Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo— Malilinaw at Mahahalagang Bagay
Ang Aklat ni Mormon ay isang walang-katapusang yaman ng dunong at inspirasyon, ng payo at pagwawasto.
Sabi ni Joseph Smith, “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alinmang aklat.” (Pambungad sa Aklat ni Mormon; tingnan din sa History of the Church, 4:461).
Ang unang edisyon ng Aklat ni Mormon: Isa Pang tipan ni Jesucristo ay inilimbag sa Palmyra, New York, noong Marso ng 1830. Kalilipas lang ng ika-24 na kaarawan ni Joseph Smith—isang mangmang ng batang magbubukid. Isang taon bago iyon, mga 65 araw ang ginugol niya sa pagsasalin ng mga lamina. Halos kalahati nito ay noong matanggap na niya ang priesthood. Pitong buwan ang ginugol sa paglilimbag.
Nang una kong basahin ang Aklat ni Mormon mula simula hanggang wakas, nabasa ko ang pangako na kung ako ay “[magtatanong] sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung [ang mga bagay na nabasa ko ay] totoo; at kung [ako] ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa [akin], sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4). Sinubukan kong sundin ang mga biling iyon, ayon sa pagkaunawa ko.
Inasahan ko mang agad dumating ang maluwalhating pagpapahayag bilang makapangyarihang karanasan, hindi ito nangyari. Gayunpaman, maganda ang pakiramdam ko, at nagsimula akong maniwala.
Mas matindi ang pangako sa kasunod na talata: “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5; idinagdag ang pagbibigay-diin). Hindi ko alam kung paano kumilos ang Espiritu Santo, kahit ilang beses pa ito ipinaliwanag sa Aklat ni Mormon sa ilang paraan.
Napag-aralan at nalaman ko na “ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; anupa’t, nangungusap sila ng mga salita ni Cristo.” Sinabi rin doon na ang isang tao ay dapat “magpakabusog … sa mga salita ni Cristo; … [na may pangako na] ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).
At malinaw nitong sinabi na “kung hindi ninyo naunawaan … iyan ay dahil sa hindi kayo humihingi, ni kayo ay kumakatok” (2 Nephi 32:3).
Nabasa ko rin, “Kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5). Ginawa ko na iyon nang makumpirma akong miyembro ng Simbahan sa “pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4).
Kung umasa ako sa kawalang-malay ko ng kakaibang espirituwal na karanasan, hindi ito nangyari. Sa paglipas ng mga taon sa pakikinig ko sa mga pangaral at aralin at kababasa ng Aklat ni Mormon, nagsimula akong makaunawa.
Minaltrato ng mga kapatid niya si Nephi at ipinaalala niya sa kanila na sinabi sa kanila ng isang anghel, “datapwat kayo ay manhid, kung kaya’t hindi ninyo madama ang kanyang mga salita” (1 Nephi 17:45). Nang maunawaan ko na nakikipag-ugnayan ang Espiritu Santo sa ating damdamin, naunawaan ko kung bakit maganda ang pakiramdam ko sa mga salita ni Cristo, sa Bagong Tipan man o sa Aklat ni Mormon o iba pang banal na kasulatan. Kalaunan, nalaman ko na may sagot ang mga banal na kasulatan sa mga bagay na dapat kong malaman.
Nabasa ko, “Ngayon, ito ang mga salita, at maaari ninyong ihalintulad ang mga ito sa inyo at sa lahat ng tao” (2 Nephi 11:8; idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa 1 Nephi 19:23–24; 2 Nephi 6:5; 11:2). Naunawaan ko na ang mga banal na kasulatan ay angkop sa akin mismo, at angkop ito kaninuman.
Kapag nagkaroon ng kahulugan sa akin ang isang talatang paulit-ulit kong binasa, naisip ko na ang sumulat niyon ay may malalim at malawak na pag-unawa sa buhay at damdamin ko.
Halimbawa, nabasa ko na kinain ni Propetang Lehi ang bunga ng punungkahoy ng buhay at sinabi, “Anupa’t nagsimula akong magkaroon ng pagnanais na makakain din nito ang aking mag-anak; sapagkat alam ko na ito ay higit na kanais-nais sa lahat ng iba pang bunga” (1 Nephi 8:12). Hindi lang minsan ko binasa iyan. Wala itong gaanong kahulugan sa akin.
Sinabi rin ni propetang Nephi na kanyang isinulat “ang mga bagay ng aking kaluluwa … para sa ikatututo at kapakinabangan ng aking mga anak” (2 Nephi 4:15). Nabasa ko na iyan noon, pero wala rin itong gaanong kahulugan sa akin. Pero nang magkaanak kami, naunawaan ko na kapwa labis na nag-alala sina Lehi at Nephi sa kanilang mga anak gaya ng pag-aalala natin sa ating mga anak at apo.
Malinaw at mahalaga sa akin ang mga banal na kasulatang ito. Inisip ko kung paano nagkaroon ng gayong kaalaman ang batang si Joseph Smith. Ang totoo, hindi ako naniniwalang may gayong katindi siyang kaalaman. Hindi niya kailangan iyon. Isinalin lang niya ang nakasulat sa mga lamina.
Ang gayong malilinaw at mahahalagang kaalaman ay nasa buong Aklat ni Mormon. Nakikita rito ang lawak ng karunungan at karanasang hindi likas sa isang 23 anyos.
Nalaman ko na sinuman, saanman, na makabasa sa Aklat ni Mormon ay makatatanggap ng inspirasyon.
Ilang kaalaman ang dumating matapos ang ikalawa, kahit ikatlong pagbasa at parang “angkop” sa naranasan ko sa buhay.
Babanggitin ko ang isa pang malinaw at mahalagang kaalaman na hindi dumating sa unang pagbasa sa Aklat ni Mormon. Noong 18 anyos ako, natawag ako sa militar. Kahit wala akong dahilang pag-isipan ito noon, nag-alala ako nang husto kung tama bang pumunta ako sa digmaan. Di nagtagal, nalaman ko ang sagot sa Aklat ni Mormon:
“Hindi sila [mga Nephita] nakikipaglaban para sa kaharian ni kapangyarihan kundi sila ay nakikipaglaban para sa kanilang mga tahanan at kanilang mga kalayaan, kanilang mga asawa at kanilang mga anak, at ang lahat-lahat sa kanila, oo, para sa kanilang mga seremonya ng pagsamba at kanilang simbahan.
“At ginagawa nilang yaong inaakalang tungkulin nila na utang nila sa kanilang Diyos; sapagkat sinabi ng Panginoon sa kanila, at gayon din sa kanilang mga ama, na: Yaman din lamang na hindi kayo ang may kagagawan ng unang pagsalakay, ni ng pangalawa, hindi ninyo pahihintulutan ang inyong sarili na mapatay ng mga kamay ng inyong mga kaaway.
“At muli, sinabi ng Panginoon na: Ipagtanggol ninyo ang inyong mga mag-anak maging hanggang sa pagdanak ng dugo. Kaya nga sa dahilang ito nakikipaglaban ang mga Nephita sa mga Lamanita, upang ipagtanggol ang kanilang sarili, at kanilang mga mag-anak, at kanilang mga lupain, kanilang bayan, at kanilang mga karapatan, at kanilang relihiyon” (Alma 43:45–47).
Sa pagkaalam nito, handa akong maglingkod sa militar nang may dangal.
Isa pang halimbawa: Minsa’y nahirapan kaming magdesisyon. Nang alinlangan pa rin kami matapos magdasal, pinuntahan ko si Elder Harold B. Lee. Pinayuhan niya kaming magpatuloy. Nang mahiwatigang hindi ako panatag, sabi niya, “Ang hirap sa iyo, gusto mo nang makita ang kahihinatnan gayong nagsisimula ka pa lang.” Pagkatapos ay binanggit niya ang talatang ito sa Aklat ni Mormon, “Huwag magtalu-talo dahil sa hindi ninyo nakikita, sapagkat wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya” (Eter 12:6).
Dagdag pa niya, “Kailangan mong matutong lumakad ng ilang hakbang patungo sa kadiliman, at magniningning ang liwanag sa iyong harapan.” Nagpapabago ng buhay ang isang talatang iyon sa Aklat ni Mormon.
Hindi ba ninyo nadarama kung magkaminsan ang nadama ni Nephi na nagsabing, “Ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin”? (1 Nephi 4:6). Hindi ba ninyo nadarama ang panghihina kung minsan?
Nanghina at natakot si Moroni na “baka kutyain [nila] ang aming mga salita [dahil sa aming kahinaan].
“… Ang Panginoon ay nangusap sa [kanya], sinasabing: Ang mga hangal ay nangungutya, subalit sila ay magdadalamhati; at ang aking biyaya ay sapat para sa maaamo, na hindi sila magsasamantala sa inyong kahinaan;
“At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:25–27; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Napakabilis ng takbo ng buhay. Kapag kayo ay nanghihina, bigo, malungkot, o takot, buklatin at basahin ang Aklat ni Mormon. Huwag ninyong palampasin ang maraming oras bago basahin ang isang talata, isang kaisipan, o isang kabanata.
Naranasan ko na hindi biglang dumarating sa atin ang patotoo. Bagkus ay lumalago ito, tulad ng sabi ni Alma, mula sa isang binhi ng pananampalataya. “Ito ay makapagpapalakas sa inyong pananampalataya sapagkat inyong sasabihin na alam kong ito ay isang mabuting binhi; sapagkat masdan, ito ay sumisibol at nagsisimulang tumubo” (Alma 32:30). Kapag inalagaan ninyo ito, ito ay lalago; at kung hindi naman, ito ay malalanta (tingnan sa Alma 32:37–41).
Huwag panghinaan ng loob kung ilang ulit na kayong nagbasa pero wala pa ring matanggap na malakas na patunay. Maaari kayong matulad sa mga disipulong tinukoy sa Aklat ni Mormon na puno ng kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian “at hindi nila nalalaman ito” (3 Nephi 9:20).
Gawin ang lahat ng kaya ninyo. Isipin ang talatang ito: “Tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas. At muli, kinakailangang siya ay maging masigasig, nang sa gayon siya ay magkamit ng gantimpala, anupa’t ang lahat ng bagay ay dapat na gawin nang maayos” (Mosias 4:27).
Ang mga espirituwal na kaloob na nakalarawan sa Aklat ni Mormon ay nasa ating Simbahan ngayon—mga dikta, paramdam, paghahayag, panaginip, pangitain, pagdalaw, himala. Matitiyak ninyo na ang Panginoon ay magpapakita, at kung minsa’y talagang ipinakikita ang Sarili na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. Nangyayari ang mga himala.
Sabi ni Mormon: “Tumigil na ba ang araw ng mga himala?
“O ang mga anghel ba ay huminto ng pagpapakita sa mga anak ng tao? O kanya bang ipinagkait ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa kanila? O kanya ba, habang ang panahon ay magtatagal, o ang mundo ay nakatindig, o mayroon pa bang isang tao sa ibabaw ng lupa na nararapat iligtas?
“Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga himala ay nagagawa” (Moroni 7:35–37).
Laging magdasal—mag-isa man o kasama ang inyong pamilya. Darating ang mga sagot sa maraming paraan.
Ang ilang salita o mga kataga sa talata, tulad ng “ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10) ay magsasabi sa inyo na totoong may diyablo at kung paano siya kumikilos.
“Sapagkat sa ganitong pamamaraan gumagawa ang diyablo, sapagkat hindi niya hinihikayat ang sinumang tao na gumawa ng mabuti, wala, kahit isa; ni ang kanyang mga anghel; ni sila na nagpapasakop ng kanilang sarili sa kanya” (Moroni 7:17).
Itinuro ng mga henerasyon ng mga propeta ang mga doktrina ng walang-hanggang ebanghelyo upang protektahan “ang mga mapayapang tagasunod ni Cristo” (Moroni 7:3).
Nakita ni Mormon ang ating panahon. Nagbabala siya: “Maliban kung parurusahan ng Panginoon ang kanyang mga tao sa pamamagitan ng maraming pagdurusa, oo, maliban kung kanyang parurusahan sila sa pamamagitan ng kamatayan at sa pamamagitan ng sindak, at sa pamamagitan ng taggutom at sa pamamagitan ng lahat ng uri ng salot, ay hindi nila siya maaalaala” (Helaman 12:3).
Nang dalawin ng Panginoon ang mga Nephita, tinanong nila kung “paano [nila] tatawagin ang Simbahang ito; sapagkat may mga pagtatalo sa mga tao hinggil sa mga bagay na ito.
“… Sinabi ng Panginoon sa kanila: … bakit kinakailangang bumulung-bulong ang mga tao at magtalo dahil sa bagay na ito?
“Hindi ba nila nabasa ang mga banal na kasulatan, na nagsasabing inyong taglayin ang pangalan ni Cristo, na aking pangalan? Sapagkat sa pangalang ito kayo tatawagin sa huling araw” (3 Nephi 27:3–5).
Ang pinakalayunin ng Aklat ni Mormon ay ang patotoo nito kay Jesucristo. Sa mahigit 6,000 talata sa Aklat ni Mormon, mahigit kalahati nito ang tuwirang patungkol sa Kanya.
Kaya, “nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).
Ang Aklat ni Mormon ay isang walang-katapusang yaman ng dunong at inspirasyon, ng payo at pagwawasto, na “iniangkop sa kakayahan ng mahihina at ng pinakamahihina sa [atin]” (D at T 89:3). Sagana rin ito sa pangangalaga sa matatalino, kung sila ay magpapakumbaba (tingnan sa 2 Nephi 9:28–29).
Mula sa Aklat ni Mormon nalalaman natin:
Ang plano ng kaligtasan o “ang dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8; tingnan din sa Alma 42:5, 8, 12, 30)
Ang doktrina ni Cristo at Pagbabayad-sala (tingnan sa 2 Nephi 31:2–21; 32:1–6; 3 Nephi 11:31–40; 27:13–21)
Kung bakit kailangan ang kamatayan (tingnan sa 2 Nephi 9:4–6; Mosias 16:8–9; Alma 12:25–27)
Ang kabilang buhay sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa Alma 40:11–14)
Ang mga gawain ng diyablo (tingnan sa 2 Nephi 2:27; Alma 28:13; 3 Nephi 2:2)
Ang orden ng priesthood (tingnan sa Mosias 29:42; Alma 4:20; 5:3, 44; Alma 13:1–10)
Ang mga panalangin sa sakrament (tingnan sa Moroni 4:3; 5:2)
Ang tiyak na paraan sa paghatol sa mabuti at masama (tingnan sa Moroni 7:16)
Kung paano mapananatili ang kapatawaran sa inyong mga kasalanan (tingnan sa Mosias 4:26)
Ang malinaw, malapropesiyang mga babala at maraming-marami pang bagay ukol sa pagtubos sa tao at sa ating buhay. Lahat ay bahagi ng kaganapan ng ebanghelyo (tingnan sa D at T 20:9).
Pinagtitibay sa Aklat ni Mormon ang mga turo sa Lumang Tipan. Pinagtitibay nito ang mga turo sa Bagong Tipan. Pinanunumbalik nito ang “maraming malinaw at mahahalagang bagay” (1 Nephi 13:28) na nawala o binawi sa kanila (tingnan din sa 1 Nephi 13:20–42; 14:23). Totoong ito’y isa pang tipan ni Jesucristo.
Sa taong ito ipinagdiriwang natin ang ika-175 anibersaryo ng organisasyon ng Simbahan at ika-200 anibersaryo ng kapanganakan ni Propetang Joseph Smith. Sa Simbahan, marami ang isusulat at sasabihin upang parangalan siya.
Tulad ng dati, maraming sasabihin at isusulat upang siraan siya. Noon pa naman, at kahit ngayon, at sa hinaharap ay may magsasaliksik sa mga 200-taon nang mga tala, na umaasang makakakita sila ng kahina-hinalang sinabi o ginawa ni Joseph para hamakin siya.
Sinasabi sa atin sa mga paghahayag na “yaon na magtataas ng kanyang sakong laban sa aking hinirang, wika ng Panginoon, at sumisigaw na sila ay nagkasala kahit na hindi sila nagkasala sa aking harapan, wika ng Panginoon, kundi ginawa ang yaong nararapat sa aking mga paningin, at yaong aking iniuutos sa kanila” (D at T 121:16). Tunay na mabigat ang parusa sa kanila.
Hindi natin kailangang ipagtanggol si Propetang Joseph Smith. Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo ang magtatanggol sa kanya para sa atin. Ang mga tatanggi kay Joseph Smith bilang propeta at tagapaghayag ay kailangang maghanap ng paliwanag para sa Aklat ni Mormon.
At ang ikalawang makapangyarihang depensa: ang Doktrina at mga Tipan, at ang ikatlo: ang Mahalagang Perlas. Inilathala nang magkakasama, ang mga banal na kasulatang ito ang bumubuo sa di-matitinag na patotoo na si Jesus ang Cristo at saksi na si Joseph Smith ay propeta.
At kasali ako sa milyun-milyong iba pa na gayon ang patotoo, at iniiwan ko ito sa inyo sa ngalan ni Jesucristo, amen.