Paggamit ng mga Miting ng Relief Society upang Magturo at Magbigay-sigla
Ginagamit ng inspiradong mga Relief Society presidency at lider ng priesthood ang mga miting ng Relief Society upang isakatuparan ang mga layunin at gawain ng Relief Society.
Natutuklasan ng mga kababaihan sa iba’t ibang panig ng mundo na nakatutulong ang mga miting ng Relief Society sa pagtuturo sa kababaihang Banal sa mga Huling Araw at naisasangkot sila sa gawain ng kaligtasan ng Panginoon.
Sa Pilipinas, nais ng mga lider ng Relief Society na suportahan ang Area Presidency sa kanilang hangarin na ihanda ang mga miyembro sa pagdalo sa Cebu Philippines Temple pagkatapos itong mailaan. Tinalakay nila ang mga ideya sa kanilang bishop. Bunga nito, nagdaos sila ng mga miting ng Relief Society tungkol sa paghahanda sa templo, kadisentihan sa pananamit, at mga biyayang dulot ng pagbabayad ng ikapu.
Sa Mexico City, kung saan madalas bumaha kapag panahon ng malalakas na pag-ulan, nag-organisa ang mga lider ng Relief Society ng mga proyekto upang tulungan ang kanilang mga kapatid at pamilya na maging handa sa mabilis na paglisan sa kanilang mga tahanan. Sa isa pang ward na may 20 balo, ang mga lider ay nag-organisa ng miting ng Relief Society upang tumulong sa pagsuporta at pagpapalakas sa mga kababaihang iyon.
Sa California, USA, ginamit ng isang Relief Society president ang kasalukuyang mga klase hinggil sa pagiging magulang upang palakasin at turuan ang mga bata pang ina. Sinimulan na nila ngayon ang mga klaseng ito sa Espanyol.
Sa Moscow, Russia, gustong pagtuunan ng pansin ng kababaihan sa isang Relief Society ang pagpapalakas ng kanilang mga pamilya at tahanan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mahahalagang kasanayan sa paggawa sa tahanan. Sinimulan nila ang mga klase sa pagluluto, pananahi, at pagpapaganda sa kanilang mga tahanan.
Ang mga karanasang tulad nito ay bunga ng pagpapatupad ng mga lider ng Relief Society ng bagong patakaran para sa mga miting ng Relief Society, na ibinalita sa pangkalahatang miting ng Relief Society noong Setyembre 26, 2009.1
Pagtutulungan
Ang Relief Society ang pinakamalaking samahan ng kababaihan sa mundo. Ang katotohanan na kumikilos ito sa ilalim ng patnubay ng priesthood ang dahilan ng pagiging kakaiba nito. Tinutulutan nitong kumilos ang ating Relief Society sa buong daigdig sa lahat ng kultura.
Bawat bishop o branch president ay may responsibilidad para sa partikular niyang unit. Bawat Relief Society president ay tinatawag upang umalalay sa isang bishop o branch president. Bawat lider ng priesthood at miyembro ng Relief Society presidency ay naitalaga at nabasbasan upang tumanggap ng inspirasyon para sa kanyang partikular na mga responsibilidad—at hindi para sa ibang ward o branch o grupo ng kababaihan ng Relief Society. Bunga nito, lahat ng Relief Society—ito man ay nasa Chile, Hong Kong, Ghana, o kahit saan—ay maaaring magplano ayon sa kaukulang pangangailangan ng kanilang kababaihan.
Narito ang mga halimbawa kung paano nakipagtulungan ang dalawang Relief Society president sa kanilang bishop:
Isang Relief Society presidency sa Pleasant Grove, Utah, ang nakipagkita sa kanilang bishop upang pag-usapan ang mga mithiin ng ward bago magplano ng mga klase sa Relief Society. Batay sa mga mithiing iyon, ang mga lider ng Relief Society ay nagplano ng isang miting kung saan ibinahagi ng isang babae sa ward kung paano niya ginagamit ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa family home evening. Nagsaayos din sila ng ilang workshop sa paghahalaman, kabilang na ang paraan ng pag-iimbak ng pagkain mula sa kanilang pananim. Tungkol sa mga pakikipagpulong ng presidency sa bishop, sinabi ng Relief Society president na, “Nadarama namin ang pagmamahal ng aming bishop, batid na ipinagdarasal niya kami sa Panginoon.”
Isang Relief Society president sa Lehi, Utah, gamit ang impormasyon mula sa reliefsociety.lds.org, ang nagmungkahi ng anim na buwang pakikipagpulong sa bishop. Sabi niya, “Hinikayat ko ang aking tagapayo na sanayin ang aming Relief Society meeting coordinator na magtuon sa mga layunin ng Relief Society sa pagpaplano nila para sa mga buwanang klase namin. Nang makipagkita sila sa mga miyembro ng komite ng Relief Society, hiniling nilang ipagdasal nila kung paano namin magagamit ang mga layunin ng Relief Society upang matugunan ang mga pangangailangan sa aming ward. Maraming iminungkahing ideya ang komite. Matapos magsalita at sumang-ayon ang bishop, tinapos namin ang aming mga plano.”
Pagdarasal para sa Inspirasyon
Ang mga Relief Society president na nananalangin at humihiling sa Ama sa Langit na sabihin sa kanila kung ano ang kailangan nilang matutuhan ay tatanggap ng maganda at detalyadong paghahayag. Sabi ng isang Relief Society president, “Batid ng Panginoon ang nasa puso’t isipan ng bawat isa sa ating mga kapatid. Batid Niya ang kanilang mga pagsisikap at dalamhati, ang kanilang kagalakan at kalungkutan. At tanging Siya lamang ang nakaaalam kung ano ang pinakamainam na makatutulong sa kanila. Kaya’t ang ating solusyon ay humingi ng patnubay nang may pananampalataya.”
Ang layunin ng Relief Society ay magbibigay ng ibayong lakas sa mga lider ng Relief Society, sa kababaihan, at sa kanilang mga pamilya. Ang mga miting ng Relief Society ay magiging lugar kung saan matuturuan at mabibigyang-inspirasyon ang kababaihan sa mga paraang tutugon sa kanilang mga pangangailangan at, gayundin, sa mga pangangailangan ng ward o branch.