Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo
Paghahatid kay Cristo sa Ating Tahanan
Ilang taon na ang nakalilipas, matapos marinig na bigkasin ng isang dalagita sa aming ward “Ang Buhay na Cristo,”1 ipinasiya kong isaulo rin ito. May dala akong maliit na kopya ng dokumento habang tumatakbo ako tuwing umaga. Dahil nag-iisa ako at halos walang nang-aabala, napakagandang pagkakataon nito para makapag-isip ako. Matapos gawin ito nang ilang buwan, malusog na ang pangangatawan ko—at nakamit ko ang mithiin kong magsaulo.
Maganda man ang pakiramdam na maisaulo ito, pero mas maganda pa ang pangmatagalang pakinabang nito. Natagpuan ko ang sarili ko na mas madalas mag-isip tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang buhay, at sa Kanyang misyon at nagnanais na maging higit na katulad Niya. Naging higit akong mapagpasensya at mapagmahal sa aking asawa at sa aming mga anak. Higit akong nakadama ng kapayapaan at kaligayahan sa lahat ng ginawa ko. At nakadama ako ng mas malaking galak sa pangangalaga at pagmamahal sa mga tao sa aking paligid. Pagkatapos, tulad ni Lehi, na kumain ng bunga ng punungkahoy ng buhay, gusto kong maranasan ng aking pamilya ang naranasan ko (tingnan sa 1 Nephi 8:12).
Sinimulan kong maghanap ng mga paraan para maituro “Ang Buhay na Cristo” sa aming mga anak. Alam kong mga bata pa sila (11 taong gulang ang panganay namin) at medyo mahaba ang mahalagang dokumentong ito. Pero may hangarin ako, at matapos ko itong ipagdasal at pag-isipan nang madalas, ipinakita sa akin ng Espiritu kung paano ko ito maituturo sa aking pamilya.
Matagal na akong nangongolekta ng mga retratong ginupit mula sa mga lumang magasin ng Simbahan. Pinuntahan ko ang kahong pinagtaguan ko ng mga ito at sinimulang ilabas ang mga retratong tila tugma sa iba’t ibang mga kataga sa “Ang Buhay na Cristo.” Halimbawa, para sa “Siya ang Dakilang Jehova ng Lumang Tipan,” may nakita akong larawan ni Cristo, bilang Jehova, na kausap si Moises. Para sa kasunod na mga kataga, “Sa ilalim ng pamamahala ng Kanyang Ama,” may nakita akong larawan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na nakatayong magkatabi. Sa loob ng maikling panahon, marami akong natipong larawan at ipinares ang mga ito sa kaugnay na teksto mula sa “Ang Buhay na Cristo.”
Mukhang Disyembre ang akmang panahon para simulan ng aming pamilya na magtuon sa “Ang Buhay na Cristo.” Tuwang-tuwa ang mga anak namin at talagang nakibahagi sila sa adhikain naming ito. Ipinaskil namin sa kusina ang mga larawang tinipon namin. Napansin ko na sa maghapon, binibigkas ng mga bata ang mga kataga kapag napapadaan sila sa mga larawan. Kapag naisaulo na ng lahat ang grupo ng mga larawan sa dingding, itinatabi na namin ang mga ito at nagsisimula kami sa isang panibagong set.
Sa bawat larawan, tinalakay namin ang ebanghelyo at buhay ni Jesucristo. Ang mga aralin namin sa family home evening ay puno ng mga kuwento at aral tungkol sa Tagapagligtas. Itinuro ng asawa ko ang ilan sa mga konseptong nasa “Ang Buhay na Cristo,” na naghatid ng mga bagong ideya.
Naging mas makabuluhan ang mga panalangin ng pamilya dahil mas nakatuon ang isipan ng mga bata sa Kanya na kung kaninong pangalan ay nagdarasal sila. Napuspos ng Espiritu ang aming tahanan. Para kaming si Nephi nang isulat niya na, “Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo” (2 Nephi 25:26). Ang aming tahanan ay nagkaroon ng higit na kapayapaan.
Bumuhos ang mga pagpapala, sa mga paraang hindi ko sukat-akalain. Halimbawa, bagama’t sinikap ko nang simplihan ang ilan sa mga salita para sa bunsong anak naming si Joseph, na apat na taong gulang noon, pinilit niyang matutuhan ang bawat salita sa buong dokumento. Lalo pa itong naging mas madamdamin isang linggo sa simbahan. Tampok sa pabalat ng sacrament meeting program ang isang larawan ng Tagapagligtas na nasa Getsemani na nagamit namin sa aming pagsasaulo. Itinuro ni Joseph ang larawan ang sinabing, “Tingnan ninyo, Mommy. ‘Ibinigay Niya ang buhay Niya para tubusin ang mga kasalanan ng lahat ng tao.’”
May isa pang linggo na nahirapan kami sa simbahan; mas magulo ang mga bata kaysa dati, lalo na sa oras ng sacrament. Kinabukasan ng gabi pinag-usapan namin ang sacrament sa family home evening. Tinalakay namin ang layunin nito at kung paano dapat kumilos habang ipinapasa ang sacrament. Tinanong ko ang mga bata kung ano ang inisip nila habang nasa sacrament. Sumagot ang aming 10-taong-gulang na si Sharanne na inisip niya ang buhay ni Jesucristo at ang mga salita mula sa “Ang Buhay na Cristo.” Wala nang iba pang kailangang sabihin.
Sa isa pang pagkakataon, nahirapang matulog si Joseph. Ayaw niyang makipagtulungan at nayayamot siya. Hiniling kong sabihin niya sa akin ang ilang bahagi ng “Ang Buhay na Cristo.” Nang magsimula siya, nadama ko ang pagdating ng Espiritu sa silid. Pumanatag siya at nagbalik sa kanyang normal at masayang sarili. Kalaunan, noong isa pang gabing magulo siya, sinubukan ko itong muli. Sa pagkakataong ito iba ang sagot niya: “Ayoko! Ayokong maging masaya!” Natutuhan na ng aming anak kung ano ang magagawa ng pag-alaala kay Jesucristo. Talagang naging mas totoo ang Tagapagligtas sa aming lahat.
Natapos isaulo ng aming pamilya “Ang Buhay na Cristo” nang sumunod na Paskua. Iyon ang pinakamagandang apat-na-buwang karanasan namin. Kahit hindi pa tapos ang proyekto, alam ko na ang mga epekto ng natutuhan namin ay mananatili sa bawat miyembro ng aming pamilya habambuhay.
Alam ko na totoo ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Nagpapasalamat ako na mas nauunawaan ko na ang Kanilang mga gawain at mas nadarama ko na ang Kanilang pagmamahal. Pinasasalamatan ko ang Diyos sa walang kapantay na kaloob ng Kanyang banal na Anak at sa magandang karanasang matuto tungkol sa Kanya at magsikap na maging higit na katulad Niya.