2010
Higit Pa sa Isang Gabay ng Misyonero
Setyembre 2010


Higit Pa sa Isang Gabay ng Misyonero

Sa sarilinang pag-aaral. Sa tahanan. Sa mga aralin sa araw ng Linggo. At, siyempre pa, sa gawaing misyonero. Ito ang mga paraan ng paggamit ng mga miyembro ng Hingham Massachusetts Stake ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

Bilang misyonero sa France, si Chris Ivie ay naglingkod sa isang maliit na branch na walang dumadalong mga investigator sa simbahan sa loob ng di-kukulangin sa isang taon. Bukod pa rito, hindi na maalala ng mga miyembro kung kailan ang huling pagkakataon na may bininyagan.

Nagdasal si Elder Ivie at ang kanyang kompanyon kung ano ang gagawin at nadama nilang dapat tiyakin na bawat pamilya sa branch ay mayroon—at gumagamit—ng kopya ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sa oras na iyon sa simula ng 2006, mahigit isang taon pa lamang nailalabas ang “Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero.” Kumilos si Elder Ivie at ang kanyang kompanyon ayon sa paramdam na natanggap nila at umorder at namahagi ng mga kopya ng aklat.

Iyon ang simula ng malalaking pagbabago sa branch. Kahit dalawang buwan lang sa branch si Elder Ivie, namasdan niya na binago ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang pag-uugali ng mga miyembro ng Simbahan—kapwa mga kabataan at matatanda—tungkol sa gawaing misyonero.

“Umubra!” paggunita ni Chris. “Nag-isip ang mga miyembro tungkol sa gawaing misyonero at nagsikap ibahagi ang ebanghelyo at nagkaroon ng magagandang karanasan. Mas marami nang aktibidad na pangmisyonero sa branch kaysa noong nakaraang mga taon.”

Nagsimulang mag-ulat nang regular ang mga miyembro sa mga misyonero tungkol sa mga pakikipag-usap nila sa mga miyembro ng pamilya, kaibigan, o kasamahan tungkol sa ebanghelyo. Kapag nagpupunta ang mga kaibigang iyon sa mga aktibidad ng branch, malugod silang binabati ng iba pang mga miyembro. Para kay Elder Ivie at sa kanyang kompanyon, ibig sabihin nito ay nabawasan ang pagkatok nila sa mga pinto at mas nakapagturo sila ng ebanghelyo. Isa sa mga investigator na sinimulan nilang turuan ang nabinyagan kalaunan.

“Kung minsan may maling pagkaunawa sa Simbahan na ang gawaing misyonero ay para lang sa mga misyonero,” sabi ni Chris. “Pero nang maging handa ang mga miyembro ng branch na ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, natanto nila na may papel sila sa paghahanap ng mga taong tuturuan. Naibigay sa kanila ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang diwa ng misyonero.”

Halos tatlong taon nang nakauwi si Chris sa Medway, Massachusetts, pero ginagamit pa rin niya ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa kanyang pag-aaral araw-araw bilang reperensya sa mga banal na kasulatan. “Natulungan ako nito na maging mas mabuting misyonero. Natulungan ako nito na maging mas mabuting guro ng ebanghelyo. At tinutulungan ako nitong maging mas mabuting tao na higit na katulad ni Cristo,” wika niya.

Hindi lang si Chris ang miyembro ng Hingham Massachusetts Stake na nakatuklas sa bisa ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa labas ng konteksto ng paglilingkod ng full-time missionary. Kahit talagang nilayon ang aklat para sa mga full-time missionary, nakikita ng mga miyembrong misyonero sa Hingham stake na maaari nitong pagpalain at pagyamanin din ang kanilang buhay.

Mula sa Misyon Pauwi sa Tahanan

Si James Setterberg ay naging bahagi rin ng unang henerasyon ng mga misyonerong gumamit ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagdating niya sa Texas Houston East Mission noong 2005, ilang buwan nang ginagamit ng kapwa niya mga misyonero ang aklat. Ngunit dahil sa halimbawa ng isang lokal na lider ng priesthood, natanto ni Elder Setterberg na ang pakinabang ng kasangkapan ay hindi limitado sa mga misyonero.

“Sa isang area, nakatira kaming mga misyonero sa tahanan ng isang stake president at ng kanyang pamilya. Tuwing umaga, nagbabangon sila para mag-aral ng mga banal na kasulatan, at kabilang dito ang pagbabasa ng iba’t ibang kabanata ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Noon ko natanto na ang aklat na ito ay talagang para sa lahat,” wika niya.

Iyon ay isang aral na dinala niya pag-uwi. “Bago ako nagmisyon, wala akong itinakdang mga partikular na mithiin sa buhay; palagay ko ayaw kong magplano para sa hinaharap,” pag-amin niya. “Ngunit dahil sa pagbibigay-diin ng mission president ko sa pagtatakda ng mithiin at sa kabanata 8 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, nagsimulang magbago iyan.”

Nakagawian na ni James ang lingguhang pagpaplano at mga pagtatakda ng mithiin sa loob ng dalawang taon na nanatili sa kanya mula nang makauwi siya. Halimbawa, nagtakda siya at nagsakatuparan ng mga mithiin ukol sa pag-aaral at espirituwal na mga bagay. Wika niya, “Natanto ko na kung hindi ka magtatakda ng mga mithiin, hindi mo talaga masasabi kung ano na ang nagawa mo sa buhay, batay sa pag-unlad. Ngunit kapag nagtakda at nagsakatuparan ka ng mga mithiin, pinagbubuti mo ang iyong sarili at nagiging mas mabuti kang tao. Nagpapasalamat ako sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo na natutuhan ko iyan.”

Sa Pagtuturo sa Simbahan at sa Pamilya

Maging ang mga miyembrong hindi gumamit ng Mangaral ng Ebanghelyo bilang mga misyonero ay natutuklasan ang bisa nito. Si Jake Peterson ay isang miyembro ng young single adult branch ng stake. Kahit na nakapagmisyon na siya bago lumabas ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, sinasabi ni Jake na napakahalaga ng aklat sa kanya sa tungkulin niya bilang branch mission leader dahil ipinaliliwanag nito ang mga dahilan kaya natin ibinabahagi ang ebanghelyo: “Kung minsan ay maaaring isipin nating mga miyembro na, ‘Ano ba ang mahalaga sa gawaing misyonero? Maganda ang pamumuhay ng mga kapitbahay ko at gumagawa sila ng mabuti. Bakit ako lilikha ng maaaring nakakaasiwang sitwasyon sa pagkausap sa kanila tungkol sa Simbahan?’ Tinatalakay iyan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipinaliliwanag nito kung bakit natin ibinabahagi ang ebanghelyo at kinakausap ang ating mga kaibigan: dahil ang ebanghelyo ni Jesucristo ang ‘magpapala sa kanilang mga pamilya, tutugon sa kanilang mga espirituwal na pangangailangan, at tutulong sa kanilang isakatuparan ang pinamarubdob nilang mga mithiin.’”1

Pinananatili rin nitong nakasalig ang lahat ng miyembro sa mga pangunahing doktrina ng ebanghelyo, wika niya. “May binanggit noon si Hyrum Smith na gusto ko tungkol sa pagtuturo ng mga unang alituntunin ng ebanghelyo, at paulit-ulit na pagtuturo ng mga ito pagkatapos.2 Ang pahayag at mga doktrinang nasa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay nagbigay sa akin ng dagdag na pang-unawa sa bisa ng mga bagay na mahalaga at pasasalamat sa lakas na makakamtan natin mula sa pag-aaral ng mga bagay na tulad ng Panunumbalik, pananampalataya, Pagbabayad-sala, o pagsisisi. May malaking kapangyarihan sa mga bagay na iyon.”

Isa pang miyembro ng stake, si Rick Doane, ang naglilingkod noon bilang ward mission leader nang unang lumabas ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Agad nahiwatigan ni Rick na makatutulong ang bagong kasangkapang ito sa kanyang tungkulin.

“Natutuwa ako na kabilang sa aklat ang isang kabanata tungkol sa kung paano makipagtulungan sa mga lider ng stake at ward. Nagsisirating at nagsisialis ang mga misyonero, ngunit nariyan pa rin ang mga lider ng ward. Sila ang dahilan kaya sila nananatili. Natutuwa ako na binibigyang-diin ng aklat ang kahalagahan niyan,” sabi ni Rick.

Nakita rin ng mag-asawang Rick at Moshi ang potensyal na maaaring maging sanggunian ang aklat sa pagtuturo sa kanilang bata pang mga anak na lalaki. “May 15-minutong aralin sa bawat kabanata na akmang-akma sa family home evening,” paliwanag ni Rick. “Nakatuon ito sa alituntunin, kaya’t tinutulungan ka nitong magtuon sa mahahalagang bagay, na makatutulong sa iyo na magkaroon ng matatag na pundasyon para sa iyong sarili at sa iyong mga anak. Nakalista pa sa aklat ang mga banal na kasulatan at aktibidad na maaari mong gamitin. Napakagandang sanggunian nito, nagtuturo ka man sa tahanan o kahit saan.”

Sa Paghahanda para sa Kinabukasan

Si Mark Wadsworth, edad 19, ay naglilingkod ngayon sa Spain Bilbao Mission at regular na gumagamit ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ngunit bago pa man siya nagmisyon, pinag-aralan na niya ito. “Tuwing babasahin ko ito, lagi akong may natututuhang bago,” wika niya.

Ang pag-aaral ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo bago siya nagmisyon ay nakatulong sa kanya na matukoy ang mga oportunidad ng misyonero. Ang mga misyonero sa kanyang lugar ay tinulungan siya at ang kanyang pamilya na bumuo ng mission plan ng pamilya. “Pinag-isip ako niyan tungkol sa gawaing misyonero sa mas aktibong paraan,” wika niya. Bunga nito, mas marami siyang nakausap na mga kaibigan tungkol sa mga doktrina ng Simbahan, sa kasaysayan nito, at sa mga aktibidad na may kinalaman sa Simbahan.

“Siguro ganoon din karami ang mga pagkakataon kong magsalita tungkol sa Simbahan bago namin ginawa ang aming plano, pero iba ang naging reaksyon ko sa mga ito,” sabi ni Elder Wadsworth. “Medyo ibang paraan lang iyon ng pag-iisip tungkol sa mga bagay na dati ko nang ginagawa.”

Si Andrew Mello, edad 18, ay may ilang buwan pa bago magsumite ng kanyang papeles sa misyon, ngunit hindi iyan nangangahulugan na hindi siya naghahanda nang husto ngayon. Pag-aaral daw ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, ang isa sa mga pinakamainam na paraan na nagawa niya ito.

Ang ilang paghahanda ay nagmula sa sarilinang pag-aaral. Sa ibang mga pagkakataon nagmumula ito sa pagsasanay sa kanyang priests quorum. Sa unang Linggo ng bawat buwan, isang miyembro ng korum ang inaatasang magturo ng aralin sa kanyang mga kaibigan at adviser mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Kung minsan sila ang nagtuturo ng buong 45-minutong aralin, ngunit sa ibang pagkakataon, para lang makapagsanay, magtuturo sila ng 15- o 5-minutong bersiyon ng iba’t ibang aralin.

At kahit inaamin ni Andrew na ang paghahandang ito ang nagbibigay-kakayahan sa kanya na maglingkod bilang full-time missionary, nakikita rin niya ang mga pakinabang nito sa buhay niya ngayon.

“Lagi kong natatagpuan ang sarili ko na pinag-iisipan ang mga bagay-bagay mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo,” sabi ni Andrew. “Ako lang ang Mormon sa aming paaralan, kaya’t madalas akong tanungin ng mga tao tungkol sa aking pinaniniwalaan. Nagamit ko na ang mga aralin at kasanayan mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa pagsasabi sa mga kaibigan at kakilala ko tungkol sa ebanghelyo.

“May ilang tanong o pag-uusap na maaaring mapunta sa ibang usapan,” pagpapatuloy niya, “pero kapag naipipihit ko ito sa makabuluhang usapan dahil sa mga bagay na napag-aralan ko, ang ganda ng pakiramdam ko.”

Tulad ni Andrew Mello, si Andrew Hovey, edad 19, ay tumanggap ng kopya ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo noong hayskul pa siya, ngunit napahalagahan lang niya ito nang maging university freshman na siya. Sa pag-impluwensya ng isang returned-missionary roommate ko at ng isang klase sa mission-preparation, nagsimulang maghanda nang husto si Andrew para sa kanyang misyon. Sabi niya, naging mas taimtim at makabuluhan ang kanyang mga panalangin, mas may direksyon ang kanyang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at mas makatotohanan ang mga plano niya para sa kanyang misyon. Bukod pa rito, sinimulan niyang gamitin ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo para magabayan ang kanyang mga pagsisikap.

Mula noon, nagkaroon na ng sistema si Andrew sa pagmamarka at pagkukulay ng kanyang mga banal na kasulatan upang tumugma sa mga alituntuning pinag-aaralan niya sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo gayundin sa pagtatala ng mga naiisip at nadarama niya sa kanyang pag-aaral. Ngunit mabilis niyang naunawaan na ang mahalaga ay hindi ang maayos na paraan ng pagmamarka o pagkukulay o pagtatala. Bagkus, “maaari kang gumawa ng sarili mong paraan na talagang aakma sa iyo,” wika niya. “Iyan ang maganda sa ebanghelyo. Magkakaiba tayong lahat, pero akma ang ebanghelyo sa ating lahat.

“Ganyan din sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Nagtuturo ito ng mahahalagang doktrina sa malalawak na paraan para magamit mo ito bilang gabay. Magagamit natin ito sa paraang kailangan natin para sa sarili nating pagkatuto o matulungan natin ang iba.”

Iniulat ni Patrick Smith, isa pang binata sa Hingham stake, na minsan sa isang buwan sa mga miting ng Aaronic Priesthood sa branch nila, nag-uulat ang mga kabataang lalaki tungkol sa anumang karanasan nila sa gawaing misyonero at pagkatapos ay nagtatakda ng oras para makasama sa mga full-time missionary.

“Kailan lang sumama ako sa mga misyonero para turuan ang isang pamilyang naturuan na ng kuwento tungkol kay Joseph Smith,” sabi ni Patrick. “Hinilingan ako ng mga elder na magturo tungkol sa pagparito ni Cristo sa lupa at pagtatatag ng Kanyang Simbahan. Malinaw na nakalarawan ang lahat sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo at nakalista ang mga banal na kasulatan para suportahan ang lahat. Nakasaad na ang lahat doon.

“Alam ko na ang mga bagay na ito at may patotoo ako tungkol sa mga ito, pero ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo at ang pakikipagpalitan sa mga misyonero ay nakatulong sa akin na maituro nang mas mainam ang mga alituntuning ito,” sabi ni Patrick. “Napatibay ng mga doktrinang nakasaad sa aklat ang natutuhan ko sa bahay at sa Primary noon pa man. At ang mga bagay na itinuturo sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay nag-aanyaya sa Espiritu, na siyang pinakamahalagang bagay na mapapasaatin kapag nagsasalita tayo tungkol sa Simbahan.”

Sa Pagtulong na Maisakatuparan ang Gawain at Kaluwalhatian ng Ama sa Langit

Umuwi na si Tom, na kuya ni Patrick, mula sa California Ventura Mission noong Agosto 2009. Nadarama niya na ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay isa sa mga pinakamainam na kasangkapan sa gawaing misyonero. Bagama’t pinasasalamatan ni Tom ang tulong na nagawa ng aklat sa kanya bilang misyonero, sinasabi niya na halos lahat ng pahayag ng mga propeta tungkol sa gawaing misyonero na nasa mga pahina 13–15 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay tumatalakay sa papel ng mga miyembro sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Diyan daw makikita kung gaano karaming gawaing misyonero ang dapat magawa ng mga miyembro at hindi lamang ng mga full-time missionary.

“Nang malapit na akong matapos sa misyon ko,” paggunita niya, “pinag-aralan ko ang mga responsibilidad ng mga misyonero at kung bakit ibinigay sa atin—na mga misyonero at miyembro—ang gawaing ito. Binasa ko ang Moises 1:39 at inisip ko ang gawaing misyonero ayon sa pananaw ng Ama sa Langit. Gusto lamang Niyang makabalik ang Kanyang mga anak sa Kanya. Natanto ko na ang ipinagagawa sa atin ay tulungan ang ating Ama na isagawa ang Kanyang gawain.

“Ngayon bilang miyembrong misyonero, alam ko na sa regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan (kabilang na ang pag-aaral ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo), panalangin, at paghahangad na makasama ang Espiritu, maaari tayong magtagumpay sa anumang adhikain. At kung hahayaan nating maging sentro ng ating buhay ang ebanghelyo at kikilos tayo upang higit itong maunawaan, magiging mas madali ang magbahagi at magpatotoo.”

Mga Tala

  1. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 177, 178.

  2. Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 6.

Mga larawan ng mga miyembro na kuha ni Melissa Merrill