2010
Isang Electric Fan, Isang Vacuum, at Isang Plato ng Cookies
Hulyo 2010


Isang Electric Fan, Isang Vacuum, at Isang Plato ng Cookies

Rindi Haws Jacobsen, Utah, USA

Isang tag-init naglakbay ang aming pamilya nang 2,000 milya (3,200 km) papunta sa isang panig ng bansa para sa bagong trabaho ng asawa ko. Sabik kami sa bago naming pakikipagsapalaran, pero nadama naming napakalayo namin sa aming tahanan, pamilya, at lahat ng iba pang pamilyar sa amin. Malakas ang ulan nang dumating kami sa bago naming tahanan, at sa pagtatangkang protektahan ang bagong latag na carpet namin sa bahay, nagbaba kami ng mga gamit mula sa trak nang nakapayong at nakabalot ng plastik ang mga paa. Alam naming ang malakas na ulan ang sanhi ng pagbaha sa silong ng mga bahay, at kinakabahang binantayan namin ang silong namin pagkatapos maibaba ang lahat ng gamit.

Tila maayos naman ang lahat noong gabing iyon, at nang makatulog na ang tatlong musmos naming anak, mabilis naming inayos ni Greg ang kama namin. Kapwa kami pagod, at parang napakasarap humiga. Subalit sa kung anong dahilan, nadama ni Greg na dapat niyang buksan ang isa pang kahon.

“Sige na,” sabi ko, “matulog na tayo. Bukas na lang natin buksan iyan.”

Umiling siya at nagpunta sa silong. Pagkaraan ng ilang sandali, narinig ko siyang sumigaw. Natatarantang tumakbo ako papunta sa silong at nabungaran ko ang munting biglaang pagbaha. Magkatabi kaming nakatayo roon habang unti-unting natipon ang malamig na tubig-ulan sa paligid ng aming mga bukung-bukong. Agad kaming kumilos at nagsimulang hatakin ang mga kahon paakyat sa mataas na hagdan. Litung-lito ako at wala nang magawa, nahalo na ang mga luha ko sa tubig-ulan sa sahig.

Tinawagan ko ang kaisa-isang miyembro ng Simbahan na kilala ko sa bago naming ward, si Brother Lindsay Sewell, para itanong kung paano paandarin ang panipsip namin ng tubig. Binigyan ako ng maikling payo ni Brother Sewell, at saka ko binalikan ang pagsasalba ng aming mga kagamitan. Pagsapit ng hatinggabi, tumunog ang doorbell. Pagbukas ko ng pintuan, sumalubong sa akin si Brother Lindsay Sewell, na may dalang isang electric fan, isang basang vacuum, at isang plato ng chocolate-chip cookies.

“Mukhang kailangan ninyo ng tulong,” ang nakangiting sabi niya. Bigla kong nadama na hindi ako gaanong napalayo sa aming tahanan.

Buong magdamag kaming sinamahan ni Brother Sewell, sa pagsisikap na pigilin ang baha. Nang mahigit isang talampakan (30 cm) na ang lalim ng baha sa silong, iminungkahi niya na tumawag kami sa fire department; nagdala sila ng malalaking panipsip ng tubig na kalaunan ay lumutas sa problema.

Kinabukasan dumating si Sister Sewell at iba pang mga miyembro ng bago naming ward na may dalang pagkain, mga extension cord, at iba pang mga vacuum. Tuwang-tuwa kami dahil sa kabutihan nila. Sa huli naisalba namin ang lahat ng aming mga kagamitan.

Labis akong nagpapasalamat na miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Saanman ako magpunta, may mga kapatid akong bukas ang mga bisig na naghihintay upang tanggapin ang aking pamilya at tumulong sa oras ng pangangailangan.