Ano ang kahalagahan ng Pioneer Day? Ipinagdiriwang ba ito ng buong Simbahan?
Ang Pioneer Day ay gumugunita sa pagdating ng unang grupo ng mga Mormon pioneer sa Salt Lake Valley, noong Hulyo 24, 1847. Sa Utah ito ay isang pista-opisyal, at ang kaugnay na pagdiriwang, kabilang na ang isang parada, ay tinatawag na Days of ’47. Panahon na para kilalanin ang lahat ng taong tumulong sa pagtatatag ng estado, anuman ang kanilang relihiyon o pinagmulan.
Dagdag pa rito, maaaring makiisa ang mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang lugar sa buong mundo sa pagkilala sa pamana ng mga pioneer sa ating lahat. Ang ilang komunidad ay nagdaraos ng mga pageant, parada, konsiyerto, at paglalakbay hila ang mga kariton bilang bahagi ng paggunita. Sa ibang lugar, ang paggunita ay kasingsimple ng pamamasyal ng pamilya o personal na sandali ng pagninilay-nilay. Saanman nakatira ang mga miyembro ng Simbahan, may pormal na pagdiriwang man o isang minuto lang ng pag-iisip, ito ang angkop na oras upang alalahanin ang ginawa ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw para sa ating lahat, kabilang na ang mga pioneer sa inyong lugar na nagpatatag sa Simbahan kung saan kayo nakatira.
Sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Malaking kagalakan at pribilehiyo ang maging bahagi ng pandaigdigang Simbahang ito at maturuan at mabigyang-sigla ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag! … Sa pagtanggap ngayon ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo, tayong lahat ay mga pioneer sa ating kani-kanyang lugar na ginagalawan at kalagayan.”1