Ang Ating Paniniwala
Ang Ebanghelyo ay Ipangangaral sa Buong Daigdig
Noong nabubuhay pa si Jesucristo sa lupa, itinuro Niya sa iba ang isang paraan ng pamumuhay na aakay sa kanila tungo sa kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang-buhay. Ang Kanyang mensahe ay tungkol sa kapayapaan, pag-ibig, at pagsunod sa mga utos ng Diyos. “Siya’y naglalakad sa mga bayan at mga nayon, na ipinangangaral at dinadala ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios” (Lucas 8:1). Itinuro din Niya na ang mga ordenansang tulad ng binyag ay mahalaga sa atin upang makabalik sa ating Ama sa Langit (tingnan sa Juan 3:5).
Sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo na “ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa buong sanglibutan” (Mateo 24:14). Dahil dito, isinugo Niya sila upang “magsipangaral” (Marcos 3:14). Ito rin ang atas Niya sa atin ngayon—ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa iba. Noong 1831 inihayag Niya sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, “Ang ebanghelyong ito ay ipangangaral sa lahat ng bansa, at lahi, at wika, at tao” (D at T 133:37).
Maaari nating gawing halimbawa ang ating Tagapagligtas kung paano magbahagi ng ebanghelyo. Itinuro Niya ang ebanghelyo nang buong linaw (tingnan sa Mateo 5–7). Sinamantala Niya ang simple at hindi nakaplanong mga sandali upang ibahagi ang ebanghelyo (tingnan sa Juan 4:4–42). At nagpakita Siya ng tunay na pagmamahal at malasakit sa iba (tingnan sa 3 Nephi 17). Magagawa rin natin iyan.
Inaanyayahan ni Jesucristo ang lahat ng tao na lumapit sa Kanya. Mailalapit natin ang mga tao sa Kanya sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo sa kanila. Narito ang ilang paraan upang magawa ito:
-
Ipakita ang galak na nadarama natin sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Kaibiganin ang lahat ng tao.
-
Anyayahan ang mga kaibigan sa mga miting, aktibidad, at proyektong paglilingkod ng Simbahan.
-
Magbahagi ng mga kopya ng Aklat ni Mormon o ng Liahona sa mga hindi miyembro.
-
Gamitin ang Internet para ibahagi ang ebanghelyo. Halimbawa, maaari nating ibahagi ang ating patotoo sa isang blog o pabisitahin ang mga tao sa mga Web site ng Simbahan tulad ng Mormon.org.
-
Ihanda ang mga kabataang lalaki, kabataang babae, at matatanda sa pagmimisyon.
-
Anyayahan ang mga kaibigan at kapitbahay na maturuan ng mga misyonero.