2010
Bakit masyadong binibigyang-diin ng Simbahan ang paglilingkod? Bakit hindi na lang tayo magsaya?
Hulyo 2010


Bakit masyadong binibigyang-diin ng Simbahan ang paglilingkod? Bakit hindi na lang tayo magsaya?

Lubhang binibigyang-diin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang pagtulong sa ating kapwa. Hindi sapat ang maawa sa isang taong nangangailangan—responsibilidad nating kumilos. “Maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang” (Santiago 1:22).

Itinuro ng Tagapagligtas, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40), at itinuro ni Haring Benjamin na “kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17). Ang paglilingkod sa iba ay nagpapakita ng ating katapatan sa Panginoon at sa kapakanan ng Kanyang mga anak.

Ang paglilingkod ay hindi lamang nakakatulong sa iba. Humahantong din iyon sa sarili nating espirituwal na paglago. Kapag naglilingkod tayo sa mga tungkulin at gumagawa ng iba pang paglilingkod, hindi lamang natin pinalalakas ang iba kundi nagiging mas mabuti rin tayong tao.1

Bukod pa rito, ang paglilingkod ay maaaring maging napakasaya kung tama ang saloobin ninyo. Isipin ang inyong mga talento at kagalingan at kung paano ninyo magagamit ang mga ito para tulungan ang iba. May pakinabang ang paglilingkod nang mag-isa, at magagalak din kayong maglingkod na kasama ang mga kaibigan! Bumuo ng isang grupo ng mga tao, at magpalitan ng mga ideya kung paano kayo makapaglilingkod sa bago at malikhaing paraan. Mamamangha kayo kung gaano kasaya ang maglingkod.

Tala

  1. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Magbuhat Kung Saan Kayo Nakatayo,” Liahona, Nob. 2008, 56.

Ang paglilingkod ay maaaring maging napakasaya kung tama ang saloobin ninyo.