2010
Himala sa Spotlight
Setyembre 2010


Mula sa Misyon

Himala sa Spotlight

Nakasakay siya sa scooter, naghihintay sa pagpapalit ng kulay ng ilaw sa stoplight. May ilang segundo lang ako para makausap siya.

Sa paglalakad namin ng kompanyon kong si Elder Platt, sa palengke sa mga kalye ng Taichung, Taiwan, tumigil kami sa main intersection at naghintay habang pula ang ilaw. Pagtigil na pagtigil namin, nakarinig ako ng isang pamilyar na tunog sa likuran namin. Sa paghinto ng ilang scooter sa tabi namin, tumingin-tingin ako kung sino ang puwede naming makausap. Sa sandaling iyon, isang malinaw na impresyon ang pumuspos sa puso ko’t isipan. Wala akong narinig na tinig, walang narinig na mga salita, ngunit nadama ko na kailangan kong kausapin ang isang lalaki sa scooter na ilang hakbang ang layo mula sa kaliwa ko.

Kumilos ako kaagad para makausap ang lalaki. Para bang may talagang nagtutulak sa akin at pinahahakbang ako. Ibinukas ko ang aking bibig at tinanong ang lalaki, “Maganda po ba ang araw ninyo ngayon?” Tumingin siya sa akin at sinabing hindi maganda ang kanyang araw. Sa sandaling iyon ang pulang ilaw sa spotlight ay naging berde, at nalungkot ako. Nag-alala ako na baka umalis na ang lalaki. Wala pa akong nabanggit sa kanya tungkol sa Panunumbalik ng totoo at buhay na Simbahan ni Jesucristo, ng tungkol kay Propetang Joseph Smith, o sa Aklat ni Mormon. Ni hindi ko pa nababanggit sa kanya ang pangalan ng Simbahan.

Ang mga tao sa paligid namin ay nagsimula nang magpaandar ng kanilang sasakyan, ngunit hindi ang lalaki. Iminungkahi niya na tumabi kami sa gilid ng kalsada para makapag-usap pa kami. Nabigla ako, pero nagpasalamat at pumayag sa gusto niya. Sa gilid ng kalsada, ibinahagi namin sa kanya ni Elder Platt ang pangalan ng Simbahan at marami pang iba.

Pagkaraan ng ilang linggo, ang lalaking iyon, si Su Meng-Wei, at kanyang dalawang anak na lalaki at dalawang anak na babae ay nabinyagan at kinumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Mula sa karanasang iyan, natutuhan ko na kapag matapat nating sinisikap na gawin ang gawain ng Panginoon sa Kanyang paraan at sa Kanyang takdang panahon, nagkakaroon tayo paminsan-minsan ng pribilehiyo na makasaksi ng mga himala. Ipinahayag ng propetang si Moroni na “ang Diyos ay hindi tumitigil na maging Diyos ng mga himala. Masdan, hindi ba’t ang mga bagay na ginawa ng Diyos ay kagila-gilalas sa ating mga paningin?” (Mormon 9:15–16). Ang mga himala ay maaaring dumating sa pag-antig ng mga puso at pagbabago ng mga buhay.

Ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay naglalaman ng pangakong ito sa mga misyonero at mga miyembro ng Simbahan: “Inihahanda ng Panginoon ang mga tao para tanggapin ka at ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Aakayin Niya kayo palapit sa mga tao o aakayin Niya sila palapit sa inyo. … Makikilala ng mga taong ito na kayo ay mga tagapaglingkod ng Panginoon. Magiging handa sila sa pagtanggap sa inyong mensahe.”1 Hindi nagkataon lang na naroon kami ni Elder Platt sa partikular na stoplight na iyon sa eksaktong oras na iyon.

Kilala at mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin. Sa hindi nagkataong paraan, naglaan Siya ng isang paraan para sa ating lahat na malaman ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Inaalala ng Panginoon ang mga pagsubok at paghihirap sa buhay ni Su Meng-Wei. Alam Niya na kamakailan lamang ay nawalan ng trabaho si Su Meng-Wei. Alam niya ang pagtatalu-talo na nangyari sa bahay ng mga Su nang umagang iyon.

Ang ebanghelyo ay nagdulot ng higit na kapayapaan sa pamilya Su at nagpatibay sa samahan ng kanilang pamilya. Nakatulong ito sa kanila para matagpuan ang malaking kaligayahan at gabay sa buhay. Natagpuan nila ang lakas na harapin ang mga hamon ng buhay nang may pag-asa at walang takot.

Maaaring hindi natin ito makita sa una, ngunit makikilala ng mga taong handa na tayo ay mga tagapaglingkod ng Panginoon. Mapapansin nila na may kakaiba sa atin. Makakakita sila ng kabutihan at hahangaring malaman pa ang tungkol dito. Kapag nadama nila ang Espiritu Santo, magiging handa silang tanggapin ang ating mensahe. Tulad ng mensaheng ito na umantig sa mga puso at nagpabago ng buhay ng pamilya Su sa Taiwan, gayon din na maaari at maaantig nito ang mga puso at mababago ang buhay ng mga kakilala natin, saanman tayo naroon sa mundo.

Sa panalanging magabayan, maitatanong natin ito sa ating sarili araw-araw: sino sa mga kakilala ko ang inihahanda ng Panginoon para malaman ang ipinanumbalik na ebanghelyo? Sa pananampalataya sa ganitong paraan, magiging handa tayong sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo at buksan ang ating bibig upang maibahagi ang mahahalagang katotohanang mapalad nating nalaman.

Kamangha-manghang mga oportunidad ang tiyak na kasunod nito.

Tala

  1. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 177–78.

Paglalarawan ni Michael Parker