Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Responsibilidad Nating Pangalagaan ang Bagong Henerasyon
Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dadalawin ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Mga Kawikaan 22:6; Mga Taga Efeso 6:4; Enos 1:1; Alma 53:20–21; 56:47; 57:27
Kung walang pangangalaga, ang ating bagong henerasyon ay nanganganib na matulad sa inilarawan sa Mosias 26. Maraming kabataan ang hindi naniwala sa mga tradisyon ng kanilang mga magulang at nahiwalay ayon sa kanilang pananampalataya, at nanatiling gayon magpakailanman. Maaari ding maligaw ng landas ang ating bagong henerasyon kung hindi nila nauunawaan ang kanilang bahagi sa plano ng Ama sa Langit.
Kaya ano ang magpapanatiling ligtas sa bagong henerasyon? Sa Simbahan, itinuturo natin ang nakapagliligtas na mga alituntunin, at ang mga alituntuning iyon ay mga tuntunin ng pamilya, mga tuntuning makatutulong sa bagong henerasyon na bumuo ng pamilya, turuan, at ihanda ang pamilyang iyon para sa mga ordenansa at tipan—at pagkatapos ay tuturuan naman ng susunod na henerasyon ang kasunod nito at ganito rin sa susunod pang mga henerasyon.
Bilang mga magulang, lider, at miyembro ng Simbahan, inihahanda natin ang henerasyong ito para sa mga pagpapala ni Abraham, para sa templo. Responsibilidad nating ituro nang napakalinaw ang mahahalagang punto ng doktrinang matatagpuan sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak. Ang pagiging ina at ama ay mga walang hanggang tungkulin at responsibilidad. Bawat isa sa atin, lalaki man o babae, ay may responsibilidad na ginagampanan sa plano.
Maituturo natin ang doktrinang ito sa anumang sitwasyon. Dapat tayong magsalita nang may paggalang tungkol sa pag-aasawa at pamilya. At mula sa ating halimbawa, magkakaroon ng malaking pag-asa at pag-unawa ang bagong henerasyon—hindi lamang mula sa mga salitang sinasambit natin kundi maging sa nadarama natin at ipinapakitang pagsunod sa mga alituntuning may kinalaman sa pamilya.
Julie B. Beck, Relief Society general president.
Mula sa Ating Kasaysayan
Nang magsalita sa kababaihan sa general Relief Society meeting noong Setyembre 23, 1995, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Ang mundong ginagalawan natin ay isang mundo ng kaguluhan, ng pabagu-bagong mga pagpapahalaga. Tumitili ang matitining na boses para sa isa o iba pang bagay at nagtataksil sa subok nang mga pamantayan ng pag-uugali.”1 Pagkatapos ay nagpatuloy si Pangulong Hinckley sa pagpapakilala sa kababaihan, sa Simbahan, at sa huli ay sa mga tao sa lahat ng dako ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”
Nang sumunod na mga taon ang dokumentong ito ng propesiya ay naisalin sa maraming wika at naipamahagi sa mga lider ng mundo. Hinihiling nito sa mga mamamayan at pinuno ng gobyerno na “magtaguyod ng mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak bilang pangunahing yunit ng lipunan.”2
Ang pagpapahayag ay naging pundasyon ng mga pinaniniwalaan ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa pamilya, isang pahayag na pinanghahawakan natin nang mahigpit at alam natin na sa pamumuhay ayon sa mga tuntunin nito, mapapatatag natin ang ating pamilya at tahanan.