2010
Ang Sarili Kong Aklat ni Mormon
Setyembre 2010


Mga Kabataan

Ang Sarili Kong Aklat ni Mormon

Noong Agosto 2005, nang magpalabas si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ng isang hamon sa mga miyembro ng Simbahan na basahin ang Aklat ni Mormon bago matapos ang taon, nangako ako sa sarili ko na babasahin ko ang buong aklat. Pamilyar ako sa mga kuwento sa Aklat ni Mormon pero hindi ko pa ito nabasa nang buung-buo. Layon kong tuparin ngayon ang aking pangako.

Naturuan na akong ipamuhay ang mga banal na kasulatan at gawin itong bahagi ng buhay ko. Kaya habang nagbabasa ako, isinulat ko sa gilid ng mga pahina ang inakala kong pangunahing ideya ng talata. Ginuhitan ko rin ang mga salita at pariralang inulit-ulit para mabigyang-diin.

Isinulat ko ang pangalan ko sa tabi ng mga pangalan na nasa mga banal na kasulatan para maalala ko na ang salita ng Diyos na sinabi sa iba ay maaaring sa akin din sinasabi. Halimbawa, sa 2 Nephi 2:28 isinulat ko ang pangalan ko: “At ngayon, [Hillary], nais ko na kayo ay umasa sa dakilang Tagapamagitan, at makinig sa kanyang mga dakilang kautusan.” Kapag lalo kong ginagawang bahagi ng buhay ko ang Aklat ni Mormon, lalo akong nasasabik na basahin ito araw-araw.

Nang magbasa ako araw-araw, naging taos sa puso at personal ang aking mga dalangin. Nagawa ko ring pagtuunan ng pansin ang aking mga klase at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu na kaibiganin ang iba. Sa huling gabi ng taon, natapos ko ang Aklat ni Mormon.

Noon ko naunawaan ang kahalagahan ng pagbabasa ng buong Aklat ni Mormon, pati na ang iba pang mga banal na kasulatan, at gusto kong gawin ito nang mas maraming beses sa buhay ko.