nating ituro sa kanila ang mensahe ng Panunumbalik.

Alam natin na may mga dakilang bagay na nangyayari sa buhay ng mga tapat maglingkod sa full-time mission. Hindi madaling magmisyon, pero sulit na sulit ito. Ang mga naglilingkod at umuuwi nang may dangal ay nakapagtatag ng huwaran sa buhay pamumuhay at paglilingkod na magpapala sa sarili nilang buhay at sa mga susunod na henerasyon. Umuuwi sila na mas handang maging matatag na lider at titser sa mga organisasyon ng Simbahan, maging mabubuting ama’t ina at kayang ituro sa kanilang mga anak ang ebanghelyo. Ang paglilingkod sa full-time mission ay isang pagpapala sa mga nakilala at naturuan ng mga misyonero at sa mga misyonero mismo.

Ngayo’y may espesyal kaming hiling sa inyo na mga bishop at branch president. Batid naming kilala na ninyo ang mga nakapasa sa pamantayan at naghahanda sa pagtanggap ng tawag sa misyon ngayong taon. Hinihiling namin sa mga lider sa bawat yunit na sumangguni sa mga magulang, at ipagdasal na makakita ng isa pang binatilyo, maliban sa mga paalis na, na maaaring paglingkurin. Kung ipadadala ng mahigit 26,000 ward at branch sa Simbahan ang lahat ng plano nilang ipadala sa misyon at isa pa, darami ang mga full-time missionary natin at mas masusunod ang banal na utos sa atin na dalhin ang ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. Siyempre pa, ang mga misyonerong ito ay kailangang maging karapat-dapat, nananalig, malusog, at tapat sa pangako. Siguro’y hindi pa handa ngayon mismo ang isa pa. Kaya hinihilinlg namin sa mga magulang at miyembro ng stake at ward council na umasa sa nakauunawang kapangyarihan ng Espiritu Santo upang malaman kung sino ang tutulungan ninyong maghanda para sa misyon sa taong ito.

Sa pagtulong ninyo sa kanila, tandaan lang ang karanasan ng kaibigan ko. Kahit kaila’y hindi siya nagmay-ari ng kabayo hanggang sa mapangasawa niya ang isang napakabait na babaeng mahilig sa kabayo. Gusto niyang pahangain ang asawa, kaya isang gabi’y sinabi niyang pupunta siya sa pastulan para turuang sumunod ang isang bisiro. Mas mabigat siya sa bisiro. Mas marami siyang alam kaysa rito. Akala niya hahatakin lang ang lubid sa leeg ng bisiro at susunod kaagad ito. Tiwala siya na madali at simple lang ang proseso.

Kinabitan niya ng lubid ang pampigil sa ulo ng kabayo, pumuwesto sa harapan ng bisiro at humatak. Nanlaban ang bisiro. Lalo itong hinatak ng kaibigan ko, at lalong tinatagan ng bisiro ang mga paa nito. Kaya lalo siyang humatak, at bumaligtad ang bisiro. Paulit-ulit niya itong ginawa hanggang sa malaman ito ng kaibigan ko: apat o limang minuto lang ay naturuan niyang bumaligtad ang bisiro. Pumuwesto lang siya sa harapan nito, hinatak ang lubid, at bumaligtad na ito.

Sa wakas ay iminungkahi ng asawa niyang nanonood na sa halip na pumuwesto sa harapan ng bisiro at hatakin ito ay subukan niyang ikutin ang lubid sa bisiro at lumakad sa tabi nito. Sa gulat ng kaibigan ko, umubra ito.

Mukhang may isang bagay sa ating kalooban na ayaw masabihan o papilit o pahatak. Pero kung aakbayan ng isang tao ang isang binatilyo at tatabihan ito sa paglakad, malamang na sumabay ito at hangaring maglingkod. Pakatandaan ito habang pinatatatag ninyo ang patotoo ng isa pang makapaglilingkod.

Puwede ba akong magbigay ng tatlong mungkahing mapag-iisipan ninyo sa pagtatatag ng mayamang tradisyon sa paglilingkod ng misyonero sa inyong pamilya at sa mga stake, ward, o branch?

Una, tiyakin na nauunawaan ng lahat ng kabataan natin kung sino sila. Mula pa sa mga unang araw nila sa Primary, inaawit na ng mga anak natin ang “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 189). Ipaalam sa kanila ang tunay na kahulugan ng pagiging anak ng Diyos. Ipaalala na sila’y nasa panahong ito ng kasaysayan ng daigdig, na napasakamay nila ang kaganapan ng ebanghelyo, dahil buong- tapang silang pumili sa buhay bago sila isinilang. Dapat magpakatatag ang ating mga kabataan para sa katuwiran at katotohanan. Dapat nilang maunawaan ang mga biyayang mapapasakanila kapag nagpakita sila ng pagmamahal sa Ama sa Langit at Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng kahandaan nilang maglingkod.

Ikalawa, ituro ang doktrina. Bagama’t may angkop na puwang para sa mga aktibidad at pakikihalubilo sa buong programa natin para sa kabataan, ang doktrina ang nagsasanhi ng pagbabago at katapatan. May karapatang umasa ang ating mga kabataan na titiyakin ng kanilang mga magulang at lider at guro sa Simbahan na alam at nauunawaan nila ang ebanghelyo ni Jesucristo. Pagtitibayin ng Espiritu Santo ang katotohanan sa kanilang puso at paniningasin ang liwanag ni Cristo sa kanilang kaluluwa. At magkakaroon kayo ng isa pang ganap na handang misyonero. Kahapon, iminungkahi ni Elder Richard G. Scott na ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, ang bagong gabay na gamit ngayon ng ating mga misyonero sa pagtuturo ng ebanghelyo, ay magandang pagkunan ng tulong.

Sa huli, batid namin na hindi tamang harapin ng ilang kabataang lalaki’t babae ang mga hirap at hamon ng full-time mission. Kung hindi ipadala ng mga lider ng priesthood ang sinuman sa inyo sa full-time mission, sana’y tanggapin ninyo ng inyong pamilya ang desisyon at magpatuloy sa buhay. Maaari kayong maghandang makibahagi sa mga nakapagliligtas na ordenansa sa templo at makakita ng iba pang mga paraan para makapaglingkod. At hiling namin sa lahat ng miyembro natin na sumuporta at magpakita ng pagmamahal at pag-unawa sa pagtulong sa lahat ng tapat nating kabataan sa iba’t iba nilang katungkulan sa Simbahan.

Mga kapatid, idinaragdag ko ang aking patotoo sa sagradong misyon ng Panginoong Jesucristo at dalangin ko na nawa’y basbasan Niya ang lahat ng pagsisikap nating bigyang-inspirasyon ang ating mga kabataan at mag-asawa na magmisyon nang full-time. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.