Maaari Po Bang Samahan Ninyo Ako sa Pagdarasal?
Jonathan H. Westover, Utah, USA
“Babalik ako matapos ang ilang minuto,” sabi ng ama-amahan ko sa tinitirhan ko sa Thailand sa paglabas niya sa pintuan. Kahit paano, sa aking pagkaintindi iyan ang sinabi niya. Hindi ako gaanong makaintindi ng wikang Thai.
Mga apat na buwan na akong naninirahan sa Thailand bilang isang boluntaryo sa serbiyong pang-komunidad, at bagama’t nakakapagsalita ako ng kaunting Thai, marami pa akong dapat matutuhan. Kalilipat ko lang sa lugar, ngunit alam ng bagong pamilyang tinitirhan ko na miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ipinaliwanag kong mabuti ang aking mga pinahahalagahan at binigyan ko pa sila ng Aklat ni Mormon sa wikang Thai at isang polyeto ng Para sa Lakas ng mga Kabataan.
Habang naghihintay ako sa pag-uwi ng ama-amahan ko, naupo ako sa sahig sa sala at nagsimulang pag-aralan ang aklat ng mga kataga sa wikang Thai. Bigla na lang nakadama ako ng malakas na impresyon na anyayahan siyang manalangin kasama ko. Nadama ko na noon na anyayahan siya, ngunit hindi ganoon kalakas ang impresyong nadama ko. Noong nasa Thailand ako, maraming beses kong naibahagi ang ebanghelyo, ngunit wala akong niyaya na manalanging kasama ko.
Maganda ang samahan namin ng ama-amahan ko. Ang tawag ko pa nga sa kanya ay “Itay,” na tila nagustuhan niya. Masaya ako pero kinakabahan. Paano kung sabihin niya sa akin na ayaw niya? Paano kung hindi na siya komportableng makasama ako sa buong panahong ilalagi ko sa kanyang pamilya? Sisirain ko ba ang aming samahan? Ang malala pa, hindi ko alam kung paano manalangin sa wikang Thai. Kulang rin ang alam kong salitang Thai para hilingin sa ama-amahan ko na manalangin kasama ko, kaya humingi ako ng tulong sa aking Ama sa Langit.
Di nagtagal, nakarinig ako ng malakas na tunog nang isara ang tarangkahan. Sa pagpasok ng ama-amahan ko, binati niya ako at sinabing matutulog na siya. Natanto ko na hindi ko maaaring palagpasin ang pagkakataong ito. Nang magsasalita na ako, kaagad kong nalaman kung ano ang sasabihin at kung paano ito sabihin sa wikang Thai.
“Itay, sa Amerika kasama kong magdasal ang aking pamilya, at talagang sabik na akong magawa ito. Maaari po bang samahan ninyo ako sa pagdarasal?” Nagulat ako sa tugon niya.
“Jon,” tugon niya, “sige sasamahan kita. Turuan mo ako kung paano.”
Ipinaliwanag ko sa wikang Thai kung ano ang panalangin ngunit nagdesisyon akong manalangin sa wikang Ingles. Alam ko na nakikinig ang Diyos, at alam kong nadama ng ama-amahan ko ang Espiritu. Napuno ng luha ang aking mga mata nang sabihin niya rin ang “amen” sa pagtatapos ng aking panalangin.
Hindi ko maipahayag sa salita ang kagalakan at pagmamahal na nadama ko para sa ama-amahan ko at sa aking Ama sa Langit. Ang karanasang iyan ay nagbigay sa akin ng tiwala at nauwi sa marami pang karanasan sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba. Ang nakakalungkot, hindi tinanggap ng pamilyang tinitirhan ko ang paanyaya kong dumalo sa branch doon, ngunit alam ko na ang kaalamang ibinahagi ko sa kanila ay mapapakinabangan nila sa malao’t madali o balang-araw.
Bagama’t hindi natin palaging nakikita ang mga bunga ng ating mga ginawa sa buhay na ito, natutuhan ko na ang pagtatanim ng mga binhi ng ebanghelyo ay magpapala sa kahit isang buhay—ang iyong sariling buhay. At sa takdang panahon ng Panginoon, ang mga binhing iyon ay magpapala sa buhay ng iba.