Ang Magiliw na Awa ng Panginoon
Nagpapatotoo ako na ang magiliw na awa ng Panginoon ay makakamit nating lahat at nasasabik ang Manunubos ng Israel na ipagkaloob sa atin ang mga kaloob na iyon.
Anim na buwan na nang tumayo ako sa pulpitong ito sa unang pagkakataon bilang pinakabagong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Noon at lalo na ngayon, nadarama ko ang bigat ng tungkuling maglingkod at ang responsibilidad na magturo nang buong linaw at magpatotoo nang may awtoridad. Idinadalangin ko at inaanyayahan ang paggabay ng Espiritu Santo habang ako’y nagsasalita sa inyo.
Ngayong hapon gusto kong ilarawan at banggitin ang espirituwal na impresyong natanggap ko mga ilang sandali bago ako tumuntong sa pulpitong ito noong sesyon sa Linggo ng umaga ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre. Katatapos lang magsalita noon ni Elder Dieter F. Uchtdorf at ipinahayag ang kanyang makapangyarihang patotoo sa Tagapagligtas. Pagkatapos lahat tayo’y tumayo para awitin ang himnong binanggit ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Ang intermediate hymn nang umagang iyon ay “Manunubos ng Israel” (Mga Himno blg. 5).
Ang mga musika para sa iba’t ibang sesyon ng kumperensya ay napili na ilang linggo pa bago ito sumapit—at siyempre bago pa dumating ang bagong tungkulin ko na maglingkod. Pero kung sakali mang inimbitahan akong magmungkahi ng intermediate hymn para sa sesyon na iyon ng kumperensya—isang himnong magbibigay-sigla at papanatag sa aking espiritu at sa kongregasyon bago ko ibigay ang unang mensahe ko sa Conference Center na ito—pipiliin ko ang paborito kong himno na, “Manunubos ng Israel.” Napuno ng luha ang mga mata ko habang nakatayo ako’t kasama ninyong inaawit ang nakaaantig na himnong iyon ng Panunumbalik.
Nang patapos na ang pagkanta, pumasok sa aking isipan ang talatang ito sa Aklat ni Mormon: “Datapwat masdan, ako, si Nephi, ay magpapatunay sa inyo na ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas” (1 Nephi 1:20).
Kaagad natuon ang isip ko sa kataga ni Nephi na “magiliw na awa ng Panginoon,” at nalaman ko noon din mismo na tinanggap ko ang magiliw na awang iyon. Ipinadama sa akin ng mapagmahal na Tagapagligtas ang pinakapersonal at napapanahong mensahe ng kapanatagan at katiyakan sa isang himnong napili ilang linggo na ang nakararaan. Maaaring isipin ng iba na nagkataon lang ang karanasang ito, pero pinatototohanan ko na ang magiliw na awa ng Panginoon ay tunay at hindi ito basta-basta nangyayari o nagkakataon lamang. Kadalasan, ang eksaktong sandali ng pagpapakita ng awa ng Panginoon ang tumutulong sa atin para makilala at kilalanin ang mga ito.
Ano ang Magiliw na Awa ng Panginoon?
Simula noong Oktubre paulit-ulit ko nang inisip ang katagang “magiliw na awa ng Panginoon.” Sa personal na pag-aaral, pagmamasid, pagninilay, at panalangin, naniniwala akong lalo kong naunawaan na ang magiliw na awa ng Panginoon ay ang lubhang personal at indibiduwal na mga pagpapala, kalakasan, proteksyon, katiyakan, patnubay, mapagmahal na kabaitan, kasiyahan, suporta, at mga espirituwal na kaloob na natatanggap natin mula at dahil kay at sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo. Tunay na iniaangkop ng Panginoon ang “kanyang mga awa alinsunod sa mga kalagayan ng mga anak ng tao” (D at T 46:15).
Alalahanin kung paano sinabihan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol na hindi Niya sila iiwang mag-isa. Hindi lamang Niya ibibigay ang “ibang Mangaaliw” (Juan 14:16)” maging ang Espiritu Santo, kundi sinabi ng Tagapagligtas na pupunta Siya sa kanila (tingnan sa Juan 14:18). Hayaang imungkahi ko na ang isang paraan ng paglapit sa atin ng Tagapagligtas ay sa pamamagitan ng Kanyang sagana at magiliw na awa. Halimbawa, sa pagharap sa mga hamon at pagsubok sa ating buhay, ang kaloob na pananampalataya at angkop na diwa ng pagtitiwala sa sarili na higit kaysa ating kakayahan ay dalawang halimbawa ng magiliw na awa ng Panginoon. Ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan at kapayapaan ng budhi ay mga halimbawa ng magiliw na awa ng Panginoon. At ang kasigasigan at katatagan na dahilan ng ating patuloy na pagsulong nang may kagalakan sa kabila ng mga pisikal na limitasyon at espirituwal na kahirapan ay mga halimbawa ng magiliw na awa ng Panginoon.
Sa isang stake conference kamakailan, kitang-kita ang magiliw na awa ng Panginoon sa nakaaantig na patotoo ng isang batang maybahay at ina ng apat na anak. Ang kanyang asawa ay napatay sa Iraq noong Disyembre 2003. Naalala ng matatag na babaing ito, matapos masabihan tungkol sa pagkamatay ng kanyang asawa, kung paano niya natanggap ang Krismas kard at mensahe ng kanyang asawa. Sa gitna ng biglaang pangyayari na nagpabago sa kanyang buhay ay dumating sa butihing babaing ito ang napapanahon at magiliw na paalala na talagang magkakasama sa walang hanggan ang mga pamilya. Binigyan ako ng pahintulot na magbanggit mula sa Krismas kard na iyon:
“Para sa pinakamabuting pamilya sa daigdig! Maging masaya kayong lahat at tandaan ang tunay na kahulugan ng Pasko! Ginawang posible ng Diyos na magkasama-sama tayo sa kawalang-hanggan. Kaya’t kahit magkakalayo tayo, magkakasama pa rin tayo bilang isang pamilya.
“Pagpalain kayo ng Diyos at panatilihin kayong ligtas at itulot nawa na ang Paskong ito’y maging ating regalo ng pagmamahal sa Kanya!!!
“Buong pagmamahal, Daddy at iyong mapagmahal na asawa!”
Malinaw na ang tinutukoy ng lalaki na pagkawalay sa kanyang pagbati sa Pasko ay ang pagkawalay niya dahil sa kanyang destino sa militar. Pero sa babaing ito, gaya ng tinig mula sa alabok ng isang pumanaw na asawa sa kawalang-hanggan at isang ama, ay dumating ang kinakailangang espirituwal na katiyakan at patotoo. Tulad ng sinabi ko kanina, ang magiliw na awa ng Panginoon ay hindi basta-basta nangyayari o nagkakataon lamang. Ang katapatan, pagsunod, at pagpapakumbaba ay nag-aanyaya ng magiliw na awa sa ating buhay, at kadalasan dahil sa takdang panahon ng Panginoon ay nakikilala at pinahahalagahan natin ang mahahalagang biyayang ito.
Kailan lang ay nakausap ko ang isang lider ng priesthood na nadamang dapat niyang isaulo ang mga pangalan ng lahat ng kabataang edad 13 hanggang 21 sa kanyang stake. Gamit ang mga retrato ng mga kabataang lalaki at babae, gumawa siya ng flash cards na nirebyu niya habang nasa biyahe at sa iba pang mga pagkakataon. Mabilis na naisaulo ng lider na ito ng priesthood ang lahat ng pangalan ng mga kabataan.
Isang gabi ay napanaginipan ng lider ng priesthood ang isang binatilyo na kilala lang niya sa retrato. Sa panaginip ay nakita niya ang binatilyo na nakasuot ng puting polo at may name tag ng misyonero. Katabi ang kanyang kompanyon, tinuturuan ng binatilyong ito ang isang pamilya. Hawak ng binatilyo ang Aklat ni Mormon, at parang nagpapatotoo siya tungkol sa katotohanan ng aklat. Noon nagising ang lider ng priesthood.
Sa huli, sa isang pagtitipon ng mga may priesthood, nilapitan ng lider ang binatilyo na nakita niya sa kanyang panaginip at tinanong kung maaari siyang makausap sandali. Matapos ang maikling pagpapakilala, tinawag ng lider ang pangalan ng binatilyo at sinabing, “Hindi ako taong mapanaginip. Wala pa akong napanaginipang miyembro ng stake na ito, maliban sa iyo. Sasabihin ko sa iyo kung ano ang napanaginipan ko, at pagkatapos gusto kong tulungan mo akong unawain ang ibig sabihin nito.”
Ikinuwento ng lider ng priesthood ang kanyang napanaginipan at tinanong ang binatilyo kung ano ang ibig sabihin nito. Halos hindi makapagsalitang sinabi ng binatilyo na, “Ibig sabihin ay alam ng Diyos kung sino ako.” Naging makahulugan ang pag-uusap ng binatilyo at ng kanyang lider, at nagkasundo silang magkita at paulit-ulit na magsanggunian sa susunod na mga buwan.
Natanggap ng binatilyong iyon ang magiliw na awa ng Panginoon sa pamamagitan ng inspiradong lider ng priesthood. Inuulit ko, ang magiliw na awa ng Panginoon ay hindi basta-basta nangyayari o nagkakataon lamang. Dahil sa katapatan at pagsunod ay natatanggap natin ang mahahalagang kaloob na ito at, kadalasan, tinutulungan tayo ng Panginoon na makilala ang mga ito sa Kanyang takdang panahon.
Hindi natin dapat maliitin o balewalain ang kapangyarihan ng magiliw na awa ng Panginoon. Malaki ang nagagawa ng kasimplihan, kabutihan, at palagiang pagdating ng magiliw na awa ng Panginoon para mapalakas at maprotektahan tayo sa panahon ng kaguluhan sa ngayon at sa darating na panahon. Kapag hindi mailarawan sa salita ang kapanatagang kailangan natin o kaya’y maipahayag ang kagalakang ating nadarama, kapag walang pag-asang maipaliwanag ang di-maipaliwanag na bagay, kapag hindi kayang unawain ng pangangatwiran ang mga kawalang-katarungan at di-pagkakapantay sa buhay, kapag ang mortal na karanasan at ebalwasyon ay hindi sapat para magkaroon ng kanais-nais na kalalabasan, at kapag parang nag-iisa na lang tayo, tunay na pagpapalain tayo ng magiliw na awa ng Panginoon at gagawing malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas (tingnan sa 1 Nephi 1:20).
Sino ang mga Pinili ng Panginoon na Tatanggap ng Kanyang Magiliw na Awa?
Ang salitang pinili sa 1 Nephi 1:20 ay mahalaga para maunawaan ang konsepto ng magiliw na awa ng Panginoon. Sinasabi sa diksyunaryo na ang salitang “pinili” ay isang taong hinirang, mas nagustuhan, o napili. Maaari din itong gamitin para tukuyin ang hinirang o pinili ng Diyos (Oxford English Dictionary On-line, ikalawang edisyon, [1989], “Chosen”).
Ang ilang tao na mali ang pagkakarinig o pagkabasa sa mensaheng ito ay maaaring ipagwalang-bahala o kalimutan na lang sa kanilang personal na buhay ang magiliw na awa ng Panginoon, sa paniniwalang “Hindi naman ako napili o pipiliin kailanman.” Maaari tayong magkamali sa pag-aakalang ang gayong mga biyaya at kaloob ay para lamang sa mga taong tila mas mabuti o may mataas na katungkulan sa Simbahan. Nagpapatotoo ako na ang magiliw na awa ng Panginoon ay makakamit nating lahat at nasasabik ang Manunubos ng Israel na ipagkaloob sa atin ang mga kaloob na iyon.
Ang mapili o mahirang ay hindi sa atin lamang ibibigay. Sa halip, ikaw at ako ang magpapasiya kung mapipili nga ba tayo. Mangyaring pansinin ngayon ang gamit ng salitang napili sa mga talatang ito ng Doktrina at mga Tipan:
“Masdan, marami ang tinawag, subalit iilan ang napili. At bakit sila hindi napili?
“Sapagkat ang kanilang mga puso ay labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig, at naghahangad ng mga parangal ng tao” (D at T 121:34–35; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Naniniwala ako na ang pahiwatig ng mga talatang ito ay madaling unawain. Ang Diyos ay walang listahan ng mga paborito kung saan maaari tayong umasa na balang-araw ay maidaragdag ang ating pangalan sa listahan. Hindi niya inililimita “ang pagpili” sa iilang tao lang. Sa halip, ang ating puso at ating mga pangarap at ating pagsunod ang siyang magpapasiya kung mapapabilang tayo sa mga hinirang ng Diyos.
Itinuro ng Panginoon kay Enoc ang tungkol sa puntong ito ng doktrina. Pansinin ang paggamit sa salitang piliin sa mga talatang ito: “Masdan ang iyong mga kapatid; sila ay gawa ng sarili kong mga kamay, at ibinigay ko sa kanila ang kanilang kaalaman, sa araw na aking nilalang sila; at sa Halamanan ng Eden, ibinigay ko sa tao ang kanyang kalayaang mamili;
“At sa iyong mga kapatid aking sinabi, at nagbigay rin ng kautusan, na kanilang nararapat mahalin ang isa’t isa, at na kanilang nararapat piliin ako, na kanilang Ama” (Moises 7:32–33; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Tulad ng nalaman natin sa mga banal na kasulatang ito, ang pangunahing layunin ng kaloob na kalayaan sa pagpili ay ang mahalin ang isa’t isa at piliin ang Diyos. Sa gayon, tayo’y mapipili ng Diyos at maaanyayahan natin ang Kanyang magiliw na awa kapag ginagamit natin ang ating kalayaan sa pagpili sa Diyos.
Ang isa sa mga pinakatanyag at madalas banggiting banal na kasulatan ay nasa Moises 1:39. Malinaw at maikling inilalarawan sa talatang ito ang gawain ng Amang Walang Hanggan: “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (idinagdag ang pagbibigay-diin).
Isang kasamang banal na kasulatan sa Doktrina at mga Tipan ang gayundin kalinaw at kaikli ngunit malaman ang paglalarawan tungkol sa ating pangunahing gawain bilang mga anak ng Amang Walang Hanggan. Magandang pag-isipan na ang talatang ito ay parang hindi gayon katanyag at hindi gaanong nababanggit. “Masdan, ito ang iyong gawain, ang sumunod sa aking mga kautusan, oo, nang buo mong kakayahan, pag-iisip at lakas” (D at T 11:20; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Kung gayon, ang gawain ng Ama ay ang isakatuparan ang kawalang- kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak. Ang ating gawain ay ang sundin ang Kanyang mga utos nang buo nating kakayahan, pag-iisip at lakas—at sa gayon tayo ay mapipili at, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, matatanggap at makikilala natin ang magiliw na awa ng Panginoon sa ating pang-araw-araw na buhay.
Ang mismong kumperensyang dinadaluhan natin ngayong linggong ito ay isa pang halimbawa ng magiliw na awa ng Panginoon. Mapalad tayong makatanggap ng inspiradong payo mula sa mga lider ng Simbahan ng Tagapagligtas—payong akma sa ating panahon at mga kalagayan at hamon sa buhay. Tayo’y naturuan, napasigla, napalakas, natawag na magsisi, at napatatag. Ang diwa ng kumperensyang ito’y nakapagpatatag sa ating pananampalataya at nakadagdag sa ating hangaring magsisi, sumunod, magpakabuti pa, at maglingkod. Tulad ninyo, ako rin ay sabik na gawin ang mga paalala, payo, at mga personal na inspirasyong tinanggap natin sa kumperensyang ito. At sa ilang sandali pa bawat isa sa atin ay mapalad na tatanggap ng isa sa mga magiliw na awa ng Panginoon kapag narinig natin ang panghuling mensahe at patotoo ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Tunay na, “ang Panginoon ay mabuti sa lahat; at ang kaniyang mga malumanay na kaawaan ay nasa lahat niyang mga gawa” (Mga Awit 145:9).
Nagpapasalamat ako sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at sa kaalamang nasa atin ngayon tungkol sa magiliw na awa ng Panginoon. Ang ating hangarin, katapatan, at pagsunod ay nakapag-iimbita at nakatutulong sa atin na malaman ang Kanyang magiliw na awa para sa ating lahat. Bilang isa sa Kanyang mga tagapaglingkod, pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, ang ating Manunubos at Tagapagligtas. Alam kong siya ay buhay at na ang Kanyang magiliw na awa ay makakamtan nating lahat. Bawat isa sa atin ay may matang makakikita at taingang makaririnig nang malinaw sa magiliw na awa ng Panginoon habang pinalalakas at tinutulungan tayo nito sa mga huling araw. Nawa’y palaging mapuspos ang ating puso ng pasasalamat sa Kanyang sagana at magiliw na awa. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.