2010
Mananaig ang Katotohanan
Setyembre 2010


Paano Ko Nalaman

Mananaig ang Katotohanan

Dapat ba akong magmisyon? Ang sagot na natanggap ko ay tunay na hindi mapag-aalinlanganan.

Lumaki ako sa isang aktibong pamilyang Banal sa mga Huling Araw sa England, pang-walo sa 10 anak. Itinuro sa amin ng matapat naming mga magulang ang ebanghelyo at nagpakita sila ng magagandang halimbawa. Ngunit pagtuntong ng 14 anyos, nahirapan na akong dumalo sa early-morning seminary, dumalo sa iba’t ibang klase at fireside, at sa mga aktibidad ng mga kabataan. Karamihan sa mga kaibigan ko ay hindi miyembro ng Simbahan at ibang-iba ang mga pamantayan sa kinalakhan ko at itinuro sa akin.

Nagsimula akong gumawa ng masasamang desisyon dahil gustung-gusto kong tumulad sa mga kaibigan ko at maranasan ang sinasabi nilang saya. Pagsapit ko sa edad na 15, lubusan na akong naging hindi aktibo sa Simbahan. Habang tumatanda ako, lalong naging makamundo ang buhay ko.

Gayunman, kasabay nito ay nagsimula akong may madama sa kaibuturan ng aking kaluluwa. Ang mga tanong tungkol sa layunin ng buhay at ang tadhana ng tao ay nagsimulang pumuno sa aking isipan. Ang dati kong mundo na inakala kong gustung-gusto ko ay naging napakadilim, napakalamig, at napakalungkot. Hindi lubos na nasiyahan ang kaluluwa ko sa iniaalok ng mundo. Pakiramdam ko ay dapat nasa ibang lugar ako bukod sa kinalakihan kong lugar, damdamin na nakalaan sa ibang gawain ang buhay ko.

Matapos madama at maisip ito nang ilang linggo, nagpasiya akong magdasal at humingi ng tulong, ang kauna-unahang pagkakataong nagdasal ako pagkaraan ng mahabang panahon. Nagpasiya akong maghintay hanggang gumabi, na tulog na ang lahat. Pagkatapos kong magdasal, nag-isip ako at nakinig, ngunit walang nangyari. Ilang linggo kong ipinagpatuloy ito hanggang sa matanto ko: siguro talagang hindi ako agad sasagutin ng Diyos dahil pinalaki ako sa ebanghelyo at sa kasamaang-palad ay hindi ko ito lubusang napahalagahan.

Isang gabi binago ko ang paraan ng pagdarasal. Sa halip na humingi ng sagot at asahang sasagot kaagad ang Panginoon, nangako ako na kung sasagutin ako ng Panginoon, maglilingkod ako sa Kanya bilang misyonero. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagdasal ako para malaman kung ang Aklat ni Mormon, si Joseph Smith, at ang mga turo ng Simbahan ay totoo. May nadama ako na lubhang makapangyarihan ngunit lubhang payapa kaya’t napaiyak ako.

Nagpunta ako sa aking bishop, na nagkataong siyang panganay kong kapatid, at hiniling kong makapagmisyon. Kinabahan ako, ngunit alam ko na dahil tinupad ng Panginoon ang Kanyang bahagi sa kasunduan, kailangan kong tuparin ang sa akin. Tumulo ang mga luha sa pisngi ng bishop ko nang ikuwento ko ang aking naranasan.

Pagkatapos ay sinimulan kong ideyt si Kelly, isang kaibigang hindi miyembro ng Simbahan. Ikinuwento ko sa kanya ang plano kong magmisyon. Nakita ni Kelly na nagbago na ako at nagtaka siya kung bakit. Humantong ito sa pakikinig ni Kelly sa mga misyonero at pagsapi sa Simbahan, at nagkaroon ako ng pagkakataong binyagan siya at makumpirma siya. Sa puntong ito inisip ko kung nakapaglingkod na ako sa Panginoon sa ginawa kong iyon. Nahirapan akong umalis, at determinado akong magdasal upang alamin kung tamang iwanan ko si Kelly at maglingkod sa misyon.

Pinili ko ang isang lugar sa kaburulan sa latian na tinatawag na Saddleworth Dovestones, kung saan hindi ako magagambala. Nagdala ako ng tanghalian, mga banal na kasulatan, at journal at nagpunta na, umakyat sa tuktok nito upang ialay ang hangarin ng puso ko sa aking Ama sa Langit. Habang nagdarasal, nakinig akong mabuti sa sagot, marahil ay isang payapang damdamin o pag-aalab ng dibdib, ngunit wala akong nadama.

Habang pauwi, napuna ko ang isang hanay ng mga bato sa lupa na maingat na inilagay upang baybayin ang mga salitang “Mananaig ang Katotohanan.” “Nakakatuwa,” naisip ko, pero wala nang iba. Gayunman, nang sabihin ko ito sa aking ina, sinabi lang niya, “Iyan ang sagot sa iyo.”

Alam ninyo, nang unang dumating ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw sa England noong 1837, sinimulan nila ang kanilang trabaho sa Preston. Noong panahong iyon nasa gitna ng malaking pagdiriwang ang lungsod para sa pamumuno ni Queen Victoria. Pagbaba ng mga misyonero mula sa kanilang kalesa, nakita nila ang isang bandera sa kanilang ulunan na nasusulatan ng malalaking titik na “Mananaig ang Katotohanan.”

Naging laganap ang paggamit ng mga katagang ito sa Simbahan at lumabas ito sa iba’t ibang lathalain. Isang elder, sa pag-uulat tungkol sa kanyang misyon sa Indiana, ang sumulat ng isang liham na inilathala sa Times and Seasonssa Nauvoo noong 1841: “Bagama’t pinili ng Panginoon ang mahihinang bagay sa mundong ito upang ipangaral ang kanyang ebanghelyo, mananaig ang katotohanan, at lalaganap.”1

May tiwala sa Panginoon, ipinasa ko ang mga papeles ko sa misyon. Pagsapit ng ika-21 kaarawan ko, kasabay ng liham sa birthday ko, dumating ang tawag na maglilingkod ako sa England London South Mission. Dahil hindi ako naging aktibo nang ilang taon, nakadama ako ng panghihina at kakulangan. Kalaunan ko lamang mauunawaan kung ano ang naunawaan ng misyonerong iyon noon: maaaring piliin ng Panginoon ang mahihinang bagay sa mundong ito upang ipangaral ang Kanyang ebanghelyo, ngunit mananaig ang katotohanan at lalaganap.

Nagtungo ako sa templo nang may pananampalataya upang ma-endow. Paglabas ko ng templo, nasalubong ko ang dalawang misyonerong naglingkod sa home ward ko. Habang nag-uusap kami, ikinuwento ko ang karanasan ko sa latian. Ngiting-ngiti ang isa sa mga elder at ipinaliwanag na sa isang partikular na araw ng paghahanda, naglakad sila ng kompanyon niya paakyat sa latian at pagdaka ay nadama nilang maglagay ng ilang bato sa tabing daan na bumabaybay sa pamilyar na mga katagang “Mananaig ang Katotohanan.”

Tumulo ang mga luha sa aming mga pisngi nang matanto namin ang nangyari. Alam ng mga taong pamilyar sa lugar na milya-milya ang haba ng mga daanan sa latian. Subalit napili ko pa ang mismong lugar kung saan inilagay ng mga misyonero ang mga batong iyon. Nalaman ko sa oras na iyon na sinagot ng Panginoon ang aking panalangin sa kaburulan noong araw na iyon.

Tala

  1. Jacob Gates, Times and Seasons, Dis. 1, 1841, 621.

Paglalarawan ni Brian Call