Ang Ating Natatanging Katangian
Ang Priesthood ng Diyos … ay kailangang-kailangan sa totoong Simbahan ng Diyos sa pagiging kakaiba nito.
Halos 70 taon na ang nakalilipas si Pangulong David O. McKay, na noon ay tagapayo sa Unang Panguluhan ng Simbahan, ay nagtanong sa kongregasyon na nagtipon sa pangkalahatang kumperensya: “Kung ang bawat isa [sa inyo] sa sandaling ito ay hinilingang sabihin sa isang pangungusap … ang natatanging katangian ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ano ang isasagot ninyo?”
“Ang sagot ko,” sabi niya, “ay … banal na awtoridad sa pamamagitan ng tuwirang paghahayag.”1
Ang banal na awtoridad na iyon ay, siyempre pa, ang banal na priesthood.
Idinagdag ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kanyang patotoo nang sabihin niyang: “[Ang priesthood] ay pagpapakatawan ng banal na awtoridad, na kaiba sa lahat ng iba pang kapangyarihan at awtoridad dito sa lupa… . Natatanging kapangyarihan sa mundo na umaabot sa kabilang buhay… . Kung wala nito, maaaring magkaroon ng simbahan na pinangalanan lang, [isang simbahan] na kulang ng awtoridad na pangasiwaan ang mga bagay ng Diyos.”2
Mga apat na linggo pa lang ang nakalilipas sinabi ni Pangulong James E. Faust sa mga estudyante ng BYU sa kanilang debosyonal: “[Ang priesthood] ang nagpapasimula at namamahala sa lahat ng aktibiti ng simbahan. Kung walang mga susi at awtoridad ng priesthood, walang simbahan.”3
Magsisimula ako ngayong gabi sa tatlong maiikling pagbanggit (na maraming iba pa ang maidaragdag) para lubos na bigyang-diin ang isang paksa: na ang priesthood ng Diyos, kasama ang mga susi, mga ordenansa nito, ang banal na pinagmulan nito at kapangyarihang ibuklod sa langit ang ibinuklod sa lupa, ay kailangang-kailangan sa totoong Simbahan ng Diyos sa pagiging kakaiba nito at kung wala ito, wala Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Sa taong ito na ginugunita at ipinagdiriwang natin ang ika-200 anibersaryo ng kapanganakan ni Propetang Joseph Smith at ang ika-175 taon ng pagkakatatag ng Simbahan, hangad kong idagdag ang aking patotoo sa—at magpasalamat nang walang hanggan sa—panunumbalik ng banal na priesthood, ang banal na dulot nito, at ang ginagampanan nito sa ating buhay dito at sa kabilang buhay.
Ang mahalagang gamit ng priesthood sa pag-uugnay ng panahong ito at kawalang hanggan ay nilinaw ng Tagapagligtas nang itatag Niya ang Kanyang Simbahan sa panahon ng Kanyang ministeryo dito sa lupa. Sa Kanyang nangungunang Apostol na si Pedro, sinabi Niya, “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.”4 Makalipas ang anim na araw isinama Niya sina Pedro, Santiago, at Juan sa tuktok ng bundok kung saan Siya ay nagbagong-anyo sa kaluwalhatian sa harapan nila. Ang mga propeta sa mga naunang dispensasyon, kabilang sina Moises, at Elijah,5 ay nagpakita rin sa kaluwalhatian at ipanagkaloob ang iba’t ibang susi at kapangyarihan na taglay ng bawat isa.
Sa kasamaang-palad ang mga Apostol na iyon ay pinatay kalaunan o ang iba ay kinuha sa mundo, kasama ang mga susi ng priesthood, na naging resulta ng mahigit 1,400 taong pagkawala ng priesthood at banal na awtoridad sa mga anak ng tao. Subalit bahagi ng himala sa makabagong panahon at kagila-gilalas na kasaysayan, ipinagdiriwang natin ngayong gabi ang pagbabalik ng mga yaon ding makalangit na sugo sa ating panahon at ang panunumbalik ng gayunding kapangyarihang taglay nila para biyayaan ang buong sangkatauhan.
Noong Mayo 1829 habang isinasalin ang Aklat ni Mormon, nakita ni Joseph Smith ang isang sanggunian tungkol sa binyag. Tinalakay niya ang bagay na ito sa kanyang tagasulat, na si Oliver Cowdery, at taimtim na nanalangin ang dalawa sa Panginoon tungkol sa bagay na ito. Isinulat ni Oliver: “Ang aming kaluluwa ay matamang nakatuon sa taimtim na panalangin, para malaman kung paano namin matatamo ang mga biyaya ng binyag at ng Banal na Espiritu… . Taimtim naming hinanap ang … awtoridad ng banal na priesthood, at ang kapangyarihang mangasiwa sa priesthood na iyon.”6
Bilang sagot sa “taimtim na panalangin” na iyon, dumating si Juan Bautista, ipinanunumbalik ang mga susi at kapangyarihan ng Aaronic Priesthood, na naipagkaloob na sa ating mga binatilyo na narito ngayong gabi. Makalipas ang ilang linggo, sina Pedro, Santiago, at Juan ay bumalik upang ipanumbalik ang mga susi at kapangyarihan ng Melchizedek Priesthood, kabilang ang mga susi ng pagkaapostol. At nang maitayo ang templo kung saan makaparoroon ang iba pang makalangit na sugo, dito naganap noong Abril 3, 1836, ang gayunding pangyayari sa Bundok ng Pagbabagong-anyo sa ating makabagong panahon, na bahagi ng isang bagay na minsa’y tinawag ni Pangulong Hinckley na “pagbuhos [ng paghahayag] sa Kirtland” Kung saan nagpakita sa kaluwalhatian ang mismong Tagapagligtas, kasama sina Moises, Elijah, at Elias, kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery at ipinagkaloob ang mga susi at kapangyarihan mula sa kani-kanilang dispensasyon sa kalalakihang ito. Tinapos ang pagdalaw na iyon nang malakas na pahayag na ito, “Samakatwid, ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala sa inyong mga kamay.”7
Di nakapagtatakang isama iyon ni Propetang Joseph sa maikli at malinaw na mga saligang iyon ng ating pananampalataya, “Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon.”8 Malinaw, na ang paggawa nang may banal na awtoridad ay nangangailangan ng higit pa sa simpleng kasunduan ng kalalakihan. Hindi ito malilikha ng pagsasanay na panrelihiyon o pagbibigay-karapatan ng kongregasyon. Hindi, sa awtorisadong gawain ng Diyos dapat mayroong kapangyarihan na mas mataas kaysa sa taglay na ng mga tao sa mga kongregasyon o sa kalye o sa seminaryo—isang katotohanan na alam na at hayagang inamin ng maraming matatapat na nagsaliksik sa relihiyon sa loob ng maraming henerasyon na nagbigay-daan sa Panunumbalik.
Totoong di ginusto ng iilan noong panahong iyon na mag-angkin ng espesyal na awtoridad ang kanilang mga ministro, subalit halos lahat ng tao ay nanabik sa pagpapatibay ng priesthood ng Diyos at bigo kung saan sila tutungo para mahanap iyon.9 Sa diwang iyon, ang paghahayag ng panunumbalik ng awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ni Joseph Smith ay dapat na magpagaan sa napakatagal ng paghihinagpis ng mga taong nakadama sa sinabi nang buong tapang ng bantog na si Charles Wesley. Sa paghiwalay niya sa pinaniniwalaan ng kanyang mas bantog na kapatid na si John sa desisyon nito na mag-orden nang walang awtoridad, isinulat ni Charles nang may ngiti:
“Magtalaga ng obispo’y kaydali
Sa kapritso lang ng sinuman:
Inordenan si Coke ni Wesley,
Pero ang sa kanya’y sino naman?”10
Sa pagtugon sa mapaghamong tanong na iyon, tayo sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, ay matutunton ang linya ng awtoridad ng priesthood na gamit ng pinakabagong deacon sa ward, ng bishop na nangungulo sa kanya, at ng propeta na nangungulo sa ating lahat. Ang linya ay matutunton pabalik sa tuloy-tuloy na kawing sa mga nagministeryong anghel na galing sa Anak ng Diyos Mismo dala ang di matatawarang kaloob na ito mula sa langit.
Ah, kailangang-kailangan natin ang mga biyayang ito—bilang Simbahan at bilang indibiduwal at pamilya sa Simbahan. Isa pang paglalarawan:
Kanina nagsalita ako tungkol sa panahon ng Kirtland sa kasaysayan ng Simbahan. Ang mga taong 1836 at 1837 ang pinakamahirap kaya’t ang katatatag pa lamang na Simbahan ay nakaranas ng—problemang pinansiyal, pulitikal, at mga bagay na may kinalaman sa mga miyembro ng Simbahan. Sa gitna ng kahirapang iyon, si Joseph Smith ay kahanga-hangang nainspirasyunan bilang propeta na ipadala ang ilan sa kanyang mahuhusay na kalalakihan (sa huli ang buong Korum ng Labindalawang Apostol) sa ibang bansa para magmisyon. Ito’y walang takot, inspiradong desisyon, na sa huli ay nagligtas sa Simbahan sa problema nang panahong iyon, sa simula ito’y napakabigat na pasanin sa mga Banal—masakit sa mga nagmisyon at marahil mas masakit sa mga naiwanan.
Babanggitin ko ang sinabi ni Elder Robert B. Thompson:
“Ang itinalagang araw ng pag-alis ng mga Elder patungong Inglatera ay sumapit na. [Huminto] ako sa bahay ni Brother [Heber C.] Kimball para tiyakin kung kailan siya mag-uumpisa [sa kanyang biyahe], dahil inaasahan kong sasamahan ko siya sa paglalakbay nang dalawa o tatlong daang milya, na balak gawin ang aking mga gawain sa Canada nang panahong iyon.
“Dahil bahagyang nakabukas ang pinto, pumasok ako at namangha sa nakita. Aalis na sana ako, sa pag- aakalang nakakaabala ako, subalit tila ba hindi ako makakilos. Ibinubuhos ng ama ang kanyang kaluluwa sa … [Diyos, nanalangin] na Siya na ‘pinangangalagaan ang mga maya, at pinakakain ang uwak kapag ang mga ito ay umiiyak’ ay maglaan ng mga pangangailangan ng kanyang asawa at mga anak sa kanyang pag-alis. Pagkatapos, siya tulad ng mga patriarch, at sa bisa ng awtoridad ng kanyang tungkulin, ay ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanilang uluhan nang paisa-isa, nagbigay ng basbas ng ama sa kanila, … ipinagkatiwala sila sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos, habang nangangaral siya ng Ebanghelyo sa ibang lupain. Habang ginagawa [ang pagbabasbas na iyon] halos hindi na marinig ang kanyang tinig sa hikbi ng mga nakapalibot [sa kanya], na [sa kabataan nila ay pinipilit na maging malakas subalit hirap namang gawin ito.] … Nagpatuloy siya, subalit labis na naantig ang kanyang puso … . Napilitan siyang huminto sandali, habang … dumadaloy ang maraming luha sa kanyang mga pisngi, na ipinapakita ang kanyang nadarama. Hindi bato ang puso ko at di ko napigilang umiyak,” sabi ni Brother Thompson. “Naiyak na rin ako tulad nila. At nagpasalamat din ako na nagkaroon ako ng pribilehiyong masaksihan ang pangyayaring iyon.”11
Ang pangyayaring iyon ay nagaganap sa maraming iba’t ibang paraan nang libu-libong beses, sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—ang pagkatakot, pangangailangan, tungkulin, panganib, sakit, aksidente, kamatayan. Nasaksihan ko ang bawat sandaling iyon. Nakita ko ang kapangyarihan ng Diyos sa aking tahanan at sa aking ministeryo. Nakita kong pinalayas ang masasama at napigilan ang mga likas na elemento ng mundo. Alam ko ang ibig sabihin ng malalaking bundok na nalipat at malawak na Dagat na Pula na nahati. Alam ko ang ibig sabihin ng “[nalampasan] sila”12 ng mapangwasak na anghel. Ang matanggap ang awtoridad at magamit “ang Banal na Priesthood, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos,”13 ay pinakadakilang biyaya sa akin at sa pamilya ko at siyang pinakaaasam ko sa mundong ito. At iyon, sa huli, ang kahulugan ng priesthood sa simpleng salita—ito’y di mapapantayan, walang katapusan, di pabago-bago ang kakayahang magbasbas.
Lakip ang pasasalamat sa gayong mga biyaya, nakikiisa ako sa inyo at sa koro ng buhay at ng mga patay sa pag-awit sa taong ito ng paggunita, “Purihin s’yang kaniig ni Jehova!”14—at kaniig nina Adan; Gabriel; Moises at Moroni; Elijah; Elias; Pedro, Santiago at Juan; Juan Bautista; at marami pang iba.15 Tunay na “hinirang ni Cristo [ang] Propeta [at Tagakitang iyon].”16 Nawa’y pahalagahan nating mga bata at matatanda, mga batang lalaki at kalalakihan, mga ama at anak, ang priesthood na sa pamamagitan ni Joseph Smith ay naibalik, mga susi at ordenansa ng priesthood na sa pamamagitan lamang nito naipapakita ang kapangyarihan ng kabanalan at kung wala ito ay hindi ito maipapakita.17 Pinatototohanan ko ang panunumbalik ng priesthood at ang napakahalagang “natatanging katangian” ng totoong Simbahan ng Diyos na naroon na, sa pangalan Niya na pinagmulan ng priesthood, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.