Ebanghelyo sa Aking Buhay
Upang Tayo’y Magkaroon ng Kagalakan
Lahat ng nagpahirap sa aking misyon ay tila hadlang sa aking kagalakan. Pero kailangan bang maging gayon?
Hindi natagalan bago ko natanto na ang misyon ko ay magiging kaiba talaga kaysa inasahan ko. Naharap ako sa ilang hindi inaasahang mga hamon. Sinikap kong manatiling positibo, ngunit bigo ang mga pagtatangka ko, kaya pinanghinaan ako ng loob. Salamat na lamang at nabigyan ako ng lakas ng loob sa mga zone conference, na laging nagtatapos sa isang pulong patotoo.
Naaalala ko pa ang isang partikular na zone conference kung kailan tumayo sa harapan ang bawat misyonero, at nagpahayag ng galak sa paglilingkod sa misyon. Habang lumalaon ang miting, nagsimula akong maasiwa. Isang taon na akong misyonero pero hindi ko pa nadama ang kagalakang inilarawan ng iba. Nilisan ko ang conference na iyon na mabigat ang puso at nalilito, nagtataka kung bakit pa ako nagmisyon. Ano ba ang problema ko? Bakit hindi ko madama ang galak na nadarama nila? Kalaunan nang gabing iyon ipinarating ko sa Ama sa Langit ang mga alalahanin ko at itinanong kung paano ko madarama ang gayong kagalakan.
Makalipas ang ilang linggo, habang nasa isang stake conference ako, natanggap ko ang sagot sa isang mensahe ng aking mission president. Kahit sa daan-daang katao siya nagsalita, pakiramdam ko ay ako mismo ang kausap niya. Binanggit niya ang tungkol sa kagalakan ng Pagtubos ni Cristo na maaari nating madama araw-araw. Nagpatotoo siya na kahit sa mga sandali ng paghihirap o kawalang-katiyakan, maaari nating madama ang kagalakan mula sa pag-unawa sa kahalagahan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Alam kong para sa akin ang mga salitang iyon. Sinagot ng Ama sa Langit ang dasal ko. Siguro nga hindi katulad ng akala ko ang nangyayari sa misyon ko, pero mahal ako ng Tagapagligtas at nagbayad-sala Siya para sa aking mga kasalanan. Ang kagalakang akala ko ay hindi ko pa naranasan ay damang-dama ko. Hindi ko lang nabuksan noon ang puso ko para madama ito.
Nagpatuloy ang mga hamon sa buhay ko, ngunit natutuhan ko sa karanasang ito na madarama ko ang kagalakan kung pipiliin kong buksan ang puso ko sa mapagtubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas at sa pagbabahagi ng patotoo ko sa iba tungkol sa kapangyarihang iyon.
Simula noong misyon ko naunawaan ko na walang matagalang epekto ang mga sitwasyon at kapaligiran sa kakayahan nating makadama ng kagalakan. Sa halip, ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa pagsunod at paniniwala sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na lumikha sa buhay na ito—at sa kabilang buhay—“upang [tayo] ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25).