Paglilingkod sa Simbahan
Pagbibigay sa mga Bata ng Pagkakataong Maglingkod
Sinumang naglilingkod sa Primary ay masasabi sa inyo na ang mga bata kadalasan ay nahihirapang pumunta sa Primary na handang maupo nang tahimik at matuto. Gaano man kahusay ang isang lider o gaano kamahal ng mga guro ang kanilang klase, magugulo pa rin ang mga bata kung minsan.
Sinabihan ang mga Banal sa mga Huling Araw na lahat ng bagong miyembro ng Simbahan ay kailangan ng responsibilidad.1 Ang pagkakaroon ng responsibilidad ay nakakatulong upang madama nila na bahagi sila ng Simbahan at binibigyan sila ng pagkakataong matuto at umunlad. Matatamasa ng mga bata ang mga pagpapala ring ito kapag binigyan sila ng pagkakataong maglingkod.
Hindi binibigyan ng katungkulan ang mga bata, ngunit maaaring mapanalanging maghanap ang mga lider ng Primary ng mga pagkakataong maglingkod kahit ang pinakamaliit na bata. Narito ang ilang ideya:
-
Sabihan ang isang batang nakatatanda na tulungan ang isang nakababata sa oras ng pagbabahagi.
-
Patayuin sa may pintuan ang isang batang maagang dumating para batiin ang iba pagpasok nila sa Primary.
-
Ipabahala ang mikropono sa isang batang nakatatanda para tiyakin na gumagana ito.
-
Pakuhanin ng chalk, pambura, mga krayola, o iba pang mga bagay ang ilang batang nakatatanda mula sa library.
-
Sabihan ang isang batang marunong mag-piyano na tumugtog ng pambungad o pangwakas na himno.
-
Paupuin ang dalawang magkaibigan sa tabi ng isang bisita o bagong miyembro at ipadama rito na malugod siyang tinatanggap.
-
Anyayahan ang isang bata na tumulong sa pagkumpas.
-
Patulungin ang ilang bata sa pag-aayos o pagbababa ng mga upuan.
-
Pabisitahin ang isang bata at ang pamilya nito sa isang batang bagong lipat sa inyong ward o branch.
-
Pahawakan sa isang bata ang isang larawan.
-
Pagdrowingin ang isang bata gamit ang simpleng chalk para gamitin sa iyong aralin.
-
Pag-imbentuhin ang piling mga miyembro ng klase ng mga galaw para sa isang bagong awiting pinag-aaralan nila.
-
Tulungan ang isang 11-taong-gulang na bata na magplano ng Primary activity day. Matutulungan nito ang bata na makumpleto ang isang kailangan sa Pananampalataya sa Diyos.
Gaano man kalaki o kaliit ang kanilang responsibilidad, alalahaning pasalamatan ang mga bata sa kanilang paglilingkod.
Nasiyahan akong makatulong sa mga bata sa pagkatuto nilang maglingkod. Karangalan ang mamasdan silang lumalaki at ginagamit ang kanilang mga kahusayan sa mga programa ng Young Men at Young Women na nasimulan nila sa Primary.