Nakilala ang Panginoon sa Tonga
Ibinabahagi ng mga miyembrong Tongan kung paanong ang pagsasakripisyo para sa gawain ng Panginoon ay nagbubuhos ng mga pagpapala.
Isang malamig, maulap na umaga sa hilagang-silangang Tongatapu, ang pangunahing isla sa Tonga, ay nagbihis na si Filimone Tufui Pasi para sa isang araw “sa kasukalan”—ang sinasabi ng mga Tongan sa pagtukoy sa pagtatrabaho sa kanyang bukid. Para makarating doon daraanan niya ang latian na nakapalibot sa kanyang bahay at lalakad sa ilalim ng matataas na puno ng niyog at malalapad na dahon ng taro.
Gayunpaman sa araw na ito, si President Pasi, isang tagapayo sa stake presidency, ay hindi nakapunta sa kanyang bukirin. Nagdatingan ang mga miyembro ng Simbahan at humingi sa kanya ng tulong. Isang taong mapagpakumbaba at hindi gaanong masalita, tahimik na tumango si President Pasi, bumalik muli sa kanyang tahanan, at ipinaliwanag ang sitwasyon sa kanyang asawang si Ana Malina. Maghapong gagawa si Ana at ang kanilang anak na babae ng telang tapa para makalikom ng perang gagamitin sa pag-aaral at para sa misyon ng mga anak ng pamilya Pasi.
Sa loob ng ilang minuto pabalik na si President Pasi sa grupo, nakasuot na ng polong puti at kurbata at handang tumulong. Ang desisyong ito ay kapalit ng kanyang kikitain sa buong araw. Ngunit iba ang ngiti ng kasiyahan sa kanyang mukha, nalalamang ginagawa niya ang gawain ng Panginoon. “Sinikap kong mamuhay nang ganito,” sabi niya. “Kaya siguro pinagpapala ako nang husto ng Panginoon.”
Ang gayong dedikasyon at katapatan ay karaniwan na sa mga Tongan na Banal sa mga Huling Araw, na nagpapatotoo na ang mga pagpapala ay dumarating sa pamamagitan ng tapat na pamumuhay sa ebanghelyo.
Pananampalataya na Maglingkod
Si Liola Christine Nau Hingano ay lumaki sa Simbahan, at madalas niyang makita ang mga misyonero na naglilingkod sa kanyang komunidad. “Gusto ko rin sanang magmisyon,” sabi niya. Pero, hindi magiging madali ang maglingkod.
Di pa natatagalan matapos maipasa ni Liola ang kanyang mga papeles para sa misyon, nagkasakit siya nang malubha. Natuklasan ng mga doktor na may tumor siya at kailangang maoperahan para maalis ito. Habang siya ay nasa ospital, natanggap ni Liola ang kanyang tawag na magmisyon—ang maglingkod sa Tonga. May dalawang buwan siya para magpagaling bago magsimula ang kanyang misyon, ngunit mahirap na panahon ito para kay Liola dahil inisip ng kanyang mga magulang na mahihirapan siya sa misyon at ayaw siyang payagang umalis.
“Ngunit naniniwala ako na dahil tinawag ako ng Panginoon, magiging mabuti ang kalusugan ko, kaya’t nagpasiya akong magmisyon,” sabi niya. “Nang pumasok ako sa missionary training center, binasbasan ako ng mission president at sinabing sa paglilingkod ko sa Panginoon, ako ay magiging malusog tulad ng iba pang mga misyonero.
“Napakahirap ng una kong area sa misyon. Milya-milya ang nilalakad namin bawat araw para lang makarating sa tinuturuan namin. Dala-dala namin ang mga banal na kasulatan, at napakainit ng sikat ng araw. Ngunit alam kong magiging maayos ako dahil ito ang sinabi sa basbas ng priesthood na ibinigay sa akin. At nangyari nga. Hinding-hindi ako nagkaproblema sa dati kong sakit.
“Lubos akong nagpapasalamat na nagkaroon ako ng lakas ng loob na magmisyon at hindi umatras. Nakagawa ito ng kaibhan kung sino ako ngayon—at sa aking patotoo. Nananalig ako sa ating Tagapagligtas at Ama sa Langit.”
Pagbukas ng mga Dungawan sa Langit
Tulad ni Liola na naglingkod nang tapat dahil sa kanyang patotoo, natamo naman ng iba ang patotoong iyan sa pamamagitan ng pagsunod. Ganyan ang nangyari kay ‘Anau Vuna Hala. Si ‘Anau ay nabinyagan noong siya ay bata pa ngunit kaagad ding naging hindi gaanong aktibo. Kahit na aktibong miyembro ang kanyang kapatid na babae, walang hangarin si ‘Anau na bumalik sa simbahan, at maraming taon siyang ganoon.
Noong binata na siya pinakasalan niya si Kinakuia (Kina) Hala, isang Banal sa mga Huling Araw. Isang araw natuklasan niya ang isang bagay na bumagabag sa kanya: nagsimulang magbayad ng ikapu ang kanyang asawa.
“Nadismaya ako,” sabi ni ‘Anau. “Hindi gaanong malaki ang kita ko bilang guro sa paaralan. Ayaw ko na siyang pagbayarin ng ikapu. Ilang taon kaming nagtalo tungkol dito.”
Sinubukan ni Kina ang lahat para makumbinsi ang kanyang asawa na ang pagbabayad ng ikapu ay mabuting ideya. “Pinapunta niya ang mga home teacher para ituro sa amin ang alituntunin ng ikapu,” sabi ni ‘Anau. “Marami akong natanggap na lesson tungkol sa ikapu, ngunit sinabi ko pa ring hindi.
“At isang araw hinamon ako ng aking asawa na sundin ang batas ng ikapu na kasama niya at tingnan kung ano ang mangyayari. Mahirap na desisyon iyon sa akin, ngunit gusto kong mapanatag na kami, kaya sinabi kong Sige.”
Hindi pa natatagalan pagkatapos niyon, nagsimulang mapansin ni ‘Anau ang mumunting pagbabago sa kanilang buhay. “Kapag una naming binabayaran ang aming ikapu at pagkatapos ang mga bayarin namin, kakaunti lang ang natitira sa amin,” paliwanag niya. “Pero nakakatanggap kami ng mga biyaya. Minsan nakakatanggap kami ng tulong na hindi inaasahan mula sa mga kaanak sa ibang bansa o tulong mula sa kung saan. Hindi kami kinakapos.”
Ang mga pagpapala ay hindi lamang pinansiyal. Sabi ni ‘Anau, “Naging aktibo ako sa Simbahan. Naging mas masaya ang aming tahanan. Nagdesisyon kaming mag-ampon ng sanggol, kahit alam naming magastos sa pagkain at iba pang pangangailangan. Ngunit alam namin na kung tapat kami at nagbabayad ng ikapu, ginagawa ang ipinagagawa ng Panginoon, kahit paano ay magiging maayos ang lahat. Nagkaroon pa ako ng mas magandang trabaho sa paaralan ng Simbahan, ang Liahona High School. At nabuklod kami sa templo.
“Nadarama namin na ang pinakamalaking mga pagpapala namin ay ang kapayapaan at kagalakan ng kalooban sa pagkaalam na matutugunan namin ang aming mga problemang pinansiyal kung nagbabayad kami ng ikapu. Mula nang tanggapin ko ang alituntuning iyan, pinagpala ng Panginoon ang aking pamilya. Alam kong ito ay totoo.”
Ang Epekto ng Ating Pananampalataya
Nalaman ni Kumifonua (Fonua) Taumoepenu na ang lakas ng pananalig ay maaaring dumating kahit dumaan pa ang maraming panahon ng pagkaligaw at pagiging hindi aktibo. Di nagtagal matapos siyang mabinyagan noong 1995, si Fonua ay naglingkod sa maraming katungkulan sa Simbahan. Nagtrabaho rin siya sa isang kompanya ng soft drink at naging matagumpay, at tumaas kaagad ang posisyon niya sa opisina. Ngunit madalas ay malayo siya sa kanyang tahanan at natagpuan ang sarili na dahan-dahang napapalayo sa kanyang pananampalataya. Pagkaraan ng ilang panahon nagsimula siyang gumawa ng mga bagay na alam niyang hindi niya dapat gawin.
Isang araw nakabangga ni Fonua ang isang grupo ng mga kalalakihan na, bagama’t hindi niya ginalit, ay binugbog siya nang husto kaya siya naospital. Habang naroon pinag-isipang mabuti ni Fonua ang kanyang buhay at ang mga maling desisyong nagawa niya. “Natanto ko na may mali sa pamumuhay ko,” sabi niya. “Ang maling halimbawa ko ang dahilan kung bakit mali rin ang mga desisyon ng aking mga anak. Ginagawa nila ang mga bagay na hindi nila dapat gawin.”
Nagpasiya si Fonua na panahon na para magbago. Nagsisi siya nang husto, naging karapat-dapat na makapasok sa templo, at nagsimulang pumunta doon nang regular. Isang gabi sa templo, pinag-isipan niyang mabuti ang kanyang buhay. “Alam kong karapat-dapat akong pumunta doon,” sabi niya, “pero di ako komportable. Nagbalik-tanaw ako sa buhay ko noon at sinuri ang nagawa ko. Hindi ako naging mabuting tagapaglingkod ng Panginoon. At kailangan ko rin ng mga sagot. Gusto ko ng isang bagong trabaho na magiging mas madali na manatiling malinis ang pamumuhay.”
Kaaalok lang kay Fonua ng isang magandang trabaho sa New Zealand. Hinikayat siya ng kanyang pamilya na tanggapin ito dahil bibihira lang dumating ang gayong mga trabaho. “Ngunit nag-alala ako na iwanan ang aking pamilya sa Tonga at kung paano ako mamumuhay nang malinis sa napakalayong lugar,” sabi niya.
Habang nasa templo, taimtim na nanalangin si Fonua sa Ama sa Langit. “Nangako ako sa aking sarili at sa Diyos na gagawin ko ang ipagagawa Niya sa akin. Kaiba ito sa anumang pangakong ginawa ko noon. At nakatangap ako ng sagot sa loob ng templo kung paano ko permanenteng babaguhin ang aking buhay.”
Sa halip na tanggapin ang trabaho sa New Zealand, nagpasiya si Fonua na manatili sa Tonga at maghanap ng mas magandang trabaho. Sa panahong ito, natawag siyang maging temple worker. Sa tapat niyang pagliligkod, sabi niya, “pinagpala ako ng Panginoon dahil pinili ko ang tama.” Kalaunan nagkaroon si Fonua ng malaking kontrata sa paglilinis ng mga gusali. “Isang napakalaking pagpapala ito. Maaari akong manatili sa Tonga kasama ang pamilya ko, maaalagaan ko sila, at makapaglilingkod ako sa templo.
“Lahat ng mayroon ako, lahat ng mga biyayang natanggap ko, ay nagmula sa paglilingkod ko sa Panginoon. Hinding-hindi ko malilimutan ang sandaling iyon sa templo. Maging ang mga anak ko ay pinagpala. Dati, nagdulot sila ng maraming problema sa mga miyembro ng Simbahan. Ngunit nagbago na sila. Nakikilahok na sila sa simbahan. Masayang-masaya na kami ngayon sa aming tahanan—lahat dahil sa Panginoon.”
Ang Sakripisyo ay Nagdudulot ng mga Pagpapala
Para kay Vaea Tangitau Ta‘ufo‘ou, ang pagiging tapat na miyembro ng Simbahan ay kinapapalooban ng makabuluhang pisikal na sakripisyo. Nang sumapi siya sa Simbahan sa edad na 19, nakatira siya sa Foa, isa sa mga isla sa Ha’apai. Ang isa sa una niyang mga tungkulin ay bilang isang lider na nangangalaga sa mga kabataan. Tulad ng iba pang mga lider madalas siyang dumalo sa mga miting sa Pangai, isang bayan sa kasunod na isla. Para makapunta roon kailangan niyang maglakad nang pitong milya (11 km) hanggang sa dulo ng isla. Pagkatapos kailangan niyang maghintay na kumati ang tubig para makadaan sa mababaw na tubig papunta sa kasunod na isla—iyon ay kung ang agos ay hindi gaanong mabilis—at pagkatapos ay magpapatuloy hanggang sa makarating siya. Ang paglalakbay ay inaabot ng halos maghapon, at minsan buong magdamag siyang maghihintay bago makauwi.
“Isang hamon ang pagpunta sa aming mga miting,” sabi ni Vaea. “Nguni hindi ito nagpahina ng loob namin. Pinatibay nito ang aming mga patotoo.”
Noong bata pa si Vaea, galit siya sa Simbahan dahil sa narinig niyang mga kasinungalingang ikinalat tungkol dito ng ibang tao sa nayon. Pagkatapos kinaibigan ng mga miyembro ng Simbahan ang kanyang pamilya. Ang kanilang mabuting halimbawa ay nagpalambot sa puso ng pamilya ni Vaea, at nabinyagan ang kanyang kapatid na babae. Makalipas ang isang taon sumapi siya sa Simbahan at masigasig na naglingkod.
Ilang taon na ang nakakaraan dumami nang husto ang mga miyembro sa kanilang district at may posibilidad na maging stake ito. Pagkatapos ng mga miting sa Pangai, kinailangan nang umuwi ni Vaea at ng iba pa. Ngunit pinababalik sila ng district president para sa mga miting kinabukasan at sinabihang dumating sila sa takdang oras. Para makauwi at makabalik kaagad, halos takbuhin ni Vaea ang kahabaan ng daan.
“Pagod na pagod ako, para bang mamamatay na ako dahil hiniling din ng aming district president na mag-ayuno kami para maorganisa namin ang stake. Ngunit nagawa ko ito. Nalaman ko ang kahalagahan ng pagpunta sa aming mga miting at pagdating sa takdang oras sa kabila ng mga hamon. Naniniwala ako na ang pagkatawag sa akin bilang bishop pagkatapos nito ay dahil sa handa akong magsakripisyo upang maglingkod at maging masunurin. Naniniwala rin ako na nakakagawa ng kaibhan ang ating pag-aayuno. Hindi nagtagal, dumating si Pangulong Howard W. Hunter [1907–95] at inorganisa ang stake.”
Gayunpaman, marahil ang pinakamalaking hamon kay Vaea ay ang pagpunta sa templo para mabuklod. Sila ng kanyang nobya ay nagpasiyang magpakasal, at kapwa nila gustong makasal sa templo. Ngunit ang pinakamalapit na templo noon ay sa New Zealand, at napakalaki ng perang kailangan para makarating doon.
“Sa buong taon, magkasama kaming nag-aayuno tuwing Martes para makahanap ng paraan na makapunta sa templo. Nakatira siya sa isang isla sa hilaga, ako naman ay sa Ha’apai. Mahirap iyon. Ngunit dalawang negosyante ang nakarinig sa aming kuwento, at nahikayat silang tumulong. Sila ang sumagot sa pamasahe namin. Sinabi nila na kung talagang gusto naming makasal sa templo, gagawa sila ng paraan. Wala akong anumang ari-arian o trabaho para mabayaran sila, ngunit wala silang hininging kapalit. Isang napakalaking pagpapala iyon.”
Mga Pagpapala sa Pamumuhay sa Ebanghelyo
Tulad ng mga halamang taro at puno ng niyog na nagbibigay ng pagkain sa mga taong nag-aalaga sa kanila, natutuhan ng mga Tongan na Banal sa mga Huling Araw na pinagpapala ng Panginoon ang mga taong naglilingkod sa Kanya. At tulad ng mga alon na patuloy na humahampas sa dalampasigan ng Tonga, ang Panginoon ay nananatiling bahagi ng buhay ng mga miyembrong ito. Ito man ay sa pamamagitan ng pagsisisi o ikapu o sa simple at araw-araw na pangangako, natagpuan nila ang kapayapaan, kapanatagan, at kaligayahan sa paglalaan ng kanilang sarili sa paglilingkod sa Panginoon. At nagpapatotoo sila na ang ganyang mga pagpapala ay makakamtan ng lahat ng gumagawa ng gayon ding pangako (tingnan sa Mosias 2:24, 41; D at T 130:20–21).