2010
Dumating na Handang Maglaro
Setyembre 2010


Dumating na Handang Maglaro

Ang pagdating sa isang aktibidad ay hindi sapat.

Ang basketbol ay isa sa mga pinakamahalagang bagay sa buhay ni Roger Enrique Velasquez Paredes, na kilala sa palayaw na Koki dahil mas madali itong mabigkas kapag wala nang natitirang oras sa laro at maaaring matalo o manalo sa laro.

Si Koki, isang miyembro ng Victoria Ward, Puno Peru Central Stake, ay isang “forward” sa Benson Jazz na koponan ng mga batang lalaking wala pang edad 17, isang liga ng koponan sa komunidad na tinatangkilik ng mga miyembro ng Simbahan sa Puno, Peru. Wala pang talo ang koponan ni Koki at maglalaro sa kampeonato sa huling dalawang sesyon at pangalawa sila sa puwesto sa dalawang taon na ito.

Ang kanyang karanasan sa koponan ay hindi lamang nagturo kay Koki ng maraming bagay tungkol sa basketbol kundi ng maraming bagay rin tungkol sa pamumuhay ng ebanghelyo at pagpapahalaga sa seminary.

“Ang seminary at basketbol ay hindi masyadong magkaiba,” sabi niya, na sinundan ng pagtawa. “Kailangan kong gumising nang maaga para sa dalawang ito.”

Walang halong biro, talagang nakikita ni Koki ang ilang mahahalagang pagkakatulad sa pagitan ng gusto niyang laro at ng ipinamumuhay niyang ebanghelyo: kailangang makinig sa coach, at gawin ang itinuturo niya, at huwag tumigil sa pagpapraktis ng inyong natutuhan.

Pakinggan ang Inyong Coach

Sinasabi ni Koki na mahusay ang kanyang coach, ngunit hindi mahalaga kung gaano kahusay ang inyong coach kung hindi ka makikinig. Walang pagkakaiba sa seminary.

“Sa basketbol at seminary parehong mahuhusay ang coach ko,” sabi ni Koki. “Pero kung hindi ako makikinig, hindi ako huhusay.”

Sinisikap ng isang coach na maturuan ang isang manlalaro ng mga bagay na magpapahusay sa kanya, tulad ng pag-shoot ng bola. “Gayundin ang ginagawa ng guro,” sabi ni Koki. Kabilang sa iba pang bagay, sinisikap ng mga guro na tulungan ang mga estudyante na magtagumpay laban sa katunggali nila sa buhay. “Sinisikap nilang ituro sa amin kung paano iwan ang mga bagay na makamundo at patatagin kami laban sa tukso.”

Natutuhan ni Koki na ang pagpunta, sa praktis man ng basketbol o sa seminary at simbahan, ay hindi sapat para humusay kayo. Kailangan ninyong makinig sa coach.

Ipamuhay ang Ipinangangaral

Sinisikap ni Koki na makinig habang ipinapaliwanag ng coach ang isang bagay na bago. Ngunit natutuhan niya na kung talagang gusto niyang maunawaan ang sinasabi ng coach, kailangan niyang gawin ito.

Ang pagsasagawa ng isang bagay, o pamumuhay nito, ay mahalagang bahagi ng pagkatuto, sabi ni Koki. Maaaring maghapong magsalita ang isang coach tungkol sa magandang porma ng pag-shoot ng bola at ipakita pa ito nang paulit-ulit, ngunit hangga’t hindi mo ginagawa ang kanyang sinasabi, hindi mo ito matututuhang gawin mismo.

“Ganoon ko natutuhan ang tungkol sa panalangin,” sabi ni Koki. Itinuro sa kanya na ang palagiang personal na pananalangin ay mag-aanyaya sa tulong ng Panginoon. “Ngunit nalaman ko lamang na totoo ito nang subukan ko ito.”

Ang pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo ay nagbibigay sa Espiritu Santo ng pagkakataon na patotohanan sa atin na ang alituntunin ay totoo.

“Kung may natutuhan tayong bago at hindi natin ipinamumuhay, parang hindi natin talagang natutuhan ito,” sabi ni Koki.

Gamitin Ito o Mawala Ito

Nakinig si Koki nang magturo ang kanyang coach tungkol sa pag-shoot ng bola, at sinikap niyang isagawa ang natutuhan niya. Ngayon, para humusay, kailangang maging masigasig sa pagpapraktis si Koki.

Ang ibig sabihin ng kasigasigan ay dedikasyon o pagtitiyaga sa pagsasagawa ng iyong natutuhan maging sa harap ng oposisyon.

“Kailangan kong magpursigi,” sabi ni Koki. “Kung titigil ako sa pagsasanay, kakalawangin ang mga nalalaman ko.”

Iyan ay isang mahalagang aral na natutuhan niya matapos siyang hindi makapagpraktis sa maikling panahon dahil nabasag ang kanyang ilong sa isang biglaang paglalaro kasama ang ilang matatandang manlalaro.

“Kung hindi tayo magpapraktis, hindi lamang tayo titigil sa pagsulong—papaurong pa tayo,” sabi ni Koki. “Tulad din ito sa espirituwalidad. Kung makikinig tayo at ipamumuhay ang natutuhan natin, marami pa tayong matututuhan. Kung hindi, mawawala ang nasa atin na.”

Huwag Sumuko

Pinakinggang mabuti ng mga kasamahan ni Koki ang coach at isinagawa ang itinuro niya sa kanila. Nagpraktis sila nang maraming oras para hindi malimutan ang natutuhan nila.

Natutuhan din nila na matapos ang lahat ng iyan, posible—at nakapanghihina ng loob—na hindi sila maging kampeon. “Nagsikap kami nang husto,” sabi ni Koki. “Nakakadismaya na matalo kaming muli sa laban sa kampeonato.

Bagama’t hindi agad tiyak ang pagkapanalo, magiging imposible ito kung susuko sila. Samantala, nakita ni Koki na maraming gantimpala, kabilang ang paghusay at pag-unlad, ang mapapala sa pagsisikap.

Si Koki, na naglilingkod bilang ward missionary, ay nagantimpalaan din ng pagiging masigasig sa labas ng basketball court. Tumulong siyang iorganisa ang panonood ng pelikula sa gabi, pagkakamping, at paglalaro upang mahikayat ang dalawang binatilyo sa kanyang ward na matagal nang hindi nagsisimba. “Sa una sinusundo namin sila para pumunta sila,” sabi niya. “Ngayon sila na lang ang pumupunta. Nangailangan ng kaunting panahon at maraming pagbisita, pero regular na silang dumadalo ngayon.”

Sa pagitan ng paglalaro ng basketbol, pagpunta sa seminary, at paglilingkod sa Simbahan, natutuhan ni Koki ang ibig sabihin ni Haring Benjamin nang sabihin niyang dapat tayong maging masigasig upang “magkamit ng gantimpala” (Mosias 4:27).

Natutuhan din niya na naglalaro ka man o hindi ng basketbol, sulit ang mga gantimpala sa pinagpaguran mo.

Mga larawang kuha ni Adam C. Olson