Alam Ba Ninyo?
Ang Pulpito sa Conference Center
Mula kay Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Para sa Lahat ng Tao Bilang Patotoo,” Liahona, Hulyo 2000, 6.
May pambihirang kasaysayan ang pulpito sa Conference Center. Narito ang kuwento ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Mahilig ako sa mga puno. Noong bata pa ako nakatira kami sa isang taniman kapag tag-araw, taniman ng mga punong namumunga. Taun-taon kapag ganitong panahon nagtatanim kami ng mga puno. Sa palagay ko’y wala pa akong pinalampas na tagsibol mula nang mag-asawa ako, maliban sa dalawa o tatlong taon na wala kami sa lungsod, na hindi ako nagtanim ng mga puno. …
“Mga 36 na taon na ang nakalilipas ay nagtanim ako ng [puno ng] black walnut. Itinanim ko ito sa lugar na maraming puno kung saan ito lumaki nang tuwid at matayog upang masinagan ng araw. Noong isang taon, sa di malamang kadahilanan ito ay namatay. Subalit mahal na kahoy na pang-muwebles ang walnut. Tinawagan ko si [Brother] Ben Banks ng Pitumpu, na bago ibinigay ang buong oras niya sa Simbahan, ay nasa negosyo na may kinalaman sa mga kahoy. Dinala niya ang dalawa niyang anak na lalaki, isang bishop at isang bagong release lamang na bishop na siya ngayong nagpapatakbo ng negosyo, upang tingnan ang puno. Sa nakita nila nasabi nila na ito’y buo, mahusay, at magandang kahoy. Isa sa kanila ang nagmungkahi na maaari itong gawing pulpito para sa bulwagang ito. Natuwa ako sa ideya. Pinutol ang puno at pagkatapos ay hinati sa dalawang mabibigat na troso. Pagkatapos ay sinundan ito ng mahabang proseso ng pagpapatuyo, una ay sa likas na paraan at pagkatapos ay sa pamamagitan ng makina. Ang mga troso ay ginawang tabla sa isang lagarian sa Salem, Utah. Pagkatapos ay dinala ang mga tabla sa Fetzer’s woodworking plant, kung saan nililok at ginawa ng mga dalubhasa ang kahanga-hangang pulpitong ito sa pamamagitan ng kahoy na iyon.
“Maganda ang kinalabasan. Sana ay masuri ninyong lahat ito nang malapitan. Nagpapakita ito ng mahusay na paggawa, at heto ako ngayon nagsasalita sa inyo mula sa puno na itinanim ko sa aming bakuran, kung saan din naglaro at lumaki ang aking mga anak.
“Malapit ito sa puso ko. Nagtanim ako ng isa o dalawa pang black walnut. Matagal na akong [pumanaw] bago pa magsilaki nang husto ang mga ito. Kapag dumating ang araw na iyon at naluma na ang magandang pulpitong ito, marahil ay maaaring pamalit ang isa sa mga iyon. Kay Elder Banks at sa kanyang mga anak, sina Ben at Bradley, at sa mga dalubhasa na nagdisenyo at gumawa nito, nagpapasalamat ako nang buong puso na nagkaroon ako ng maliit na bahagi sa dakilang bulwagang ito kung saan magmumula ang mga tinig ng mga propeta para sa lahat ng tao bilang patotoo sa Manunubos ng sangkatauhan.”