Ang Pinakamahalagang Regalo
“Wala nang kaloob na mas dadakila pa sa kaloob na kaligtasan” (D at T 6:13).
Tinulungan ni Sophie si Mama sa paglilinis ng bahay nila. Dadalaw ang mga misyonero ngayon. Palagi silang bumibisita sa bahay ni Sophie sa Colombia. Naghanda si Mama ng espesyal na pagkain: tamales, kanin, at mais na may sili.
Itinuro ng mga misyonero sa pamilya ni Sophie ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. Dalawang linggo pa lang ang nakararaan bininyagan ni Elder Kraig at ng bago niyang kompanyon na si Elder Jessen si Sophie, ang kanyang mga magulang, at ang dalawang kuya niya. Nadama agad ni Sophie ang kaibhan sa kanilang pamilya. Mas maraming tawanan, kantahan, at pagdarasal.
Habang kumakain nakinig si Sophie sa kanyang mga magulang at mga kuya sa pakikipagtalakayan sa mga misyonero tungkol sa mga banal na kasulatan. Nang mahugasan na ang mga pinggan, sinabi ni Elder Kraig, “Uuwi na ako sa susunod na linggo.”
Hindi natanto ni Sophie na malapit na siyang umalis. Nangilid ang mga luha sa sulok ng mata ni Sophie. Sumulyap si Sophie sa kanyang mga kuya. Medyo naluluha na rin sila.
Suminghot si Elder Kraig nang ilang beses. “May ibibigay ako sa inyo,” sabi niya kay Papa. May kinuha siya mula sa kanyang backpack. “Para po ito sa inyo at sa mga anak ninyong lalaki.”
Binuksan ni Papa ang kahon at kinuha ang anim na puting polong pangsimba sa Linggo. Matagal siyang nanahimik. “Hindi namin matatanggap ang ganito kagandang regalo,” sabi niya sa wakas.
Narinig ni Sophie ang panghihinayang sa tinig ni Papa. Walang mga puting polo ang kanilang pamilya para kay Papa at sa mga batang lalaki, at alam ni Sophie na gusto ni Papa na magpakita ng paggalang sa pamamagitan ng pagsusuot ng puting polo kapag nasisimba sila.
“Hindi ko naman kailangan ng maraming polo pag-uwi ko,” sabi ni Elder Kraig. “Magagawan po ninyo ako ng pabor kung ingatan ninyo ang mga ito.”
“Ngunit wala akong maibigay sa iyo,” sabi ni Papa. Itinuro niya ang Aklat ni Mormon. “Ibinigay mo na sa amin ang pinakamahalagang regalo. Inihatid mo sa amin ang ebanghelyo ni Jesucristo.”
Kinabukasan nagpasiya si Sophie na gumawa ng isang bagay para kay Elder Kraig. Matapos makipag-usap kay Mama, nagpasiya siyang gumawa ng maliit na hinabing kumot na tinatawag na serape. Hiniram niya ang panghabi ng kanyang ina, pumili ng mga kulay ng yarn, at araw-araw itong ginawa pagkalabas ng paaralan at pagkatapos ng mga gawaing-bahay. Kapag kumakapa ang kanyang mga daliri, maingat niyang tinatanggal ang mga hibla ng yarn at nagsisimulang muli.
Sa wakas natapos ang serape. Umasa siya na sana magustuhan ni Elder Kraig ang hinabi niyang mapusyaw na brown at cream. Ibinalot niya ang serape sa brown na papel.
Sa huling araw ng pagbisita ni Elder Kraig sa kanilang tahanan, ibinigay ni Sophie sa kanya ang regalo.
“Salamat, Sophie,” sabi ni Elder Kraig. Kumislap ang mga luha sa kanyang mga mata. “Ikaw at ang iyong pamilya ay hinding-hindi ko malilimutan.”
“At hindi ka namin malilimutan kailanman,” sabi ni Sophie.