2010
Iniligtas ni Jehova ang Matapat na si Daniel
Setyembre 2010


Iniligtas ni Jehova ang Matapat na si Daniel

Ang kuwentong ito ay hango sa Daniel 1–2; 6.

Tiningnan ni Daniel ang pagkaing nasa pinggan sa kanyang harapan at ang alak sa kanyang kopa. Alam niya na hindi ito ang masustansyang pagkain na nais ni Jehova na kainin niya. Ayaw niya itong kainin.

Ayaw ring kainin ng mga kaibigan ni Daniel na sina—Sadrach, Mesach, at Abed-nego—ang pagkain ng hari. Nabihag ang apat na binatilyong Hebreo sa Jerusalem at dinala sa lungsod ng Babilonia. Ngayon ay gusto ni Haring Nabucodonosor na kainin nila ang saganang pagkain at alak. Inakala niya na magpapalakas ito sa kanila.

Ngunit alam ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan na hindi sila lulusog at lalakas sa pagkain ng hari. “Bigyan kami ng mga gulay na makain, at tubig na mainom,” sabi ni Daniel sa alipin ng hari. “Sa katapusan ng 10 araw, ihambing mo kami sa mga taong kumakain ng saganang pagkain ng hari.” Pumayag ang alipin.

Araw-araw dinalhan ng alipin ang apat na binatilyo ng mga gulay, na pagkaing nagmula sa mga binhi at butil. At dinalhan niya sila ng tubig na maiinom, hindi ng alak. Pagkaraan ng 10 araw mukhang mas malusog ang mga binatilyo kaysa iba pang mga bihag, kaya hindi na sila sinabihan ng alipin na kainin ang pagkain ng hari.

Sa paglaki ni Daniel, binasbasan siya ni Jehova ng kaalaman at karunungan. Pinagtiwalaan ni Haring Nabucodonosor si Daniel at hiningan siya ng payo.

Nang maging bagong hari ng Babilonia si Haring Dario, ginawa niyang pangulo ng kanyang kaharian ang matalinong si Daniel. Nainggit ang ilang lalaki kay Daniel. Alam nila na siya’y nagdarasal nang tatlong beses sa isang araw sa Ama sa Langit. Kinumbinsi ng naiinggit na mga lalaki ang hari na gumawa ng bagong batas. Sinumang matagpuang nagdarasal ay ilalagay sa yungib na kinalalagyan ng gutom na mga leon.

Nalaman ng matapat na si Daniel ang tungkol sa batas, ngunit nagdasal pa rin siya araw-araw. Naghintay at nakinig ang mga lalaki sa labas ng kanyang silid. Nang marinig nilang nagdarasal si Daniel, nagmamadali silang nagpunta sa hari.

Nalungkot si Haring Dario nang sabihin sa kanya ng mga lalaki ang tungkol kay Daniel. Sana hindi niya pinirmahan ang batas, ngunit kailangang sundin ang batas. Itinapon si Daniel sa yungib ng mga leon, at isang malaking bato ang itinakip sa pasukan nito.

Buong magdamag na nag-alala at nag-isip ang hari. Maaga pa kinabukasan nagmamadali siyang nagpunta sa yungib ng mga leon. Sa malakas na tinig ay sumigaw ang hari, “Oh Daniel, nailigtas ka ba ng iyong Dios mula sa mga leon?”

Natuwa siya nang marinig na sumagot si Daniel mula sa likuran ng bato, “Ang Dios ko’y nagsugo ng kaniyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon, at hindi nila ako sinaktan.”

Nagagalak na nagpalabas ng batas ang hari sa buong kaharian. Ang Diyos ni Daniel ang buhay na Diyos, at nailigtas Niya si Daniel mula sa mga leon.

Itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan 89 na kumain ng masusustansyang pagkain ngayon.

Mula kaliwa: detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Batang Pinuno,ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.; mapa ng Mountain High Maps © 1993 Digital Wisdom; larawang kuha ni Craig Dimond; paglalarawan ni Daniel Burr; detalye mula sa Si Cristo at ang mga Bata,ni Harry Anderson © IRI