Magalak at Maging Tapat sa Oras ng Pagsubok
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng lakas at ng pangwalang-hanggang pananaw na harapin ang anumang bagay na darating nang may galak.
Paano tayo makatatagpo ng kapayapaan sa mundong ito? Paano tayo makapagtitiis hanggang wakas? Paano natin madadaig ang mga problema at pagsubok na nahaharap sa atin?
Sinabi ng Tagapagligtas na si Jesucristo: “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian; ngunit laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”1
Bilang bahagi ng ating buhay sa lupa, dumaranas tayo ng paghihirap, pasakit, at kabiguan. Tanging kay Jesucristo lang tayo makatatagpo ng kapayapaan. Matutulungan Niya tayong magalak at madaig ang lahat ng hamon sa buhay na ito.
Ano ang ibig sabihin ng magalak? Ibig sabihin nito ay magkaroon ng pag-asa, huwag masiraan ng loob, huwag mawalan ng pananalig, at mabuhay nang may galak. “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.”2 Ibig sabihi’y harapin ang buhay nang may tiwala.
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng lakas at ng pangwalang-hanggang pananaw na harapin ang anumang bagay na darating nang may galak. Gayunman huwag nating maliitin ang mga problemang ipinropesiya para sa ating panahon.
Ano ang ilan sa mga problemang ito? Paano natin ito haharapin?
Ang ilan sa mga problemang ito ay kawalan ng pag-asa, pagmamahal, at kapayapaan.
Itinuro ni propetang Moroni, “Kung kayo ay walang pag-asa kayo ay talagang nasa kabiguan; at ang kabiguan ay dumarating dahil sa kasamaan.”3 Para sa marami, ang mga taong darating ay maaaring puno ng kabiguan. Mas matindi ang kasamaan, mas matindi ang kabiguan.
Sabi ng Tagapagligtas, “Dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pagibig ng marami ay lalamig.”4 Habang nag-iibayo ang kasamaan, naglalaho ang tunay na pagmamahalan. Bunga nito, sumisidhi ang takot, kawalang-katiyakan, at kabiguan!
Sabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith: “Ako ay … nagnanais na ang lahat ay makaalam na ang araw ay mabilis na darating … kung kailan ang kapayapaan ay aalisin sa mundo, at ang diyablo ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang sariling nasasakupan. At gayon din ang Panginoon ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang mga banal, at maghahari sa gitna nila.”5 Tayo’y nabubuhay sa panahong walang kapayapaan sa mundo.
Sa kabilang dako, nabubuhay tayo sa maluwalhating panahon, kung kailan ipinanumbalik na ng Panginoon ang Kanyang priesthood. Naipanumbalik na ang tunay na ebanghelyo. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos sa daigdig! Tumutulong tayong ihanda ang mundo para sa pagdating at paghahari mismo ng Panginoong Jesucristo.
Bakit tayo kailangang dumanas ng mga pagsubok sa buhay?
Hindi inililihim ng Panginoon na susubukin Niya ang ating pananampalataya at pagiging masunurin natin. “Susubukin natin sila,” sabi Niya, “upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”6
Natutuhan natin mula sa aklat na Eclesiastes: “Lahat ng bagay ay nagsisidating na parapara sa lahat: may isang pangyayari sa matuwid at sa masama; sa mabuti, at sa malinis, at sa marumi; … kung paano ang mabuti, gayon ang makasalanan… . May isang pangyayari sa lahat.”7 Maaaring may mangyaring unos sa buhay ng taong nagtayo ng kanyang buhay sa bato ng ebanghelyo, gayundin sa isang hangal na nagtayo ng kanyang buhay sa mga bagay ng daigdig na ito.”8
Paano tayo dapat tumugon sa mga pagsubok na ito?
Sabi ng Panginoon, “Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa araw-araw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.”9 Bawat araw kailangan nating pasanin ang ating krus at magpatuloy—at hindi lang tumingin-tingin nang walang ginagawa para sa ating walang- hanggang paglalakbay.
Paano natin malalaman kung tayo’y sinusubok o dili kaya’y pinarurusahan ng Panginoon?
Ang mga pagsubok ay mga oportunidad na umunlad. Sabi ng Panginoon, “Ang aking mga tao ay kinakailangang masubukan sa lahat ng bagay, nang sila ay maging handa sa pagtanggap ng kaluwalhatiang mayroon ako para sa kanila, maging ang kaluwalhatian ng Sion; at siya na hindi makapagbabata ng pagpaparusa ay hindi karapat-dapat sa aking kaharian.”10
Kapag sinusubukan tayo, isip-isipin natin at itanong, “Ano ang gustong ipagawa sa akin ng Panginoon sa sitwasyong ito?”
Sinambit ng Panginoon ang nakaaalong mga salitang ito kay Propetang Joseph Smith: “Alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti. Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?”11 Dapat nating isipin na ang bawat pagsubok ay isang pagkakataon para umunlad. Balang araw mauunawaan natin ang dahilan.
Sabi ng Panginoon, “Ang aking minamahal ay akin ding pinarurusahan upang ang kanilang mga kasalanan ay mapatawad, sapagkat kasama sa pagpaparusa ay aking inihahanda ang daan para sa kanilang ikaliligtas.”12 Mahal ng Panginoon ang bawat isa sa atin. Gusto Niya tayong lumigaya. Darating ang kaligayahang ito sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Jesucristo, tapat at tunay na pagsisisi, pagsunod sa Kanyang mga utos, at pagtitiis hanggang wakas.
Kung minsan naiisip nating hindi dinirinig o sinasagot ng Panginoon ang ating mga dalangin. Sa gayong mga pagkakataon, kailangang huminto muna tayo sandali at pag-isipan ang mga nagawa natin sa buhay. Kung kailangan, dapat nating iayon ang ating buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, inihayag ng Panginoon:
“Ako, ang Panginoon, ay hinahayaan ang paghihirap na dumating sa kanila, kung saan sila ay pinahirapan bunga ng kanilang mga paglabag… .
“Sila ay mabagal sa pagdinig sa tinig ng Panginoon nilang Diyos; kaya nga, ang Panginoon nilang Diyos ay mabagal sa pagdinig sa kanilang mga panalangin, sa pagsagot sa kanila sa araw ng kanilang suliranin.
“Sa araw ng kanilang kapayapaan ay hindi gaano nilang pinahalagahan ang aking payo; subalit, sa araw ng kanilang kaguluhan, dahil sa pangangailangan ay inaapuhap nila ako.”13
Kapag taos ang paghahangad nating iayon ang ating buhay sa kalooban ng Panginoon, lagi Siyang magiging handang tumulong na mapagaan ang ating mga pasanin.
Ano ang sumisira ng ating galak at pag-asa?
Sinabi ni Jesucristo sa Labindalawang Apostol ang ilang bagay na makasisira ng ating pag-asa, at magpapasuko sa atin: itinutulot na matukso ang ating sarili; hindi natitiis ang hirap, pasakit, at pag-uusig; takot tayo sa “mga alalahanin” ng mundo; inuuna ang pagpapayaman; sumusuko sa halip na magtiis hanggang wakas; at nagpapalinlang sa mga huwad na propeta.14
Ano ang nagbibigay sa atin ng tapang at pag-asa?
Ang paanyaya ng Panginoon sa atin ay “magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.”15 May kapangyarihan si Jesucristo na papahingahin tayo sa ating mga pasakit at pagdurusa.
Itinuro ni propetang Mormon:
“Kaya nga, kung ang isang tao ay may pananampalataya siya ay kinakailangang magkaroon ng pag-asa; sapagkat kung walang pananampalataya ay hindi magkakaroon ng kahit na anong pag-asa… .
“At kung ang isang tao ay maamo at may mapagpakumbabang puso, at kinikilala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo, kailangang magkaroon siya ng pag-ibig sa kapwa-tao.”16
Kung araw-araw tayong sasampalataya, magiging maamo, iibigin ang kapwa, magpapakumbaba, kinikilalang si Jesus ang Cristo, at tatanggapin ang Kanyang Pagbabayad-sala, bibiyayaan tayo ng lakas at pag-asang harapin at daigin ang mga pagsubok at pasakit sa buhay na ito.
Ano ang ilan sa mga pangako ng Panginoon sa bawat isa sa atin?
“Magalak, maliliit na bata; sapagkat ako ay nasa inyong gitna, at hindi ko kayo pinabayaan.”17
“Magalak, sapagkat akin kayong aakayin. Ang kaharian ay sa inyo at ang mga pagpapala nito ay sa inyo, at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo.”18
Babanggitin ko ang sinabi ni propetang Eter: “Kaya nga, sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya, na gumagawa ng isang daungan sa mga kaluluwa ng tao.”19
Ang Diyos ay ating Ama. Tayo’y Kanyang mga anak. Mahal Niya tayo. Hangad Niya ang kaligayahan natin dito sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Pinamumunuan tayo ng totoong propeta ng Diyos ngayon. Si Jesus ang Cristo. Sa pamamagitan Niya, makakatagpo tayo ng kapayapaan sa mundong ito. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.